Kabanata I: Ang Mapagmataas na Hara

2193 Words
LIWAY Kasabay ng pagbuhos ng malakas na ulan ang pagbuhos ng kasinungalingan na sinasambit ko ngayon sa aking bai. "Ang aking iloy at baba ay napaslang sa naganap na pagkubkob sa ating puod at ako ay nakaligtas noong ako ay iyong sinaklolohan?" usal ng aking bai na tila ba ito'y hindi lubos na naniniwala sa aking mga tinuran sa kanya. "Kung gayon ay paano ako nawalan ng ulirat at nahimlay ng mahabang panahon?" tanong nito na dahilan upang balingan ko ng tingin si Ginoong Lumad bilang paghingi ng pahintulot sa aking mga sasambiting kasinungalingan sa mahal na Bai, na siya namang tinanguan niya bilang hudyat ng kanyang pagsang-ayon. "S-Sa pagka't kayo ay kamuntik ng mapaslang sa pamamagitan ng paghataw sa iyong ulo, at iyon ho ang naging dahilan ng pagkawala ng inyong ulirat at ng inyong mahabang pag-idlip, mahal na Bai." Nakatungo ako habang sinasambit ko ang mga tinuran ko, sa pagka't tunay na labag sa aking kalooban ang aming ginagawang pagsisinungaling sa kanya. Ngunit wala kaming ibang pagpipilian, pagka't tiyak na hindi niya kami paniniwalaan sa oras na sambitin namin sa kanya ang buong katotohanan. "At habang ako ay nahihimlay ay binayaan niyo na lamang akong makipag-isang dibdib sa Ginoong ito ng wala ang pahintulot ng aking baba?! Mga hangal! Saan nagtungo ang inyong katinuan?!" Pagtataas ng tono ng aking bai no'ng balingan niya ng pansin si Ginoong Lumad. Batid kong walang kapantay ang sakit na dinaramdam ngayon ng Ginoo dahil sa sinapit ng aking bai at ako'y tunay na nababahala para sa kanilang dal'wa. "L-Lingid sa inyong kaalaman, noong nabubuhay pa ang inyong amang Raha ay mayroon na siyang napipisil na maging inyong bana. Ito ay walang iba kundi s-si Ginoong Lumad, ang anak ni Datu Tarong," sambit ko na nagpakunot ng noo ng aking bai. Nababanaag sa kanyang mukha ang labis na pagkadismaya, na siyang dahilan upang agad ko ring balingan ng tingin si Ginoong Lumad. Napasinghap ako no'ng makita kong nagbabadya ng bumagsak ang mga butil ng luha sa mga mata nito. "Hindi maaari!" singhal ng aking bai, bago ito tuluyang tumayo at lumisan palabas ng silid. Sinundan ko lamang ng tingin ang aking bai at hinintay na tuluyan siyang makalisan bago ko lapitan ang Ginoo, na ngayon ay ikinukubli ang ginagawang pagtangis. "P-Paumanhin, Ginoo, kung ito ay inyong nararanasan. Batid ko kung gaano mo kamahal ang aking bai, ngunit hindi na siya ito. Hindi na siya ang babaeng nagmula sa hinaharap, na siyang tunay na inibig mo," usal ko sa kanya na ikinahapdi na rin ng aking mga mata, sa pagka't tulad ng Ginoo ay minahal ko na rin ang aking Bai na nagmula sa hinaharap. "Batid ko iyan, Liway," turan ng Ginoo pagkatapos niyang pahirin ang mga luha nito. "Ngunit, hindi ako susuko, ang lahat ay aking gagawin, mapa-ibig lamang siyang muli," siyang turan nito sa akin, bago siya tumayo at tuluyang lumabas ng silid. Napabuntong-hininga na lamang ako sa pagka't higit kanino man ay ako ang lubos na nakakikilala sa aking bai. Di hamak na napakalayo niya kay Shai kung ihahalintulad at kailanman ay hindi sila magkakatulad nito. HALEYA Naririnig ko ang bawat paglagatok ng kahoy na aking nilalakaran ngayon habang ako ay hindi magkanda-ugaga rito sa aking silid. Nag-iisip ng maaari kong gawin upang maiwasto ang lahat ng pagkakamaling nagaganap ngayon sa aking buhay. "Hindi ako makapapayag na ganito na lamang ang maganap sa akin, hindi ko nais ang maging Hara at higit na hindi ko ninais na maging asawa na lamang ng isang Ginoo na hindi ko naman iniibig!" saad ko sa aking sarili. Pabagsak na lamang akong umupo sa aking hinihigaan habang ako'y patuloy pa rin sa pag-iisip ng maaari kong gawin. Hindi ko lubos na mapaniwalaan ang mga sinambit sa akin ng aking uripon kanina lamang, subalit, kung hindi ko siya paniniwalaan? Sino pa ang aking paniniwalaan? Isang ngisi ang nabuo sa aking labi no'ng pumasok sa isip ko ang isang bagay, "Ang mga nakatatandang maharlika na may katungkulan din sa puod na ito, marahil ay may nalalaman sila, kailangan ko silang makausap." Agad na akong tumayo mula sa aking pagkakaupo upang magtungo sa labas ng silid. Ngunit sa aking paglabas ay siya ring pagsalubong ko sa isang tao na aking lubos na kinayayamotan. "A-Aking hara, saan ka patutungo?" tanong nito na hindi ko binigyang pansin, kung kaya't magtutuloy na sana ako sa paglisan no'ng hindi niya ako bigyan ng daan. "Ano ang iyong ginagawa? Ako'y iyong paraanin!" bulyaw ko sa kanya, subalit gano'n na lamang ang aking pagkayamot no'ng hindi man lamang ito kumibo at kumilos. "Ikaw ba'y mangmang at hindi nakaririnig?!" Pagtataas ko ng aking boses, ngunit sa halip na bigyan niya ako ng daan ay nangunot ang aking noo no'ng mapansin kong ito ay unti-unti nang lumalapit sa akin. Nagtama ang aming paningin at nababakas ngayon sa kanyang mga mata ang tila labis na lungkot. Sa isang kisap-mata lamang ay napagtanto kong nasakop na ng kanyang mga bisig ang aking katawan. Naramdaman kong lalo pa niyang hinigpitan ang pagkakayakap sa akin na siyang lubha kong ikinayamot at ikinagalit. "Lapastangan!" Buong lakas ko siyang itinulak palayo sa akin, ngunit higit na siya'y mas malakas kung kaya't ako'y lubhang nahirapan sa pagtaboy sa kanya. "L-Lumayo ka sa akin!" singhal ko sa kanya, na siya namang nagpaluwag ng mga bisig niyang nakayapos sa akin. Ilang sandali pa ay tuluyan na rin itong kumalas sa pagkakayakap sa akin na siyang aking sinamantala upang gawaran siya ng isang malakas at mabigat na sampal sa kanyang mukha. Nasapo niya ang kanyang pisngi at pagkatapos ay tumitig ito sa akin. Matalim ko rin siyang tinignan upang ipakita ang aking poot at pagkayamot. "Ako ay namuhay ng mahabang panahon na ikinukubli sa paningin ng iba, subalit ngayon ay walang pakundangan na lamang akong nilalapastangan ng isang ginoong hindi ko naman kilala!" muling singhal ko at tunay na mariin ang pagkabibitaw ko sa aking mga salita. Wala akong ibang nadarama kundi poot at pagkadismaya sa lahat ng nagaganap ngayon sa akin, tunay na kahindik-hindik! "P-Paumanhin aking hara, tunay lamang na ako'y nangulila sa iyo, kung kaya't hindi ko-" Akin nang hindi pinatapos ang ibig niyang sambitin sa pagka't hindi ko na nais pang marinig ang kanyang nakasusuklam na tinig. "Manahimik kana lamang at ako'y iyong paraanin Ginoo!" naibulyaw ko, na siyang ikinatungo niya na lamang. Hindi naglaon at ito ay tumabi na rin upang ako ay bigyang daan. "Samok! (nakakainis)" tanging naibulong ko. Mabilis na lamang akong umalis at naglakad palabas ng balay (bahay) upang magtungo sa kinaroroonan ng mga nakatatandang maharlika sa puod (pamayanan) na ito. Bumungad sa akin ang maputik at basang lupa dulot ng malakas na buhos ng ulan kanina, at hindi ko nanaising mabahiran ng kahit na anong putik o dumi ang aking mga talampakan. Kung kaya't sa halip na maglakad patungo roon ay mas pinili kong umupo at sumakay sa isang upuan na yari sa kawayan habang binubuhat ito ng apat na mandirigma. Kasalukuyan naming tinatahak ang daan patungo sa nais kong puntahan no'ng bumungad sa akin ang matatamis na ngiti sa labi ng mga timawa (malaya) at uripon (alipin) na aming naahopan. Yumuyukod sila sa akin bilang kanilang pagbibigay galang, subalit ito ay aking hindi binibigyang pansin sa pagka't sila ay hindi ko naman kauri. Mas mataas ang aking katayuan sa puod na ito at sila ay pawang mamamayan lamang na aming pinamumunuan. "Ang ating hara!" "Mahal na Hara Haleya!" Napukaw ng duhang (dalawang) paslit na lalaki ang aking pansin, no'ng walang pakundangan nilang hawakan ang aking mga paa. Ito ay kagyat nag-iwan ng mapuputik at maruruming bakas ng kanilang mga kamay sa aking balat. Ako'y dagling nakaramdam ng pagkayamot at kagyat kong pinukulan ng matalim na tingin ang duhang paslit. "Mga pangahas! Dakpin ang mga iyan at parusahan ngayon din!" bulyaw kong utos sa mga mandirigma sa paligid na siyang mabilis namang tumalima sa akin. "M-Mahal na Hara, 'wa-wag po!" dagling sambit na pagmamakaawa ng isa sa mga paslit na nangahas dumungis sa aking mga paa. "Mga anak! Aking mga a-anak!" sigaw ng isang babaeng uripon na siyang kagyat lumapit sa aming kinaroroonan. "Mahal na Hara, a-ano po ito? B-Bakit niyo ho ipinadadakip ang aking mga anak?" tanong nito sa akin at bakas sa kanyang tinig ang pangamba. Subalit ito ay tinaasan ko lamang ng isang kilay bago ako tuluyang mag-usal muli ng salita. "Ang iyong mga anak ay mapangahas kung kaya't nararapat lamang na sila ay aking parusahan!" kagyat kong tugon sa kanya, na siyang naging dahilan ng dagling pagtangis ng babae sa aking harapan. "P-Paumanhin, mahal na Hara, n-ngunit ang aking mga a-anak ay lubha pang mga paslit upang t-tumanggap ng isang parusa na nais niyong igawad sa kanila. Kung kaya't a-ako na lamang ho ang tatanggap nito, a-ako na ho ang inyong parusahan, huwag ho ang mga anak ko." Tumatangis na turang pagmamakaawa ng babaeng uripon, na siyang aking ikinangisi lamang. "Hindi," dagli kong tugon na ikinasinghap ng mga dumaraming timawa at uripon. Kasalukuyang nakatuon sa amin ang kanilang mga paningin. "N-Ngunit, mahal na Hara!" Higit pang lumalakas ang pagtangis ng babae, subalit ni katiting na habag sa kanya ay wala akong nadarama. Napakahinang mga uripon, walang kapangyarihan kung kaya't maaari ko silang pahirapan kailan ko man naisin. "Gawaran sila ng kawháan (Dalawampo) na hagupit ngayon din!" bulyaw na utos ko sa duhang mandirigma na kasalukuyan nang iginagapos ang mga kamay ng mga paslit. Pagkatapos no'n ay dagli na rin nilang idinapa ang mga ito sa maputik na lupa. " 'Wag ho!" "Maawa na ho kayo!" saad na nakaririnding pagmamakaawa ng duhang mapangahas na paslit. Lumalakas na rin ang kanilang mga pagtangis kung kaya't ako ay higit lamang nayayamot. "Nararapat lamang sa kanila ang ganitong kaparusahan upang matuto silang lumugar," sambit ko sa aking isipan. "Ngayon na!" kagyat kong singhal sa kanila, na siyang naging hudyat ng unang paghagupit ng mahaba at manipis na lubid sa likuran ng mga paslit. "Aaahhhh!!!" "Iloy!!!" hiyaw na pagtangis ng mga paslit dahilan upang magpumiglas ang kanilang iloy mula sa pagkakahawak sa kanya ng mga mandirigma. "Mahal na Hara! B-Bakit napakalupit niyo?!" sigaw nito sa akin kalakip ang kanyang pagtangis, na siyang ikina-igting lamang ng aking panga. "Bigyan ng karagdagang napulò (sampo) ang kanilang hagupit!" turan kong utos sa mga mandirigma na siyang nagpalakas ng bulong- bulungan sa paligid. Muli na sanang igagawad ang panglimang hagupit sa mga paslit no'ng bigla na lamang hawakan ng isang lalaki ang braso ng mga mandirigma na siyang nakahawak sa lubid. "Magsitigil kayo ngayon din, kung hindi niyo nais na ako ang siyang magbigay ng kaparusahan sa inyo!!!" singhal nito, na siyang naging dahilan upang tumigil ang mga mandirigma sa kanilang mga ginagawa. Pinakawalan na rin nila ang iloy ng mga paslit na siyang agad namang inalo ang kanyang mga sugatang anak. "Ano ang iyong karapatan upang ako ay panghimasukan!" bulyaw ko sa Ginoo na kasalukuyang nakakunot ang noo habang ito ay nakatitig sa akin. "Ako ang iyong bana at ako rin ay ang kanilang Raha. Kung kaya't ako ay mayroong sapat na karapatan sa anumang bagay na nagaganap dito sa ating puod," dagli nitong tugon sa akin. Ako'y hindi na lamang nag-usal pa ng salita at sa halip ay pinukulan ko na lamang ito ng isang masakit at malupit na titig. "Ang lakas ng loob niyang salungatin ang aking nais!" tanging nasambit ko sa aking isipan at kalakip nito ang pagkuyom ko sa aking mga palad. "Sige na babae, humayo kayo sa balay ng ating mga babaylan upang agad na malunasan ang kanilang mga sugat," siyang saad na utos nito sa babaeng uripon na labis kong ikinayamot. "Tayo na!" singhal ko sa apat na mandirigma na siyang nagbubuhat sa kawayang aking inuupuan upang makaalis na rito. Narinig ko pa kung paano humingi ng paumanhin ang Ginoo sa mga mamamayan ng puod bago pa kami tuluyang nakalayo sa kanila. "Tss, hintayin mo lamang ginoo, maaalis din kita sa aking landas!" tanging nasambit ko sa aking sarili. "Tunay ang lahat ng tinuran ng iyong uripong si Liway, mahal na Hara. Sa pagka't ang iyong iloy at baba ay napaslang noong kinubkob ni Datu Kalis at ng kanyang mga kapanalig na taksil ang ating puod," usal ng isa sa mga nakatatandang maharlika dito sa aming puod. "Kung gayon ay batid niyo rin ba kung ano ang dahilan ng mahabang panahon kong pagkakahimlay?" tanong ko sa kanya sa pag-asang batid niya nga ang katotohanang aking hinahanap. "Hindi ko maunawaan kung bakit hindi mo maalala ang mga naganap sa iyo. Ngunit ikaw ay nawalan ng ulirat noong sandaling ikinubli ng bulan ang sikat ng adlaw at kasabay no'n ang pagtatalaga sa iyo bilang bagong Hara ng ating puod," tugon nito sa akin na siyang dagli namang nagpakunot sa aking noo. "Ibig sabihin ay nagsinungaling sa akin ang uripon na iyon!" saad ko sa aking isipan. Hindi ko na napigilan pang maikuyom ang aking mga palad dahil sa labis na pagkamuhi at pagkadismaya sa uripong si Liway. "Kung gayon ay daghang salamat," akin na lamang nasambit bago ko tuluyang lisanin ang kanyang balay. Nayayamot na umupo ako sa upuan na yari sa kawayan at madali ko na ring inutusan ang mga mandirigma upang buhatin ako upang ibalik na sa aming balay.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD