Chapter 1
“Tara na Vanessa,” tawag sa akin ng kaibigan kong si Helen. Kasalukuyan akong nagbibihis ng itim na t-shirt para sa susunod naming trabaho. Naku! Ganito na talaga ang buhay ko. Kailangan kong kumayod nang kumayod para mabuhay ang pamilya ko. May dalawang kapatid pa akong nag-aaral. Iyong batugan naman nilang Ama na step-father ko ay batugan pa sa batugan. Ang Nanay ko namang mabait ay busy sa mahjong minsan tong-its. Buti sana kung palaging nananalo eh kaso, olats palagi.
“Sandali,” sigaw ko sa kaniya. Tinirintas ko ang sapatos ko at nang matapos ay kinuha ang aking tig-singkuwentang liptint. Trabaho namin ngayon ang mag-serve sa isang twenty-four hours na kainan. Pagkatapos ng trabaho ko rito sa isang salon bilang isang manikurista ay punta agad sa isang karenderya. Umuuwi ako kadalasan ay nasa alas-onse na ng gabi.
“Pahingi ako liptint mo mamaya ha,” ani Helen. Kaagad na tumango ako.
“Sige, hindi ko pa naman nababayaran ‘yon. Baka gusto mo bigay ko na lang sa ’yo ng treinta,” sagot ko sa kaniya at ngumiti. Kaagad na tumikwas naman ang kilay ng bruha.
“Grabe ka naman, Vanessa. Pati ba naman lip tint utang?” wika niya na ikinataas ng kilay ko.
“Alangan namang papasok ako sa karenderya na sobrang putla. Baka akalain naman ng mga customer may anemia ako.”
Hinarap niya ako at tinapik sa braso.
“Girl, matuto ka namang bumili ng mga kailangan mo hindi iyong inuutang mo para lang may maibigay ka sa pamilya mo. I mean, tingnan mo nga ‘yang damit mo? Noong nakaraang taon pa ‘yan, ako pa ang nagregalo,” saad niya. Napakamot naman ako sa ulo ko. Alangan namang bibili ako ng bago kung magagamit ko pa naman. Sayang ang pera pambili, puwede ko na ‘yon pang-rolling ng hotdog.
“Okay pa naman ah,” rason ko. Kaagad na inirapan niya ako na akala mo naman ikinaganda niya.
“Baka isang araw Vanessa pati pambili mo ng tawas sa kili-kili hindi mo na kaya kasi ni piso wala na,” untag niya. Napangiti naman ako. Wala yatang bilib ‘tong kaibigan ko sa ’kin eh.
“Nakabili na ako isang bottle nu’ng nakaraan. Nag-sale kasi eh kaya tamang pang-isang buwang gamitan din ‘yon. T’saka hindi naman mabaho kili-kili ko ah,” ani ko sa kaniya. Langhiyang kaibigan eh. Inis na inirapan na naman niya ako. Napatingin ako sa highway nang may humintong traysikel. Pumasok naman kami kaagad.
“Viente-siete ka na, Vanessa. Ni minsan hindi ka nagkajowa. Kasi mas inuuna mo ang pamilya mong hindi ka naman talaga itinuring na pamilya nila eh. Ang turing sa ‘yo katulong. Iyong mga kapatid mo akala mo ang yayaman, ni hindi man lang marunong tumingin sa sitwasiyon mo. Halos hindi ka na nga kumakain huwag lang makagastos.”
Napatingin ako sa kaniya at napangiti nang tipid.
“Mahal ko sila eh. Hindi ko rin kayang makita na nahihirapan ang mga kapatid ko. Kung hindi maibigay ni, Nanay at Manong ang kaginhawaan sa kanila, ako na lang. Ramdam ko ang hirap nang hindi makapag-aral, Helen. Alam mo namang hanggang high school lang ako. Kung nakapagtapos lang ako noon siguro may mas magandang trabaho para sa ’kin. Siguro naiahon ko na sila sa kahirapan. Ayaw kong maranasan ng mga kapatid ko ang hirap na dinanas ko noon kaya okay lang sa akin na maghirap ako,” sagot ko.
“Sabagay, kaya ako bilib sa ’yo eh. Taas ng fighting spirit mo sa buhay,” aniya.
“Diyan lang po,” ani ko sa drayber at ibinigay na ang bayad. Mabilis na pumasok kami sa back door ng karenderya at tumulong na sa mga gawain. Iyong mga tingin ng may-ari na si Madam D ay talaga namang nakakahiyang huwag kumilos. Nasa four-eleven lang yata ang height ni Madam D at malaki ang tiyan tapos sa ibaba ay ang liit ng binti. Ang kilay niyang hindi mabubuo ang araw kapag hindi nag-isang linya. Iyong eye liner niya na kao-order lang sa akin mula sa Avon. Buti na lang at nag-advance siya kahit sa katapusan pa naman ang due date. Iyong iba ko kasing utangers lumalagpas na sa due date bago ako binayaran. Okay na rin, at least nagbabayad. Nakatoka ako sa paghuugas ng plato. Minsan kapag masiyadong marami ang customer tumutulong ako sa pagse-serve.
“V, bukas na ang kulang ko sa bra ha,” ani Grasya na naghihiwa ng pansahog. Kaagad na napatango ako.
“Oo naman,” sagot ko at nagpatuloy sa paghuhugas. Natigilan ako sandali at napatingin sa mga kasama ko. Busy ang lahat. Malaki na rin kasi ang wan pipty na kikitain ko sa ilang oras na pagtatrabaho rito gabi-gabi.
“Mga beshy, magbebenta ako ng mga chorizo at ibang online products bilhan niyo ako ha. One week to pay promise,” saad ko na ikinatuwa nila. Basta utang po ang saya. Kapag bayaran na ayun ako ang mamomroblema. Kararampot nan ga lang na ginansiya ang nakukuha s atubo ang tagal pa mabayaran. Ganoon naman talaga. Huwag sanang umabot na i-post ko sila sa f*******:.
“V, may nakilala ako sa tinder app. Baka magustuhan mo, kano ‘yon,” wika ni Rebecca sa akin habang humahango ng kanin sa malaking bandehado. Napakamot naman ako sa ulo ko sa narinig. Kahit sino talaga nirereto nila sa ’kin lalo na kung kano. Ito kasing si Rebecca may afam, at si afam walang alam na may asawa’t anak na ito. Ginawang ATM ang kano at may plano pa yatang isali ako sa kagagahan nila ng asawa niya. Diyos ko naman! Kahit mahirap ako hindi kakayanin ng konsensiya ko ang ganoon. Habang baliw na baliw sa ’yo ang kano at nagbibigay ng pera sa’yo, nagpapakasasa naman ang pamilya niya sa yaman ng iba dahil sa panloloko.
“Wala akong selpon, sige na at marami pa akong gagawin,” ani ko. Nagpatuloy ako sa paghuhgas ng plato na hindi ko alam kung kailan matatapos. Napatingin na lamang ako sa malaking wall clock kung kailan matatapos ang trabaho. Bandang alas-onse ay tapos na ang trabaho namin ni Helen. Mabilis na tinuyo ko ang aking kamay at kinuha ang bagong release na brochure ng PC, Avon at MSE. Sayang din baka may magustuhan si Madam.
“Madam D,” tawag ko sa kaniya na nagkakalkula ng pera.
“Oh?” sagot niya. Ngumiti ako nang pagkalaki-laki para naman mahawa siya sa kagandahan ko.
“May bago akong brochures dito, baka may magustuhan kayo,” sabi ko sa pinaka-sweet na boses. Tumikwas ang kilay niya at tinitigan ako.
“Maraming discount,” dagdag ko pa. Kinuha niya iyon at napangiti nang makitang may mga parts siyang nagugustuhan.
“Itong lipstick, t’saka itong flat strappy sandals ang gusto ko, Vanessa,” saad niya. Mabilis na kinuha ko iyon at nilagyan ng tatak ng ballpen.
“Thank you, Madam D. Uwi na po kami,” saad ko at lumabas na ng kainan. Nakita ko naman si Helen na naghihintay sa akin.
“Lakad na lang tayo, malapit na lang din naman eh,” suhestiyon ko. Medyo may kalayuan pero nagtitipid kasi ako. Malapit na ang bayaran ng miscellaneous fee ni Maria at Mary. Hindi ko pa kasi nafu-fully paid dahil maraming gastusin. Napatingin ako sa one-fifty na hawak ko at bibili ako ng bigas pandagdag sa nabili kong sampung kilo kahapon.