CHAPTER 1: Pagdadalamhati

2067 Words
MABILIS NA BUMALING ang mga mata ni Melannie sa mukha ng lalaking dumaan sa tabi ng kaibigan niyang si Joana nang makita niyang pasimple nitong hinawakan ang pang-upo ng kaibigan. "Hoy! Bastos ka! Bakit mo hinihipuan ang kaibigan ko?!" usal niya sa lalaking patay malisya sa ginawa nito. Tumigil ang lalaki at humarap sa magkaibigan. "Ha? A-Anong sinasabi mo? Hindi ko hinihipuan iyang kaibigan mo, 'no. Tahimik lang akong naglalakad dito tapos paparatangan mo ak—" "Nakita kita!" bulyaw niya. "Nakita ko kung paano mo pasimpleng hipuan ang kaibigan ko," aniya pa bago bumaling kay Joana na kanina pang walang imik. "Hinipuan ka niya, 'di ba, Joana?" Umiling si Joana. "Hindi ko naramdaman, Mela." "H-Ha? Anong hindi? E, nakita pa mismo ng mga mata ko kung paano niya pisilin iyang pang-upo mo. Huwag ka ngang manhid, Joa—" "E, ano namang problema mo kung hinipuan ko iyang kaibigan mo? Wala kang pakialam kung saan ko pa hipuan iyan. Kaibigan ka lang." Napuno ng inis at galit ang ulo ni Melannie ng mga sandaling iyon. Pinukulan niya ng masamang tingin ang lalaki bago sinugod ito at walang ano-ano'y hinila niya ang buhok nito. Agad namang siyang pinigilan ng kaibigan ngunit hindi nagpapigil si Melannie. Samantalang ang lalaki naman ay dumadaing habang sinusubukang bawiin ang buhok nito sa mga kamay niya. "Manyak ka! Hindi lang ako basta kaibigan ni Joana, gunggong ka! Kapatid na ang turing namin sa isa't-i—" Hindi pa man tuluyang nakakatapos si Melannie sa iba pa niyang sasabihin nang puwersahan siyang hilahin ng kaibigan dahilan upang pareho silang matumba sa malamig na bangketa. "Umalis ka na, Jerold," pagtataboy ni Joana sa lalaki na agad naman nitong ginawa. Nakamulagat na bumaling si Melannie sa kaibigan. "Kilala mo ang lalaking iyon?" Tumango si Joana bago ito tumayo. Inilahad nito ang kamay sa kaniya ngunit imbes na tanggapin iyon, tumayo nang mag-isa si Melannie. "Boyfriend ko siya, Mela." "A-Ano? B-Boyfriend mo ang gunggong na iyon? Hindi ba't bawal ka pang pumasok sa relasyon hanggat hindi ka pa nakakatapos sa pag-aaral mo?" "Iyon na nga, e, Mela. Hindi na ako makapagpigil. Gusto ko namang maranasan kung paano magkaroon ng karelasyon kaya nilabag ko na ang tagubilin ng mga magulang ko. Nagmamakaawa ako, Mela. Huwag mong ipaalam sa kanila ang tungkol dito." Sunod-sunod na umiling si Melannie bago pinagpagan ang likuran niya saka nagpatuloy sa paglalakad pauwi sa kanilang bahay. "Pagsabihan mo ang lalaking iyon. Mali iyong ginawa niya. Maling hipuan ka sa labas. At hindi porke boyfriend mo iyon, hihipuan ka na niya. Magpakababae ka, Joana. Hindi lang mga lalaki ang may karapatan, tayo ring mga babae." Pagbaling niya kay Joana, nasaktuhan niyang tumango ito. Alam na nito ang sagot niya. Kaibigan niya si Joana—matalik na kaibigan. Kaya hanggat kaya niyang ilihim, ililihim niya sa mga magulang nito ang namamagitan dito at sa Jerold na iyon. Mas matanda si Melannie kaysa kay Joana. Malapit nang mawala sa karendaryo ang edad niya samantalang si Joana naman ay mga nasa bente pa lang at nag-aaral pa ito sa kolehiyo. Si Melannie naman, dulot ng kahirapan, hindi na siya nakapag-aral. Pareho silang nagtatrabaho sa isang milktea shop sa bayan. Sa katunayan, kakagaling lang nila sa shop. Alas-nuwebe na ng gabi kaya pauwi na rin sila. "Mela, nakikita mo ba iyon?" At may itinuro kung saan ang kaibigan. Nahihiwagaang binalingan iyon ni Melannie at halos mahulog ang mga mata niya nang makita ang isang napakalaking apoy na lumalamon sa maraming bahay sa kalayuan. Ngunit ang nagpagulantang kay Melannie ay isa sa kanilang bahay ang nilalamon ng apoy. Kumaripas agad ng takbo ang babae patungo sa bahay nila dahil sigurado siyang nandoon ang pamilya niya. Malaki at mabilis ang pagkalat ng apoy ng mga sandaling iyon. Habang palapit nang palapit si Melannie, nararamdaman niya ang init nang nagngangalit na apoy. At nang tuluyan nang makalapit, halos pagsakluban siya ng langit at lupa nang makita niyang nilamon na ng apoy ang bahay nila. Sinubukan niya pang lumapit doon ngunit pinigilan siya ng mga kapitbahay nila. "Nasaan ang pamilya ko? Nasaan sina nanay at tatay? Si bunso, nasaan? Nasaan sila?" sunod-sunod at wala na sa sariling tanong ni Melannie habang hinahanap ang pamilya niya. "Hindi sila nakalabas, Melannie. Mabilis na kumalat ang apoy. Na-trap sila sa loob ng bahay niyo. Wala na ang pamilya mo, hija," makadurog pusong imporma ni Aling Niña, ang kapitbahay nila. Pakiramdam ni Melannie ay tumigil ang pag-inog ng mundo niya ng mga sandaling iyon. Hindi siya makatingin ng diretso. Hindi niya alam kung saan siya babaling. Hindi siya makahinga nang maayos at pakiramdam niya ay matutumba siya anumang segundo. "Hindi po iyan totoo, Aling Niña. H-Huwag niyo po akong biruin ng ganiyan. M-Masamang biro po iyan. Nasaan po ang pamilya ko? Nagmamakaawa po ako. Sabihin niyo na po sa akin kung nasaan sila. G-Gusto ko na po silang makita…" pagmamakaawa ni Melannie sa ginang habang unti-unting tumutulo ang mainit na likido sa mga mata niya. "Pasensya ka na, Melannie. Pero iyon ang totoo. Wala na ang pamilya mo." Nanghina si Melannie. Bumagsak siya sa basang kalsada at doon inilabas ang sakit na kaniyang nararamdaman. Humagulgol na siya habang hindi inaalis ang tingin sa bahay nilang pakiwari niya'y abo na. Hindi na alintana sa kaniya kung tumulo man ang uhog niya. Hindi na alintana sa kaniya kung mapahiya man siya. Gusto niya lang ilabas ang sakit na nararamdaman ngayon ng buo niyang pagkatao. Pakiramdam niya'y unti-unti nang nagkakapira-piraso ang puso niya. Hindi niya matanggap ang nangyari. Sakit at pighati ang nangingibabaw sa kaniyang pagkatao. Ang pamilya niya lang ang mayroon siya. Sila lang ang tanging yaman niya kaya sobrang sakit para sa kaniya ang mawala ang mga ito. "Ano ang naging pagkukulang ko sa iyo para ganituhin mo ako?!" puno ng galit na usal ni Melannie habang nakatingala sa madilim na kalangitan. "Ano ang ginawa ko sa iyo para gawin ito sa akin? Bakit mo kinuha ang pamilya ko? Bakit sila pa? Bakit napakadamot mo? Totoo ka ba? O pawang kalokohan ka lang? Bakit hindi mo na lang ako isunod sa kanila? Kunin mo na lang din ako! Patayin mo na lang din ako!" "Walang kinalaman ang Panginoon dito, Melannie. Maghunos-dili ka sa mga sinasabi mo. Wala tayong karapatan na sisihin siya sa mga nangyayari sa atin. Totoo ang Diyos, Melannie." Galit niyang tiningnan si Aling Niña. "Totoo ang Diyos? Kung totoo ang Diyos, dapat iniligtas niya ang pamilya k—" Hindi pa man tuluyang natatapos ni Melannie ang iba pa niyang sasabihin nang biglang may malakas na puwersa ang tumama sa mukha niya dahilan upang mawalan siya ng ulirat. AT NANG MAGISING si Melannie, namataan niya ang sarili na nakahiga sa hindi pamilyar na lugar. Dali-dali siyang umupo sa kinahihigaan at binalingan ang kapaligiran. Napagtanto agad niya kung nasaan siya—sa may covered court kasama ang maraming tao. "Gising ka na, Melannie. Ito ang kape, higupin mo." Binalingan ni Melannie ang nagsalita at mula sa gilid niya, hindi niya namalayan na nakatayo na pala roon si Joana. Kinuha niya rito ang baso nitong hawak at ibinalik ang atensyon sa kapaligiran. "Anong nangyari?" wala sa sarili niyang tanong. Umupo si Joana sa tabi niya. "Wala ka bang maalala, Melannie?" Umiling siya. "Wala na ang pamilya ko, Joana. Wala na si nanay. Wala na si tatay. Wala na rin si bunso." Sa labis na pighati, muli na namang nanalantay ang luha mula sa mga mata ni Melannie. "Ano bang ginawa ko para maranasan ko ito, Joana? Ako na yata ang napakamalas na tao sa buong mundo. Hindi ko naman yata deserve ang ganito. Mapagmahal naman akong anak sa mga magulang ko. Hindi naman ako pariwara. Ginagawa ko naman ang responsibilidad ko. Pero bakit kailangang umabot sa ganitong punto, Joana?" "Mela…" Ipinatong ni Joana ang isang palad nito sa balikat niya, "naintindihan kita. Lahat naman tayo rito sa mundo, nakakaranas ng mga hindi inaasahan na pangyayari. Lahat tayo, nakakaranas ng kalungkutan at kapighatian. Kaya iyang nararamdaman mo, valid iyan, Mela. Tandaan mo, kahit anong mangyari, nandito lang ako sa tabi mo." "Hindi ko matanggap ang nangyari, Joana. Ang saya-saya ko pa kaninang umaga dahil mabibili ko na iyong pinapangarap na cellphone ni bunso. Pero hindi ko na pala siya maaabutan. Napakasakit sa damdamin dahil hindi man lang niya naranasan kung paano mabuhay nang magara. Nagpupursige ako upang makatapos siya sa pag-aaral niya dahil ayaw ko siyang magaya sa akin na hindi man lang nakatapos ng high school. Pero lahat ng pangarap ko sa kaniya, pumutok na lang na parang bula. Napakasakit…" "Sige lang, Mela, ilabas mo lang iyang nararamdaman mo. Nandito lang ako sa tabi mo, hindi ako aalis." At mahigpit na niyakap ni Joana patagilid ang kaibigan. Mas lalong napaiyak si Melannie dahil sa ginawa ng kaibigan. Kahit anong gawin niya, hindi na maibabalik ang buhay ng mga mahal niya. Kahit kuwestiyunin niya ang nasa itaas, walang mangyayari. Wala na sila, at iyon ang totoo, totoo na kailangang itanim ni Melannie sa kaniyang utak. Sukdulan ang galit niya sa Panginoon. Sinisisi niya ito sa pagkawala ng pamilya niya. Kung totoo ito, dapat buhay pa ang pamilya niya. Kung totoo ito, dapat iniligtas nito ang pamilya niya mula sa apoy. Hindi totoo ang himala. Hindi totoo ang suwerte. At higit sa lahat—HINDI TOTOO ANG DIYOS DAHIL GAWA-GAWA LANG IYON NG MGA TAO! "Kumusta ang pamilya mo, Joana?" Isa rin ang pamilya ni Joana sa mga napinsala ng sunog na magpahanggang ngayon ay inaalam pa kung ano nga ba ang pinagmulan ng apoy. "Salamat naman sa Diyos at maayos silang lahat. Nakalabas sila bago pa man kumalat ang apo—" "Hindi totoo ang Diyos. Kung totoo ang Diyos, sana'y buhay pa ang pamilya ko." Pero ang totoo—ang gusto niyang sabihin ay naiinggit siya sa kaibigan. Masuwerte ito sapagkat buo pa ang pamilya nito samantalang siya—nag-iisa na lang sa buhay. "Mela, ayokong pag-awayan natin ito, okay? May kaniya-kaniya tayong paniniw—" Hindi pa man natatapos ni Joana ang ibang sasabihin nang biglang may humaklit sa buhok ni Melannie. Nang balingan iyon ng babae, nakilala niya kung sino ito—ang kaniyang Tiya Salome. "Tingnan mo ang ginawa mo sa pamilya mo, Melannie! Pinatay mo sila! Ikaw ang may dahilan kung bakit nawala sila. Pinatay mo ang pamilya mo, Melannie. Mamamatay-tao ka!" galit na galit na saad nito habang umiiyak. Sapilitang binawi ni Melannie ang kaniyang buhok at nang magtagumpay, pinakatitigan niya sa mga mata ang kaniyang tiyahin. "Sige, isisi niyo na po sa akin ang lahat. Opo, ako ang pumatay sa pamilya ko. Pinatay ko po sila, Tiya Salome. Ibintang niyo na po sa akin ang lahat, wala po akong pakialam. Ano, masaya na po kayo? Masaya po kayo na pinagtitinginan na po tayo ng mga tao ngayon dahil sa kabaliwan mo?" Nakatanggap ng isang sampal si Melannie mula sa tiyahin. Lumagitik iyon sa kaniyang mukha. "Hayop ka! Wala kang karapatang sagutin ako ng ganiyan, Melannie. Kahit ano ang mangyari, tiyahin mo pa rin ako. Kasalan mo kung bakit namatay ang pamilya mo. Pabaya kang anak." Ngumisi si Melannie. "Ako pa ang naging pabaya, Tiya Salome? Bakit hindi mo sabihin sa mga tao kung paano mo tratuhin si nanay—na kapatid mo? Hindi mo tinatrato nang tama si nanay, Tiya Salome. Hindi mo siya pinapansin. Hindi na kapatid ang turing niyo sa kaniya matapos niyang pakasalan si tatay. Bakit, Tiya Salome? Bakit iba kung tratuhin niyo ang nanay ko? Bakit?!" "Wala kang karapatang pagsalitaan ako ng ganiyan, Melannie. Hindi ito tungkol kay Sally—tungkol ito sa iyo kung paano mo pinabayaan ang pamilya mong namatay sa sunog na iyon. Hindi lang ikaw ang nawalan. Maski ako, nawalan din. Tratuhin mo ako base kung sino ak—" "Kung gusto mong tratuhin kita kung sino ka, tratuhin mo rin ako kung sino ako. Irespeto mo naman ako kahit ngayon lang, Tiya Salome." Sukang-suka na si Melannie sa Tiya Salome niya. Imbes na makipagtalastasan pa rito, umalis na lang siya. Gusto niya munang lumayo. Gusto niya munang alisin ang sakit na nararamdaman niya kahit pansamantala lang. Pero habang naglalakad palabas ng covered court na kinalalagyan nila, biglang napabaling si Melannie sa isang dako. Agad na bumagsak ang luha sa kaniyang mga mata at unti-unting naninikip ang dibdib niya. Ngunit kahit ganoon ang nararamdaman, tumakbo pa rin siya patungo sa mga nakahilerang kabaong na alam niyang tatlo sa kaniya roon ang paglalamayan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD