AFB 4

2273 Words
MARIIN na nakapikit ang mga mata ni Patti habang nakasandal sa pinto ng kuwarto niya at mahigpit na nakahawak sa siradura. "Itay, huwag kayong makulit!" matigas niyang saad at lalong hinigpitan ang hawak sa doorknob. "Ikaw ang huwag makulit! Kanina pa kita tinatawag! Bakit ba ayaw mong lumabas?" Nagmulat siya ng mga mata bago may diin na kinagat ang ibabang labi. Matapos ng mga nangyari kanina, paano niya haharapin ang lalaking makakasama nila sa iisang bubong sa loob nang ilang araw? "Tay, hindi po ako gutom!" "Ano!" Napasinghap siya nang marinig ang malakas na boses ng ama. "Anak! May sakit ka ba? Bakit nagsasalita ka nang ganiyan? May problema ba? Patricia!" Muli siyang pumikit at napailing. Feeling niya, dapat ma-offend siya sa sinabi ng sariling ama. Hindi na ba siya puwedeng hindi magutom? "Itay, nakakasakit ka na, ah!" Matalim siyang tumitig sa pinto. "Anak naman kasi, sa loob ng Twenty-one years, ngayon ka lang nagsalita nang ganiyan! Pinag-aalala mo ako, anak!" Huminga siya nang malalim bago umiling nang marahas. "Ah, basta! Hindi ako lalabas! Hindi ako nagugutom kaya bumaba ka na, itay!" "Ay, kung ganoon, gusto mo bang ipagdala na lang kita ng pagkain—" "Huwag! Hindi puwede!" mabilis niyang putol sa sinasabi nito. Hindi talaga puwede ang gusto nitong mangyari dahil kapag pinagdala siya nito ng makakain, paniguradong makikita iyon ni Andriano. Nakakahiya! Hindi pa naman siya kumakain nang hindi puno ng kanin ang buong plato niya. "Lalabas na lang ako kapag nagutom na ako!" Narinig niyang nagpakawala ng hangin ang ama mula sa labas. Sa huli, sumusuko nitong sinabi na magpahinga na siya at tawagin na lamang ito kung gusto na niyang kumain. Mabilis siyang bumalik sa queen-sized bed niya at humiga sa gitna. Hindi niya maiwasan hindi isipin ang kanilang panauhin habang nakatingala sa puting kisame. Bata pa sila noong huling kita niya rito. Guwapo na ito simula noon, pero mas gumandang lalaki ito ngayon. Kung tititigan niya ang mukha nito, para itong hindi purong pinoy. Mukha itong may dugong banyaga! Mariin siyang pumikit kasabay ng pagkalam ng kaniyang sikmura. "Nagtatampo na ang mga bulate sa tiyan ko." Sa loob nang ilang minuto, ginusto niyang magsisi dahil sa pagha-hunger strike niya, pero agad ring umiling. Mas gugustuhin niyang magutom kaysa ang makasabay sa iisang hapag ang lalaking minsan na niyang pinantasiya. "Magtiis kayo," bulong niya habang nakahawak sa kaniyang tiyan, kausap ang mga bulate. ——— MULA sa mariin na pagkakapikit, nagmulat siya ng mga mata at pagalit na bumangon mula sa kama. Nilingon niya ang bilugang orasan sa ibabaw ng side table niya. "Alas-dose na ng hatinggabi! Mamamatay na ako sa gutom!" Kahit anong pigil niya sa sarili na huwag magutom, imposibleng hindi kumalam ang sikmura niya lalo pa't nasanay na siyang lumamon nang limang beses sa isang araw. Isa sa umaga, isa sa tanghali, snack sa hapon, kain ulit sa gabi, at may pa-midnight snack pa. Kinagat niya ang ibabang labi bago nagdesisiyon na lumabas ng silid. Gabing-gabi na kaya paniguradong tulog na si Andriano at ang driver nitong antipatiko. Isa pa, ano ngayon kung gising pa ito? Masama sa kaniya ang magutom nang sobra. Nagtatanim siya ng sama ng loob. Nang makababa ng hagdan, walang ingay niyang tinungo ang kusina. Namimilog pa na parang kwago ang mga mata niya dahil nakapatay ang lahat ng ilaw at wala siyang makita. Mabuti na lamang dahil kabisado na niya ang paligid kaya hindi na siya masiyadong nahirapan na mahanap ang daan patungo sa refrigerator. Agad na naghugis-puso ang mga mata niya at sumilay ang malapad na ngiti sa mga labi, nang makita ang isang box ng chocolate cupcakes at transparent tupperware na naglalaman ng mga hindi naubos na ulam sa loob ng palamigan. Kulang na lang ay hawakan na niya ang mga ito at diretsong isubo, nang bigla siyang matigilan dahil sa narinig. "Bakit parang may tao?" bulong niya sa sarili. Nilingon niya ang malaki at mahabang mesa sa kaniyang likuran. Wala siyang makita pero naririnig niya ang banayad na paghinga ng kung sino. "M-m-may tao? O m-multo?" Iniwan niyang nakabukas ang ref at mabilis na kinapa sa pader ang switch ng ilaw. Ganoon na lang ang panlalaki ng mga mata niya nang sa pagsabog ng liwanag, ang blankong mukha ni Andriano ang bumungad sa kaniya. "Nandiyan ka pa?" Napansin niya ang bote ng alak, isang baso at malaking plato ng pulutan sa harap nito. Umangat sa ere ang kamay ni Andriano kasabay ng pagsilay ng maliit na ngiti sa mga labi. "Wanna join me?" Namumungay na ang mga mata ng binata sa kalasingan. Mas lalo tuloy itong gumuwapo sa paningin niya. Tila inaakit siya ng mga matang iyon. Mabilis siyang nag-iwas ng paningin. Nababaliw na ba siya? Ngayon lang uli sila nagkita, guwapong-guwapo na siya rito? Maharot! "Samahan mo akong uminom." Hindi makatinging bumalik siya sa tabi ng refrigerator at kumapit sa pinto nito dahil parang nanlalambot ang mga tuhod niya. Ano na bang nangyayari sa kaniya? "H-hindi ako umiinom." Lumapad ang ngiti sa mga labi ng lalaki. "Baka naman nahihiya ka lang sa akin?" Umarko naman ang mga kilay niya sa narinig. "At bakit ako mahihiya sa iyo? Bisita ka lang dito, ano?" Mariin niyang kinagat ang ibabang labi bago tumalikod at kumuha ng isang cupcake. Balak niya sanang kumain ng kanin at ulam, pero ngayon, isang cupcake lang ang kakainin niya. Nakakahiya naman kasi lumamon sa harap ni Andriano. "If you don't want to drink, then just eat. Samahan mo ako rito." Mariin siyang pumikit bago kinuha sa loob ng fridge ang babasaging pitcher na puno ng tubig at isang baso. Nahihiyang lumapit siya sa mesa saka naupo sa katapat nitong silya. "Hindi ako nandito para samahan ka. Gusto ko lang kumain." Umirap siya bago kinuha ang cupcake at nagsimulang sumubo. "Nagtataka ako kung bakit hindi ka sumabay sa hapunan kanina. Gusto pa naman sana kitang makausap. Buti na lang, bumaba ka ngayon." Mula sa chocolate cupcake na hawak niya, mabilis na nabaling sa mukha nito ang kaniyang paningin. Ano raw? Gusto siya nitong makausap? At bakit naman kaya? "Maganda ka pa rin." Ngumiti ito habang nakatitig sa kaniyang mukha. Nabitin sa ere ang cupcake na hawak niya. Nakanganga pa siya nang muling magtama ang mga mata nila. Ano raw? Siya? Maganda? Ayaw niyang maniwala sa sinabi nito, pero nag-iinit ang pisngi niya dahil sa kilig. Ito ang unang beses na may ibang lalaking nag-compliment sa kaniya maliban sa ama niya. "Sabi mo, gusto mo akong makausap? Well, start talking. I only have ten minutes bago ako bumalik sa itaas." Mahina itong tumawa. Nagniningning ang mga mata na para bang tuwang-tuwa ito sa takbo ng usapan nila. "Gusto lang kitang kumustahin. Bata ka pa noong huling kita natin. Dalagang-dalaga ka na ngayon." Nilagok nito ang laman ng hawak na baso. "Can I call you Patti? It's your pet name, right?" Bahagya siyang napanguso nang muling ibaling sa kinakain ang paningin. "S-siyempre, mahigit isang dekada na ang lumipas. Magdadalaga talaga ako, and yes, you can." Tumikhim si Andriano matapos muling magsalin ng alak sa baso. "Narinig kong gusto mo raw maging teacher. Kumusta naman ang demo mo kanina?" "Ayos lang naman." Sumilay ang ngiti sa mga labi nito. Nagsalin ito ng alak sa basong hawak saka inabot sa kaniya. "Subukan mo." "Ay, sabing hindi ako umiinom. Mamaya niyan, mahuli ako ni Itay." Mula sa basong inaabot nito, nilingon niya ang hagdan patungo sa itaas. Sinisigurado niya na hindi nagising ang itay niya. Mahirap na, baka abutan siya nitong kumakain matapos niyang mag-inarte kanina. "21 ka na, tama? Kailangan mo rin tumikim ng alak. Isang baso lang." Umismid siya matapos ibaling muli sa lalaki ang paningin. "Unang beses ng pag-uusap natin, bad influence ka na agad sa akin. Pero sige, tikim lang, ha?" Palihim siyang napangiti matapos abutin ang baso mula rito. Matagal na kasi niyang gustong uminom ng alak, pero lagi siyang pinipigilan ng ama niya. Ang gusto kasi nitong mangyari, ang unang tikim niya ng alak, alok na manggagaling sa lalaking gusto niyang pakasalan. Paano, sa ganoon nagsimula ang love story nito at ng inay niya. Pino at mahinhin kung kumilos ang nanay niyang si Patra. Ni hindi nasasayaran ng softdrinks ang lalamunan nito, pero dahil sa itay niya, naranasan nitong magwalwal. Ganoon naman ang paglawak ng ngiti sa mukha ni Andriano. Pinanood nitong ubusin niya ang laman ng baso hanggang sa mapaismid siya dahil sa pait ng unang tikim ng alak. "Akala ko, matamis. Ano ito? Bakit lasang lason?" Marahas niyang ibinaba sa mesa ang baso. Natawa naman si Andriano. "Ganiyan talaga kung first time, mapait pa. Pero sa katagalan, masasanay ka rin." Hindi niya pinansin ang sinabi ng lalaki at sa halip, muling nilantakan ang paborito niyang chocolate cupcake. Nangangalahati pa lang siya ng kain sa cupcake dahil nahihiya siya, pero kung wala lang si Andriano, paniguradong ubos ito sa tatlong subo lang. Nagpatuloy sa pag-inom ang binata, at sa paglipas ng bawat oras, pinagpapawisan na siya nang malapot sa gitna ng malamig na gabi dahil sa sobrang kaba. Hindi siya sigurado kung dahil ba iyon sa ininom niyang alak, o sa mga malalapot na titig ni Andriano sa kaniya. Bakit ba ganito ang mga titig nito? Nahumaling ba talaga ito sa ganda niya? Bulag ba ito o malabo ang mata? Muling nagsalin ng alak sa baso ang binata at pagkatapos ay inabot sa kaniya. "Want some more?" Nakanguso niya itong inirapan. "Ayoko ngang malasing." "Hindi ka malalasing sa kaunting alak lang." Natigilan siya nang matitigan mabuti ang mga mata nito. May mahahaba itong pilik-mata at makakapal na kilay. Sa hinuha niya rin ay madilim na kalangitan ang nakikita niya sa tuwing tititig siya sa mga mata nito. Itim na itim ang kulay niyon at para bang nilalamon ang buong kamalayan niya. Bumuntong-hininga siya bago binalingan ang bote ng alak sa tabi nito, kaunti na lamang ang laman niyon. Kung nakalalasing nga ito, dapat kanina pa lasing ang lalaki. Pero maliban sa namumungay na mga mata, maayos pa naman ang kilos at pananalita nito. Nagkibit-balikat siya. "O, sige!" Nilahad niya ang dalawang kamay para tanggapin ang baso. Napangiti naman si Andriano. Tila nagliwanag ang mga mata nito habang inaabot sa kaniya ang alak. Kalahating oras pa ang lumipas, malapad na siyang nakangiti at halos hindi na maimulat ang mga mata sa kalasingan. Yakap na rin niya ang pitcher na walang laman. "Alam mo kasi, kahit first time kong uminom, hindi ako basta-bastang nalalasing! Naiintindihan mo?" Pilit niyang minumulat ang mga matang anumang oras ay bibigay na. Marahas niyang nilapag sa ibabaw ng mesa ang panglimang cupcake na kinakain niya. Matamis naman ngumiti si Andriano bago tumango. "Sampung ulit mo nang sinasabi sa akin iyan." Nakapikit siyang umiling. "Hindi mo kasi naiintindihan, e! Ang akin lang naman, kahit first time kong uminom, hindi ako basta-basta-basta-basta-bastang nalalasing. Naiintindihan mo!" "Labing-isang ulit mo nang sinasabi sa akin iyan." Mas lalong lumapad ang ngiti nito. Nagsalubong ang dalawa niyang kilay. Pulang-pula na rin ang buong mukha niya sa dami ng alak na nainom kanina. "Hindi mo talaga naiintindihan! Ang akin lang naman, kahit first time kong—" "Sir!" Natigilan siya sa pagsasalita at napalingon sa lalaking bagong dating. Gulat itong nagpalipat-lipat ng tingin sa kanila habang nakatayo sa bungad ng kusina. "Oh, Maui. Bakit gising ka pa?" "Ako dapat ang nagtatanong niyan, sir! Ano'ng ginagawa n'yo rito kasama ang babaeng iyan?" Itinuro siya nito habang magkasalubong ang dalawang kilay na sa sobrang kapal ay tila nagdoble na. Tumindig naman si Andriano at pinasok ang magkabilang kamay sa loob ng bulsa. "She has a name. Call her Patti." Mula sa kinatatayuan ay lumapit ito sa dalagang nakasalampak na sa mesa at wala nang malay. "Oh!" Natulala si Maui nang makita ang among pilit na inaalalayan makatayo at makapaglakad ang babae. "Tutulungan na kita, sir. Hindi mo iyan kaya!" Mabilis na tumigil si Andriano. Napatigil din ang driver nitong si Maui nang titigan ito nang masama ng lalaki. "Don't touch her. Ako na ang bahala sa kaniya." Naitaas naman ng lalaki ang dalawang kamay at bahagyang dumistansiya para magbigay daan sa kanila. Buong lakas na inalalayan ni Andriano ang dalaga. Sa taas niyang anim at dalawang talampakan, hindi naging mahirap para sa kaniya ang alalayan ito kahit pa medyo mabigat ang timbang nito. Sa hagdan nga lang nagkaroon ng problema. "Itay, sabi mo magluluto ka ng adobo? Ano ito? Hindi naman ito adobo!" Itinuro ni Patti ang isang baytang ng hagdan at kamuntikan pang bumitiw sa kaniya halikan ang isang baytang ng hagdan. Maagap niya itong hinawakan sa baywang habang ang isang kamay ay maingat na nakahawak sa braso nito. "Itay, sabi mo, magluluto ka ng adobo!" "Oo na, ipagluluto na kita. Tumayo ka nang diretso," natatawa na lamang niyang saad hanggang sa makaakyat sila sa tuktok ng hagdan. Agad niyang dinala ang dalaga sa silid nito, ngunit hindi pa man naaabot ang kama, bumagsak sila sa sahig nang mawalan ito bigla ng balanse. Bumagsak siya sa tabi ng babae, kunot ang noo sa kirot na nararamdaman sa isang braso. Nang maalala si Patricia ay mabilis siyang bumangon para tingnan ang lagay nito. "Patti, are you okay? Are you hurt?" Namumungay ang mga matang nagmulat ito at ngumiti sa kaniya. "Ang guwapo mo naman. Kamukha mo iyong crush kong artista." Napangiti siya dahil sa narinig. "I bet I am more good-looking than him." Nakapikit itong tumango, naroon pa rin ang ngiti sa mga labi. "And hotter too." Dagli siyang natigilan nang ipulupot nito ang mga braso sa kaniyang leeg. Dahil hindi inaasahan ang ginawa nito, hindi agad siya nakakilos nang puwersahan siya nitong hinila, dahilan para bumagsak siya sa ibabaw ng babae at magdampi ang mga labi nila.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD