Chapter 1: La muerte está cerca

2665 Words
Aoife Ngayon ang araw na ako’y tumungtong sa edad ng kadalagahan. Sabi nila wala nang mas sasaya pa sa isang dalagang magdiriwang ng kanyang ikalabing-walong kaarawan. Ang paraan kasi ng mga diwata sa pagseselebra ng debut ang pinakamasaya at makulay sa lahat ng mga lahi. Pero iba ang nararanasan ko ngayon. Sa halip na makukulay na palamuti ay itim na usok ang bumabalot sa paligid. Ang inaabangang makukulay na bulaklak ay napalitan ng nagkalat na itim na rosas sa buong lupain ng Zimorta. Ilang hakbang pa lang ang nagagawa ko, pakiramdam ko ay pagod na pagod na ako. “Ako si Aoife, ang pinakamalakas na diwata ng nayon ng Zimorta." Totoong pambihira nga ang lakas ko kaysa ibang mga diwata. Maging si ina ay walang maibigay na explanasyon dito. Dahil hindi ko makita ang daan, natapilok ako at sumubsob sa lupa. Kung normal na araw ito ay tatayo agad ako at papagpagin ang sarili sabay tingin sa paligid kung may nakakita ba. Ngunit iba ang sitwasyon, pinipilit kong tumayo mula sa pagkabagsak ngunit nagsmistulang lantang gulay ang aking mga binti at tanging pagluhod lang ang nakayanan kong gawin. "Ang matatag na diwata ay hindi iiyak." Pilit kong pinapatatag ang aking boses. "Mali, ang mga matatag na diwata ay kailangan din umiyak." Wika ng nasa likod ko, si Nadetta. Ang aking matalik na kaibigan. "Bakit? Ang mga matatag ay dapat hindi nagpapakita ng kahinaan," ngayon ay ayos na ang boses ko ngunit nananatili parin akong nakaluhod sa lupa. "Kailangan umiyak ng mga matatatag na diwata dahil sakanila nagnggagaling ang pinakamahal na mga dyamante." Pabiro niyang sabi habang ipinapakita ang mga luha kong nagkalat. Ang luha naming mga diwata ay dyamante at tumataas ang halaga niyo kapag galing sa pinuno o sa lahi ng pinuno. Natawa na lang kaming dalawa sa kalokohan niya habang tinutulungan akong bumangon at maglakad papunta sa puso ng nayon. Isa sa mga batas dito sa Zimorta ay hindi maaaring magtipon ang lahat kapag may ililibing. Pamilya at kadugo lamang ang maaaring pumunta at magsagawa ng orasyon ngunit iba ang pagkakataong ito. Hindi lang ako ang mawawalan ina bagkos ang buong kadiwatahan ay mawawalan ng pinuno, papanaw na ang aming reyna. Sa wakas ay nakarating na kami sa puso ng Zimorta. Ito ang gitna ng nayon na siyang pinagdarausan ng mga pinakamahahalagang okasyon sa nayon. Natanaw ko na ang malaking bato kung saan nakapatong ang aming mahal na reyna. Isa sa mga pambihirang kakayahan naming mga diwata ay ang nararamdaman namin ang oras ng aming kamatayan. Kaming mga diwata lamang ang may kakayahang magsabi ng eksaktong oras at araw ng aming pagpanaw kaya may panahon pa kami para maghanda ng orasyon. La muerte está cerca o death is near sa Ingles. Ito ang dahilan ng pagtitipon namin ngayong araw. Naputol ang aking pag-iisip sa lakas ng tunog ng kampana, pahiwatig na magsisimula na ang orasyon. Pumalibot ang lahat ng diwata sa aming reynang nakangiti kahit nahihirapan na. "Sige na, lumapit ka na," bahagya akong tinulak ni Nadetta. Unti-unti akong lumapit kay ina. Nakahiga na siya sa kamang gawa sa puting rosas bilang sagisag ng kanyang dalisay na puso. Walang masyadong nagbago kay inay dahil ang mga diwata kahit pa may nalubhang sakit ay hindi mahahalata dahil sa pambihira naming kagandahan. “Anak, alam kong magiging mabuti kang pinuno. Naniniwala akong mas hihigit pa ang iyong mga gawa kaysa sa akin.” Mahaba niyang tugon kahit pa nahihirapan. “Wag ka mag-alala inay, gagawin ko ang lahat para sa ating nayon," pinilit kong patatagin ang boses ko ngunit halos pumiyok ako sa huling parte ng aking salaysay. Bahagyang tumawa si inay. "Hindi ba't binilin ko sa'yong 'wag kang iiyak sa harapan ko? Tahan na, lumalaki ang butas ng ilong mo kapag umiiyak ka. Nakakahiya sa mga ginoong nakakakita." Pabiro niyang sabi. Natawa na lang ako sa sinabi ni inay, sana ay mas mapahaba pa ang aming usapan ngunit nauubos na ang oras. "Que comience la ceremonia" malakas na anunsyo ni Ministro Brunto kasabay ng malakas na dagundong ng mga naglalakihang tambol. Nagliliyab na rin ang malaking paso. Ilang sandali pa lamang ay naghawak kamay na ang mga diwata habang nakayuko upang bigkasin ang awit na parte ng orasyon. Habang lumalakas ay nararamdaman kong unti unting umaangat ang katawan ni inay. Kinuha ko ang nakahandang patalim at nagtungo sa nagliliyab na paso. Dali-dali kong hiniwa ang aking palapulsuhan at hinayaang tumulo ang dugo sa apoy. Ilang sandali pa lamang ay naapula na ng aking dugo ang kaninang nagwawalang apoy sa paso. Ito na ang huling parte ng orasyon, ang huling pagbukas ng pakpak. Isang napakatamis na ngiti ang iginawad niya sa lahat. Ang ngiti ng aming reyna na punong puno ng pagmamahal. Hindi ko maialis ang tingin ko sakanya dahil natatakot akong baka pagpikit ko ay wala na siya. Gusto kong kabisaduhin ang bawat detalye ng kanyang maamong mukha habang may pagkakataon pa. Naririnig ko na ang mahihinang hikbi ng mga nasa paligid habang dahan-dahan nang ibinubuka ng reyna ang kanyang magagandang pakpak. Nang tuluyan nang naibuka ng reyna ang kanyang pakpak ay umihip ang napakalakas sa hangin at tila inihipan si ina na unti-unting naglalaho sa hangin. Hindi ko nakayanan ang bigat ng nararamdaman. Humiga ako sa kanyang kamang rosas at doon humagulgol ng iyak. Hindi madali ang mawalan ng isang ina. Napakasakit mawalan ng isang reyna. "Ina, bakit ngayon pa?" Sa dinami-dami ng mga araw ay sa mismong kaarawan ko pa. Paano ako makapagdiriwang kung ang maaalala ko lang ay ang iyong ngiting naglaho sa alapaap? Paano ako lalaban kung ang lakas ko ay naglaho na? "Paano na ako ina?" Mahina kong tugon. Hindi ko na alam kung gaano na ako katagal na uumiyak, wala akong lakas para maiangat manlang ang aking ulo upang makita ang kalagayan ng mga kapwa ko. "Aoife, alam kong masakit pa para sa'yo pero may mga bagay na kailangan ka pang gawin," malambing na sabi ni Nadetta. Naalala ko ang seremonya na gagawin mamayang gabi at kahit pa labag sa loob ko, iniangat ko ang ulo ko. Sinalubong ako ng mala-kahel na kalangitan na nagpapahiwatig na papatapos na ang araw. "Gaya ng araw, kahit gaano pa ito katanyag at kaliwanag dadating ang oras na ito'y magpapaalam ngunit sa pagkagat ng dilim ay may panibagong liwanag na darating. Hindi man kasing liwanag ng araw, ngunit sinusubukan parin niyang magbigay liwanag, kasama ng kanyang mga bituin. Sana ay kagaya din ako ng buwan. Hindi man ako kasing galing ni ina ngunit ibubuhos ko ang lahat ng kakayahan na mayroon para sa Zimorta." "Narito kaming mga bituin mo, prinsesa Aoife. Sana'y malaman mo na sa paglubog ng araw ay may panibagong umagang darating. Hindi titigil ang oras para sa atin, mahal na prinsesa kahit gaano pa man kalalim ang ating mga dahilan. Kailangan ka ng Zimorta, kailangan na nating simulan ang seremonya." Ani Brunto, ang kanang kamay ng yumaong reyna. Inakay ako ni Nadetta at ministro Brunto papunta sa aking silid sa palasyo. Bumungad sa akin ang mga diwatang mag-aayos sa akin ngayong gabi. Hindi nakatakas sa aking paningin ang ganda ng kasuotan ko ngayong gabi na pinatingkad ng tatlong magkakahalong kulay. Litaw ang kulay berde at asul sa kasuotan na sumisimbolo sa kalikasan na siyang pinakainiingatan naming mga diwata. Ang istilo nito'y humahapit sa hugis ng aking pangangatawan. Kumikinang ang mga dyamanteng palamuti nito na nagmistulang repleksyon ng sinag ng araw sa mga dahon kapag nabasa ito ng ulan. “Maupo na po kayo prinsesa Aoife.” Masyado akong nadala sa ganda ng kasuotan na nakalimutan ko na may kailangan pa pala akong harapin. Maingat ang naging dampi ng mga diwatang tagapag ayos sa aking mukha na tila ba sila'y natatakot na masaktan ako kapag napadiin sila ng paglagay. Hindi nagtagal ay natapos din ang pag aayos. Ang aking unat na buhok ay nagkaroon ng maluluwang na alon na gaya sa dagat at hinayaan lang itong nakalugay. Tamang-tama lamang ang pagkakasukat ng kasuotan sa akin. “Napakaganda mo talaga Aoife,” sabi ni Nadetta sabay yakap sakin mula sa likod. “Walang saysay ang kagandahan sa ganitong sitwasyon.” Lagi ko itong itintatak sa aking isipan noon pa man. Ang pisikal na kagandahan ay hindi dapat pag tuonan ng pansin dahil mayroon pang higit dito. Napabitiw sa Nadetta sa pagkakayakap dahil sa aking sinabi. “Kaibigan, ‘wag mo sanang pahintulutan na lamunin ng sakit ang iyong puso. Wag mong hayaan na ito'y tumigas at baka hindi na niya makilala ang pag ibig.” Sinabi niya ito nang may pag-aalala. “Ang tanging pag-ibig na nasa puso ko ay ang pagmamahal sa sangkadiwatahan.” Sinabi ko na ito ng may pinalidad at iniwan kong tulala ang kaibigan. Hangga't maaari ay ayaw kong makaramdam ng apeksyon dahil sobrang sakit kapag nawalay sila sa'yo. Ilang sandali pa, nasa harap na ako ng mahiwagang pinto ng bulwagan kung saan gaganapin ang seremonya. Nasa kaliwa’t kanan ko ang mag-ama. Nakaramdam ako ng hiya at konsensya sa nangyari kanina ngunit sinikap kong wag magpakita ng reaksyon. “Kaunting hintay nalang Aoife ay hihirangin ka nang reyna. Halos wala namang pinagkaiba iyong ina dahil magkamukha naman kayo.” Tinapos ni Brunto ang kanyang pahayag ng tawa. “Nagkakamali ka Ministro, ang yumaong reyna ay may malambot na pusong kumikilala sa pag- ibig. Mukhang may pusong bato ang ating magiging reyna. Isang malaking paglabag sa batas nt kadiwatahan,” saad ni Nadetta habang nakatingin sa direksyon ko ngunit hindi ako nagpatinag. Hindi ako nagbigay ng kahit kaonting pag alma sa sinabi niya. “Ang isang diwata ay dapat may busilak at mapagmahal na puso kahit gaano pa man siya kalakas, katalino, kahusay. Kahit anong rason ng pagtigas ng kanyang puso ay hindi katanggap tanggap sa mata ng batas ng kadiwatahan. Aoife, ito ang huling batas na itinatag ng iyong ina bago siya mawala,” mahabang pagpapahayag ni Ministro Brunto. “Kasabay ng pagsilang ng bagong reyna ang paglitaw ng mga bagong batas,” matapos kong magsalita ay halos mabingi ako sa lakas ng tunog ng nga trumpetang nagpapahiwatig ng simula ng seremonya. Taas noo akong naglakad sa gitna ng lahat ng kadiwatahan kahit pa pakiramdam ko'y pasan ko ang buong mundo sa bigat ng problema ko. Inilibot ko ang mata sa mga diwatang naroon. Nababakas sa kanilang mga mata ang paghingi ng bagong pag-asa. Sana nga ay mapamunuhan ko kayo nang mahusay mga mahal kong diwata. “Simulan na ang seremonya para sa kapanganakan ng bagong reyna!” Kasabay ng dagundong ng mga naglalakihang tambol ang malakas na pagtibok ng puso ko nang narating ko na ang paanan ng entablado. Iba't ibang negatibong sitwasyon ang pumasok sa isip ko habang paakyat ako. Paano kung hindi ako maging mabuting reyna? Paano kung mapahamak ko ang sangkadiwatahan sa aking mga desisyon? Naputol ang aking mga iniisip nang sadyain akong sagiin ni Nadetta. “Umayos ka prinsesa, natutulala ka.” Muli kong inayos ang aking tindig at iniwasan na ang pag-iisip, bagkus ay itinuon ang aking atensyon sa seremonya. Dinala ako ng isang pares ng dalagang diwata sa harap ng trono ng reyna at inalalayang makaluhod sa harapan nito. “Ang pagluhod ng hihiranging reyna ay sumisimbolo sa kanyang pagpapakumbaba sa kanyang pinamumunuhan. Prinsesa Aoife, sumasang-ayon ka ba ng buong puso at isip na kung hindi dahil sa iyong pinamumunuhan ay walang kabuluhan ang iyong pamumuno?” “Sumasang-ayon ako, punong diwatang babaylan.” Matapos kong sabihin ang katagang ito may dumating na isang binatang may dalang porselanang garapon. “Ibuhos mo ang tubig sa ulo ng prinsesa. Ang pagbuhos ng tubig sa ulo ng hihiranging reyna ay sumisimbolo sa paglilinis ng kanyang mga intensyon at ang pagkadalisay ng kanyang puso para sa bayan ng Zimorta.” “Prinsesa Aoife, sumasang-ayon ka ba na ang namumuno ay dapat na may malinis na intensyon at dalisay na puso?” “S-sumasang-ayon ako, punong diwatang babaylan.” Sa sulok ng aking mata ay naaninag ko ang pag ismid ni Nadetta. Balak kong suklian siya ng irap nang nahagip ng mata ko ang ganda ng koronang palapit sa direksyon ko. Literal na napanganga ako sa pagkamangha sa kagandahan ng korona ngunit nang mas lumapit ito ay iba na ang naramdaman ko. Naipako ang mga mata ko sa pinakamalaking dyamante sa gitna ng korona. Tila may nais itong sabihin sa akin, parang nangungusap. Maaari ba namang mangusap ang dyamante Aoife? Epekto lamang ito ng iyong kaba. “Dumako na tayo sa huling parte ng seremonya. Ang pagsusuot ng korona sa hihiranging reyna ay ang hudyat na nagtatapos na ang kanyang pagiging prinsesa at simbolo ng kanyang pagharap sa responsibilidad ng isang reyna.” Mas lalong nag iba ang pakiramdam ko dito nang ipinatong na sa ulo ko. “Bago ka tuluyang hirangin na reyna, Aoife kailangan mo munang sumalang sa usok ng paglilitis.” Ang usok na magmumula sa trono ng reyna ang magdedetermina kung karapatdapat ka bang hiranging reyna. Puti ang usok kapag sang-ayon ang trono sa iyong pagiging reyna at itim naman kung hindi. Ni minsan sa loob ng ilang libong taon ay hindi pa nagbuga ng itim na usok ang trono kung kayat nananatili ang kapayapaan sa Zimorta dahil ang mga karapatdapat ang nagiging reyna. “Aoife, ngayon din ay umupo ka sa trono upang maumpisahan na ang paglilitis.” Ilang sandali pa ay nagbuga na ng usok ang trono... Isa.... Dalawa.... Tatlo.... Hindi ko na nabilang kung ilang segundo tumagal ang katahimikan. Lahat ay nabigla, lahat ay hindi nakapagsalita. Hindi parin nawawala ang itim na usok na galing sa trono, hindi ko alam kung ipagpapasalamat ko iyon upang hindi makita ng lahat ang mga luha ko o magagalit dahil mukhang hindi naging patas ang trono ngayon. “Paano nangyari ito punong diwatang babaylan?” ang malakas na boses ni Ministro Brunto ang bumasag sa katahimikan. “Dalawa lamang ang dahilan na alam ko. Ang una ay kung hindi pa nawala ang reynang sinundan ng hihiranging reyna at ang ikalawa...” tumitig sa akin ang punong diwatang babaylan na may awa at lungkot sa mata. “Ano ang ikalawa?” Hindi makapaghintay na tanong ni Nadetta. “Ikalawa ay kung hindi tunay na kadugo ang hihiranging reyna.” Napasinghap ang lahat sa nalaman. “Ngunit natunghayan ng lahat kung paano ipinagbuntis, ipinanganak at pinalaki ng reyna si Aoife. Kanina lamang ay natunghayan din natin ang pagpanaw ng ating reyna. Wala sa dalawang rason ang tumama punong diwatang babaylan. May iba ka pa bang explanasyon?” “Pasensya na ngunit hindi ko-“ naputol ang sinasabi niya nang maharas na bumukas ang pinto ng bulwagan at iniluwa nito ang pinakabatang miyembro ng mga diwatang babaylan. “Guro! Guro! Alam ko na kung bakit nagbuga ng itim na usok ang trono.” Masayang sigaw ng bata habang tumatakbong lumapit sa aming direksyon. “Ngunit hindi ko pa ito naituturo sa iyo, maski ako ay hindi ko alam kung paano.” Pag amin ng kanilang puno. “Ginamit ko po ang bolang kristal, inilagay ko po ang hibla buhok ng prinsesa at ang hibla ng buhok ng reyna na hinila ko kanina noong idinaan siya sa harap ko. May kutob kasi akong ganito ang mangyayari at nagkatotoo nga.” Hindi ko maintindihan kung bakit nakangiti siya habang nagsasalaysay kahit pa nasa gitna kami ng isang malaking problema. Siguro ay dahil bata pa? Hindi ko alam. Pambihira ang taglay niyang katalinuhan kumpara sa ordinaryong batang diwata. “Sa paghulog ko ng kanilang mga buhok ay may lumabas na tatlong imahe na siyang pinaniniwalaan kong mga simbolo ng mga pangyayari. Ang una ay ang itim na usok, pangalawa ay ang dyamante at ang pang huli ay isang bampirang may mataas na katungkulan. Hindi klaro ang kanyang imahe ngunit ramdam ko sa awra niyang mataas ang katungkulan niya.” Marami pa siyang idinagdag ngunit nawalan na ako ng ganang makinig. Naituon na ang isip ko sa iisang salarin. Muling nabuhay ang galit sa puso kong akala ko’y naapula na. Ang ugat ng lahat ng kasamaan, ang matagal nang kaaway ng lahat ng lahi .... ang mga bampira.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD