KABANATA 2: TRAHEDYA

1610 Words
YANESSA’S POV “Hoy, Yanessa! Makinig ka nga sa akin!” inis na usal ni Yuan at mariin na hinawakan ang braso ko para maiharap ako sa kanya. Masama ko siyang tinitigan, hawak nito ang strap ng bag niya habang ang isang kamay ang nakapigil sa akin para hindi ako makatakas. “Makinig ka naman,” ngayon ay lumambot na ang boses niya at tila nagmamakaawa. “Malaki na ako, Yuan. Ano bang hindi mo maintindihan doon? Alam ko na ang mga ginagawa ko, at wala akong gagawing masama o ikakapahamak ko kung yan ang nasa isip mo!” I defended with confidence. “Malaki na ba sayo ang grade 11, Yane?” nanghahamon niyang tanong. “Hindi ka pa nga nag-e-eighteen, kung makapagsalita ka ng matanda akala mo trenta anyos kana.” Hindi ako nakaimik sa sinabi niya at masama na lamang na tinignan ito sa inis. “Wag mo na akong susundan, uuwi rin ako kaagad,” galit kong saad sa kanya, hindi pa rin mawala ang inis dahil sa pagsumbong nito kay lola tungkol sa pakikipagrelasyon ko. “Ayoko ng kapatid na sumbungero.” “Ginawa ko yun para sayo. Mas pipiliin mo ba yang nobyo mo kaysa sa amin ni lola? Mag-isip ka nga ng maayos, Yane. Ang bata-bata mo pa puro kana lang Andrew. Iiwan ka rin yan, bakit? Kasi bata pa kayo, wala pa kayong alam sa tunay na mundo.” Napairap na lang ako sa mga sinasabi niya at pagak na tumawa. “Mas pipiliin ko siya. Naiintindihan niya ako kaysa sayo,” walang pag-aalinlangan kong sagot sa kanyang mukha na ikinatigilan nito. “Wala ka rin alam, Yuan. Tulad nga ng sabi mo, bata pa TAYO. Ano ba ang alam mo? Eh, magkasing edad lang naman tayo.” Hindi siya makagalaw sa kinatatayuan at gumuhit ang sakit sa kanyang mukha, dahil doon ay binawi ko ang braso ko sa kanya at mabilis na naglakad para tumawid ng hindi siya nililingon. Nang makalampas na ako sa pedestrian lane ay nakita ko sa kabilang banda ng kalsada si Yuan na nakasunod pa rin sa akin, humahanap ng tamang tiyempo para makatawid. Inirapan ko lang siya nang makita kong sinubukan nitong tumawid ng wala sa pedestrian lane. Pero tila nanghina ako at binalot ng kaba nang makarinig na malakas na pagpeto ng sasakyan at matinis na tunog ng brake. Nahihirapan akong napalunok lalo na nang marinig ang sigaw na puno ng takot ng mga tao sa paligid. Gusto kong isipin na mali ang tumatakbong senaryo sa aking utak. Dahan-dahan akong lumingon at nanghihina na napaupo sa sahig sa nakita. Ang katawan ni Yuan ay binalot na ng dugo matapos masagasaan ng malaking truck. Sa oras na yun ay tulala ako at blangko ang aking isipan. “Yuan,” bulong ko sa sarili. “YUAN! YUAN!” patakbo akong sumigaw, hindi alintana ang nangyayari sa paligid. Nagkalat ang dugo sa gitna ng kalsada habang umaagos ang luha ko. Ang hagulhol ko ay hindi na mapigilan at halos manlumo ako sa kalagayan ng kapatid ko. “YUAN!” napaahon ako sa kinahihigaan habang habol ang paghinga. Napatingin sa akin ang mga kaibigan ni Margie na may board na sa gitna nila at mukhang naumpisahan na ang larong ginagawa. Lihim kong pinunasan ang luha sa aking pisngi. “Ingay kasi,” bulong ni Tony kay Ernest. Ang nuo ko ay puno ng pawis na akala mo sumali sa marathon. Huminga ako ng malalim, nakita ko namang tumayo si Margie para bigyan ako ng tubig. “Masamang panaginip?” biglang tanong ni Jena na nakatitig sa akin. Tumango ako bago kinuha ang baso kay Margie. Bumalik si Margie sa pagkakaupo at tipid na nginitian ako. “Hindi ka sasali?” tanong ni Ernest sa akin. Sinulyapan ko ang orasan sa dingding at konting minuto na lang ay hating-gabi na. Nagdadalawang isip ako sa alok ni Ernest sa akin, gusto kong subukan kahit alam kong mabibigo lang ako sa huli. “Wag na, aasa lang yan si Yanessa. Wala naman kaming multo na natatawagan, kanina pa kami naglalaro,” pahayag ng pinsan ko. “Ang lalakas kasi natin,” biro ni Jena dahilan para mapaangat ako ng tingin sa kanya. Nadatnan kong nakatitig siya sa akin. “Yung mga mahihina at vulnerable ang madalas kapitan ng ligaw na kaluluwa,” makahulugan niyang usal. “Tigilan na natin ‘to, wala namang nangyayari,” humalakhak si Ernest. “May mga tao na nakakahatak ng kaluluwa, malay niyo isa sa atin kayang gawin yun,” muling dagdag ni Jena. “Akala ko ba kaya mong tumawag ng mga kaluluwa?” tanong ng pinsan ko dahilan para mawala ang titig nito sa akin. “Kaya kong buksan ang lagusan nila, tawagin sila. Pero maari din na hindi nila maririnig o masundan ang boses ko.” “Baka kasi mahina boses mo?” biro ni Ernest at nag-apiran sila nung Tony habang tumatawa. Sinamaan naman ni Margie ng tingin ang dalawang lalaki. Muli na namang bumaling si Jena sa akin habang hawak pa rin nito ang lumang libro na latin ang laman. “Gusto mong sumubok? Bukas pa rin ang lagusan sa kabilang mundo, may nais ka bang kausapin?” sunod-sunod na tanong niya sa akin. Ngayon ay napatingin na silang lahat sa akin. Ang titig ni Margie sa akin ay ini-engganyo ako na sumali sa kanila. Siguro ay nabanggit ni Margie ang sitwasyon at kagustuhan ko na makausap ang kakambal. “Basta walang sisihan kapag walang nangyari, ah,” pagpaparinig ni Margie at ngumisi sa akin. Tumayo na lamang ako at umupo sa tabi ni Jena. Ang daliri nila na nasa ibabaw ng baso ay binigyan ako ng espasyo, nilagay ko rin ang daliri ko sa ibabaw ng baso katulad ng ginawa nila. “Tawagan mo ang nais mong kausapin, Yanessa,” malambot na bulong ni Jena sa akin. Nakapikit na silang lahat, may kung anong sinasambit si Jena sa latin na lengguwahe habang nakapikit. Nang matapos na siya ay pumikit na rin ako at sinimulan na tawagin ang kaluluwa ng namayapa kong kapatid. “Yuan Francia, kung nasan ka man sana naririnig mo ako. Maari bang makausap kita kahit saglit? Gustong-gusto kitang makausap, kahit saglit lang,” pumiyok ako at hindi na mapigilan ang emosyon. I bit my lower lip when I felt nothing. Nanatiling tahimik ang paligid at walang pinagbago. “Ipagpatuloy mo,” rinig kong sambit ni Jena. “Yuan Francia! Magpakita ka sa akin, magparamdam ka. Saglit lang, kahit saglit lang. Bigyan mo naman ako ng dahilan para ipagpatuloy pa itong buhay ko. Please...” Naramdaman ko ang mainit na pagtulo ng luha sa aking pisngi. Napayuko na lamang ako ng wala pa rin na nangyari. Ang pag-asa sa akin ay unti-unti nang naglalaho. Biglang natumba ang baso namin sa gitna dahilan para imulat namin ang aming mga mata. “Sorry, natumba ko,” nahihiyang sambit ni Margie at nag-peace sign. “Ayos lang, wala naman tayong natawag na kaluluwa. Isasara ko na ang lagusan,” paalam ni Jena at muli siyang bumulong ng mga salitang latin. Ang mga tingin nila sa akin ay nakikitaan ko ng awa, hindi man nila alam ang buong kuwento ng buhay ko ay sapat na ang maikling salita na binitawan ko kanina para malaman nila kung gaano ako kamiserable. “Naisara ko na ang lagusan. Pasensya na, Yanessa. Ngunit walang kaluluwa na lumabas,” nahihiyang usal ni Jena sa akin at pilit na ngumiti. Hindi na lamang ako umimik, ayoko nang magsalita dahil ayaw kong makita nila ang pagkabigo ko. NAKAHIGA NA AKO sa kama nang marinig ko ang pagsarado ng pinto. Mukhang tapos ng ihatid ni Margie ang mga kaibigan sa labas. Lumapit ito at tumabi sa akin. Ilang segundo ang katahimikan na bumalot sa aming dalawa. “Napanaginipan mo ulit si Yuan?” Kahit madilim ang kuwarto ay nakatitig ako sa kisame, kahit walang nakikita kundi kadiliman. Hindi ko maiwasan na maihalintulad sa aking buhay. “Lagi naman,” mapakla kong sagot. “Hindi mo naman kailangang makausap si Yuan para lang mabigyan ng saysay ang buhay mo. Lagi mong sinasabi sa akin na walang kwenta ang buhay mo, hinihintay mo na lang ang kamatayan na kunin ka. Pero ang totoo, may pangarap ka, marami kang gustong gawin,” seryosong usal ni Margie. Ngayon niya lang ako kinausap sa ganitong paraan. Siguro dala na rin ng mga binitawan kong mga salita kanina. “Hindi totoo yan. Walang direksyon ang buhay ko, Margie.” Humalakhak siya sa marahan na paraan. “Kung ganun bakit nagpupursigi ka na makapagtapos? Bakit naaabutan kita na nagsusumikap mag-aral tuwing gabi. Nagpupuyat ka kaka-review. Para saan yun kung wala kang pangarap?” nanghahamon niyang tanong na ikinatahimik ko. “Isang pagkakamali lang yun, Yanessa.” “Isang malaking pagkakamali na dapat pagbayaran. Hindi ko kailangang matuto, ang kailangan sa akin ay kaparusahan.” Isang malalim na buntong hininga ang narinig ko kay Margie at hindi na nagsalita pa. Hindi rin naman niya kayang palitan ang pananaw ko. Ang isipan ko ay kandado na sa ganitong bagay, nakatatak na sa isip ko na wala akong karapatang mabuhay sa mundong ito. Hindi nagtagal ay nakatulog ako, ngunit sa gitna ng pagtulog ko ay nagising ako sa di malamang dahilan. Humikab ako at kinuha ang cellphone ko sa tabi ng aking unan, binuksan ko iyun para tignan ang oras. Napanguso dahil alas tres y media pa lang pala, akala ko ay pasikat na ang araw. Umihip ang malamig na hangin galing sa bintana malapit sa aming hinihigaan, binalot ko ang sarili ng kumot sa panandaliang lamig na naramdaman. Pinikit ko na lamang ang mga mata ko at pinilit na makatulog.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD