Chapter Two

2450 Words
NATIGILAN si Ciara kasama sina Abeng at Mando nang makitang naglalakad pababa ng hagdan si Don Corne. "Magandang umaga, apo ko!" nakangiti nitong bati at halata ang katuwaan sa buong mukha. Mabilis siyang lumapit sa matanda at inalalayan ito. "Lolo, bakit ka bumaba? Mamaya niyan, sumama bigla ang pakiramdam mo." Tumawa ang matanda nang tuluyang makababa ng hagdan. Mula sa hagdanan, tumungo ito at umupo sa pang-isahang upuan sa receiving area ng mansiyon. Itinaas nito ang kaliwang kamay at agad na lumapit sina Abeng at Mando. "Abeng, ikuha mo nga ako ng kape. Gusto kong magtanghalian dito sa ibaba." Mula sa babae ay binaling naman nito ang tingin kay Mando. "Ikaw naman, puntahan mo ang lahat ng bintana at buksan. Naiinitan ako." Mabilis na tumalima sa utos nito ang dalawa. Umupo naman siya sa mahabang sofa na nakaharap sa matanda. "Lolo, sigurado ka bang ayos ka lang?" nagtataka niyang tanong. Nag-aalala siya sa kalagayan nito. Kahapon lang nang dumating siya, halos hirap na itong gumalaw at malat pa ang boses. Pero ngayon, masigla ito at malapad ang ngiti sa mga labi. Pati sa boses nito ay mahahalata mo ang kasiglahan. "Oo naman, my granddaughter. Huwag ka nang mag-alala, mas malakas pa ako sa kalabaw!" sinundan nito ng tawa ang sinabi. Nagpakawala siya ng buntong-hininga bago ngumiti sa matanda. Matapos buksan ang mga malalaking bintana, patakbong tinungo ni Mando ang malaking pinto ng bahay. "O, Mando, bakit ka tumatakbo? What's the rush?" tanong ni Don Corne sa lalaki. "Don Corne, nandiyan na yata sina Luisita at Ronnie." Napalingon siya sa lalaki nang marinig ang pangalang binanggit nito. Mula rito ay mabilis niyang nilingon ang matanda. "Lolo, bakit mo pinatawag si Ronnie? May pinaimbistigahan ka ba?" Nakasilay ang ilang gitla sa noo niya. Mabining ngumiti ang matanda. "Yes, my granddaughter. We should investigate about this Linus Gallardo. Kailangan natin makilala ang taong bibili ng Hacienda Lancheta." Dahil sa labis na katuwaan kaninang madaling araw sa balitang natanggap, agad niyang ipinaalam sa matanda ang tungkol sa magandang balita. Noong una ay nagtataka pa ito kung bakit nagdesisiyon siyang ibenta ang asyenda nila, ngunit nang sabihin niya rito na ayaw niyang makulong ito, ayaw niyang mawala sa kanila ang mansiyon at gusto na niyang maibalik ang pera ng mga manggagawa, wala itong nagawa kundi sumang-ayon. "Oh, Ronnie, come in! Come in!" ani Don Corne nang makapasok ang isang lalaking katamtaman ang taas at pangangatawan. Nakasuot ito ng itim na jacket at maong pants. Kung pagmamasdan mabuti ay masasabing nasa apatnapu ang edad nito. "Dala mo na ba ang kailangan ko?" Tumango ang lalaki bago umupo sa pang-isahang upuan sa tabi ng lolo niya. "Very private na tao si Mister Gallardo, Don Corne. Maliban sa napakayaman nito at kasalukuyang nasa Greece at nakatira doon, walang makikita na ibang impormasiyon tungkol sa kaniyang personal na buhay. Maliban na lamang sa isang bagay na hindi naman nakatago sa lahat ng tao." "Ano naman iyon?" hindi niya mapigilan ang hindi sumali sa usapan ng mga ito. Nilingon siya ng lalaki at saka bahagyang tumikhim. "Kinasal na siya noon." Agad na kumunot ang noo niya sa narinig. "Kinasal?" ulit niya sa sinabi nito. "Pero ang sinabi ng kaibigan ko, isa siyang bachelor." Tumango ang lalaki. "Iyan ang alam ng iba, pero kinasal na siya two years ago." Bahagyang tumango si Don Corne. "Ano naman ang kinalaman ng pagpapakasal niya sa trabaho?" "Malaki, Don Corne," ani ng lalaki. Nagkatinginan sila ng kaniyang lolo bago muling nabaling sa lalaki ang paningin nito. "Ikinasal siya noong Hunyo 05, 2015 sa isang babaeng nagngangalang Donya Milagrosa Buenavista, isa sa mga kilalang businesswoman sa ating bansa." Mabilis na kumunot ang noo ni Don Corne at nagtatakang tinitigan ang lalaki. "Si Mila Buenavista?" Tumango si Ronnie sa tanong nito. Binalingan naman niya ang matanda. "Kilala mo, lolo?" Sa halip na sagutin ang tanong niya, nagtatakang umayos ng upo ang matanda at mataman na tumitig sa lalaking si Ronnie. "How old is this Linus Gallardo?" magkasalubong ang kilay na tanong ni Don Corne. "Twenty-three, Don Corne." Tumaas ang isang kilay niya. Mukhang mas bata pa ito kaysa sa inaasahan niya. Halos dalawang taon lang itong mas matanda kaysa sa kaniya, pero isa na itong multi-billionaire? Nang-uuyam na tumawa ang matanda. "Thought so," anito na nagpalito lang lalo sa kaniya. "What do you mean, lolo?" "Apo, this Linus Gallardo is a user. A gold digger!" Umismid ang matanda. Mas lalo siyang nagulahan. Napansin naman iyon ni Ronnie kaya ito na mismo ang nagpaliwanag sa kaniya. "Apatnapu ang tanda ni Donya Mila sa lalaking ito, Señorita Ciara." Umawang ang bibig niya at nanlaki ang mga mata. Apatnapu? Ulit niya sa isip. "Namatay si Donya Mila noong nakaraang taon at sa kaniya naiwan ang lahat ng kayamanan ng donya." Pakiramdam niya ay naputulan siya ng dila. Hindi niya magawang magsalita dahil sa mga nalaman. "Parasite," narinig pa niyang matigas na wika ng kaniyang lolo. Dumating naman si Abeng tangan sa dalawa nitong kamay ang tray kung saan naroon ang isang kape, dalawang orange juice at tatlong slice ng almond cake. Inilapag nito sa ibabaw ng coffee table sa harap nilang tatlo ang dala nito. Nagtaka naman ang babae dahil sa pagtahimik nila. "I will not sell my land to that leech!" matigas na wika ni Don Corne matapos nitong makapasok sa sariling kuwarto. Napabuntong-hininga siya habang nakasunod sa likuran nito. Napasandal siya sa pader at nilingon ang tatlong kasama na nasa loob din ng silid ng lolo niya. Mababakas ang panghihinayang sa mukha ng tatlo. Matapos nilang makausap kanina si Ronnie, naging bokal na si Don Corne sa pagtutol nitong ibenta ang asiyenda nila sa lalaking si Linus. "Kung bakit kasi nagpaimbistiga pa si Don Corne, e. Ano nang gagawin natin ngayon, Señorita Ciara?" nababahalang tanong ni Abeng sa kaniya. Siya man ay nais nang mainis sa mga nangyayari. Kung bakit kasi sa dinami-rami ng taong maiisip bumili ng hacienda nila ay itong si Linus Gallardo pa? Wala silang nagawa kundi bumaba ng mansiyon at magtungo sa dining room. Doon ay kumain muna sila habang si Luisita naman ay dinalhan na lamang ng pagkain ang don. Nawala ang gana nito dahil sa mga nalaman mula sa imbistigador. Siya rin naman ay nawalan ng gana. Pinagmamasdan niya lamang ang piritong manok at macaroni salad sa kaniyang plato. Nag-iisip siya ng maaaring gawin. Kanina nang buksan niya ang blog upang i-check kung may ibang interesadong bumili, dismayado siya nang makitang wala. Nababahala naman at naaawa sina Abeng at Mando habang nakatitig sa Señorita Ciara nila. Gustuhin man nilang tumulong sa mag-lolo ay wala silang ibang magagawa kundi pagsilbihan lang ang mga ito. Maya-maya ay natigilan sila nang marinig ang ingay na nagmumula sa labas. Hindi pa man tapos sa pagkain, mabilis na tumayo si Mando at patakbong tinungo ang malaking pintuan ng mansiyon. Sa lakas ng ingay ng pagkalampog sa gate at sa sigawan, sumunod na rin sila ni Abeng sa likuran ng lalaki upang makita ang nangyayari. Nababahalang muling isinara ni Mando ang malaking kahoy na pinto. "Nasa labas na naman ang mga tao, nagwawala!" Nangangambang nagkatitigan sila ni Abeng. Gusto niya sanang lumabas upang pakiusapan ang mga tao ngunit mariin siyang pinigilan nina Abeng at Mando. "Señorita, delikado! Dito lang kayo at ako na ang lalabas!" matapos sabihin iyon ni Mando ay buong tapang itong lumabas ng mansiyon at patakbong tinungo ang gate. Hinawakan naman ni Abeng ang isa niyang kamay at pilit siyang pinapakalma. Naupo sila sa mahabang sofa at doon hinintay si Mando. Makalipas lamang ang sampung minuto, muling bumukas ang malaking pintuan at pumasok ang lalaki. Bakas ang matinding pag-aalala sa mukha nito. Agad na tumayo si Abeng. "Ano, Mando? Napaalis mo ba sila?" Lumapit sa kanila si Mando at nahihintakutang umiling. "Nalaman nila na narito si Señorita Ciara. Hindi raw sila aalis hangga't hindi nakakausap si Señorita!" "Ano?" nasisindak na tanong ni Abeng. Problemado itong napasapo sa noo at muling umupo sa tabi niya. Siya naman ay napapalunok na nanatiling nakaupo sa sofa. Gustuhin man niyang tumayo ay hindi niya magawa dahil sa panginginig ng mga tuhod niya. Pakiramdam niya ay pinako na siya sa kinauupuan. Nasanay siyang nakukuha niya ang lahat nang hindi pinaghihirapan. Ngayon na nangyayari ito sa kaniya, hindi na niya alam kung ano ang gagawin. "Señorita Ciara, manatili lamang po kayo rito sa mansiyon. Huwag kayong mag-alala, hindi sila makakapasok dito," mahabang pahayag ni Mando. "Tama, señorita. Dito ka na lang muna. Paniguradong mamayang gabi, mapapagod rin sila at aalis." Maagap na ngumiti si Abeng. Napangiti siya sa dalawa. Laking pasasalamat niya dahil kahit ganoon na ang nangyayari, hindi pa rin sila iniiwan ng mga ito. Huminga siya nang malalim bago lumunok ng isang beses. "Haharapin ko sila," aniya at tuluyang tumango. Nanlalaki ang mga matang nagkatinginan sina Abeng at Mando. Mabilis nilang pinigilan si Ciara habang naglalakad ito papalapit sa pintuan. "Señorita Ciara, huwag! Mapapahamak ka," pigil sa kaniya ni Mando na nagpangiti sa kaniya. "Mang Mando, Aling Abeng, huwag ho kayong mag-alala sa akin. Makikiusap ako sa kanila. Hindi ako makikipag-away." Matapos sabihin iyon ay dumiretso na siya sa tapat ng gate kasama sina Mando at Abeng. Kahit anong pigil ng mga ito ay hindi na niya binigyan ng pansin. Mas mahalaga na mapakalma ang mga tao sa oras na iyon. Hindi nila maaayos ang problema kung idadaan sa hindi magandang usapan. Binuksan ng dalawa ang malaking tarangkahan at bumungad sa kaniya ang mga manggagawang mababakasan ng galit ang mukha. Pinasadahan niya ng tingin ang mga ito at napansing pamilyar ang iba sa kanila. "Señorita Ciara! Maawa na kayo sa amin! Ibigay ninyo na ang suweldo namin nang ilang buwan!" "Maawa na po kayo! Halos wala na kaming makain ng mga anak at asawa ko!" "Señorita, huwag ninyong itago si Don Corne sa amin! Kailangan namin siyang makausap!" Ilan lamang iyon sa mga pagtangis ng mga tao sa harap nila. Nakikita niya sa mukha ng bawat isa sa mga ito ang hirap na pinagdaraanan. Naaawa siya sa kanila pero sa ngayon, wala siyang magagawa para sa mga ito. Ibubuka na sana niya ang bibig upang magsalita nang marinig ang sigaw ng isa sa mga ito. "Si Don Corne, paparating!" Natigilan siya at mabilis na lumingon. Nakita niya ang kaniyang lolo habang naglalakad ito palapit sa kanila at inaalalayan ni Luisita. Agad na nabuhay ang kaba sa dibdib niya. Baka lalong magalit ang mga tao at maging bayolente. Nang tuluyang makalapit ay hinawakan siya nito sa kaniyang balikat at tumango. "Mga mahal kong manggagawa, patawarin ninyo ako," umpisa ng matanda na nakapagpatahimik sa lahat. "Inaamin ko, ako'y nagkamali. At ang resulta nito ay ang paghihirap ninyo—nating lahat! Hinihiling ko ang inyong pang-unawa. Bigyan ninyo pa kami ng kaunting oras!" Mula sa likuran ng mga manggagawa ay nakuha ang atensiyon niya nang makita ang pagtigil ng isang marangyang itim kotse at isang puting van. "Oras na magawan namin ito ng paraan, ibibigay namin ang lahat ng suweldong hindi ninyo nakuha!" Napatango ang ilan sa mga manggagawa. Kahit papaano ay nabawasan ng sulirabin ang mga ito. May ilan namang lumuluha na sa labis na kagalakan. Mula sa mga ito ay napansin niya ang isang lalaking nakasuot ng black suit at black sunglasses. Matangkad ito at malapad ang dibdib. Kabababa lang mula sa magarang kotse. "Sinungaling! Binibilog mo na naman ang ulo namin!" Natigilan silang lahat nang marinig ang sigaw ng isang lalaking manggagawa mula sa likuran. Hindi niya makita kung sino ito dahil sa dami ng taong nagkukumpulan. Mabilis na itinaas ni Don Corne ang isang kamay at akmang magsasalita nang mag-umpisang mambato ng kung anu-ano ang ilang manggagawa mula sa likuran. Nang makita ang isa sa mga itong nakahawak na ng malaking bato at akmang pupunteryahin ang don, mabilis siyang humarang sa harap ng matanda. "Lolo!" Lumipad sa ere ang bato at bago pa man tumama sa kaniya, agad na humarang sa harap niya ang lalaking nakasuot ng itim na suit. Tumama ang bato sa ulo nito na naging dahilan ng pagdudugo ng gilid ng ulo ng lalaki. Makikitaan ng pagkagulat ang mukha nilang lahat matapos ng nangyari. Doon na nakialam ang mga bodyguards ng lalaki. Mabilis na humarang sa harap nila ang ilan sa mga ito upang maprotektahan sila habang ang iba naman ay pinagtataboy na ang mga tao. Nang may maglabas ng b***l sa isa sa mga tauhan ng lalaki, mabilis na nag-atrasan ang mga tao. Tuluyan nang umalis ang mga ito nang magbanta na magpapaputok ang isa. Agad namang nilapitan nina Mando at Abeng ang lalaking naka-suit at inalalayan ito. "Oh my God, sir, are you okay?" Mabilis siyang lumapit sa lalaki. Pilit sinisipat ang sugat nito sa ulo. Ang kaniyang lolo naman ay agad na humawak sa balikat ng lalaki upang tingnan ang kalagayan nito. Nang makita ang pagtulo ng dugo sa noo nitong tinamaan ng bato, mabilis nila itong pinapasok sa mansiyon. "Abeng, dali! Ang mga gamit panggamot!" sigaw ni Don Corne sa babae nang makapasok sila sa receiving area. Natataranta namang tumakbo si Abeng upang kunin ang mga kailangan. Umupo sila sa receiving area at doon niya ginamot ang sugat nito. "I'm so sorry for what happened, sir," hingi niya ng dispensa at siya na rin ang nagtanggal ng sunglasses ng lalaki upang mas lalong malinis ang sugat nito. Natigilan naman siya nang bumungad sa kaniya ang simpatico at guwapong mukha ng binata. Nagkatitigan sila at mabilis niyang naramdaman ang malakas na pagtibok ng kaniyang puso habang nakatitig sa mukha nito, lalo na sa mga mata nitong kulay chestnut. Nang marinig ang malakas na pagtikhim ng don ay saka lamang siya natauhan. Nag-iwas sila ng mukha sa isa't isa at mabilis niyang ibinaling ang atensiyon sa alcohol at cotton. "Iho, thank you for saving my granddaughter," bukal sa pusong pasasalamat ng matandang don. Nakita niya ang pagsilay ng ngiti sa maninipis at namumulang mga labi ng lalaki. Nakita niya tuloy ang pagdungaw ng mapuputi at pantay-pantay nitong mga ngipin. Sa tingin niya ay papasa ito for advertisement ng colgate. "Walang anuman, Don Corne." Bahagya siyang natigilan nang marinig ang baritono at malalim nitong boses. Tila pamilyar sa kaniya ang tinig ng binata. "Oh, you know me?" nagtatakang-tanong ng don. Umayos ito mula sa pagkakaupo sa armchair. Mabining tumango ang lalaki. "Sino ba naman ang hindi nakakikila sa sikat na don ng Hacienda Lancheta." Natatawang tumango ang kaniyang lolo. "Iho, maaari ko bang malaman ang pangalan mo?" Sandaling tumingin sa kaniya ang lalaki bago ito tumayo at nilahad ang kamay sa kaniyang lolo. Tinanggap naman iyon ng matanda. "Linus Gallardo." Umawang ang bibig niya sa pangalang binanggit nito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD