Chapter 2

2171 Words
"Alam mo ba na may pinatay na naman kagabi si Silent Assassin?" "Talaga? At sino na namang salot sa lipunan ang pinatahimik ng ating hero?" Mula sa binabasang diyaryo ay tahimik lamang akong nakikinig sa dalawang taong nag-uusap sa aking harapan. Pinag-uusapan ng dalawa ang pagkamatay ni Danding Acebedo. Hero pala ang tingin ng dalawa sa pumatay kay Acebedo. Sabagay, puwede na rin. Mga salot naman kasi sa lipunan ang pinapatay ni Silent Assassin at hindi rin ito nangda-damay ng mga inosenteng tao katulad ng ibang mga assassin. Kung sino lamang ang target ay siya lamang pinapatay nito. "Sino pa kundi ang kilalang drug dealer na si Danding Acebedo. Heto ang diyaryo't basahin mo ang nilalaman ng balita," sagot ng babaeng nagtitinda ng diyaryo sa bangketa sabay iniabot ang isang diyaryo sa babaeng kausap na malamang ay kakilala nito. "Sige nga, pabili ako at nang mabasa ko mamaya pagdating ko sa bahay," anang kausap ng tindera. Pagkatapos magbayad ay nagpaalam na itong aalis na. "Bibilhin ko ito," sabi ko sa tindera pagkaalis ng babaeng kausap nito. "Alam mo ba na pinatay ni Silent Assassin ang drug dealer na si Danding Acebedo? Naku, bagay lang iyon sa kanya dahil marami na siyang buhay na sinira dahil sa ibinebenta niyang drugs," kausap ng tindera sa akin. Obvious naman na narinig ko ang usapan nito at nang babaeng kaaalis lamang pero nagkuwento pa rin siya sa akin. Masyado lang siguro itong tsismosa kaya kahit sino ay kinukuwentuhan niya. "I know," matipid kong sagot sa kanya. Because I'm the one who killed him, dugtong ko sa aking isip. Mabuti na lang at hindi na muling nagtanong sa akin ang tindera dahil wala ako sa mood na makipag-usap pa sa kanya ng matagal. Pagkatapos makapagbayad ay mabilis na akong bumalik at sumakay sa nakaparada kong kotse na nasa gilid lamang ng kalsada. Huminto lamang ako saglit para bumili ng diyaryo sa bangketa. Alam ko kasi na siguradong magiging headlines sa mga pahina sa diyaryo ang pagkamatay ni Danding Acebedo dahil isa itong kilalang at malaking tao sa mundo ng mga negosyante. Pagkarating ko sa tapat ng gate nang bahay ko ay may pinindot akong button sa loob ng aking kotse. Kusa nang bumukas ang high-tech na gate ng bahay ko kaya hindi ko na kailangan pang bumaba para buksan ang gate. Pagkaparada ko sa kotse ko ay bumaba na ako at nag-scan ng mukha sa scanner na nakalagay sa pintuan. Kung titingnan ng mga taong makakakita sa akin ay iisipin ng mga ito na ang mukha ko ang susi para makapasok sa loob ng bahay ngunit hindi. Dahil ang totoong susi para mabuksan ang pintuan at makapasok sa loob ng bahay ay aking hininga na tumatama sa scanner. Ganyan ka-high-tech ang bahay ko. Maliban sa gate at scanner ng pintuan, ay high-tech din ang aking eighty inches na LED TV, ang mga ilaw, computer at ilang gamit ko bilang assassin. Sensored ang aking tv at ilaw. Isang palakpak lang bubukas na ang tv at isang pitik ng aking mga daliri ay kusang bumubukas naman ang mga ilaw. Samantalang ang aking computer ay parang tao na kumakausap naman sa akin at sumasagot sa lahat ng aking mga tanong na parang isang tunay na tao ang aking kausap. Hindi naman ganoon kalaki ang aking bahay ngunit ipinasadya ko talaga na maging high-tech iyon. Galing pa sa Russia ang Engineer na nagdesign ng bahay ko at siya ring gumawa sa lahat ng mga high-tech niyang kagamitan. Sa isang salita ay isang henyo ang gumawa sa bahay ko at sa aking mga kagamitan. Isang henyong assassin na ang front ay ang pagiging Engineer. Pagkapasok ko sa loob ng aking bahay ay agad akong dumiretso sa loob ng aking kuwarto at pabagsak na humilata sa ibabaw ng kama. Mayamaya ay bumangon ako at kinuha ang picture frame ng buo kong pamilya at malungkot na tinitigan iyon. "Mom, Dad, Selina, Sarge. Kumusta na kayo? Alam n'yo ba na miss na miss ko na kayong lahat?" hindi ko napigilan ang pagtulo ng aking mga luha sa pagkaalala sa aking mga magulang at mga kapatid. Bago ako huminto at bumili ng diyaryo kanina ay nanggaling pa lamang ako sa sementeryo dahil dinalaw ko ang puntod ng mga mahal ko sa buhay. Death anniversary ng pagkamatay nila kaya ganoon na lamang ang paghihinagpis na nararamdaman ko nang mga sandaling iyon. Palagi akong ganito kapag sumasapit ang araw ng pagkamatay ng mga magulang at kapatid ko. Kasabay ng lungkot na aking nararamdaman ay ang matinding poot sa aking dibdib para sa mga taong walang awang pumatay sa pamilya ko. At hindi ako titigil hangga't hindi ko nahahanap ang mga taong dahilan kung bakit ako nag-iisa na lamang ngayon sa buhay. Kung bakit para akong isang buhay na patay. Humihinga ngunit parang patay naman ang kalooban. Malamig at tila nababalot na ng makapal na yelo ang aking puso. Ito ang dahilan kung bakit pinili kong umanib sa Black Assassin's Squad. Isang non-government organization na pinamumunuan ng mga matataas na opisyal ng bansa. Ang organisasyon namin ay binabayaran ng mga mayayamang tao para alisin ang tinik sa lalamunan ng mga ito. At ang milyones na ibinayad sa akin para sa mga pinatay kong tao ang siyang ginamit ko sa pagpagawa ng bahay ko. Ang iba ay idi-nonate ko sa mga organisasyon na kumakalinga sa mga batang ulila nang lubos. Ayon sa aking Ninong Eddie ay ang pinuno ng BAS ang tanging nakakaalam kung sino-sinong mga miyembro nila ang nautusan para patayin ang aking buong pamilya at kung sino ang taong nag-utos para gawin iyon. Mga miyembro kasi ng BAS ang pumatay sa aking pamilya. At maaari ko lamang makausap ang aming pinaka-pinuno kapag nakaabot na ng sampu ang mga na-assasinate kong tao. Sa kasalukuyan ay apat pa lamang ang napapatay ko kaya hindi pa ako haharapin at kakausapin ng pinuno ng BAS. Kaya kahit ilan pa ang ipapatay nila sa akin ay walang pag-aatubiling susundin ko para lamang makausap ko ang pinaka-pinuno ng BAS nang sa gayon ay malaman ko mula rito kung sino-sinong mga tao ang dapat kong papanagutin at paghigantihan sa nangyari sa aking pamilya. Yakap ang picture frame ay muli akong nahiga at inalala ang huling sandali na nakapiling ko ng buhay ang aking buong pamilya... "Ilang months na lang ay college ka na. Saan mo gusto mag-aral, Shanra? Gusto mo bang sa ibang bansa ka mag-aral?" tanong ng mommy ko habag kumakain kami ng hapunan. "No, Mom. Dito lang ako mag-aaral ng college. I don't want to be part with you all. Masyado akong maho-homesick kapag malayo ako sa inyo," nakailing na sagot ko sa aking ina. Kahit na kailan ay hindi ko gugustuhing malayo sa mga magulang at mga kapatid ko. Gusto kong makitang lumalaki ang dalawang nakababata kong kapatid. "Talagang hindi gugustuhing mag-aral ni Ate Sha sa ibang bansa dahil malalayo siya sa crush niya sa school na si Kuya Craig," nakangising kantiyaw sa aki ng pangalawa kong kapatid na si Sarge Joaqin. Dalawang taon lamang ang tanda ko sa kanya kaya nagpang-abot kami sa high school. "Ang tsismoso mo talaga, 'no?" nakairap kong sikmat sa kapatid ko na ngumisi lamang sa akin. "Uuyy... may crush na si Ate Sha. Guwapo ba, Kuya Sarge?" tukso naman sa akin ng bunso naming kapatid na si Selina na nasa huling taon naman sa elementarya. "Isa ka pa," pinandilatan ko ang aking bunsong kapatid para tumigil ngunit nginisihan lamang siya niya ako katulad ni Sarge. "Ano, guwapo ba si Kuya Craig, Kuya Sarge?" pangungulit na tanong ni Selina. "Guwapo pero mukhang hindi niya type si Ate. Deadma lang kasi si Kuya Craig sa beauty ni Ate," ani Sarge na napahagikhik sa sinabi. Maging si Selina ay hindi napigilang matawa sa sinabi ng kuya nito. "Excuse me! Hindi siya deadma sa beauty ko, 'no? Ano ba ang alam mo? Hindi naman kayo laging nagkikita sa school," nakataas ang kilay na sagot ko sa kapatid ko. Kahit kailan napaka-atribida ng kapatid kong ito. Ang sarap kutusan. "Ikaw nga diyan ang hindi pinapansin ng crush mo, kasi panget ka," pang-aasar ko naman sa kanya. Pero siyempre inaasar lang din siya dahil ang totoo ay cute ang aking kapatid lalo na kapag ngumingiti at lumalabas ang malalim na biloy sa kaliwang pisngi. "O siya tama na iyan at baka mauwi pa sa away ang kantiyawan ninyong iyan," mahinang saway sa amin ni daddy. "Okay lang na magkaroon kayo ng mga crush-crush na 'yan basta 'wag pababayaan ang inyong pag-aaral, okay?" sabi naman ni Mommy. "Yes, Mom," magkapanabay na sagot namin ni Sarge. Pagkatapos ay masaya na naming ipinagpatuloy ang aming pagkain. Ganito naman kaming magkapatid. Mag-aasaran kami pero ilang segundo lang ay bati na agad kami. Nasa kalagitnaan kami ng hapunan namin nang bigla na lamang may apat na kalalakihan ang puwersahang pumasok sa loob ng bahay namin. Natatakpan ng bonnet ang mga mukha ng mga ito at tanging mga mata lamang ang nakikita namin sa kanila. May dalang mga baril ang bawat isa na biglang itinutok sa amin. "Sino kayo? Ano kailanga—" Napatili kaming magkakapatid pati si mommy nang bigla na lamang pinukpok ng baril sa ulo si Daddy nang isa sa mga lalaking pumasok. Nalugmok sa sahig si Daddy habang umaagos ang dugo sa ulo. "Sino ba kayo? Ano ba ang kailangan ninyo sa amin?" umiiyak na tanong ng ni Mommy. Dinaluhan nito si Daddy na nakahiga sa malamig na marmol na sahig. Sa halip na sagutin ang tanong ni Mommy ay bigla na lamang itong pinagbabaril ng isa sa mga kasamahan ng mga lalaking armado. Pagkatapos ay isinunod naman kaming magkakapatid na pinagbabaril din ng ibang pang mga kasamahan nito. Pagkatapos no'n ay wala na akong natandaan. Nagdilim na kasi ang mga paningin ko dahil sa tama ng baril sa aking katawan. Ngunit may isa na tumatak sa isip ko. Ang kanang kamay ng isang lalaking may baril na may tattoo na ng malaking dragon. Nasa ospital na ako at nakahiga sa hospital bed nang pagbalikan ako ng malay-tao. Masuwerte ako dahil hindi ako napuruhan kaya nakaligtas ako. O sadyang hindi ko pa oras kaya nakaligtas ako. Minalas naman na hindi na umabot sa ospital ang aking mga magulang at mga kapatid. Pakiramdam ko ay para akong pinagsakluban ng langit at lupa sa masaklap na balitang natanggap ko. Mag-isa na lamang ako ngayon sa mundo. Ano pa ang silbi ng buhay ko? Bakit hindi na lang din ako tuluyang namatay para sama-sama kaming pamilya sa langit. Sa murang isip ko ay nagkaroon ako ng matinding galit para sa mga taong pumatay sa aking mga mahal sa buhay. At ipinangako ko sa aking sarili na tutugisihin ko ang mga taong may kasalanan sa nangyari. Hindi ako papayag na hindi magkaroon ng hustisya ang pagkamatay ng aking mga magulang at mga kapa— Biglang naputol ang alaala ko nang biglang umilaw ang sensor na alarm nasa loob ng aking kuwarto. Umiilaw iyon ng pula. Ibig sabihin ay may nakapasok na tao sa loob ng aking bakuran at may dalang baril o patalim. Nade-detect ng device na nakakabit sa itaas ng pintuan ko sa labas kung may tao sa loob ng bakuran ko at kung may dala ba itong delikadong bagay. Mabilis na bumangon ako sa kama at maingat na lumabas sa aking kuwarto. Kinapa ko ang aking mga karayom na nakadikit lamang sa isang lagayan at nakakabit lamang sa kahit saang parte ng katawan ko basta nakatago at hindi nakikita ng mga tao. Hindi kasi ako nagdadala ng baril, although I knows how to use it. Naaalala ko lamang kasi ang mga armadong lalaki na pumatay sa pamilya ko kapag humahawak ako ng baril. Kaya mas kumportable kasi ako sa aking mga karayom na nagtataglay ng tatlong klase ng gamot. Pampatulog, pam-paralisa at pangkitil ng buhay mismo. I uses my needles just like a dart. Doon ako eksperto. Tatlo klaseng tao lamang ang posibleng nakapasok sa loob ng aking bakuran. Una ay ang mga pulis. Baka nakahanap ang mga ito ng ebidensiya at natuklasan nila na ako at si Silent Assassin ay iisa lamang. Pangalawa ay mga tauhan o kapamilya ng mga taong pinatay ko at balak akong paghigantihan matapos matuklasan ang aking tunay na katauhan. Baka may nakakilala sa akin kahit na palagi naman akong nakasuot ng itim na bonnet sa aking ulo kapag may misyon ako para walang makakilala sa akin. At pangatlo ay ang mga kaanib ko sa organisasyon na may lihim na galit sa akin at gusto akong itumba. Hindi naman kasi lingid sa aking kaalaman na marami ang nagagalit sa akin dahil ang tingin ng mga ito sa akin ay mayabang. Hindi kasi ako nakikihalu-bilo sa mga kasamahan ko at malapit din ako sa kanang kamay ng aming pinuno. Kaya halos lahat ng misyon na may malaking bayad ay napupunta sa akin na dahilan para marami ang mainggit sa akin. Sa tatlong klase ng tao na aking naisip ay sino kaya sa kanila ang nakapasok sa loob ng aking bakuran? Ngunit kahit sino pa sa tatlo ay hindi ko sila uurungan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD