Kabanata II: Ang Panauhing Dayang

1560 Words
LUMAD "Mahal na Raha, huminahon ho kayo," saad ni Liway no'ng madatnan niya akong hindi magkanda-ugaga sa paglakad. "Paano ako hihinahon, Liway? Gayong batid kong siya ay nananakit na ng iba. Maging ang mga walang muwang na paslit ay handa niyang saktan, hindi ko na maunawaan ang kanyang iniaasal." Nabuwal ako at nasalampak na lamang sa sahig sa labis na pagkadismaya. "Ngayong unti-unti niyo nang nasasaksihan ang tunay na pagkatao at pag-uugali ng Bai Haleya, na siyang ating nakakasalamuha ngayon ay nanaisin niyo pa rin bang paibigin siyang muli?" tanong sa akin ni Liway na tinugunan ko lamang ng isang malalim na pagbuntong-hininga. "Ahhhk!" kagyat na daing ni Liway no'ng marahas siyang masalampak sa sahig. Tinapunan ko ng tingin ang taong gumawa noon sa kanya at gayon na lamang ang aking pagtataka no'ng makita kong ang aking hara ang may gawa noon. "Kay lakas ng loob mong magsinungaling sa akin, isa ka lamang hamak na uripon! Kahit kailan ko man naisin ay maaari kitang ipatapon palabas ng puod na ito!!!" singhal nito kay Liway na kasalukuyan nang inaayos ang kanyang sarili. Bakas sa tinig ng aking hara ang labis na pagkamuhi at pagkayamot. "A-Ano ang inyong sinasambit mahal na Hara?" tanong ni Liway, na siyang nagpalubha lamang sa poot na nadarama ng aking hara sa pagka't tinangka niya muli itong saktan. "Aking hara, huminahon ka!" usal ko sa kanya no'ng pigilan ko siya sa tangka niyang pananakit muli kay Liway. "Usá (isa) kapa! Marahil ay pinagka-isahan ninyo akong duha! (dalawa)" Ramdam ko ang poot sa tono ng kanyang pananalita. "Batid ko na ang kamatuoran (katotohanan), hindi tunay ang mga sinambit niyo sa aking dahilan ng aking mahabang pagkakahimlay! Marami pa kayong hindi sinasambit sa akin!" bulyaw nito sa amin na siyang dahilan ng pagbigat ng aking bawat paglunok. "Kung gayon ay tunay nga ang aking sapantaha, hindi siya tuluyang naniwala sa amin," tanging nausal ko sa aking isip. "Aking bai." "Ngayon ilahad niyo sa akin, ano nga ba ang siyang tunay na naganap sa akin?!" Hindi ko malaman ang aking madarama sa kanyang katanungan. Hindi ko nais ang magsinungaling sa kanya ngunit batid ko na kami ay hindi niya paniniwalaan. "Bago pa kubkobin ang-" "Magtigil ka Liway!" Pagputol ko sa tangka niyang pagsambit sa katotohanang hinahanap ng aking hara. "Mahal na Raha, batid kong siya ay hindi titigil hangga't hindi niya nababatid ang mga nais niyang mabatid kung kaya't pakiusap, bayaan niyo na lamang akong sambitin sa kanya ang lahat ng aking nalalaman." Hindi ko nagawang tumugon sa mga tinuran ni Liway, sa pagka't may katwiran siya. Binalingan ko ng tingin ang aking hara at nagtama ang aming mga mata, pakiramdam ko ay muling nasusugatan ang aking puso sa paraan ng kanyang pagtitig sa akin. May poot at malamig na titig, walang kahit na katiting na bahid ng pag-ibig. "Tunay ngang wala na ang Haleya na aking inibig." Mariin kong naipikit ang aking mga mata sa aking naisip. "Ano pa ang inyong hinihintay?!" muling turan ng aking hara. Kung kaya't ako'y nagmulat ng aking mga mata at aking kagyat na binalingan ng tingin si Liway upang ito ay marahang tanguan. Hudyat na sumasang-ayon na ako sa kanyang pasya. Humugot naman ito ng malalim na hininga bago tuluyang magsalita. "Mahal na Hara, batid namin na hindi mo lubos na paniniwalaan ang aming mga sasambitin sa iyo, ngunit nais naming ipabatid sa iyo na tunay na naganap ang mga ito," saad ni Liway habang ito ay nakatungo. "Tiyakin mong tunay ang iyong mga sasambitin sa akin, sa pagka't kung hindi ay ako'y hindi na mag-aatubili pang ipatapon ka!" singhal ng aking hara, na siya namang tinanguan lamang ni Liway bilang kanyang tugon. "Bago pa kubkobin ni Datu Kalis ang ating puod ay-" Natigil si Liway sa kanyang mga sinasambit no'ng dumatal sa loob ng silid ang isang uripon. "Mahal na Hara, ipagpaumanhin ninyo ang aking paggambala, ngunit mayroong isang panaohin ang naghihintay sa inyo," saad nito na siyang naging dahilan upang mabalingan ko ng tingin ang aking hara, na siyang kasalukuyan nang nababakasan ng pagtataka. "Sino ito, uripon?" tanong nito, ngunit umiling lamang ang uripon tanda na hindi rin niya batid kung sino ang panauhin ng aking hara. "Kung gayon ay dalhin mo ako sa kanya ngayon din," turan ng aking hara, ngunit bago pa ito tuluyang lumisan ay bumaling ito ng tingin sa amin. "Tayo'y hindi pa tapos," sunod na turan nito sa amin, na siyang tinanguan ko na lamang bilang tugon at gano'n din si Liway na kasalukuyan nang nababakasan ng labis na pangamba. HALEYA Iginiya ako ng uripon sa kinaroroonan ng aking panaohin at no'ng siya'y aking tuluyang nasilayan ay pawang pagkunot lamang ng noo ang aking nagawa, pagka't maging ako ay hindi rin batid kung sino siya. Sinipat ko ang kanyang kasuotan at tunay na kaiba ito sa akin, nababalot ng mahihipit na kulay bulawang (gintong) manggas ang kanyang mga braso at ang kanyang puti at mahabang saya ay napalilibutan naman ng mga palamuting bulaklak na yari sa bulawan. Isang manipis na kulay puting tela rin ang sumasaklob sa kanyang ulo. "Maayong Adlaw, aking pinsan," bungad nitong turan na lubos kong ipinagtaka. "Pinsan? Ano ang kanyang sinasambit," nausal ko sa aking isipan, sa pagka't tunay na hindi ko batid ang kanyang sinasambit dahil ni minsan ay hindi nabanggit sa akin ni iloy ang tungkol dito. "Ikaw ba'y hindi nasisiyahan sa aking pagdatal? (pagdating)" tanong nito sa akin kasabay ng pagwaksi niya ng manipis na tela sa kanyang ulo, dahilan upang tumambad ang isang maliit na bulawang putong (korona) na nakapatong sa kanyang ulo. "Kung iyan ang iyong sapantaha ay marahil nga ako'y hindi nasisiyahan pagka't hindi ko batid kung sino ka," tugon ko sa kanya at mababakas sa aking tinig ang bahagyang pagmamataas, subalit nangunot ang aking noo no'ng matawa lamang ito nang mahina. "Mukha bang ako'y nagpapatawa? Kung ikaw ay wala namang mahalagang pakay sa akin ay maaari ka nang lumisan," saad ko dahilan upang lumapit ito sa akin. "Paumanhin sa aking iniasal, aking pinsan. Kung ako'y hindi mo kilala ay bayaan mong ako'y magpakilala sa iyo," usal nito na siya namang pinagtaasan ko lamang ng isang kilay. "Ako si Dayang Iraya, at ako ang anak ni Datu Saram. Ang nakatatandang kapatid ng iyong baba," muli nitong usal, na siyang marahan ko lamang na tinanguan. "Kung gayon ay may kapatid pala ang aking baba. Paumanhin at ngayon ko lamang ito nabatid," siyang tugon ko, bago ako tuluyang umupo sa isang upuan na yari sa kawayang nababalutan ng pulang tela. Ngumiti lamang ito sa akin at umupo na rin sa aking harapan. "Kung gayon ay ano ang sadya mo sa akin?" saad na tanong ko sa kanya. "Kung maaari ay nais kong manatili rito sa inyong puod pansamantala. Ito ay pagka't nais kong iwaksi ang kalungkutan na aking nadarama sa pagkasawi ng aking bana," dagling tugon nito, dahilan upang ang kanyang mga ngiti ay unti-unting mapalitan ng lungkot at pighati. "Ang aking naging bana ay nag-iisang anak ng isang sultan, kung kaya't ako ay naging isang Dayang," dagdag nitong turan na siyang aking tinanguan lamang. Hindi ko batid kung ano ang aking gagawin o itutugon sa kanya sa pagka't hindi ko nais ang mga ganitong paksa. Lalo pa't ako ay naikasal sa isang lalaking hindi ko naman iniibig. "Kung iyan ang iyong nais ay babayaan kitang manatili rito," tanging naitugon ko sa kanya, na siyang naging dahilan upang ngumiti ito. "Daghang salamat, aking pinsan," tugon nito. "Paumanhin ngunit mayroon pa akong kailangang harapin, ipahahatid na lamang kita sa iyong magiging silid," usal ko bago ako tuluyang tumayo mula sa aking pagkakaupo. "Ah sandali." Pagpigil nito sa akin no'ng ako'y akmang lilisan na. "Nais kong ibigay ito sa iyo." Inilahad niya sa akin ang isang maliit na kawayang sisidlan ng tubig. Bahagyang nangunot ang aking noo, subalit ito ay akin pa ring tinanggap, ilang sandali lamang at ito ay akin na ring binuksan. Tumambad sa akin ang berdeng tubig na laman nito. "Ano ang tubig na ito?" kagyat kong tanong na siyang bahagyang nagpangiti sa kanya. "Paumanhin kung iyan lamang ang aking handog para sa iyo, pasasalamat ko iyan sa pagsang-ayon mong ako'y manatili rito. Iyan ay isang mahiwagang panglunas upang maibsan ang ano mang poot na iyong nadarama," sambit nito dahilan upang kumunot muli ang aking noo. "Siya ba ay nakababasa ng isip at damdamin upang mabatid niyang ako ay nakararamdam ng poot ngayon?" tanging nasambit ko sa aking isipan. "Kung gayon ay daghang salamat," tugon ko naman sa kanya na marahan naman niyang tinanguan. Samantalang ako ay tuluyan nang lumisan upang tahakin ang pabalik sa kinaroroonan ng uripon kong si Liway at ng Ginoo. Hindi nagtagal ay nakadatal na rin ako sa harapan ng silid kung nasaan sila, subalit pansamantala akong natigilan no'ng mapagpasyahan kong gamitin ang handog sa akin ni Dayang Iraya. Binuksan kong muli ang maliit na kawayang sisidlan at nilagok ang berdeng tubig na laman nito. Ito ay walang lasa kung kaya't hindi ako nahirapang ubusin ito hanggang sa wala ng matira kahit isang patak. Pagkatapos no'n ay tumuloy na ako sa loob ng silid at sa aking inaasahan ay nadatnan ko pa roon sina Liway at ang Ginoo. Akmang sila'y aking lalapitan no'ng bigla na lamang akong nakaramdam ng pagkahilo, naramdaman ko pa ang mga bisig na yumapos at umalo sa akin bago ako tuluyang nagpahila sa antok na pilit humihila sa akin.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD