Kabanata 1

1693 Words
CIRCA 1940 “INAY, mauuna na ho ako,” paalam ni Badong sa kanyang ina nang makalabas sa silid. “Saan ka ba paroroon? Hindi ba’t kauuwi mo lang galing sa bukid?” “Paano ho kasi ay dumaan si Pedro kanina, kailangan daw ho ako sa talyer,” paliwanag niya sa ina. “O sige, mag-iingat ka.” “Oho.” Dinampot ni Badong ang sombrebo at saka sinuot iyon. Bago pa lumabas ay muli niyang sinipat ang sariling repleksiyon sa salamin. “Napakaganda mong lalaki, tiyak na marami na naman mga dalaga ang hahabol sa’yo,” sabi pa niya pagkatapos ay ngumiti sa kanyang sarili at kumindat. “Naku, ito talagang si Kuya Badong masyadong malakas ang bilib sa sarili. Baka mamaya ay pupunta ka lang sa isa sa limang kasintahan mo,” panunukso ng nakababatang kapatid na si Neneng na labing-apat na taong gulang. “Masyadong pabling,” dugtong pa nito. “Hoy Neneng, tumigil ka nga riyan! Wala akong nobya! Mga kaibigan ko lang sila!” “Huuu! Kaibigan! May kaibigan ba na hinahalikan sa labi? Aba’y nakita ko kayo roon sa likod ng mga puno ng kawayan kahapon!” Napapitlag siya sa gulat nang biglang sumigaw ang kanyang ina. “Hoy Bartolome! Ikaw nga eh tumigil sa panloloko mo ng mga babae ha?! Manang mana ka sa ama mo!” sermon sa kanya ng ina. “Oh, ako na naman ang nakikita mo,” sabad ng ama na kanina pa tahimik na kumakain. “Inay, hindi ho totoo ‘yon! Naniniwala kayo riyan kay Neneng!” depensa ni Badong sa sarili sabay dampot ng isang papel at nilamukos iyon sabay bato sa kapatid. Tumatawang umilag ito at tumakbo palayo mula sa kanya. “Inay, alis na ho ako,” paalam muli ni Badong. Nang makalabas ay namataan niya ang kaibigan na si Marcing kasama si Pedro na nauna nang pumunta sa kanya. “Marcing!” tawag niya dito. Lumingon ito sa kanya at huminto sa paglalakad. Tumakbo si Badong palabas ng kanilang bakuran. “Hoy Bartolome! Hindi ka ba muna kakain?!” pahabol na tanong ng kanyang ina. “Hindi na ho! Doon na sa bayan!” sagot niya. “Saan ang punta n’yo?” baling ni Badong sa mga kaibigan. “Doon sa bayan, may inuutos si inay,” sagot ni Marcing. “Ikaw, Pedro?” “Babalik sa talyer, maraming nagpapagawa ng mga sasakyan ngayon eh,” sagot naman ni Pedro. Nahinto sila sa pag-uusap at paglalakad nang mapaligon si Badong sa isang babaeng pamilyar sa kanya ang mukha. Hindi nga lang niya maalala ang pangalan. “Magandang araw sa’yo, Badong,” magiliw na bati nito sa kanya. Mahinhin nitong hinawi ang buhok at pinapungay ang mga mata. Binigyan ni Badong ng magandang ngiti ang dalaga. “Magandang araw din sa’yo, binibini. Josefina, tama?” Tumawa ito at kunwari at hinampas siya sa balikat. “Si Badong talaga, masyadong mapagbiro. Barbara ang pangalan ko, nakalimutan mo na?” Nilakihan niya ang ngiti para matakpan ang pagkapahiya. “Ah! Tama! Barbara!” kunwari’y sagot niya nang maalala kung saan niya ito nakilala. “Kailan ulit tayo lalabas? Nangako ka sa akin, hindi ba? Pupunta tayo sa tabing-ilog?” Humalakhak si Badong at palihim na napakamot sa likod ng ulo. “Huwag mong sabihin nakalimutan mo na?” biglang sumimangot na sabi pa nito. “Hindi! Naku, hindi!” mabilis na tanggi niya. Mayamaya ay napalingon siya kay Pedro nang maramdaman na kinalabit siya nito. “Parating si Aurora,” bulong nito. Biglang nanlaki ang mata ni Badong at mabilis na napalingon. Mabilis umahon ang kaba sa kanyang dibdib at tuluyan siyang nataranta. “Ah… sige Barbara, mauuna na ako. Medyo nagmamadali ako eh!” “Ha? Teka lang… Bad—” Hindi na natapos ng babae ang sasabihin ng bigla niya itong nakawan ng halik sa pisngi. “Badong?!” Nanlaki ang mga mata niya nang marinig ang pamilyar na boses. Sa halip na lumingon sa tumawag sa kanyang pangalan ay kay Marcing siya tumingin. “Si Aurora ba?” Tumango ang kaibigan. “Sige Josefina ha? Mauna na ako!” Biglang nagsalubong ang kilay nito. “Barbara sabi eh! Sino ba ‘yang Josefina na ‘yan? Saka sino ang babaeng ‘yon?!” “Hoy Badong!” sigaw ni Aurora. “Takbo!” sigaw ni Badong. Nagtakbuhan silang magkakaibigan habang nagtatawanan. Nang tuluyan makalayo at mawala na sa paningin nila ang babae ay saka sila huminto. Humihingal na sumandal sila sa ilalim ng puno. “Ikaw talaga, Badong! Sino na naman ‘yon?” natatawang tanong ni Pedro. “Sino pa? Eh di isa na naman sa mga babaeng binola n’ya!” “Dati kong nobya si Aurora pero matagal ko nang tinapos ang ano man namamagitan sa amin,” paliwanag niya. “Tinapos niya para dumiskarte sa ibang babae,” tumatawang sabi ni Marcing. Napailing si Pedro. “Masyado ka talagang pabling, Badong.” Sinuklay niya ng mga daliri ang buhok saka mayabang na ngumisi. “Kasalanan ko ba kung maraming kababaihan ang nahuhumaling sa akin? Ayoko lang naman masayang ang pagtingin na binibigay nila sa akin.” “Huu! Hambog!” tukso sa kanya ni Pedro habang tumatawa. “Isang araw, itaga mo sa bato! Darating ang babaeng bibihag sa puso mo at hindi ka na makakawala pa sa kanya,” sabi pa ni Marcing. “Halina na nga kayo at baka hinahanap na ako ni amo!” natatawa lang na sagot niya saka sila nagpatuloy sa paglalakad. Si Badong o Bartolome Mondejar Jr. ay kilala doon sa kanilang bayan sa San Fabian bilang pabling. Palibhasa’y magandang lalaki. Bukod doon ay matipuno ang pangangatawan nito, magaling magdala ng damit. Pero sa kabila ng imahe nito na maloko sa mga kababaihan. Responsable, masipag, batak sa pagtatrabaho sa kanilang bukid at sa talyer, bukod doon ay kilalang mabait at matulungin si Badong. Panganay sa pitong magkakapatid. Sa edad noon na kinse ay katulong na siya ng ama sa apat na ektaryang bukid na minana pa nila mula sa kanilang Lolo. At ngayon na bente singko anyos na si Badong, siya na ang tuluyan namamahala ng kanilang bukirin. Isa sa mga hilig ni Badong ang mga sasakyan. Nasisiyahan siya na makakita ng iba’t ibang klase ng magagarang awto. Kaya naman bukod sa pagbubukid ay pumasok din siya sa isa sa malaking talyer doon sa kanilang bayan. Nagkaroon siya ng maraming kakilalang mayayaman. Mas marami siyang natutunan tungkol sa mga sasakyan. Kaya mula noon ay nangarap na siyang makapagpatayo ng malaking kompanya na nagbebenta ng mga sasakyan. “MARAMING salamat, Badong. Kahit kailan talaga ay maaasahan ka pagdating sa pag-aayos ng sasakyan,” masayang wika ng suking parokyano niya. “Wala pong anuman, balik lang ho kayo ano man oras kapag nagkaroon ulit ng problema.” Matapos nitong ibigay sa kanya ang bayad. Napangiti si Badong nang makita na dinagdagan nito ang perang binayad. “Aba, malaki itong binayad sa’yo ah,” masayang sabi ng may-ari ng talyer. “Oo nga ho, suki na kasi dito ‘yon.” “Kaya gustong-gusto ko na narito ka dahil marami tayong parokyano na ikaw ang hinahanap. Magaling ka sa pagkumpuni ng sasakyan isa pa’y kaya mong kunin ang loob ng mga parokyano natin. Nadadala sila sa galing mong magsalita, kaya tignan mo pati mga babae’y kaydali mong napapaibig dahil sa mabulaklak na salita mo,” puri at biro sa kanya ni Mang Narding. “Alam n’yo naman na isang tawag n’yo lang sa akin. Saka huwag ho kayong maniniwala, sabi sabi lamang po ng mga tao riyan na pabling ako,” natatawang sagot niya. “Ako naman ay nagtataka kung bakit ka nagpapakahirap magtrabaho dito. Samantalang ang lawak ng palayan n’yo.” “Masaya lang po ako na gumagawa ng mga sasakyan. Alam n’yo naman na hindi ako nakapag kolehiyo.” “Tamad ka kasing mag-aral sabi ng inay mo. Ang kuwento pa sa akin ay madalas ka daw magbulakbol.” Nahihiya at tatawa-tawang napakamot na lang si Badong. “Hindi naman ho.” Tumawa lang ang may-ari ng talyer. “Ang mabuti pa ay umuwi ka na dahil tiyak na pagod ka.” “Sige ho.” “Sabay na tayong umuwi, Badong!” sabi ni Pedro. Matapos maghugas ng kamay ay nagbihis silang dalawa saka tuluyan umalis. Habang naglalakad pabalik ay napansin nila ang mga naglalagay ng mga palamuti doon sa bayan. “Nalalapit na nga pala ang kapistahan, ano?” sabi pa ni Badong. “Oo nga, tiyak na masaya na naman sa buong San Fabian.” Mayamaya ay dumaan ang Alkalde ng kanilang bayan. Kilala siya nito dahil kaibigan nito ang kanyang ama at sila ang madalas na nagrarasyon ng bigas dito. “Badong, Pedro!” “Magandang hapon ho,” bati nilang dalawa. “Magandang hapon naman. Saan ang tungo n’yo?” tanong nito. “Pauwi na ho galing ng trabaho,” sagot ni Pedro. “Siya nga pala, magkakaroon ng sayawan kinagabihan ng araw ng piyesta. Huwag kayong mawawala ha?” “Ay tinitiyak po namin na dadalo kami,” nakangiting sagot ni Badong. Napailing ang alkalde at tumawa. “Ikaw na lang kaya ang pumunta Pedro. Huwag na itong si Badong at baka magkagulo lamang doon dahil sa mga babaeng humahabol dito,” biro pa nito. “Hindi po maaaring mawala ako sa sayawan. Hindi iyon makukumpleto nang wala ako,” pabiro niyang pagmamalaki. “Ikaw talagang bata ka. Sige, ako’y mauuna na at mag-iingat kayo.” “Sige ho.” Nang makaalis ang alkalde ay muli nilang pinagpatuloy ang paglalakad. “Tutal napag-uusapan na ang tungkol sa sayawan. Paano kung makita ka na naman ni Aurora doon?” “Huwag kang mag-alala, mabilis naman akong tumakbo,” pabirong sagot ni Badong kaya natawa rin ang kaibigan. “Sa dami ng niligawan mo wala ka man lang minahal sa kanila?” “Alam mo Pedro, hindi ko pa nakikilala ang babaeng mamahalin ko ng tunay.” “Ikaw talaga, napakaloko mo. Kapag nakahanap ka ng katapat mo, makikita mo, baka ikaw ang humabol habol sa huli.” Ngumisi si Badong. “Hindi pa pinapanganak ang babaeng hahabulin ko,” kampanteng sagot nito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD