Kabanata 2: Sebastian

1574 Words
Iris “Papa, parang awa mo na po! Ibaba niyo po ang baril na hawak mo!” Sigaw ko habang nagmamakaawa. Kitang-kita ko rin sa harap ko na ang Nanay ko ay nakaluhod at nagmamakaawa rin sa Tatay kong ibaba ang baril na hawak niya. Nanginig ang dalawa kong kamay at ginamit ko itong pantakip sa tainga ko. Pinilit kong lumanghap ng hangin dahil ang sikip ng dibdib ko gawa sa pag-iyak. Napasigaw na lamang ako nang paputukin niya ang baril. Dahil sa sobrang takot ay mas lalong lumakas ang pag-iyak ko. Nang mag-angat ako ng tingin ay hindi ako ang natamaan kundi ang pader ng bahay namin. Nang tingnan kong muling ang Tatay ko ay mas lalong umusbong ang takot sa puso ko. Tuluyan nag nandilim ang paningin ko ng ilagay niya sa noo ko ang baril na hawak niya. Napabalikwas ako ng bangon. Habol-habol ko ang hininga ko na akala mo ay hinabol ako ng sampung demonyo. Ramdam ko ang mabilis na t***k ng puso ko. Nanginginig na rin ang buong katawan ko. Pinalibot ko ang mata ko at nakahinga na rin ako nang maluwag ng malaman kong nasa kwarto ako. Sinapok ko na lamang ang sarili ko dahil sa takot na nararamdaman ko. Takteng panaginip 'yan! Sinabunutan ko ang sarili ko at natawa na lamang sa naggawa ko. Mukha akong tanga. Dahan-dahan kong tinapak ang paa ko sa sahig at dumiretso sa C.R. Dumiretso na ako sa paghilamos at naligo. Nang matapos na ako ay lumabas na ako. Habang kinukusot ko ang buhok ko ng tuwalya ay biglang tumunog ang cellphone ko. Baby is calling Napairap na lamang ako dahil sa katarantaduhan ng kuya ko. Kinuha ko ang cellphone at pinatay ang tawag niya. Bahala siya sa buhay niya. Alam kong guguluhin na naman niya ako. Ang suot ko ngayon ay t shirt na puti at pantalon. Wala akong pakialam kung mainit ang suot ko. Sarili ko ito, walang pakialamang magaganap. Lumabas na ako at gumala na kung saan-saan. Napasimangot na lamang ako ng muling mag-vibrate ang cellphone ko. Nang tingnan ko ang caller ay muli ko itong pinatay. Habang naglalakad ako sa gitna na ng mga tao ay napatigil ako sa tapat ng simbahan. Kitang-kita ng mga mata ko ang mga taong tapos nang magdasal at nagsisilabasan na. Napailing na lamang ako at natawa. Hindi ko alam kung bakit pa nagdadasal ang mga tao, eh hindi naman natutupad ang mga kahilingan nila. Bago pa ako tuluyang maglakad palayo ay nagtama ang mata namin ng isang lalaking isang kilometro ang layo sa akin. Napangisi na lamang ako at nagpatuloy na sa paglalakad. Tumigil ako sa isang karinderya ng makita kong nanonood sila Mang Nato ng basketball. Tahimik lang akong umupo sa hindi kalayuan sa kanila. Nagdi-drible ang kalaban ng kabilang panig kaya tutok na tutok kaming lahat. Napasigaw na lamang kami nang biglang sumablay ang bola. "Ang tangang tumira!" Sigaw ko kaya napatingin sila sa akin sila Mang Nato. "Iris, naandiyan ka pala. Bakit hindi ka man lamang nagsasalita," sabi niya kaya natawa ako at lumapit sa kanila. Umupo ako sa isang bakanteng upuan at nagtaka ako ng may mga perang nakalatag. "Eh, mga busy kayo sa panonood at saka bakit may mga pera diyan?" "Ah, ayan. Nagpupustahan kasi kami kung sino ang mananalo, gusto mo bang makisali sa amin? Singkwenta pesos lang," alok sa akin ni Mang Nato kaya tumango ako at naglabas ng pera. "Singkwenta lang naman pala," sabi ko at nilagay ang pera sa ibabaw ng mesa. "Basta ang pusta ko sa Team Cobra," dugtong ko at nagpatuloy kami sa panonood. Makalipas ang ilang minuto naming panonood ay napangisi at napasuntok pa ako sa hangin sa naging resulta ng laro. "Wala! wala! Ako ang panalo!" Pagsigaw ko habang kinukuha ang pera sa ibabaw ng mesa. Ang iba ay napakamot pa ang ulo at napasuntok sa hangin samantalang ako naman ay tawa nang tawa dahil nasa akin lahat ng pusta nila. "Dapat pala kay Iris na lamang ako kumampi," sabi ni Mang Nato sabay akbay sa akin kaya mahina ko itong sinuntok sa braso. "Sabi ko sa inyo, mananalo ang Team Cobra tapos magsisisi kayo ngayon." Kaya binulsa ko na ang pera at inayos ang sarili ko. Mas lalo ko pa silang inasar ng ipakita ko ang mga perang ipinangpusta nila. Patay kayo sa mga asawa niyo pag-uwi, mas inuna niyo pa ang magsugal kaysa bumili ng gatas ng mga anak niyo. "Sige na, aalis na ako. Salamat sa pera ninyo!" Sigaw ko at lumabas na sa karinderya. Sumisipol-sipol pa ako habang naglalakad at nakapamulsa ang dalawa kong kamay. Pumasok ako sa isang fast food chain at umorder. Umupo ako sa tabi at nagsimula nang kumain Habang kumakain ako ay napatigil ako saglit dahil nararamdaman kong may nakatingin sa akin, tahimik ko lamang na nilibot ang mata ko at tama nga ako. Sa tapat kong mesa ay nakatingin sa akin ang isang lalaki, gwapo ito at maputi. Nagulat na lamang ako nang bigla itong ngumiti sa akin kaya bigla kong sineryoso ang mukha ko. Binilisan ko na lamang ang pagkain ko dahil naiirita ako sa lalaking katapat ko at ng matapos na ako tumayo ako bigla at nagmadaling lumabas. Binilisan ko ang paglalakad at dumaan sa isang eskinita para mapabilis ang pag-uwi sa amin. Habang naglalakad ako ay iniisip ko ang lalaking kaharap ko kanina, natawa na lamang ako bigla dahil naisip ko. Mukha siyang ewan habang nakatingin sa akin. Pagliko ko sa isang eskinita ay may bigla na lamang humarang sa akin na tatlong lalaki at namukhaan ko silang lahat. "Aba, Ashong! Nakalaya pa kayo?" Pagbibiro ko at sumandal sa pader. Napangisi naman si Ashong at lumapit sa akin ng kaunti. "Gago ka talaga, Iris!" Sigaw ni Ashong at inambahan na ako ng suntok. Kaya bigla akong yumuko at nasuntok niya ang pader. Nakita ko pa sa gilid ng mata ko ng biglang gumalaw ang dalawa niyang kasama kaya umikot ako paharap sa kanila at sinuntok sa mukha. Nabigla na lamang ako ng sinakal ako ni Ashong patalikod kaya siniko ko ito sa mukha nang pagkalakas-lakas, dahilan para mapabitaw siya sa akin. Napamura na lamang ako ng biglang may sumuntok sa mukha ko dahilan para umikot ang paningin ko, napahawak ako sa pader at pinilig ang ulo ko para bumalik sa huwisyo. Gumanti ako nang suntok sa tatlo at pinagsisipa sila. Yinuko ko ang ulo ko ng susuntukin ako ni Ashong, bigla ko itong tinulak sa pader at sinuntok sa mukha. Hinawakan ako ng dalawa niyang kasama sa magkabilang braso kaya nagpupumiglas ako. "Anong akala mo Iris tapos na tayo? Hindi pa!" Sigaw niya sa akin sabay suntok sa mukha ko kaya nalasahan ko ang sarili kong dugo. "Tangina ka, Ashong," galit kong saad habang tumatawa at dinura ang dugo na nalasahan ko. Nang ambang susuntukin niya ako ay may biglang humigit sa kaniya at sinuntok. Pagtingin ko sa taong sumuntok kay Ashong ay siya ang lalaking nakita kong nakatingin sa akin kanina. Biglang tumayo si Ashong at ng akmang gaganti ito sa lalaki ay biglang naglabas ng baril ang lalaki kaya napataas si Ashong ng kamay. "Pakawalan ninyo ang babae," seryosong utos ng lalaki sabay tutok ng baril sa dalawa. Binitawan ako nang dalawa at tumakbo palayo, bago pa umalis si Ashong ay pinagbantaan pa kami. "Babalikan ko kayong dalawa!" Napasandal ako sa pader at pinunasan ang dugo sa may labi ko, napatingin ako sa lalaking tumulong sa akin ng hawakan ako nito sa mukha. Sinamaan ko siya nang tingin at hinawi ang kaniyang kamay. "Tsk!" Inayos ko na ang suot ko at tinalikuran na ang lalaki. "Salamat," malamig kong saad at umalis na. Akala ko ay wala na siya pero sinundan niya ako at nagpakilala pa. "Ako nga pala si Santino De dios Buenavista, ikaw anong pangalan mo?" "Hindi ko tinatanong ang pangalan mo," pambabara ko at nagpatuloy pa rin sa paglalakad hanggang sa nakalabas ako nang eskinita ay nakasunod pa rin siya sa akin kaya humarap ako sa kaniya at sinamaan ng tingin. "Bakit ka ba sunod ng sunod sa akin, may kailangan ka ba?" Pagtatanong ko sa lalaki kaya ngumiti ito sa akin. "Gagamutin ko sana ang mga sugat mo." Kaya napangisi ako sa narinig at napameywang ako. "Kaya kong gamutin ang sarili ko," ganti ko at tumalikod na, pero makulit ang lalaking ito, nakasunod pa rin siya kaya hinayaan ko na lamang. Habang naglalakad ako ay naririnig ko ang mga bunganga ng mahadera kong kapitbahay. "Hala, Santino! Bakit kasama mo ang babaeng iyan? Baka mahawaan ka nang kasamaan niya!" Naptigil ako sa narinig at hinarap ang nagsalita. "Hala! Bakit ikaw? Ang mahadera at ang tsismosa mo," sabi ko at umalis na. Kita ko pa ang gulat sa mukha niya dahil sa sinabi ko. Nang malapit na ako sa apartment ko ay nakita ko si Mang Tabo na nagmamadaling pumunta sa akin. "Anak ng tinapa! Iris, nakipagbasag ulo ka na naman!" Sigaw sa akin ni Mang Tabo. "Atleast, Mang Tabo nakauwi pa ako ng buhay," ani ko kasabay ng pagsasalita ng taong nasa likod ko. "Tinulungan ko po siya." Napatingin si Mang Tabo dito at kita ko ang pagkagulat sa mukha niya. "Santino, nako! Pasensiya ka na at maraming salamat sa pagtulong sa batang ito. Malapit talaga sa gulo ito..." Habang naguusap ang dalawa ay pumasok na ako sa apartment at hinayaan na sila. Bago ko pa man isara ang pinto ay tinignan ko muna ang lalaking tumulong sa akin. Santino De dios Buenavista.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD