Simula

1150 Words
Nagising ako ng umagang iyon na mabigat ang pakiramdam ko. Sobrang bigat na halos maiyak na ako. Hindi ko alam ang dahilan pero pinili ko pa ring bumangon at maghanda para sa araw na iyon. Pagkatapos maligo at magbihis ay lumabas na ako ng kwarto. May nakahain ng pagkain sa lamesa. Sinangag na kanin at toyo ang almusal. Naupo ako at nagsimula ng kumain. Dahil bakasyon ay nasa bahay lang ako. Nagdilig ako ng halaman at nagwalis sa aming bakuran. Naglinis rin ako ng bahay kahit na malinis naman na saka ako ng nagpahinga nang dumating ang tanghali. Magiliw kong sinalubong sina Nanay Linda at Tatay Sergio nang nakita ko ang pagbaba nila mula sa jeep na pinapamasadahan ni Tatay Sergio. Nang nakita ko ang malapad na ngiti sa kanilang mga labi ay nakahinga ako ng maluwag. Tila nawala ang kaninang pakiramdam ko'y nakabara sa aking lalamunan at nakadagan sa aking dibdib. “Mano po, nay...” sabay mano ko kay Nanay Linda. “Tay...” mano ko rin kay tatay. Hindi ko sila tunay na mga magulang pero itinuring nila akong tunay na anak at minahal nila ako ng buo. Walang labi walang kulang. Kaya kahit papaano ay hindi rin ako nalulungkot. “Kumusta po ang araw?” tanong ko at saka agad na kinuha ang bayong na dala ni nanay. “Ayos lang naman, hija.” “Wow! Naubos po ang paninda niyong gulay. Ang galing naman!” sabi ko matapos silipin ang loob ng bayong. “Naman! Ginalingan ko talaga ang paglalako.” “Aba! Ako rin ay marami ang kita mula sa pamamadasada. Para maipasyal ka namin ngayon, anak.” Malawak ang naging pagngiti ko. Hindi ko tunay na kaarawan ngayon pero ito ang araw na nakita nila ako at kinupkop kaya itong araw na ito ang nagsilbing birthday ko. “Ipapasyal ka namin ngayon, Kelsi. At mamaya ay mamimili rin tayo ng panghanda mo. Darating sina Rachel mula Maynila hindi ba?” “Opo, nay.” Tumango ako kay nanay. Dahil pakiramdam ko ay nangangamoy ako dulot ng maghapong paglilinis kaya naligo ulit ako at nagbihis ng bagong damit. Pagkalabas ko ay nakita ko sina nanay at tatay na nagtatawanan sa sala habang magkayakap at sumasayaw. Umaawit si tatay ng isang awiting sobrang pamilyar sa akin. Iyon daw ang theme song nilang dalawa. Huminto ako at sumandal sa pintuan ng aking kwarto habang nakangiti ko silang pinanood. Someday, I will find a man na parehas kay tatay. Gusto ko ng ganyang klaseng pagmamahal. Gusto kong kahit taon na ang lumipas ay nananatili pa ring buo iyong pagmamahal namin sa isa't-isa. Gusto ko ng ganoon. Iyon ang pangarap ko. “Oh! Tapos ka na pala, anak.” Nakita ako ni tatay kaya agad nilang naihinto ang pagsasayaw na ginagawa. “Kanina pa po. Naaliw ako sa panonood sa inyo,” sabi ko sabay lapit sa kinaroroonan nilang dalawa. “Teka, nakalimutan kong ibinili pala kita ng damit noong isang araw, anak. Sandali at kukunin ko ha?” ani nanay at agad na pumasok sa kwarto nila ni tatay. Bumalik si nanay sa sala na bitbit na ang puting off shoulder dress. Sobrang puti niyon at nakakatakot gamitin dahil baka madumihan ko lang. “Ito ang gusto kong isuot mo ngayon,” sabi pa ni nanay. Natawa na lamang ako at saka muling pumasok sa kwarto para suotin ang damit na regalo niya sa akin. Minsan lang kaming makapamasyal sa mall kaya sobrang saya namin nina nanay at tatay. Hindi na ako umasa pang ibibili nila ako ng kahit na ano. Sapat na sa akin ang makapamasyal dito kasama sila. Pero nag CR lang ako sandali, paglabas ko ay ibinili na ako nina nanay at tatay ng laptop. “Nay! Ano ito? Ang mahal nito, nay! Tay!” reklamo ko. Halos maiyak na ako sa tuwang nararamdaman. “Ang sabi kasi sa akin ng mga kaibigan ko, anak. Mas madali mo raw mahahanap ang mga magulang mo kapag mayroon ka nito. Sa internet mo raw hanapin!” “Pero, nay...” Tuluyan nang tumulo ang mga luha ko. Hindi ko inaasahang gagawin nila ito sa akin. Hindi ako makapaniwalang tinutulungan pa rin nila akong mahanap ko ang totoo kong pamilya kahit na kapalit no’n ay ang hindi maiiwasang paglayo ko sa kanila. Ito marahil ang dahilan ng paninikip ng dibdib ko kaninang umaga. Kaya siguro naninikip kanina kasi iiyak ako ng sobra ngayon. Pero iyon ang akala ko... Hindi ko alam na iba pala ang dahilan at mas malala pala. Pagkatapos mag grocery ay nag desisyon na kaming umuwi. Pareho kaming tatlo na nasa harapan ng jeep nakaupo. Nang nasa diversion road na kami ay pumreno si tatay pero ipinagtaka namin ni nanay na hindi siya makapreno at mabilis pa rin ang takbo ng sasakyan. “Tay, ano pong nangyayari?” “Sergio! Pumreno ka! Madulas ang kalsada dahil kauulan lang!” sigaw ni nanay kay tatay. “Walang preno, Linda!” Mabilis na nanlaki ang aking mga mata. Anong walang preno? “Ano?! Huwag kang magbiro ng ganyan!” “Hindi ako nagbibiro! Nawalan tayo ng preno!” Sa mga oras na iyon ay wala akong ibang dalangin kung 'di ang maging ligtas kami. Nang sumalpok ang jeep namin sa isa pang sasakyan ay mabilis akong niyakap ni nanay. Isang mahigpit na yakap na nagsasabing ililigtas niya ako kahit na anong mangyari. “Kelsi, kain ka muna. Tatlong araw ka ng hindi kumakain, e,” sabi sa akin ng kaibigan kong si Chel. Tatlong araw na... Tatlong araw na ring nakaburol sina nanay at tatay. At dalawang araw na lang ang natitira sa akin para makita ko silang dalawa. “Sabi nga pala nina mama at papa, isasama ka raw namin sa Maynila pagkatapos ng libing.” Nag angat agad ako ng tingin kay Chel. Maynila... Ang plano ko noon ay isasama ko sina tatay at nanay sa Maynila pagkatapos kong makapagkolehiyo dito. Pero ngayong iniwan na nila ako ay hindi na mangyayari pa iyong plano ko. “Hindi ba ay iyon naman talaga ang pangarap mo? Ang pumunta ng Maynila para hanapin ang totoo mong mga magulang.” Ang sabi sa akin ni nanay ay mukhang taga Maynila raw ang mga magulang ko kaya iyon ang tumatak sa isip ko. Na baka taga Maynila ang tunay kong pamilya. “Chel...” “Papag-aralin ka rin daw nina papa at mama, Kels kaya hindi ka na mamomroblema pa para sa matrikula mo.” Tipid akong napangiti sabay lingon ko sa kabaong nina nanay at tatay. Nay, tay, luluwas po ako ng Maynila. Hahanapin ko po ang tunay kong mga magulang. Pero ipinapangako ko po sa inyong hindi ko kayo kakalimutan at babalik-balikan ko pa rin po kayo. Hinawakan ko ang kwintas na nakasabit sa aking leeg na may nakaukit na pangalan ko. Ito ang magiging susi ko. Guttierez. Isa akong Guttierez. At iyon ang panghahawakan ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD