Chapter One

3624 Words
ISANG buntong-hininga ang pinakawalan ni Ciara matapos bumaba ng sariling kotse sa harap ng malaki at may kalumaan nilang tarangkahan. Pinagmasdan niya ito mula sa labas at hindi mapigilang hindi pansinin ang kinakalawang na kulay berdeng gate. Hinubad niya ang suot na color black cat-eye sunglasses at huminga nang malalim. Mula sa gate ay binaling niya ang tingin sa paligid at nakitang walang katao-tao sa daan. Hindi katulad noon na sa tuwing nagbabakasiyon siya sa kanilang probinsiya ay laging nakabukas ang malaking tarangkahan at labas-masok ang mga magagawa sa loob. Dinala ng hangin ang mahaba at aalon-alon niyang buhok. Nakasuot siya ng yellow floral square neck sundress. Mas tumitingkad ang kulay niyon sa tuwing tinatamaan ng sikat ng araw. Mula sa malawak nilang tubuhan sa harap ng mansiyon, umangat ang tingin niya sa haring-araw. Naningkit ang singkit na niyang mga mata. Talagang pinaghandaan niya ang pag-uwi dahil mahigit tatlong taon na ang nakalipas mula nang huli siyang makabalik. Natigilan siya sa pag-iisip at muling napatingin sa malaking gate nang marinig ang ingay na nililikha ng pagbukas dito. Bumungad sa kaniya ang katulong nilang si Aling Abeng na sa tingin niya ay nasa late fifties na ang edad. Nakaitim na bestida ito at simpleng bulaklaking blusa. "Señorita Ciara!" malakas na sigaw ng babae sa pangalan niya at mabilis na lumapit sa kaniya. Sinalubong niya nang malapad na ngiti at mahigpit na yakap ang babae. "Aling Abeng! Kumusta na ho?" Halos maluha-luha naman ang babae nang muli silang maghiwalay. Maingat nitong hinawakan ang magkabila niyang pisngi at saka malapad ang ngiting tumango. "Ayos lang ako, señorita! Nako, mabuti naman at nandito ka na! Miss na miss ka na namin!" Matapos ng mainit na pagsalubong ng babae, sumakay ito sa kaniyang kotse at tuluyan na niyang ipinasok ang sasakyan sa loob ng malawak nilang driveway. Habang pinapatakbo ang kotse, hindi niya maiwasang hindi tingnan ang mga nakahilerang puno ng mangga sa gilid ng daanan. Nakaramdam siya ng bahagyang lungkot nang makitang wala nang bunga ang mga puno. Ang mga dahon nito ay unti-unti nang namamatay at nagkalat sa ibaba. Hindi na ito kagaya noon na laging hitik sa bunga. "Nako, pasensiya ka na, Señorita Ciara. Hindi na namin nalinisan itong labas. Ang akala kasi namin ay mamayang hapon pa ang dating mo. Aba'y sina Luisita at Mando, hayon, abala pa rin sa pagluluto!" Matamis siyang ngumiti sa babae at marahang umiling. "Huwag n'yo na akong intindihin, Aling Abeng. Ang mahalaga, nandito na po ako." Nang marating nila ang harap ng mansiyon ay agad silang sinalubong nina Luisita at Mando sa malawak na hagdan sa labas. Kinuha ng mga ito ang mga dala niyang gamit at sabay-sabay na silang pumasok sa mansiyon nang may malalaking ngiti sa mga labi. Kahit na tila napaglipasan na ng panahon ang hitsura ng paligid ng mansiyon, napangiti siya nang taliwas sa inaasahan niya ang bumungad sa kaniya sa loob. Halatang hindi pinabayaan nina Abeng ang loob ng mansiyon dahil malinis at nasa ayos pa rin ang lahat ng mga kagamitan. Nakabukas ang lahat ng bintana at langhap ang samu't saring pagkain na nagmumula sa loob ng dining room at kitchen. "Mukhang masarap ang niluluto n'yo, ah?" puri niya sa tatlo at ibinaba sa mahabang sofa ang hawak niyang saddle handbag. "Ay, naku! Magugustuhan mo ang niluluto kong kare-kare, Señorita Ciara! Sandali na lang iyon at maluluto na!" pagbibida ni Mando, driver at kanang-kamay ng kaniyang lolo. Ibinaba nito ang mga maleta niya sa tabi ng mahabang sofa at nagpaalam sa kanila upang puntahan ang kusina. Lumapit naman sa kaniya ang nakangiting si Luisita, ito ang nakababatang kapatid ni Aling Abeng na nasa tatlompu ang edad. "Grabe, Señorita Ciara, ang ganda-ganda mo na noon bago ka umalis, pero ngayon, mas gumanda ka pa!" nakangiti nitong papuri sa kaniya habang tila nagniningning ang mga mata. "Para kang artista, señorita!" Natawa na lamang siya sa sinabi nito. Matapos ng maikling kuwentuhan ay tinawag na sila ni Mando upang makakain. Nang makapasok siya sa loob ng dining room ay agad siyang napangiti nang makita ang mahabang lamesa sa gitna. Punong-puno iyon ng mga bagong lutong pagkain. Umuusok pa ang iba sa mga ito. "Wow!" Nilanghap niya ang masarap na amoy ng mga pagkain. "Mukhang makakarami ako ng kain, Aling Abeng." Nagkatawanan sila dahil sa kaniyang sinabi. Akmang uupo na siya sa harap ng mesa nang biglang maalala ang taong kanina pa hinahanap ng mga mata niya. "Mang Mando, nasaan na po si Lolo? Gusto ko po sanang makita muna siya para magkasabay-sabay tayo sa pagkain," wika niya sa lalaki na agad na nagpatigil dito. Napansin niyang nagkatinginan ang tatlo at tila hindi makatingin sa kaniya. "May problema ba, Mang Mando?" baling niyang muli sa lalaki. Alanganin itong ngumiti at napakamot sa ulo. Halatang hindi nito kayang sabihin ang nilalaman ng isip kung kaya't binalingan na niya si Aling Abeng. "Señorito Ciara, ang dahilan po talaga ng pagpapauwi namin sa inyo rito, ay hindi lang dahil sa business ng pamilya ninyo, kundi dahil din sa kalusugan ni Don Corne." Mabilis siyang natigilan nang marinig ang sinabi ng babae. Pakiramdam niya ay dinamba ng malaking truck ang dibdib niya dahil sa labis na kaba. "Bakit? A-ano'ng problema sa kalusugan ni Lolo?" Mula sa kinatatayuan ay nilapitan niya si Aling Abeng. Nagpaalam naman sina Mando at Luisita sa kanila upang maiwan muna silang mag-isa. Humugot nang malalim na hangin ang babae. "Señorita Ciara, nitong nagdaang tatlong taon kasi, masiyadong naging malungkot ang lolo n'yo. Dahil sa mga problema sa inyong negosiyo, naapektuhan ang kalusugan niya at naging mahina na siya." Lumapit ang babae sa kaniya at hinawakan ang dalawa niyang kamay. Napabuga siya ng malalim na hangin. Ang buong akala niya ay simpleng problema lamang tungkol sa negosiyo ang dahilan kung bakit siya gustong pauwiin ng mga ito, hindi lang pala dahil doon kundi dahil din sa lolo niya. Iniwan niya sandali si Aling Abeng at lumabas ng dining room upang puntahan ang lolo niya sa kuwarto nito. Umakyat siya sa malaki at enggrandeng hagdan ng mansiyon at mabilis na kumaliwa. Bumungad sa kaniya ang mahabang pasilyo kung saan nakahilera ang mga pinto ng silid na may malalaking pinto. Sa pinakadulong bahagi naman ang kuwarto ni Don Corne. Kumatok siya ng tatlong beses bago pinihit ang siradura at pumasok sa loob. Bumungad sa kaniya ang lamig na nagmumula sa aircon at gumagala sa buong silid. Iginala niya ang tingin sa buong paligid; malawak ang espasiyo at puno ng mga makalumang gamit. Bahagyang madilim ang kuwarto dahil nakasara ang lahat ng bintana at tanging ang lampshade sa ibabaw ng bedside table sa magkabilang gilid ng kama ang nakabukas. Tuluyan siyang pumasok sa loob at marahang sinara ang pinto sa kaniyang likuran nang makitang mahimbing na natutulog si Don Corne sa malaki nitong kama. Naglakad siya patungo sa malaking glass door ng balkonahe saka iyon binuksan. Sumabog ang liwanag sa buong kuwrto. Sunod niyang hinawi ang bawat kurtina ng mga bintana. "Sino iyan! Sino ang nagbukas ng mga bintana!" napaigtad siya nang dumagundong sa loob ng kuwarto ang malalim at namamaos na boses ng matanda. Agad niya itong nilapitan habang may isang ngiti ang nakasilay sa kaniyang mukha. "Lolo Corne, it's me!" Mabilis na naglaho ang kunot sa noo ni Don Corne at agad na nagliwanag ang mukha nito. Pinilit nito ang sarili na umupo na agad naman niyang inalalayan. "Ciara, my grandchild, ikaw ba talaga iyan?" bakas ang matinding kasiyahan sa namamalat na boses ng don. Ginupo na ng katandaan ang lolo niya. Puti na ang lahat ng buhok nito at kunot na rin ang mga balat maging ang mukha. Malapad ang ngiting tumango siya at mahigpit na yumakap dito. "I miss you so much, lolo!" Ibig namang umiyak ni Don Corne habang yakap nito ang nag-iisang apo. Tatlong taon na rin ang lumipas simula nang makita niya ito. Sabik na sabik siya sa babae. "Are you staying here for good, Ciara?" untag ng don nang muli silang maghiwalay. Umupo siya sa gilid ng kama at bahagyang tumango. "Yes, lolo. I'll stay here and take care of you." Sumilay ang malapad na ngiti sa mga labi ng matanda. "This is why I don't want to sell my hacienda. Umaasa pa rin ako na babalik ka rito at mananatili sa tabi ko." Bahagyang naglaho ang ngiti sa mga labi niya dahil sa narinig. "May balak kayong ibenta ang hacienda, lolo?" Agad na naglaho ang ngiti sa mga labi ng matanda. Nagbaba ito ng tingin at bumuntong-hininga. "Hindi pa rin ba sinasabi sa iyo nina Abeng ang tungkol sa kalagayan ng ating negosiyo?" Tuluyang lumalim ang kunot sa kaniyang noo at muling tumayo. "Yeah, nasabi nila sa akin na may problema tayo sa negosiyo, pero hindi nila nasabi na ganoon kalala. Lolo, what's happening?" Muling nagbuga ng malalim na hangin si Don Corne. "I'm sorry, my granddaughter. Sa halip na nasa Maynila ka and having the time of your life, naririto ka ngayon sa tabi ko. Pinoproblema ang mga problemang ako ang may gawa." Mabilis na lumambot ang mukha ni Ciara dahil sa sinabing iyon ng matanda. Muli siyang umupo sa tabi nito at mabining ngumiti. "Don't worry, lolo. Twenty-one years old na ako ngayon, handa na ako." Matapos nilang mag-usap ay agad niyang ipinatawag si Luisita upang magdala ng pagkain para sa lolo niya. "Dahil sa atakeng nangyari kay Don Corne noong nakaraang buwan, nakaratay na lamang siya sa kama." Umiling si Aling Abeng habang naglalagay ng sabaw sa mangkok na para sa kaniya. Matapos niyang pakainin mismo ang matanda ay nagdesisiyon siyang bumaba para kumain na rin ng tanghalian. Naguguluhang binalingan niya ng tingin ang babae. "Aling Abeng, ano ba talaga ang problema ni Lolo sa negosiyo namin? Bakit kailangan niyang ibenta ang hacienda? Bakit umabot pa sa puntong inatake siya sa puso?" Ibinaba ni Aling Abeng ang mangkok sa harap niya at bumubuntong-hiningang umupo sa silyang katabi niya. Bago magsalita ay nilingon pa nito ang malaking pinto ng dining room bago muling binaling ang atensiyon sa kaniya. "Señorita Ciara, hindi ko alam kung ako ba ang dapat na magsabi sa iyo nito, pero... lubog na sa utang ang Hacienda Lancheta." Tila bombang biglang sumabog ang mga salitang iyon sa pandinig ni Ciara. Sa sobrang lakas ay tila nabibingi siya. "Hindi ko kayo maintindihan. Paano mangyayari iyon, e napakayaman ni Lolo?" Umiling si Abeng at bakas din ang pagkalito sa mukha nito. "Señorita Ciara, hindi ko rin po sigurado, ang alam ko lang, malaking pera ang nawawala sa lolo ninyo. Nalugi ang tubuhan, pero pinilit pa rin ng inyong lolo na ipagpatuloy ang transaction sa mga kanegosiyo ninyo. Nagkaroon ng malaking problema nang magreklamo ang mga manggagawa. Ilang buwan silang hindi sinuwelduhan ng inyong lolo, tumigil ang mga tao sa pagtatrabaho. Malaking perwisiyo ang nangyari at kahit itong mansiyon, naisanda na sa bangko." Umawang lalo ang bibig niya at unti-unting napailing dahil sa gulat. "Hindi puwedeng mangyari iyan. Imposible, Aling Abeng!" Napapikit nang mariin ang babae at hinawakan siya sa dalawa niyang kamay. "Baon na sa utang si Don Corne, señorita. At ang tanging paraan upang hindi siya makulong at mabayaran ang ilan sa pinagkakautangan niya, kailangan niyang ibenta ang Hacienda Lancheta." Muli siyang natigilan. "Mabayaran ang ilan..." Marahas siyang nagbuga ng hangin at isinandal ang likod sa upuan. Mula sa pagkain ng tanghalian hanggang sa matapos sila ay ayaw mawala sa isipan niya ang problemang kinakaharap nila. Maski siya ay nagdadalawang-isip kung ano ang gagawin. Tutol siya sa pagbibenta ng kanilang asyenda, ngunit ayaw rin niyang mapahamak ang kaniyang lolo oras na hindi nito nabayaran ang mga utang nito. At ang mga taong naghirap sa pagtatrabaho at hindi nabigyan ng suweldo, naaawa siya sa mga ito. "Bakit humantong ang lahat sa ganito? Ano'ng nangyari?" bulong niya sa kawalan habang nakatayo sa balkonahe ng malawak na living room. Tanaw niya ang malawak nilang bakuran mula sa kung nasaan siya. Awang-awa siya sa sinapit ng asiyenda nila. Nalugi na nga ang kanilang tubuhan, pati itong manggahan nila ay hindi na rin mapakinabangan. Ilang minuto rin siyang nakatulala sa malawak nilang lupain. Nang may biglang maisip mula sa sinabi sa kaniya kanina ni Abeng, mabilis niyang hinanap ang babae sa buong mansiyon. Natagpuan niya ito sa dati niyang kuwarto habang nagpapalit ng mga kumot at punda. Iginala niya ang mga mata sa buong silid. Kahit paano pala ay na-miss niya ang kuwartong iyon. Napangiti siya bago lumapit sa kama kung nasaan si Abeng. "Aling Abeng, may kailangan akong malaman." Tumugon ang babae sa pamamagitan ng pag-angat nito ng tingin sa kaniya. Abala ito sa ginagawa kaya manaka-naka nitong binabalik ang tingin sa pagpapalit ng punda sa mga unan niya at sa kaniya. "Ang sabi n'yo, malaking pera ang nawawala kay lolo. Hindi kaya may nagnanakaw sa kaniya?" Mula sa mga unan ay nabaling muli sa kaniya ang tingin ng babae. Bumuntong-hininga ito at nagkibit-balikat. "Naku, hindi ko sigurado, Señorita Ciara. Hinala namin na may malaking perang nawawala sa lolo mo dahil nawalan ng pondo para sa tubuhan. Kinailangan niyang umutang sa bangko para matustusan ang kinakailangan sa tubuhan. E, wala rin namang nangyari dahil nag-alisan na ang mga trabahador." Napalunok siya sa mga narinig. "Itong mansiyon, kailan ito kukunin ng bangko?" Muling tumigil si Abeng sa ginagawa at naupo sa tabi niya. "Sa susunod na buwan." Mabilis kumunot ang noo niya sa narinig. "What? But why so sudden?" Maagap na hinawakan ni Abeng ang kaniyang kamay. "Matagal na ang palugit, señorita. Ngayon lang namin naipaalam sa iyo dahil inatake na sa puso si Don Corne. Hindi na namin alam ang gagawin." Gusto niyang umiyak sa mga nalaman. Tumayo siya at nagpalakad-lakad sa harap ng babae. Hindi siya mapakali. "I don't want to lose the mansion, Aling Abeng. Ito na lang ang tanging alaala sa akin ng mga magulang ko." Isang lunok ang kaniyang ginawa. Hindi niya mapigilan ang makaramdam ng p*******t ng dibdib dahil sa mga nangyayari. Hindi ito ang inaasahan niya sa pagbabalik niya. "Kaya nga gusto namin ipabenta ang asiyenda ng lolo mo, pero nagdadalawang-isip naman si Don Corne dahil nagmula pa sa kanuno-nunuan ninyo ang asiyendang ito. At isa pa, hinihintay niya ang pagbabalik mo." Tumigil siya sa paglalakad at nilingon si Abeng. Lumunok siya nang ilang beses bago bumuntong-hininga. "Ilan ba lahat ang utang ni Lolo?" nagdadalawang-isip siyang itanong iyon dahil pakiramdam niya, hindi pa niya kayang malaman kung gaano kalaki ang problema nila. Pero halos tatlong linggo na lang bago matapos ang buwang iyon, kaunti na lang ang natitirang oras nila para gumawa ng paraan. Kaya kahit tila hindi kaya ng puso niya, pilit niyang pinatatag ang sarili. Para namang nahihirapan si Abeng na sabihin sa kaniya ang gusto niyang malaman. May ilang minuto pa itong nag-alinlangan bago humugot ng hangin at tuluyang nagsalita. "Mahigit... mahigit isangdaang milyon." Tuluyan siyang nawalan ng lakas ng loob nang marinig ang malaking utang ng lolo niya. Nanlalambot ang mga tuhod na napaupo siya sa ibabaw ng kama at tumitig sa kawalan. Handa na sana siyang tumulong sa kanilang negosiyo pero sa problemang bumungad sa kaniya, hindi niya alam kung makakayanan niyang lutasin iyon. Magagawa pa ba niyang buhayin ang asiyenda na matagal nang pagmamay-ari ng kanilang angkan? "Iyong isangdaang milyon, para iyon sa utang niya sa bangko at sa kailangan niyang bayaran sa mga kanegosiyo niya. Wala pa roon ang kaniyang utang sa mga manggagawa." Akala niya ay iyon na ang pinakamalaking problema nila, mayroon pa pala. At iyon ang mga manggagawang hindi pa rin napapasuwelduhan ng kaniyang lolo. "Sa lawak ng lupain at sa rami ng nagtatrabaho kay lolo, malamang, malaking halaga rin ang kakailanganin para mabayaran sila." Humugot siya ng malalim na hangin upang punuin ang dibdib saka iyon binuga. Nais niyang gumaan ang dibdib niya pero isipin pa lang kung gaano kalaki ang perang kailangan nila, para siyang dinadaganan ng malaking bato sa dibdib. Saang kamay ng Diyos naman siya kukuha nang ganoong kalaking halaga? Mariin siyang lumunok at umiling. "Pero kung ibibenta natin ang hacienda, marami pa ring mga tao ang madadamay." Narinig niya ang pagbuntong-hininga ni Abeng. "Iyan din ang isa sa mga dahilan ng lolo mo, kaya ayaw niyang ibenta ang asiyenda ninyo." Nagtatalo ang isip at puso niya. Pakiramdam niya, kahit anong desisiyon ang piliin niya ay talo pa rin sila. "May isa pang paraan... " Labag man sa kaniyang loob, wala siyang nagawa kundi magdesisiyon nang mismong oras na iyon. Tumatakbo ang oras at hindi ito hihinto upang hintayin sila. "Ano naman iyon, Señorita Ciara?" Binitiwan ni Abeng ang ginagawa nito at puno ng pag-asang tinitigan siya. Tumayo siya sa harap ng babae at sandaling tumitig sa kawalan. "Kung ibebenta natin ang mansiyon, kailangan natin makahanap ng buyer na papayag sa mga kasunduang ilalatag natin." Matagal na natigilan si Abeng bago ito tumayo at bumalik sa ginagawa kanina. "Naku, Señorita Ciara, isa pa iyan sa problema." Muling nalukot ang kaniyang mukha. Binalingan niya ang babae at hinintay ang susunod na sasabihin nito. Bumuntong-hininga si Abeng. "Matagal na kaming naghahanap ng buyer, pero walang gustong bumili. Dahil sa nangyari sa sugar plantation, sa background ng lolo mo at sa galit ng mga tao, walang gustong bumili ng Hacienda Lancheta hangga't hindi bumababa ang presiyo nito." "Ano?" bakas ang pinaghalong gulat, inis at pag-aalala sa kaniyang mukha. "Sa tingin ko, kung ibebenta ninyo ito ng seventy million hanggang eighty million, may tiyansang mabibenta ito agad." Marahas siyang umiling. "Hindi puwede iyon, Aling Abeng. Malaki itong Hacienda Lancheta at mayroon itong mahigit limang libong ektarya!" Napapikit si Abeng at napaupo muli sa gilid ng kama. "Iyon na nga rin ang katuwiran ni Don Corne, pero kung hindi tayo makakahanap agad ng buyer, kukunin na ng bangko itong mansiyon at makukulong pa ang lolo mo." Sandali siyang tumahimik at nag-isip ng maaaring gawin. Matapos ng ilang minutong pagtatalo ng kalooban, muli siyang nagdesisiyon. Agad niyang kinuha ang kaniyang DSLR camera at binalak na lumabas ng mansiyon upang kumuha ng iba't ibang larawan ng camera. Mariin naman siyang pinigilan ni Abeng sa kadahilanang maraming tao ang galit sa lolo niya. Natatakot ang mga itong madamay siya sa galit ng mga tao dahil nagsimula nang maging bayolente ang ilan sa mga ito. "Naiintindihan ko na sila ang agrabyado rito, pero hindi iyon sapat na dahilan upang manakit sila ng kanilang kapwa," malungkot na wika ni Abeng. Nasa malaking sala silang tatlo nina Luisita habang hinihintay ang pagbabalik ni Mando. "May nasaktan ho ba rito sa inyo nang maging marahas ang mga tao?" nag-aalala niyang tanong nang marinig ang sinabi ng babae. "Hindi kami," singit ni Luisita habang malungkot na nakatingin sa kaniya. "Ang pamangkin ni Mando. Nanatili iyon dito ng dalawang araw. Inabutan siya ng pagwiwelga sa harap ng mansiyon ng mga tao. Ang ilan sa kanila, nagpaulan ng bato sa loob, natamaan sa ulo ang pamangkin ni Mando. Mabuti na lang dahil hindi malala ang tama ng kawawang bata." Nagbawi siya ng tingin at bumuntong-hininga. Napapapikit niyang isinandal ang likod sa sofang inuupuan. Hindi niya alam na ganito kalala ang naghihintay sa kaniya sa Hacienda Lancheta. Maggagabi na nang makabalik si Mando, dala nito ang camera niyang may mga kuha na ng buong asyenda. Sinigurado ng lalaki na ang pinakamagandang anggulo ng asyenda ang kinunan nito. Pagsapit ng gabi ay sandaling nagbabad si Ciara sa bathtub upang ipahinga ang utak niya. Pagkatapos niyon ay agad niyang in-upload ang mga larawan sa kaniyang blog. Nakalagay na roon ang lahat ng kakailanganing malaman ng magiging interesado sa Haciena Lancheta. Ipinaalam niya rin sa matalik niyang kaibigang si Heizel ang problema niya at ang binabalak niyang gawin. Nakahanda itong tumulong sa pamamagitan ng pagkakalat ng tungkol sa blog niya at sa pagsasabi sa ama nitong kilala rin sa business industry upang makahingi rito ng tulong. Kahit papaano ay gumaan ang loob niya dahil may kaibigan pa rin siyang handang manatili sa oras na kailangan niya ito, hindi lang sa mga oras na masaya siya. Si Heizel ay influencer kaya maraming tao sa social media ang nakakakilala rito. Sa halip na sundin ang payo ni Abeng na gawing eighty million ang presiyo, sumubok pa rin siyang ibenta ito sa halagang isangdaang milyon. Kung susundin niya ang payo ng babae, malaking halaga pa rin ang kulang nila at hindi niya alam kung saan kamay ng Diyos niya kukunin iyon. Kahit papaano naman ay maraming nakakakilala sa kaniya, labas man ang apelyidong Lancheta niya. Kaya umaasa siyang makakatanggap ng magandang balita sa hinaharap. Nakatulugan na niya ang pag-iisip ng problema. Mabigat man ang dibdib, dahil sa pagod sa biyahe at sa pag-aalala, madali siyang nakatulog nang lumapat ang likod niya sa malambot na kama. Nagising siya mula sa sunod-sunod na pagtunog ng kaniyang selpon. Nakapikit siyang bumangon at mabilis na nilingon ang malaking orasang nakasabit sa pader ng kaniyang silid—alas-kuwatro pa lang ng madaling araw. "Who the hell would call in this hour!" galit niyang turan at inabot ang selpon sa espasiyong katabi niya. "Heizel?" nagtataka niyang basa sa pangalan ng caller. Sinagot niya ang tawag at ang tumitiling boses nito ang bumungad sa kaniya. "I have a good news, dear friend!" Tuluyan niyang naimulat ang mga mata sa sinabi nito. Agad niyang naisip ang p-in-ost tungkol sa asyenda nila. "What? What is it?" kinakabahan niyang wika. "May buyer na tayo!" Umawang ang bibig niya sa sigaw ng kaibigan sa kabilang linya. "A-are you sure? Hindi ka ba nananaginip?" "I am one hundred percent sure! Kaibigan siya ni Dad mula pa sa Greece!" excited na tugon ng babae. "Greece? Hindi pinoy?" nagtataka niyang tanong. "Pinoy pero nandoon siya ngayon sa Greece." "Sino ba iyan? A-ano'ng pangalan?" sunod-sunod niyang tanong. Bigla siyang nabuhayan dahil sa magandang balita. Pakiramdam niya ay lalabas na ang kaniyang puso mula sa loob ng dibdib. "His name is Linus Gallardo! A multi-billionaire businessman and a certified bachelor!"
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD