Simula

921 Words
HALEYA "Tapatin mo ako punong babaylan, tunay nga bang magkakamalay pa ang aking kabiyak? O kami ay pinaaasa mo lamang sa wala," saad ng isang tao malapit sa akin, at sa kanyang tinig ay nababatid kong siya ay isang lalaki. Ilang sandali na ang nagdaan mula no'ng manumbalik ang aking ulirat, subalit hindi ko pa rin magawang magdilat. Sinikap kong igalaw ang aking mga kamay, maging ang aking mga paa sa pagka't tila ba kay tagal kong nahimlay at hindi ko pa lubos na maigalaw ang aking katawan. "Mahal na Raha," usal ng isang babae na tila kadadatal (kararating) niya lamang. "Liway," tugon naman ng lalaking malapit lamang sa kinaroroonan ko. "L-Liway? Si Liway, ang aking uripon. (alipin)" Sinikap kong idilat ng marahan ang aking mga mata na siyang naging dahilan upang unti-unting bumungad sa akin ang liwanag. Sa una'y nakabubulag, ngunit hindi nagtagal ay luminaw na rin ang aking paningin. "A-Aking bai? (prinsesa)" siyang sambit ng isang babae na batid kong si Liway, kung kaya't marahan ko itong pinukulan ng tingin. "B-Bai! Ika'y nagkamalay na! Mahabaging Laon (Diyos), daghang (maraming) salamat," bakas sa tono ng kanyang pananalita ang labis na tuwa. Ngunit hindi ko batid kung ano'ng dahilan at siya'y nagagalak ng ganito. "H-Haleya?" Naagaw ng isang lalaki ang aking paningin noong lumapit ito sa akin. Tulad ni Liway ay bakas din sa kanyang mukha ang labis na tuwa. Nangunot ang aking noo at buong pagsisikap na bumangon ako mula sa aking pagkakahiga. Ako ay inalalayan ni Liway na ngayon ay kasalukuyan nang tumatangis. "H-Haleya aking-" "Lapastangan! Hindi mo ba batid ang kaparusahang naghihintay sa iyo, sa pagka't nangahas kang pumasok sa aking bukot at ngayon ay walang pakundangan mo akong tinititigan?!" dagling bulyaw ko sa lalaking hindi man lamang natitinag sa pagtitig sa akin. Napansin ko rin ang pagkunot ng kanyang noo na tila nagtatakha siya sa aking mga tinuran. "H-Haleya, ano ang nagaganap sa iyo? A-Ako ito si Lumad, ang iyong bana, (asawang lalaki)" usal niya na aking ikinatigil, ngunit... "Husto na ang iyong kapangahasan! Liway ipabatid mo sa aking baba (ama) ngayon din ang mga nagaganap dito!" bulyaw kong utos kay Liway, ngunit ilang sandali na ang nagdaan ay hindi pa rin ito tumatalima sa aking mga tinuran. Sinulyapan ko siya ng may pagkayamot, ngunit sa halip na matakot sa akin ay tumungo lamang ito at walang pakundangan pa itong umupo sa aking tabi upang hawakan ang aking mga kamay na lalo kong ikinagalit. "L-Lapastangan! Ano ang iyong karapatan upang hawakan ang aking mga kamay uripon!" singhal ko sa kanya, kasabay ng pagbawi ko sa aking mga kamay mula sa pagkakahawak niya. Tumingin siya sa akin at nagtama ang aming paningin. "Tunay bang nais mo ang maparusahan Liway?! Nalimutan mo na bang hindi nararapat na tumitig ang isang uripong gaya mo sa isang tulad kong Bai?!" singhal kong muli, na siyang naging dahilan ng agaran niyang pagtayo mula sa kanyang pagkakaupo. Subalit hindi pa rin ito natitinag sa pagtitig sa akin at nababakas na rin ngayon sa kanyang mukha ang labis na pagtataka. "B-Bai?" "Ano pa ang iyong hinihintay! Ipabatid mo ngayon din sa aking baba ang mga nagaganap dito!" bulyaw kong utos muli sa kanya dulot ng labis na pagkayamot. "P-Punong babaylan ano ang nagaganap sa aking kabiyak, b-bakit tila ako'y hindi niya nakikilala?!" tanong ng lalaki sa aming punong babaylan, ngunit tanging pag-iling lamang ang naitugon nito. "H-Hindi ko rin batid mahal na Raha, marahil ay kinakailangan nating magsagawa ng isang pag-aanito upa-" "Paumanhin punong babaylan ngunit, sa aking palagay ay batid ko na kung ano ang kasalukuyang nagaganap sa ating mahal na Hara." Pagpuputol ni Liway sa mga sinasambit ng punong babaylan. "A-Ano iyon Liway?" tanong ng lalaking kanina pa ipinagpipilitan na ako ay kanyang kabiyak. "N-Nagbalik na ang tunay na Bai Haleya sa panahon niyang ito, mahal na Raha," turan ni Liway na siyang nagpakunot sa aking noo. "Ano'ng kahibangan ang iyong sinasambit Liway?" tanong ko dahilan upang sumulyap silang lahat sa akin. "At b-bakit Raha ang itinatawag niyo sa lalaking ito? Nahihibang na ba kayo! Nais niyo bang maparusahan ng aking amang Raha?" saad ko na ikinatungo lamang ni Liway. "N-Ngunit matagal ng p-pumanaw ang inyong baba. Kung kaya't si Ginoong Lumad na iyong bana, ang siyang kasalukuyang tumatayo bilang Raha ng ating puod. At k-kayo na ang aming bagong hara," tugon ni Liway sa akin, na siyang ikinatigil ko ng panandalian. "H-Haleya." "Manahimik ka!" dagling singhal ko sa lalaking tinangka akong yakapin. "K-Kayo ay nahihibang pawang kasinungalingan lamang ang inyong mga sinasambit sa akin!" singhal ko sa kanila na ikinakuyom ng aking mga palad dahil sa labis na pangamba at galit. Sinikap kong tumayo at umalis mula rito sa hinihigaan ko ngunit tila ako'y isang lantang gulay na walang lakas. "Mahal na Hara, huminahon kayo," saad ni Liway na lubha kong ikinayamot. "Huminahon?! Paano ako hihinahon sa inyong mga sinasambit sa akin! Ang aking iloy (ina) t-tawagin mo siya nais ko siyang makita!" bulyaw ko, subalit hindi ito natinag at tumungo lamang ito sa akin. "P-Paumanhin, aking hara, n-ngunit tulad ng inyong baba ay pumanaw na rin ang inyong mahal na iloy," tugon nito na ikinatutop ng aking bibig. Wala akong ibang nadarama ngayon kundi ang labis na takot at pangamba dulot ng kanilang mga sinasambit sa akin. Bumibigat ang aking paghinga at kay hapdi nitong aking mga mata, hindi ko na napigilan pa ang aking sarili, sa pagka't ngayon ako ay tuluyan nang tumatangis. "A-Ano ang tunay na naganap sa akin, b-bakit hindi ko batid ang mga bagay na ito!"
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD