Chapter 2

2162 Words
Mahirap alagaan ang makulit na anak. Mabigat iyong responsibilidad at isang lifetime commitment ang pagiging ina ko para kay Quiy, pero iba naman iyong fulfilment kapag nakikita ko kung gaano siya kasaya sa mga simpleng bagay. Totoo pala talagang nakakawala ng pagod kapag nakikita mong maayos at masaya ang anak mo. Iyong tipong worth it lahat ng effort at ayos lang na ma-drain ako sa buong maghapon kasi meron akong isang Quiy na pumapawi sa lahat ng iyon. Katatapos ko lang maglinis ng katawan pagkagaling sa trabaho nang umupo sa sofa para pagmasdan ang anak kong naglalaro ng manika sa sahig. Kinakausap niya pa ang mga ito na para namang may makukuha siyang tugon sa mga manika. "Ayan, maganda na kayo ulit…" sabi niya habang hinahaplos iyong buhok ng isang Barbie. Lalo lang lumapad ang ngiti ko. Ilang sandali pa ay lumingon siya sa akin habang nakakunot ang kaniyang noo. "Mommy, may tanong ako," aniya. Huminga ako nang malalim dahil alam kong pang-out of the world na naman ang tanong niya bago ako tumango bilang tanda na puwede na niyang sabihin iyong tanong. "Ang gaganda ng mga Barbie ko pero bakit wala silang mga panty at bra? Hindi po ba dapat may gan'on sila para 'di sila masilipan?" Puno ng kuryosidad niyang tanong. Seryoso pa ang bawat bigkas niya sa mga salita. Sabi ko na nga ba, e. Bakit ba ganito mag-isip ang anak ko? Ano bang pinalamon ko rito at naging ganito siya? "Hindi naman kasi sila totoong tao, anak. Kumbaga hindi naman kagaya ng kay Mommy na totoo iyong boobs at ano nila…" I tried my best to explain it to her, pero mukhang hindi pa rin talaga siya convinced. "Boobs at ano, Mommy?" Umiling na ako. Tama na for today, Quiy. Kaunti na lang baka bawiin ko na 'yong sinabi ko kanina na stress reliever ka. "Boobs at matulog ka na kasi gabi na. May work pa ako bukas tapos maiiwan ka ulit kay Tita Heidi mo," sabi ko bago ako lumapit sa kaniya para kargahin siya. Mamaya ko na lang aayusin iyong mga gamit at laruan niya kapag napatulog ko na siya. Hindi rin naman namin kamag-anak si Heidi. Tita lang ang tawag niya kasi alangan namang Tito, e babae 'yon? Kapit-bahay namin sila na walang anak kaya tuwang-tuwa kapag naiiwan si Quiy sa kanila. Ni hindi ko nga alam kung paano niya natatagalan ang pagaalaga sa anak ko gayong sumpulan ng kakulitan at katabilan ng dila itong si Quiy, e. "Bad ba ako, Mommy?" Bigla niyang tanong noong papunta na kami sa kuwarto naming dalawa. Maliit lang naman kasi ang apartment namin, plus ayaw niya ring matulog kapag hindi ako katabi kaya magkasama kami sa iisang kuwarto. Mabuti na rin iyon kasi madalas din siyang managinip at magising sa gitna ng gabi. "Bakit mo naman naitanong 'yan?" She dramatically sighed. Humaba rin iyong nguso niya. "Kasi po nasapak ko po iyong bata na pinabantay rin kay Tita Heidi kahapon," sabi niya na ikinagulat ko. Hala? Bakit may sapakan na nagaganap? Wala namang sinabi sa akin si Heidi na gan'on, a? "Hala ka," gulat kong bulalas. "Bakit mo naman sinapak?" Napangiwi pa ako. Ini-imagine ko pa lang kung paano niya ginawa, naaawa na ako roon sa batang nasapak. Sa bigat ba naman ng kamay nitong batang 'to, e. Madalas talaga ayaw ko nang maniwala na three years old lang siya. "Kasi inaagaw niya yung Barbie ko! Lalaki naman siya, e. Aagawin niya pa mga laruan ko, e hindi ko naman po siya inaano," sumbong niya. Hindi ko na alam kung anong mararamdam ko. Sana talaga umabot man lang ako sa edad na sisenta! Away bata lang 'to, Paige. Paalala ko sa sarili ko. Pangangaralan ko na lang siya kasi bayolente talagang bata. Hindi naman ako gan'on. Kaya sigurado akong kay ate siya nagmana. Bayolente kasi 'yon, e. Ilang beses akong nasasapak kapag natatawa, naiinis, o kahit umiiyak. Ginagawa akong punching bag palagi para sa sarili niyang kaligayahan. Ano ba 'yan?! Naalala ko na naman. Naiiyak lang tuloy ako. Siguro… kung nandito pa siya, baka masaya siya kasama si Quiy. Kahit naman ipinangako ko sa kaniya na aalagaan at ituturing kong sariling anak si Quiy, nasasaktan pa rin ako kapag naiisip kong siya dapat iyong nandito para alagaan ang anak niya. Hindi naman dahil sa nahihirapan akong mag-alaga kay Quiy kaya ko iyon nasabi. Gusto ko lang na makita niya sanang lumaki man lang iyong anak niya bago siya namatay. Pero feeling ko… hanggang doon na lang talaga siya. Wala nang magagawa kung hindi ang tanggapin ang kapalaran niya kahit gaano pa kasaklap para sa akin kung paano siya nawala. Hanggang ngayon, dinudurog pa rin ang puso ko sa tuwing naaalala ko siya. I can even hear her pleas in my head at night kaya rin nahihirapan akong matulog minsan. Ang dami ko ring what ifs. Paano kung naging mas makulit ako noong araw na 'yon? Paano kung hindi na lang din ako pumayag na alagaan si Quiy noon para hindi siya umalis? Paano kung nabuhay siya? Paano kung hindi nangyari ang lahat? Paano kaya sana iyong buhay namin ngayon? Siguro… malaki ang pagkakaiba. I snapped when I heard Quiy's tiny voice calling my name. Tunog galit na naman. "Mga ten times na kitang tinawag, Mommy." Sumimangot siya at humalukipkip. "A-Ano ba 'yon?" I trailed off as I tried to wipe the tears on my cheeks. "Bakit ka po umiiyak?" "May naisip lang ako bigla," sagot ko. Inayos ko na rin iyong pagkakahiga niya sa kama bago ko siya kinumutan. "Matulog ka na, ha? Kakantahan na lang kita," dagdag ko pa na ikinalukot ng kaniyang mukha. "Huwag na p—" I reached for her mouth with my palm to shut her up. "Huwag ka na palang magsalita. Alam ko na pangit boses ko at baka hindi ka lang makakatulog lalo. Ipikit mo na lang mga mata mo at ipahinga mo na rin 'yang bibig mo. Maghapon ka nang nagsasalita, bukas naman 'yong iba." Tumango siya bago pumikit. I carressed her forehead and after a few minutes, I was sure that she's already asleep dahil naging kalmado na iyong paghinga niya. Inayos ko ulit iyong kumot niya. I kissed her forehead before I went out para itabi na iyong mga laruan niya. Habang inaayos ko iyong kalat at mga laruan niya ay may narinig akong katok. Dis-oras na ng gabi kaya natigilan ako para mag-isip kung sino ba ang posibleng kumatok na iyon. Nang walang naisip ay nagsalita ako. "Sino 'yan?" I asked, still not moving from where I was standing. Baka naman adik o kaya lasing? Lalo tuloy akong natakot. O baka naman kulto o kaya multo? "Si Heidi 'to," sabi niya at para akong nabunutan ng tinik sa lalamunan. Jusmiyo. Akala ko naman kung ano at sino. Mabilis akong naglakad palapit sa pinto para pagbuksan siya. Malapad na ngiti kaagad ang ibinungad niya sa akin. Nakakatakot naman 'to. "Gabi na, a? Ano'ng meron?" Nagtataka kong tanong. "Ibibigay ko 'tong ticket sana." May inabot siya sa aking isang maliit na papel. "Bigay 'yan ni Congressman. Ipapakita raw para makakuha ng relief goods," sabi niya pa. Relief goods? Bakit? Ano'ng meron? Hindi naman kami binagyo, hindi rin binaha. Bakit may pa-relief goods? "Hay nako, Paige. Alam kong nagtataka ka pero alam mo naman si Congressman. Kahit walang ganap, may pa-ayuda. Para daw 'to sa birthday niya sa Linggo. Invited tayo kasi malaki raw ang utang na loob niya sa atin, lalo na sa mga nag-volunteer na mag-pack ng relief goods na ipinadala noong nakaraang bumagyo sa Tacloban," pagpapaliwanag niya. "Ah… so hindi talaga 'to relief good. Parang entry ticket 'to, gan'on?" Tumango siya. "Tumpak. Isa lang kada bahay, pero puwede namang dalhin ang buong pamilya. 'Yon ang sabi sa akin." Buong pamilya? Hindi ba nakakahiya naman kapag gan'on? Pero 'di bale… si Congressman naman 'yon, hindi ako. Kung gagastos siya ng malaki para sa pagpapakain ng buong district, labas na ako roon kasi 'di ko naman pera 'yong gagastusin. Sa kaniya naman at hindi rin galing sa buwis ng taumbayan kaya all goods. "Salamat, Heidi. Pag-iisipan ko pa kung makakapunta kami kasi baka mataon na busy, pero feeling ko naman hindi kasi Linggo naman. Mabuti sumakto sa off ko," I said. Nagpaalam na rin naman siya dahil baka abutan daw siya ng mga tanod sa labas at hulihin. Alas nuebe na kasi, e. I locked the door bago ko tinapos iyong naudlot kong gawain kanina. Nang natapos na ay saka lang ako tumabi sa anak kong mahimbing na ang tulog. Kinabukasan ay maaga ulit akong nagising. It's Saturday kaya mas masigla ako kumpara sa ibang mga araw. Siyempre dahil off ko na bukas. Nakagagana pala talaga kapag naiisip kong makakapagpahinga rin ako sa wakas. Nagluto na ako bago ako naligo. Gigisingin ko pa sana si Quiy pero gising na pala. "Good morning!" I greeted, and just like that… I saw her radiant smile. Idinipa niya ang kaniyang mga kamay para humingi ng isang yakap na kaagad ko namang ibinigay. "Good morning din sa maganda kong Mommy!" She actively said. Ang taas din talaga ng energy ng bulinggit na 'to! Minsan 'di ko rin kayang sabayan! "Mag-cr ka na para makakain na tayo tapos ihatid na kita kina Tita Heidi mo," utos ko. Napatingin pa siya sa akin ng ilang sandali. "Ihahatid mo pa ako, e sa tapat lang naman po ng bahay natin ang bahay ni Tita Heidi," sagot niya na naman. Alangan naman? Siyempre may mga ibibilin din ako kaya ko siya ihahatid. Hindi na lang din ako nagsalita para matapos na dahil kapag may nasabi na naman ako ay hindi na naman siya matitigil. Iniwan ko na siya para ihanda na iyong pagkain. Tinakpan ko kasi muna kanina dahil gigisingin pa lang naman dapat si Quiy. Ayaw niya na rin namang magpatulong sa pagbabanyo kasi matanda na raw siya. Hinahayaan ko na lang basta masaya siya. While I was preparing the food, pumasok si Quiy sa kusina na humihikab pa. Kinukusot niya pa iyong mga mata niya. Nagawa tuloy ako kaya napahikab din ako. "Matulog ka sa tanghali kina Tita Heidi mo, ha? Hindi puro laro. Kukurutin kita sa singit, Quiy…" I told her and her face grimaced. "Natutulog naman po ako sa tanghali. Nagigising lang po ako kasi ang iingay nung ibang bata," sumbong niya. I told her to take a seat dahil kakain na kami. Ginawa niya naman. "Hayaan mo na lang 'yong ibang mga bata. Sasabihan ko na lang din si Tita Heidi mo. Tapos… huwag ka nang nananapak, ha? Baka magsumbong 'yong bata tapos idemanda tayo," sabi ko sa kaniya. Tumango naman siya. Mabuti na lang din naalala ko 'yon. Susundin naman ako ni Quiy. May tiwala ako rito kahit na ubod ng kakulitan. Pagkatapos naming kumain ay pinaliguan ko na siya. Alas nuebe pa naman ng umaga iyong pasok ko ngayon kaya kahit medyo bagalan ko iyong kilos ay ayos lang. Pasalamat na lang din naman ako at hindi naman gan'on ka-traffic dahil hindi naman kami sa Maynila kaya hindi iyon problema. When everything's settled, saka ko lang siya hinatid kay Heidi. I knocked on her door and it opened after a minute. Wala namang kaso kasi may isang oras pa naman ako. Dito na rin muna siguro ako ng kahit sampung minuto pa para maki-chika. "Tita Heidi!" Masiglang bati ng anak ko kay Heidi na mukhang kagigising lang at namumugto pa ang mga mata. Umiyak ba 'to? Bakit parang wala na siyang mata? "Huy, ano'ng nangyari sa'yo? Bakit ganiyan 'yang mga mata mo?" Nag-alala kong tanong. "Oo nga po, Tita. Para po kayong kinagat ng bubuyog sa mata," sabad naman ni Quiy na kaagad kong pinandilatan ng mga mata. Hinalikan niya muna si Quiy at sinabing maglaro muna ito sa sahig kung nasaan iyong mga laruan niya. Bahagya kaming lumayo sa kaniya para pag-usapan iyong dahilan ng pag-iyak niya. "So, ano'ng ganap?" Hindi na talaga ako makapaghintay. Ito talaga ang sakit ng mga Marites, e. Hindi pa nga siya nakakapagsabi ng kahit na ano ay umiyak na naman siya. Siyempre, bilang kaibigan at para na rin sa moral support ay niyakap ko siya nang mahigpit. Hinagod ko na rin iyong likod niya para patahanin siya. Parang naging dalawa tuloy ang anak ko. Isang makulit, at isang may pinagdaraanan. "Shh… ano ba kasing nangyari? At saka… bakit parang hindi ko na yata nakikita 'yong boyfriend mo?" Itinulak niya ang kaniyang sarili palayo sa akin bago niya pinalis ang mga luha sa kaniyang mga mata at pisngi. "Iyon na nga, Paige. Wala siya rito ngayon kasi pinalayas ko na!" Napalakas ang pagkakasabi niya kaya lumingon sa amin si Quiy na halatang nagulat. "Maglaro ka lang diyan, Quiy. Ako na 'to," sabi ko. "Okay." Tumango naman siya at nagpatuloy sa paglalaro. "Ha? Bakit mo pinalayas?" "Ang gagong 'yon! Pinerahan lang pala ako para may maipambili ng luho ng kabit niya!" Galit na galit niyang bulalas habang ako naman nalaglag ang panga dahil sa pagkabigla.

Great novels start here

Download by scanning the QR code to get countless free stories and daily updated books

Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD