CHAPTER 2

1186 Words
“SO, ang gusto mong gawin namin ay tulungan kang mabawi ang ex-girlfriend mo sa bago niyang boyfriend dahil sa tingin mo, mahal ka pa rin ng ex-girlfriend mo at nakipagrelasyon lang siya sa iba para pasakitan ka. Iyon ba ang gusto mong sabihin?” tanong ni Czarina sa lalaking naabutan nila sa silid kung saan nila hinaharap ang mga kliyente nila. Iyon ang tunay na trabaho nila sa Club Notteria. To do petty and almost ridiculous dirty jobs for the people of the high society discreetly. Takot malugmok sa kahihiyan ang mga mayayaman kaya kumokonsulta ang mga ito sa kanila kaysa sa mga pulis para mas mapadali ang pagresolba ng mga problema ng mga ito. Sinisiguro din nilang walang makakaalam ng mga problemang isinasangguni sa kanila. Minsan naman ay may mga mayayamang gusto lang na gumawa ng hindi maganda at dahil walang lakas ng loob na gawin iyon nang mag-isa kaya humihingi ng tulong sa kanila tulad na lang ng lalaking kaharap nila ngayon. Halos walang nakakaalam na nag-e-exist pala ang grupo nila. Ang una nilang kliyente ay pinili mismo ni Miss Red Butterfly. Nang maayos nila ang request ng kliyenteng iyon ay binigyan nila ito ng dalawang calling card na maaari lang nitong ibigay sa dalawang taong pinagkakatiwalaan nito na hindi ipagkakalat ang tungkol sa grupo nila. Ang dalawang taong binigyan ng card ang magiging bago nilang kliyente. Ang mga kliyente ring iyon ay binigyan din nila ng dalawang calling card na ipapasa rin ng mga ito sa iba. Ganoon sila kalihim. Ang lalaking nasa harap nila ang panlima nilang kliyente. Ang nakaraan nilang naging trabaho ay tulungan ang isang kilalang personalidad na mabawi ang mga s*x video na pinamba-blackmail dito ng isang matandang kongresista. Simple lang naman ang ginawa nila. Lumapit si Lauradia sa kongresista bilang pain at inakit ito. Kahit gustong-gusto na siyang ikama ng lalaki ay nagawan niya ng paraan na hindi makarating doon hanggang sa makuha nila ang mga video. Pero bago matapos ang misyon niya ay palihim din siyang kumuha ng video na kunwari ay hina-harass siya ng kongresista. Ang video na iyon ang ginamit niya para ang lalaki naman ang i-blackmail. Naayos na ang problema, nabayaran pa sila ng malaking halaga. Pinigilan ni Lauradia ang mapailing nang determinadong tumango ang lalaki. Sumandal siya sa sofa at pinagmasdan ito. May hitsura ang bago nilang kliyente pero tila ito ang tipo ng lalaking hindi alam ang gagawin kapag na-trap sa isang isla kasama ang isang babae. Masyadong maputi at makinis ang lalaki na sigurado siyang dulot ng regular nitong pagpunta sa dermatologist. Maayos ang pananamit ng bago nilang kliyente pero wala siyang makitang muscle sa katawan nito. Edukado pero walang disposisyon. “Matutulungan ninyo ba ako?” tanong pa ng lalaki sa desperadong tinig. Nagkatinginan sila ni Czarina, halatang hinihintay ng ka-grupo niya na siya ang magsalita. Nagkibit-balikat si Lauradia nang tingnan uli ang lalaki. “Trabaho naming gawin ang kung ano man ang gustong mangyari ng kliyente namin sa lahat ng aming makakaya. At dahil inaprubahan ni Miss Red Butterfly ang inaalok mo sa aming trabaho ay papayag kami. Pero gusto ko munang malaman kung mayroon ka bang ideya kung paano maibabalik sa `yo ang ex-girlfriend mo at paano kami makakatulong sa `yo?” mahinahong tanong niya. Hindi naman sa hindi nila alam ang gagawin. Gusto lang niyang subukan ang lalaki. Kumislap ang mga mata nito at tumigas ang anyo. “Ang bago niyang boyfriend ang dahilan ng lahat ng nangyari sa amin ng girlfriend ko. Inagaw niya sa `kin si Julia. Kahit anong pagkumbinsi ang gawin ko sa kanya na hiwalayan ang lalaking iyon ay hindi siya pumayag. You see, their families are also close and both sides are already talking about marriage. Masyado ring makapangyarihan ang pamilya ng lalaking iyon. Sa tingin ko iyon ang dahilan kung bakit ayaw niyang hiwalayan ang lalaking iyon. Kaya dapat ang lalaking iyon ang humiwalay sa kanya. I want you to focus on him. Seduce him or something. I don’t care. Basta walang kasalan na mangyayari at maghihiwalay sila. Then I will come to Julia’s rescue and marry her,” matatag na pahayag ng lalaki. Looks can be deceiving. Hindi halata pero mautak ang lalaking ito, sa loob-loob ni Lauradia. Sinulyapan uli niya si Czarina na bahagya namang tumango. Umayos siya ng upo at hinarap ang lalaki. “I think that is a good idea. Dala mo ba ang profile ng lalaking ito? Pati na rin ang profile ng ex-girlfriend mo at ng lahat ng mga taong nasa paligid nila. Then you will have to sign a contract para siguradong naka-record ang mga pinag-usapan natin.” Bumakas ang pag-aalinlangan sa mukha ng lalaki. Bahagya niya itong nginitian. “Huwag kang mag-alala. Si Miss Red Butterfly at tayong tatlo lang rito ang makakaalam ng kontratang iyan. Sinabi naman siguro sa `yo ng nagbigay ng calling card namin na mapagkakatiwalaan kami, hindi ba?” aniya rito. Tumango ang lalaki. “Good. Now, nasaan na ang profile na hinihingi namin?” Kumilos ito at inilapag sa mesa ang isang envelop. Inabot iyon ni Lauradia at sumandal sa sofa. Maingat niyang binuksan ang envelop at kinuha ang laman niyon. Tumambad sa kanya ang 3R sized na litrato ng isang lalaking nakasuot ng itim na business suit. Inaasahan na niyang guwapo ang lalaking makikita niya sa larawan. Pero hindi pa rin niya nakontrol ang sariling mapatitig nang matagal sa mukha ng lalaki. Tila ba may kung anong mahika ang larawang iyon kaya hindi niya magawang alisin ang tingin doon. Ang mga mata niya... sa loob-loob ni Lauradia. May kung ano sa malalim na mga mata ng lalaki na titig na titig sa kung sino mang kumuha ng larawang iyon na umaabot hanggang sa tumitingin sa larawan. His eyes shone with intelligence. Kahit siya siguro si Julia ay talagang ipagpapalit ang kahit na sinong lalaki para sa lalaking nasa larawan. “Siya ang lalaking gusto kong ilayo ninyo kay Julia. That’s Raiven Montemayor, the oldest son and the major heir of Montemayor Communications. He’s a straight-laced man. Kaya alam ko na hindi magiging madali para sa inyo na akitin siya. But you will do this, right?” tanong pa ng kliyente nila. “Of course,” mabilis na sagot ni Czarina. Napakurap si Lauradia nang maramdaman niya ang pasimpleng pagsiko ng babae sa tagiliran niya. Tila napasong ibinalik niya sa envelop ang larawan at pormal na hinarap ang lalaki. “Huwag kang mag-alala. Wala pang trabahong hindi namin napagtagumpayang gawin,” aniya rito. Tumango-tango ang lalaki. “That’s good then.” Saglit pa ay nagpipirmahan na sila ng kontrata. Inabala niya ang sarili at itinuon ang buong atensiyon sa dalawang kasama niya. Pero hindi binitawan ni Lauradia kahit isang segundo ang envelop na naglalaman ng larawan ng bago niyang target—si Raiven Montemayor. Hindi na siya makapaghintay na makilala nang personal ang binata. The thought created a knot in her stomach. Excitement ba iyon? Pero kahit kailan ay hindi niya naramdaman iyon sa iba pa niyang trabaho. Don’t think too much, paalala niya sa sarili.      
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD