Chapter 2

2105 Words
CHAPTER 2: MISSION Marami ang uri ng krimen sa mundo, pero may isang organisasyon na naniniwalang ang pinaka ugat ng lahat ng ito ay ang mga taong namumuno mismo. Katwiran ng grupo, kung simula pa lang ay maayos na ang pamumuno at pagpapatakbo ng mga lider sa bansa, maayos at disiplinado rin sana hanggang ngayon ang kabuuan nito. Oo nga't may mga sibilyang gumagawa rin ng krimen, may mga taong hindi sinasadyang nakagagawa ng kasalanan. Pero bilang pinuno ng bansa, tungkulin nilang isa-ayos ang baluktot na ugali ng mga mamamayan at maging isang mabuting ehemplo sa bayan na kanilang nasasakupan, para sila ang pamarisan—pero malinaw naman na kabaliktaran nito ang nangyayari. Ang pinaka ayaw ng grupo na nangyayari ngayon sa bansa ay: napapalitan ang nauupo, napapalitan ang administrasyon, napapalitan ang pamamalakad—pero nananatiling walang pag-asenso, kagaya pa rin ng dati na laganap ang kahirapan, kagutuman, korapsyon, at iba pa. Minsan pa, pareho lang ang taong nauupo, o 'di kaya ay ang kanilang ama, ina, ate, kuya, tito, tita, o sino pang miyembro ng kanilang angkan ang makikita mong nasa pwesto. Sa bawat lugar, may politikong namumuno, iba-iba ang kanilang mga alituntunin pero pare-pareho lang naman ang nakukuha ng mga nasasakupan nila—wala. Sa pagsasama-sama ng maliliit na botante, nagiging malakas ang isang politiko; pero kapag ang mga politiko ang nagsama-sama, hindi nila napapalakas ang mga maliliit—bagkus ay lalo pa silang humihina. Madaya? Sobra. Paano nga ba lalong humihina ang mga maliliit? Imbes kasi na tulungan, politiko pa mismo ang gumagawa ng mali. Lahat ng krimen sa mundo ay ginagawa rin nila, at ang mas masakit pa, mismong mga tao ang biktima nito. Sa pananaw ng organisasyon, wala nang katapusan ang ganitong pamumuhay. Para bang sa kada henerasyon, sanay na ang lahat sa ganito kaduming mundo ng politika. Idagdag pa na kapag may mabuting binago, babahiran ito ng masama para bumagay sa nakasanayan. Ang problemang ito ng bansa ay magpapatuloy lang sa paglago kung hindi ito bubunutin sa mismong ugat. Bilang isang organisasyon, layunin ng kanilang samahan na bunutin ang mga masasamang d**o na nagiging dumi ng bansa. Tinawag nila ang kanilang grupo na Dark Knight—ang uubos sa mga lider na s'ya ring latak ng lipunan. Ito rin ang ipinamulat nila kay Sinister... lahat ng politiko ay masama. Limang taon pa lang si Sinister nang tanggapin siya ng grupo... wala siyang ibang mapuntahan nang mamatay ang mga magulang niya, kaya laking pasasalamat niya nang ampunin siya ng Supremo ng grupo. "Gusto mo bang ipaghiganti ang pagkamatay ng mga magulang mo?" Ito ang unang itinanong ni Supremo sa isang batang paslit. Nag-uusap sila habang nasa loob ng kotse. Agad itong tumango kahit pa walang tigil ang pag-iyak niya. "Kailangan mong maging isang matapang na bata, maraming masasama ang nasa paligid na puwedeng mang-api ulit sa 'yo." Tumatak sa isip ng isang batang si Shaika na ang tinutukoy ng kausap niya ay kagaya ng mga kaklase niyang walang ibang ginawa kundi ang apihin at pagtawanan siya. Natawa ang lalaki nang inilabas ni Shaika ang isang gunting. "Iyan ba ang ginamit mo para patayin ang kaklase mo?" Muling tumango ang bata, pinahiran niya na rin ang luha sa mata niya. "Gusto ko ang tapang mo, bata. Sigurado akong makakaganti ka sa mga umapi sa 'yo, pati na rin sa pumatay sa magulang mo. Mula ngayon, kabilang ka na sa aming grupo. Isa ka ng assassin, at ang ipapangalan ko sa 'yo ay... Sinister." Naging maluwag ang buhay ng bata sa piling ni Supremo, lahat ng laruan na gusto niya ay nakukuha niya, hindi niya na rin kailangan pang pumasok sa school para lang maging proud ang bago niyang papa. Ang tanging pinapagawa lang sa kanya ay pumatay ng kuneho. Hanggang sa unti-unting tinuruan si Sinister paano maging isang ganap na assassin, nakalimutan na rin niyang Shaika ang pangalan na ibinigay sa kanya ng mga magulang niya. Dumating ang pagkakataon na kailangang sumabak ni Sinister sa isang pagsubok, sampung taon pa lang siya nang oras na iyon pero ang ipinapagawa sa kanya... ay pumatay ng isang taong hindi niya alam kung ano bang naging kasalanan sa kanya. "Kung gusto mo talagang ipaghiganti ang mga magulang mo, kailangan mo siyang patayin," utos mismo ni Supremo. Madilim ang paligid ng lugar, hindi alam ni Sinister kung nasaan sila pero madami siyang kasama roon bukod kay Supremo, nasa gitna siya ng mga ito kasama ang isang lalaking sugatan. "Inuutusan niyo ang isang bata na pumatay? Mga baliw ba kayo?!" sabi ng lalaking sugatan. "Manahimik ka! Isa ka sa pumatay sa mga magulang ng batang ito! Wala kang karapatang mabuhay!" sigaw ni Supremo. Nakaramdam ng kaba si Sinister nang marinig niya iyon. Tumingin siya na may halong pag-aalinlangan kay Supremo. "Oo, Sinister... kasama siya sa pumatay sa mga magulang mo," ani Supremo. "Hindi! Niloloko ka lang nila, bata! Wala akong alam sa sinasabi nila!" giit ng lalaki. Inabutan ng baril si Sinister, hindi niya alam ang gagawin dahil hindi niya rin maintindihan ang nangyayari. "Kunin mo 'yan, anak... patayin mo rin ang pumatay sa mama at papa mo," sabi ulit ni Supremo. Takot na takot ng bata, pero kinaya niyang kunin ang inabot sa kanya. Tumutulo man ang luha ay nagawa pa rin niyang itutok ito sa lalaking sugatan. "Kailangan mo siyang patayin, anak. Para sa magulang mo, para sa akin na bago mong papa, para sa ating samahan, at para sa sarili mo." Sa pagitan ng pag-iyak, sumigaw ang bata at buong tapang na kinalabit ang gatilyo ng baril. Natulala na lang siya nang makitang nakahandusay na ang lalaking sugatan. Agad siyang niyakap ni Supremo, "Tama lang ang ginawa mo, naipaghiganti mo na ang mga magulang mo." Mula noon, hindi na kuneho ang inuutos kay Sinister na patayin niya, palagi na siyang dinadala sa madilim na lugar na iyon para patayin ang mga taong itinuturo ni Supremo. "Tandaan mo, anak... walang mali sa ginagawa mo. Lahat ng pinapatay mo sa bodega ay masama, mga makasalanang tao, nang-aapi, wala nang karapatan pang mabuhay at hinihintay na ni Satanas sa impyerno." "Pero... sino ba talaga sila, papa? Bakit sila naging masama?" Sumilay sa labi ni Supremo ang isang ngiti at kinuwento nito lahat ng tungkol sa organisasyon, ipinaliwanag sa kanya ang ginagawa nila at kung bakit nila ito ginagawa. Sinabi rin nito na ang uri ng mga taong pinapatay nila ay gaya rin ng taong nasa likod ng pagpatay sa mga magulang niya. "Bakit? Anong kasalanan ng magulang ko sa kanila?" Bata lang siya noon, wala siyang ideya sa kung ano ang pinagkakaabalahan ng mga magulang niya nu'ng nabubuhay pa ang mga ito, kaya hindi rin niya maintindihan kung ano ang koneksyon nila sa mga taong tinutukoy ni Supremo. "Hindi mo nga siguro ito alam, pero isang abogado ang iyong ama... naging kliyente niya ang isang anak ng politiko na may kaso ng hit and run. Natalo ito sa kaso at nakulong ang anak ng politiko, dahil sa galit sa nangyari ay pinatay nila ang iyong ama at nadamay lang ang iyong ina." Sa mga binanggit ni Supremo, isa lang ang tumatak sa isipan ng batang si Shaika—galit din ang gagamitin niya para patayin ang mga politikong iyon. Hanggang sa paglaki ay baon ni Sinister ang galit na 'yon, wala siyang pakialam sa kung ano man ang intensyon ni Supremo sa mga politiko. Hindi niya iniintindi kung ano man ang sinasabi sa kanya, basta ang alam lang niya... dapat mamatay lahat ng ituturo sa kanya na patayin niya. Hindi na matandaan ni Sinister kung kailan ba ang unang beses na pumatay siya ng politiko, ni hindi na nga niya iniisip kung sino ba sila, walang ibang laman ang puso niya kundi ang galit sa mga taong 'yon, galit sa parehong uri ng tao na sumira sa buhay niya. Sa kabila ng ginagawang ito ni Sinister, may tanong pa rin siya sa isip, "Tama bang pumatay ng tao kahit pa sabihing masama sila?" Mali man kung sabihing makasalanan sila at dapat talaga silang parusahan, may kaunting duda pa rin ang dalaga sa uri ng paniningil ng organisasyon sa mga taong iyon. Minsan din niyang tinanong ang sarili kung ano ba ang pakiramdam ng mabuhay na normal, 'yun bang wala kang dapat patayin, wala kang galit sa mundo, wala kang dapat intindihin na baka dumating ang isang araw ay makita mo na lang ang sarili mo sa loob ng kulungan. Pero alam niyang wala rin namang ibang paraan para singilin ang mga ganoong klaseng tao, maski ang batas ay kaya nilang paglaruan. Kaya huli na para sa pagbabago, wala ng makalilinis sa dumi ng pagkatao niya. Isa na siyang tao na isinakrispisyo para maging isang demonyong tagasundo sa mga makasalanan at dalhin sa impyerno. Kahit pa may kaunti siyang kagustuhan na maging normal, isa na lang 'yong panaginip... *** Pagkatapos ng trabaho, agad na sinuri ng dalaga ang paligid kung may naiwan siyang ebidensya. Nang matiyak na malinis na ang lahat, umalis siya sa lugar na parang isang bayarang babae na may pupuntahang customer—isang inosente sa nangyari. Dumiretso si Sinister sa bahay ng kaibigan, alam niya kasing naghihintay ito sa kanya at mas matutuwa ito kapag nalamang pagkatapos ng misyon ng dalaga ay siya ang sunod na pinuntahan. Pareho ang uri ng trabaho ng magkaibigan, pareho rin sila na binibigyan ng mga ganito kahirap na misyon—'yun bang mabibigat at kilalang tao ang pinapapatay sa kanila. Halos sabay din silang naging miyembro ng grupo, pero hindi kagaya ni Sinister si Herlene na namatayan ng tunay magulang, dahil simula nang magka-isip siya ay hindi pa niya nakikilala ang mga magulang niya. Isang mayor ang kumupkop kay Herlene. Ayon sa kanya, kabaliktaran ng mga dinadala nila sa hukay ang ugali nito, mapagmahal at napakabait na ama ng tingin ng dalaga sa taong iyon. Naniniwala siyang ito ay matuwid na politiko at hindi sumasabay sa agos na gusto ng ibang kasama niya sa partido, kaya ito na rin ang naging dahilan ng kamatayan niya. Ang pagkamatay ng mayor ang naging malinaw na rason ni Herlene bakit pumayag siyang sumali sa Dark Knight. Naniniwala rin siyang dapat talagang mawala ang mga masasamang d**o na nagiging sagabal sa matuwid na daan. Hindi man nagkaroon ng pagkakataon ang dalaga na makilala ang tunay niyang magulang ay naramdaman naman niyang hindi siya nag-iisa sa piling ng ama niya at iyon ang bagay na kinuha sa kanya ng bulok na sistema. Iyon ang bagay na parehong sinasang-ayunan nilang dalawa... Maliwanag na ang paligid nang dumating si Sinister sa bahay na tinutuluyan ni Herlene. May nakahanda ng makakain ang kaibigan niya dahil inaasahan nito ang pagbisita ng dalaga. "Hello, baby Shai!" agad na bati ni Herlene pagdating ng kaibigan niya sa kanyang bahay. Napairap si Shaika bago tumuloy sa loob ng bahay. "Kailan mo kaya ako titigilan sa ganyang pang-aasar mo?" Pagak na tumawa ang kaibigan niya saka sumagot, "Kapag tanggap mo na ikaw si Shaika." Seryosong tumingin si Shaika sa kausap. "Hindi mangyayari iyon," aniya. "Okay, fine," ani Herlene pero suot pa rin ang nakakaasar na ekspresyon sa mukha. Kagaya ng nakasanayan ng dalawa, inubos nila ang oras sa pagku-kwentuhan. "Shai, I have something to tell," ani Herlene. Agad na nabura ang ngiti sa labi ng best friend niya. Seryoso ang tono ng boses ni Herlene, kaya alam ni Shaika na hindi maganda ang sasabihin nito. "Ibinigay na sa akin ni Supremo ang susunod kong misyon, and I can't take it." Kumalma si Sinister, na-realize niyang nag-iinarte lang ang kaibigan. "Huhulaan ko, kaibigan 'yan ng kinilala mong ama," diretsong sagot ng dalaga. "Shai! Huwag mo nga siyang tawagin na parang kung sino lang, siya pa rin ang Papa ko kahit anong mangyari," giit ni Herlene. "Whatever." Hindi na pinatulan pa ni Herlene ang kaibigan, kapag ganitong usapan kasi ay hindi sila nagkakasundong dalawa. Sa paniniwala ni Sinister, kahit pa mabuting tao ang tingin ng kaibigan niya sa lalaking kinilala nitong ama, hindi maitatanggi na politiko pa rin siya—naniniwala ang dalaga na namatay ito dahil may liko rin itong ginagawa. Pilit niyang ipinauunawa sa kaibigan na magkaibang bagay ang pagiging isang ama sa pagpasok nito sa politiko. Sa pananaw naman ni Herlene, hindi lahat ng politiko ay gaya ng akala ni Shaika, sadyang nabubulag lang ito sa ipinapakitang malasakit ni Supremo dahil sabik ito sa pagmamahal ng isang magulang. Alam niyang ginagamit lang nito si Shaika sa personal na interes at hindi totoo ang ipinapakita nitong pagmamahal sa kaibigan niya. "Viper, you know what's the goal of our organization. Kaya sa ayaw at sa gusto mo, kailangan mong gawin ang ibinigay sa 'yong misyon," paalala ni Sinister sa kaibigan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD