Chapter 3

2124 Words
CHAPTER 3: THE MAYOR "Palibhasa kasi, paborito ka. Kaya ang ibinibigay sa 'yong misyon ay madali." Nagpanting kaagad ang tainga ni Sinister nang marinig iyon mula sa kaibigan. "Viper, sumosobra ka na." "Shut up! Hindi mo 'ko kailangang tawagin sa codename na 'yan dahil nandito tayo sa pamamahay ko." Napabuntong hininga na lang ang dalaga, nag-iisip bata na naman kasi ang kaibigan niya. "Ikaw naman kasi, alam mong ayokong naririnig 'yan sa 'yo," ani Sinister. "Shaika, ayoko talaga sa misyon na 'yon. Hindi ko kayang patayin ang isang malapit na kaibigan ni papa." Napairap si Sinister nang marinig na naman niya ang pangalan niya. "Oo na, sige na. Gets ko na ngayon bakit mo 'ko pinapunta rito sa bahay mo." Bahagyang natawa si Herlene. "Oy, hindi! Totoong nami-miss na kita." Sabay na tumawa ang magkaibigan. "Sige, kakausapin ko si Papa. Susubukan ko kung ibibigay niya sa akin ang mission mo para wala ka nang problemahin pa." Napatayo si Herlene. "Talaga beshy?! Thank you, love you!" aniya, sabay yakap ng mahigpit sa kaibigan. *** Pagkatapos ng isang misyon, mayroon sanang isang buwang pahinga si Sinister. Pero dahil sa request ng kaibigan, pupunta siya ulit ngayon sa opisina ni Supremo para kausapin ito. Nakasanayan na ng dalaga ang kumatok muna sa pinto ng opisina at hintayin siyang papasukin ni Supremo, pero nakailang katok na siya ay wala pa ring sumasagot mula sa loob. Kumunot ang noo ng dalaga, ni minsan, hindi pa iniwan ng papa niya ang opisina nito na walang tao. Agad siyang kinutuban ng masama at mas lalo pa itong nabalot ng pagdududa nang iniwan ni Supremo ang pinto na hindi naka-lock. "Pa...?" ani Sinister pagpasok sa loob. Kagaya ng inaasahan, wala ang Supremo sa loob... Kung ano-ano na ang pumasok sa isip ng dalaga, balak na niyang isa-isahing tawagan ang mga Executive, alam niyang may hindi tama sa nangyayaring ito. "Sinister?" Napalingon siya agad sa tumawag sa kanya. Kunot noong sumagot ang dalaga, "Three? Anong ginagawa mo rito?" Si Three ay isa sa limang Executive ni Supremo, sila ang namamahala sa bawat Division na sakop ng Organisasyon. "Ah, hinahanap ko rin si Supremo." Hindi nawawala ang pagdududa sa isip ni Sinister. "May meeting ba ang Executives kasama si Supremo na hindi ko alam?" Bilang legal na anak ni Supremo, mas mataas ang posisyon ni Sinister sa mga Executive, tinuturing siyang kanang kamay nito. "Sinister, anak." Hindi na nagawang sumagot ni Three dahil sa pagdating ng hinahanap nila. "Pa!" Agad na sumalubong ng yakap ang dalaga. Nawala ang kaba niya sa dibdib. "Sobra mo 'kong pinag-alala, hindi mo 'ko sinabihan na may meeting ngayon," ani Sinister. Bumitaw sa pagkakayakap ang dalaga at ngumiti naman si Supremo sa kanya. Inanyayahan nito sina Sinister at Three na tumuloy sa opisina niya, pinaupo niya rin ang dalawa. "Walang meeting, anak. May inasikaso lang ako sandali kaya ako lumabas ng Opisina," ani Supremo. "Papa, kaya nga tayo may Executives at iba pang tauhan, para sila ang umasikaso ng gagawin mo at hindi mo na kailangang umaalis dito, alam mo naman na ayokong makita ang opisina na wala ka rito." "I'm sorry kung pinag-alala kita, anak. Anyway, tama na rin na nagpunta ka rito..." Kumunot ang noo ni Sinister. "Why? May problema ba?" Tumingin si Supremo kay Three bago nagsalita, "Three, sabihin mo sa anak ko ang sinabi mo sa akin kanina sa telepono," aniya. Tumango si Three bilang pagsagot kay Supremo saka ito humarap kay Sinister. "May problema kami ngayon sa Division namin, pumalpak ang isang tauhan natin na patahimikin ang isang mayor doon." Napapikit ang dalaga dahil sa narinig, ayaw niya kasing makarinig ng mga ganitong balita at pinapakalma niya ang sarili para hindi masigawan ang kausap. Ipinagpatuloy ni Three ang pag-report tungkol sa mayor na binanggit niya. Kinuwento niya na mahirap daw kalabanin ang mga bodyguards nito, hindi raw nagawang makalapit ng assassin na ipinadala niya. "Wala ka na bang ibang maipapadala r'on?" tanong ng dalaga sa kausap. Umiling ito saka nagsalita, "Ang pinakamagaling na assassin sa Division namin ang inutusan kong pumatay sa mayor na 'yon pero gaya ng sinabi ko, hindi niya nagawa." Ibinaling ni Sinister ang tingin kay Supremo na para bang humihingi ng pahintulot na ibigay na sa kanya ang trabahong ito, isang tango ang naging sagot nito sa kanya. "Sige, ako na ang haharap sa mayor na sinasabi mo. Bilang kapalit, may ipapatrabaho rin ako sa mga assassin mo," ani Sinister pagbaling muli ng tingin niya kay Three. Ipinaliwanag ni Sinister sa dalawang lalaking kaharap niya ang tungkol sa rason ng pagpunta niya sa Opisina, hindi naman tumutol si Supremo nang inutos ng dalaga kay Three ang tungkol sa pag-ako ng dapat ay misyon ni Herlene. Pagkatapos ng pag-uusap, pinaalis na ni Supremo si Three. Pinag-usapan naman ng mag-ama ang lahat ng tungkol sa mayor na binanggit nito. "Maraming ilegal na gawain ang mayor na 'to Sinister, kaya hindi na 'ko nagtataka sa mga sinabi ni Three." Ngumisi ang dalaga saka sumagot, "Ibig bang sabihin niyan... mas masaya?" "Sinister, mag-iingat ka sana. Hindi biro ang misyong ito, mabigat ang pangalang babanggain mo." Hindi nawawala sa mukha niya ang ngisi. "Zeldris Tan? Sino ba siya?" aniya, binanggit niya ang pangalan ng mayor na para bang isa lang itong maliit na peste. Hindi kaagad nakasagot si Supremo, tila ba nag-iisip kung tama lang ba na sagutin niya ang tanong ng dalaga. "Kaunti lang din ang alam ko tungkol sa kanya, mahigpit siyang kaaway ng ating organisasyon. Marami siyang koneksyon at maraming ka-sosyong politiko sa ilegal na negosyo." "Mahigpit pala nating kaaway, bakit inutos niyo sa isang mahinang assassin lang?" "Hindi mahina ang mga assassin na nasa Division ni Three... hindi mo lang kilala ang mayor na 'yon, kaya nasasabi mo 'yan." Tumayo ang dalaga na parang hindi ininda ang paalala ng papa niya. Nagpaalam ito na parang walang kahit anong kaunting kaba sa gagawing misyon, masyadong kampante na magagawa niya ito ng madali. Pagkatapos manggaling sa opisina ni Supremo ay agad na ibinalita ni Sinister sa kaibigan ang naging resulta ng request niya. Sinabi niya rin ang tungkol sa naging kapalit ng ni-request nito. Maagang umuwi ang dalaga para pag-aralan ng husto ang lahat ng impormasyon tungkol kay Mayor Zeldris Tan. Habang nagbabasa, na-realize niyang tama ang mga paalala sa kanya ng papa niya, kailangan niya talaga ng maayos at mabisang plano. Bilang assassin, hindi ugali ni Sinister na patagalin ang isang misyon. Gusto niya itong tapusin agad para mas maaga ang maging pahinga niya. Bihira lang talaga niya itong gawin na umaabot ng linggo o buwan. Hindi naman siya nagreklamo sa kaibigan na siya na ang tatrabaho sa dapat ay misyon ni Herlene, mas gusto niya na siya mismo ang makaranas ng exciting mission na ito na hindi dapat palampasin! *** Tanghali na nang marating ni Sinister ang address ng Rest House na tinutuluyan ni Mayor Tan. Sabi sa personal information nito, binisita raw ng mayor ang mga magulang niya kaya ito tumutuloy ngayon dito. Perpektong pagkakataon naman ito sa kanya dahil mas madali niya itong mapapatay kung malayo ito sa teritoryo niya. Sa totoo lang, hindi naniniwala si Sinister na bumisita ang mayor sa mga magulang niya kaya ito nandito. Sa negosyo nitong ilegal, hindi yata bagay ang ugali na gaya ng isang mabuting anak. Hindi na pag-aaksayahan pa ng panahon ni Sinister ang pasukin ang Rest House na 'yon, alam niya namang mahigpit ang seguridad ng paligid nito. Simple lang naman ang naiisip na paraan ni Sinister, pupunta siya sa isang rooftop ng isang building at doon ay maghihintay ng tamang pagkakataon para barilin ang mayor. Lame na paraan pero wala naman siyang ibang naiisip na mas madaling paraan para makalapit sa target. "Okay, simulan na ang hintayan gaming," aniya pagdating sa rooftop na napili niya. Parang nag-star gazing lang ang dalaga, nakatutok ang mata niya sa lens ng telescope habang pumapapak ng baon niyang crackers, sinusuri ang bawat nangyayari sa paligid ng Rest House pati na rin ang loob nito. Mailap ang Mayor na target niya dahil ilang oras na siyang nakatutok dito ay hindi niya pa ito nakikita kahit saglit lang. Pagkagat ng dilim, hindi pa rin niya nakikita ang target. Kumunot ang noo ng dalaga, habang iniisip na baka alam na ng mayor na mayroong papatay sa kanya ngayon. Ngumisi ang dalaga. "Wala pang nakakatakas kay Sinister, Mayor," aniya. Pagka-ubos ng huling plastic ng pagkain, napagdesisyunan na niyang tinigilan na ang paghihintay dahil sapat na ang kalahating araw niya sa pag-aksaya ng oras dito sa rooftop. "Kung alam ko lang na susugod pa rin pala ako sa loob, 'di ko na sana binibit ito," reklamo niya habang nagliligpit ng mga gamit. Walang oras ang dalaga para itago ang mga bitbit niya, dinala na lang din niya ang bag pababa sa building. Nagmamadali siya dahil may kalayuan din ang pinaggalingan niya sa lugar ng Rest House, hindi siya maaring magbiro ngayon sa oras dahil maraming puwedeng mangyari habang papunta siya roon, isa na rito ay ang makaalis ang Mayor na hindi niya namamalayan. Walang kahit na anong trap ang paligid ng Rest House, nagkalat lang talaga ang mga tauhan nito sa paligid ng compound. Desperada na si Sinister, dahil sa badtrip ay sa harap siya ng gate dumaan, hindi alintana kung may CCTV o kung armado man ang bantay ng gate. Dahil gabi na, wala na ring mga taong umaaligid sa paligid kaya wala siyang iintindihin na may makakakita sa kanya. Imbis na payapang kumatok, marahas na sinipa ng dalaga ang gate. Paraan niya ito para may lumabas. Hindi na nakaporma ang tatlong guard na lumabas, agad silang pinalagan ng dalaga kahit pa manu-manong suntukan at malalaki ang katawan nito. Mabilis lang ang pangyayari, pagkatapos niyang mapatumba ang tatlo ay iniwan na lang niya ito basta sa labas ng gate at hindi manlang ito sinarado. "Bahala na si Satanas gumising sa inyo, mga hangal," aniya. Kinuha na rin ng dalaga ang baril ng isa sa kanila at kumuha na rin siya ng bala nito, may dala naman siyang sarili niyang baril pero mas okay kung gamitin niya na lang ang biyayang ito. Buong tapang na pinasok ni Sinister ang bahay, hindi pa man siya nakakapasok sa mismong pintuan ay pinaulanan na agad siya ng bala. Sementado naman ang bahay kaya walang problema kay Sinister ang pagtatago sa mga bala. Sa tuwing may pagkakataon ay gumaganti siya ng putok, at siyempre, hindi naman siya pumapayag na wala siyang napapatumba. Tila hindi nauubos ang mga guard na sumusugod sa kanya, maya't maya ang paulan nila ng bala sa dalaga. Hindi na siya gaano gumaganti ng putok, tinitipid na niya ang bala dahil tiyak niyang marami pang susugod sa kanya, puputok na lang siya kapag may nakita siyang maaring matamaan ng tiyak. Habang nagtatago sa bala, sumisimple na ng lipat ng pwesto si Sinister. Kahit nasa bingit na ng kamatayan ay dapat pa rin niyang gawin ang makakaya niya mahanap lang ang Mayor na kanyang target. "Hindi ba sila nagsasawa kakaputok, hindi naman nakakatama," komento niya habang nagpapalit ng magasin. Pagkasa niya ng baril, pinutukan niya agad ang isang lalaking bahagyang lumantad. Pagbagsak nito, lumapit siya sa katawan nito at kinuha ang baril at magasin. Patuloy lang sa paglaban ng barilan si Sinister, hanggang sa makarating siya sa isang kwarto. "Napapagod na 'kong makipagbarilan sa inyo, di naman kayo nauubos." Pinili na lang ng dalaga na magtago sa isang kwarto at maghintay kung sakaling may papasok dito. Pero pagpasok sa loob, hindi niya inaasahan ang nakita niya... Si Mayor Zeldris Tan, nakasalampak sa sahig at may isang lalaking nakatutok na ang baril dito. Agad na nabalot ng pagtataka ang dalaga, 'May iba pa bang inutusan para patayin ang mayor?' "Hoy, sino ka? Taga Division—!" Hindi na nagawang tapusin ng dalaga ang sinasabi niya dahil sa pag-atake ng lalaki sa kanya. Sa itsura, halatang ka-edad lang ni Sinister ang binata at tiyak niya sa kilos na assassin din ito. 'O baka naman may iba pang organisasyon na may gustong pumatay sa mayor na 'to?!' iyon ang laman ng isip ni Sinister pagbangon niya matapos siyang paulanan ng bala ng lalaki. Nagtago ang dalaga sa gilid ng kama sa kabilang side, nasa kabila naman nakasalampak ang mayor kaharap ang lalaki sa tapat ng pinto na pinasukan niya. Nagawa niyang gumulong papunta rito sa tulong ng kama. "Bago mo 'ko paulanan ng bala, baka gusto mo munang magpakilala sa akin kung sino ka?!" ani Sinister. "Pakilala? Bakit kailangan mo pang malaman ang pangalan ko kung mamamatay ka na lang din naman?" sagot ng lalaki. Ngumisi si Sinister. "Talaga? Sigurado ka?" Mabilis siyang tumayo at hinagisan ng kutsilyo ang lalaki. Sa pag-ilag ng binata ay nagkaroon ng oras si Sinister para maitutok ang baril niya sa binata. "Sino nga ulit ang mamamatay?"
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD