“Bakit kailangan mong maglihim at magsinungaling?” tanong ni Jen sa kuya niya. Nakaupo ang binata sa balkonahe nila habang sumisimsim ng alak sa baso nito. Tiningnan niya ang kapatid at napatingin sa madilim na gabi.
“Dahil kailangan. I need to confuse CT or else…”
“Or else what? Alam mo bang sobrang nasasaktan siya dahil sa nangyari? Akala ko ba mahal mo siya? Bakit mo siya sinaktan? You fooled her. Hindi mo alam ang pinagdaanan niya, Kuya. Nagpapanggap ka ngayong si Kuya Jerome for what? Para hindi siya masaktan?” asik ni Jen.
“She’s happily married now. Dos deserves her,” sagot niya.
“And you don’t?” sabat ni Jen.
Huminga siya nang malalim at tinungga ulit ang natitirang alak sa baso niya at tumayo.
“Pareho nating alam na matagal ng namatay si, Kuya Jerome. You are Jair. You are not Jerome. Ano ba ang kinatatakutan mo at hanggang ngayon ay nagiging martir ka? Hindi mo kasalanang nawala si, Kuya Jerome. Kasalanan iyon ni, Simon,” saad ni Jen.
“It’s for the best. Mas mabuti na ring hindi niya alam na ako si, Jair. Kailangan niyo ring tanggapin lahat na kung ano man ang mayroon sa amin noon ay tapos na,” saad niya at umalis. Naiwan naman si Jen na napahawak sa ulo niya. Hindi niya maintindihan ang kapatid.
Jerome was already dead dahil sa isang aksidente na akala ni CT noon ay siya. Sinadya ng binata na i-confuse ang dalaga para hindi na ito magtanong pa. He even talked to Dos para maging okay na lahat. Nakiusap siya rito na alagaan ang babaeng minahal niya nang higit pa sa buhay niya. Hindi niya kayang saktan ang babaeng pinagkatiwalaan siya at minahal. Ramdam niya sa mga sandaling panahon na iyon na minahal siya ng dalaga. Kahit na nasasaktan at halos gabi-gabi siyang binabangungot ay wala na siyang magagawa. Nakita niya itong masayang namumuhay kasama si Dos. Ayaw niyang sirain kung ano man ang mayroon ang dalawa lalo pa at kasal na ang mga ito at magkakaanak na.
Iginarahe na niya ang kaniyang sasakyan at pumasok sa loob ng condominium building. Pumasok siya sa lift at akmang sasara na nang may babaeng sumigaw.
“Wait!” anito. Inilagay naman ng binata ang kamay sa gitna. Nakangiting tiningnan siya ng babae nang makapasok.
“Thank you,” aniya. Tinanguan lamang ito ni Jair.
“Kilala kita ah,” saad ng babae. Tiningnan niya lang ito.
“Ikaw si, Jair ‘di ba? Ikaw talaga iyon eh, hindi ako nagkakamali. Ikaw iyong sikat na racer,” dagdag pa nito.
“Pahawak naman nitong dala ko t’saka selfie tayo ha,” wika nito at basta na lang pinahawak sa kaniya ang dala nitong gulay. Kinuha nito ang cellphone at iniumang sa kanilang dalawa ang camera. Kahit na hindi pa siya nakasagot ay todo click na ito sa cellphone. Mukhang wala pa yata itong balak tumigil kaya inilagay na ng binata ang dala nito sa gilid at ilang saglit lang ay bumukas na rin ang elevator.
“Sungit, pero thank you ha. Fan mo ako!” sigaw ng babae. Napailing na lamang ang binata at dumeritso na sa unit niya. Sa nakalipas na mga taon wala naman siyang ibang ginawa kung hindi ang magpasaway sa parents niya, uminom at makipag-racing. May mga major sponsors siya at malaki rin ang kinikita niya sa pagkakarera niya. Kahit hindi siya magtrabaho hanggang tumanda siya ay puwedeng-puwede.
Pumunta siya sa kusina at kumuha ng maiinom. Umupo siya sa couch at tinungga na naman iyon. Hindi pa siya nakontento sa ininom niya kanina. Kinuha niya ang kaniyang selpon at napangiti nang mapait. Hanggang ngayon, iyong picture pa rin nila ni CT ang wallpaper niya.
“Siguro kung naging matapang lang ako, akin ka pa rin ngayon. Siguro kung hindi lang ako natakot tayo pa rin, tayo sana ang ikinasal. Tayo sana ang magkasama,” mahinang saad niya.
Suminghot siya at napatingin sa kisame at ipinikit ang mga mata at hayaang mamalisbis ang luha. Ganoon natatapos ang araw niya. Gumala, uminom at umiyak hanggang sa makatulog. Maaaring hindi maiintindihan ng iba ang nararamdaman niya. Hanggang ngayon ay puno ng pagsisisi ang puso niya. Tiningnan niya ulit ang wallpaper niya nang may nag-door bell. Kumunot ang noo niya dahil wala naman siyang inaasahang bisita.
Inayos niya ang kaniyang sarili at binuksan iyon. Akmang magsasalita siya nang basta na lang pumasok ang babaeng nakasama niya kanina sa loob ng elevator. Manghang-mangha pa ito habang nakatingin sa loob ng unit niya. Ni hindi niya ito inimbitang pumasok.
“What are you doing?” tanong niya. He doesn’t even know her.
“Ay! Oo nga pala ako si, Rhea Sulyn,” saad nito at inilagay sa ibabaw ng round table niya ang dala nitong Tupperware. Kumunot naman ang noo ng binata. Tiningnan niya lang ito habang nakangiti ang dalaga sa kaniya na para bang sobrang close nila. Namulsa ang binata at huminga nang malalim.
“Look, I don’t know you. I want to rest now so please, leave?” mahinang wika ng binata sa dalaga. Nawala naman ang ngiti sa labi ng dalaga at napakamot sa ulo niya.
“S-sorry ha, a-ang kulit ko ba?” aniya. Tumango naman si Jair. Iniumang niya ang kaniyang kamay sa pinto at nakagat naman ni Rhea ang labi niya sa hiya. Mukha nga siyang trespasser sa ginawa.
“O-okay,” mahinang aniya.
“Oo nga pala, may niluto akong sinigang na baka nandiyan sa tupperware. Baka hindi ka pa kumakain, kainin mo ha,” bilin niya sa binata. Tiningnan naman iyon ni Jair at nginitian ang dalaga.
“Thank you,” saad niya at ininguso ulit ang pintuan. Ngumisi naman ang dalaga.
“Kainin mo ha,” aniya at umalis na.
Nang makaalis si Rhea ay napahinga nang maluwag ang binata. Umupo siya sa couch at tiningnan ang laman ng Tupperware. Kaagad na kumulo ang tiyan niya.
“s**t!”
Tumayo siya at dinala iyon sa kitchen. Mini-cro-wave niya lang ang kanin na bigay ng mga fans niya from Korea. Nang maluto ay kaagad na kumain siya. Unang subo pa lang ay napatigil siya. Napalunok siya at mabilis na kumuha ng tubig dahil sa sobrang asim ng sinigang nito. Pakiramdam niya ay tinanggalan siya ng mukha sa sobrang asim ng kaniyang ekspresiyon.
“f**k! Inubos niya yata ang sinigang sa tindahan,” saad niya subalit patuloy naman sa pagkain.