Chapter Three

2725 Words
Sa Lupain ng Nuclos... "Dito na kita iiwan. Siguro naman hindi ka na susundan pa ng mga rebelde, ano?" sabi ko kaya napatawa siya. Napakunot ang noo ko sa kaniya. Wala namang nakakatawa sa sinabi ko. Naniniguro lang ako sa kaligtasan niya. "Salamat sa pagligtas kanina at bilang kapalit ipapasyal kita sa buong Nuclos, lupain ng Aqualous. Gusto mo ba iyon?" aniya kaya lumiwanag ang mukha ko. Ito ang unang beses na nakatungtong ako ng Nuclos. Kaya hindi ko na palalampasin pa ang pagkakataong ito. Hindi naman malalaman ni Lorde Ornelius ang pagpunta ko rito. Sana makakita ako ng isang Mermait or Mermus. Sabi sa libro ang gaganda ng mga buntot ng mga Mermetian. Sana lang ay mapatunayan ko iyon ngayon. "Tara na! Ipapakilala rin kita sa mga magulang ko," masaya niyang sabi. "Sandali. Kailangan kong baguhin ang kasuotan ko. Hindi dapat malaman ng mga taga-rito na galing akong Gránn," sabi ko at kinuha ang espada. Nanlaki bigla ang mga mata niya. Naging berde ito dahil siguro sa emosyong nararamdaman niya. Ayon sa libro kapag umiba ang kulay ng mga mata ng isang nilalang nakakaramdam sila ng matinding emosyon. Iniisip niya sigurong sasaktan ko siya. "Magpapalit lang ako ng kasuotan," paniniguro ko at hinawakan nang mahigpit ang espada. Umilaw ito at nag-iba na ang kulay at disenyo ng kasuotan ko. Mukha na akong Aqua. Tiyak na hindi na nila ako makikilala. "Ano sa tingin mo?" nakangiting tanong ko. Ngumiti siya at sumagot, "Isa ka nang Aqua, young Ladynne," Nilahad niya ang kamay niya na inabot ko naman. Dumaan kami sa mabatong batis. Maraming malalaki at matutulis na mga bato. Malaki man o maliit. Kung hindi ka mag-iingat siguradong magkakasugat ka sa paa. Akala ko Oceanus Castle na ang natatanaw ko kanina. Hindi pa pala. Isa lang iyong ilusyon. Bago ka makarating ng kastilyo dadaan ka muna sa isang pagsubok at mapanganib iyon para sa mga dayong katulad ko. Bakit mapanganib? Dahil ang daan lang naman nila ay delikado at maaari mong ikapahamak o ikamatay. Kaya may isang ilusyon na kastilyo na matatanaw mula sa batis ay dahil sa patibong lang iyon para sa kalaban lalo na sa mga rebelde. Ang totoo niyan nakaabang na pala ang mga hamong susubukin ang kakayahan at isipan mo at pagsubok na ikakapahamak mo. Iyan ang nalaman ko kay Kai. Kaya dapat sa lahat ng bagay maging maingat at maging mapanuri. "Tatalon ba tayo sa ibaba?" tanong ko nang huminto kami sa pinakadulo ng bangin. Dumungaw ako sa ibaba. Sa pinakadulo may matatanaw na maiitim na bagay. Pero, wala akong ideya kung ano ang mga iyon. Malalaman ko rin iyon mamaya. Sa tingin ko kaya ko namang tumalon. Hindi naman ito nakakatakot para sa isang tulad ko na sanay sa matataas. "Hindi tayo tatalon," sagot ni Kai na ikinataas ng isa kong kilay. Hindi kami tatalon?! Paano kami makakarating sa ibaba kung hindi kami tatalon? Wala namang tali o baging na nakakonekta dito papuntang ibaba. "Duwag," asar kong sabi at tumalon na sa ibaba. "Sandali!" sigaw niya pero hindi ko na siya pinansin. "Anong!" bulalas ko. Napasigaw na lang ako nang matanaw sa ibaba ang matutulis na mga bato. Ano 'to Tower Mountains? Imposible. Ang Tower Mountains ay malapit lang sa Tarll. Nasa kanluran lang kami ngayon. Kaya imposible talagang Tower Mountains ito. Sa tingin ko ilusyon lang din ang isang ito. Pero, napakadelikado pa rin ng patibong na ito. Maaari kang mataranta, mawalan ng balanse, at mawalan ng pokus. "Sabi naman sa iyong hindi tayo tatalon eh," biglang salita sa tabi ko. Si Kai. Nakasakay siya sa isang nilalang na gawa sa tubig. Hinawakan niya ang kamay ko at bago pa ako matusok ng bato na gawa sa ilusyon naisakay na niya ako sa water creature na dala niya. "Ayos ka lang?" nag-aalalang tanong niya. Tumango na lang ako bilang sagot. Hindi pa rin mawala sa isip ko ang nangyari kanina. Parang nakita ko bigla ang kamatayan. Ganoon pala ang pakiramdam kapag nasa panganib ka. "Ideya iyon ni Precipise, pasensya na," sabi niya. "Precipise?" sambit ko. Pamilyar sa'kin ang pangalan na iyon. Marahil ay narinig o nabasa ko na iyon sa mga libro. Ngumiti siya at sumagot, "Nakababata kong kapatid," Kapatid niya pala ang may gawa ng patibong. Masyado siyang magaling sa pagplano ng lahat ng iyon. Tiyak kong matalas ang pag-iisip ng kapatid niya. "Malapit na tayo sa kastilyo. Tatahakin na lang natin ang dagat na ito," wika ni Kai nang makalapag kami sa buhangin. Kakaibang buhangin ang inaapakan namin. Kulay ginto at ngayon lang ako nakakita nang ganito. Nakakaakit sa mga mata. Tila hinihimok ka nito na hawakan ito. "Huwag kang madala sa buhangin na iyan. Maniwala ka sa akin. Kaya kang paslangin niyan," paalala niya. Kayang paslangin? Sa paanong paraan? Imposible ang sinasabi niya. "Huwag mo nang alamin. Hindi mo gugustuhin," dugtong pa niya at sumipol nang malakas. Bumula ang tubig sa dagat at maya-maya'y isang nilalang ang biglang umahon dito. May mahabang mukha at kaunting buhok mula sa likod ng ulo nito hanggang sa leeg. Ang katawan nito ay pinalilibutan ng mga kaliskis at may mahabang buntot. Ang kulay ng kaliskis nito ay katulad ng asul na kalangitan at ang buhok ay kasing puti ng ulap. "Ano?! Isang Horsefish?" bulalas ko. Nababasa at nakikita ko lang ito sa mga libro. Pero, heto at nasa harapan ko na. Isa pa, tanging mga Aqua Sailor lang maaaring magkaroon nito. Ibig sabihin si Kai ay isang Aqua Sailor at kabilang sa Racial Forces ng Nuclos, isang mandirigma na may mataas na katungkulan at tinitingala ng kapwa nila Aqua. Hindi lang pala siya basta isang Lorde. "Oo, si Finn, racial pet ko," pakilala niya. Hinampas naman nito ang mahaba nitong buntot. Hindi pa rin ako makapaniwala! "Sakay na," sabi ni Kai kaya sumakay na ako kay Finn. Nahirapan pa ako sa pag-akyat dahil madulas ang kaliskis nito. Kaya, inalalayan ako ni Kai na makaakyat. Ito ang unang beses na nakasakay ako sa isang racial pet. Ang racial pet kasi naming mga Magium ay Knight Owl. Hindi sila maaaring sakyan tanging tagahatid lang sila ng mga sulat o mga handog. "Ang tahimik mo yata," puna ni Kai. Nagkibit balikat lang ako. May hinahanap kasi ang mga mata ko. Kanina pa ito nakatuon sa asul na dagat. "Hinihintay mo sigurong magpakita ang mga Mermetian 'no?" aniya. Napatawa na lang ako sa sinabi niya dahil totoo naman talaga. Inaasahan ko talagang magpakita ang mga Mermetian. Gusto kong mapatunayan na totoo sila at hindi isang ilusyon o kathang-isip. "Magsisinungaling ako 'pag sinabi kong hindi," sagot ko. "Hindi sila basta-basta nagpapakita lalo na sa mga dayo," aniya. Tumango na lang ako. Sayang ito na sana ang pagkakataon ko. Sa Oceanus Castle... "Narito na tayo. Maligayang pagdating sa Oceanus Castle!" masaya niyang sabi pagkahinto namin sa napakalaking kastilyo. "Akala ko—" "Akala mo mala-tubig na kastilyo? Ito ang tunay na Oceanus," aniya. Ang ganda at wala akong masabi. Parang malulunod ako sa karikitan nitong kastilyo. "Tara na sa loob," aya niya at hinila ako. "Maligayang pagbabalik, Lorde Mellows!" bati sa kaniya ng kawal. Tumingin ito sa akin na nagtataka. At alam ko kung bakit dahil ngayon niya lang ako nakita rito. Kaya, batid ko na ang gagawin nito. Kailangan kong magpanggap na Aqua para makapasok ako. "Siya si—" "Yanna," dugtong ko. Ayokong makilala nila ako bilang si Asyanna, ang bastardang anak ni Ornelius. Tiyak kong makakarating kay ama na narito ako sa Nuclos at baka pati ang kalayaan kong lumabas ay ipagbawal niya ulit. Isa pa, hindi pa ako nakikilala ng pormal ng lahat. Ang alam ng iba hindi ako totoo, na walang Asyanna na nabubuhay sa Azthamen. "Ng Waval Village," dugtong din ni Kai. Mukhang nakumbinsi rin namin ang kawal dahil umatras ito para bigyan kami ng daan. Pumasok na rin kami ng kastilyo at tinungo ang bulwagan. Naroon daw sa ganitong oras ang mga magulang niya. "Baka magtaka ang mga magulang mo sa'kin. Hindi naman talaga ako isang Aqua," sabi ko. "Huwag kang mag-aalala. Hindi iyon mangyayari," paniniguro niya. Bumuntong hininga na lang ako. Sana pala hindi na lang ako sumama sa kaniya. "Ina! Ama!" tawag ni Kai sa dalawang tao na nakaupo. Lorde Limu at Ladynne Marshan. Ito ang unang beses na nakaharap ako ng isang Lorde at Ladynne sa ibang lupain. "Kai, anak," tuwang sambit ng ina niya at niyakap siya. Tumingin naman sa'kin ang ama niya na nagtataka. Nakakunot pa ang noo nito habang sinusuri ako. "At, sino naman ang binibining ito?" tanong nito kay Kai. "Ayos lang, binibini. Hindi makakarating sa lupain ninyo na napunta ka rito. Ramdam ko na hindi ka taga-rito," dagdag pa ng ina niya. Tumingin ako kay Kai. Pero, nginitian niya lang ako. Napabuntong hininga na lang ako. Naramdaman nilang hindi ako isang Aqua at dayo ako sa lupain nila. "Yanna ng Gránn, Lorde at Ladynne," sabi ko at yumuko. Napasinghap ang ina ni Kai sa narinig. Hindi ko siya masisisi. Madalas lang kasi pumupunta ang mga taga-Gránn sa Nuclos. Kaya, ganoon na lang ang reaksyon ng Ladynne. "Kung isa ka ngang Magium, dapat masagot mo ang katanungan ko. Totoo bang may bastarda ang Lorde ng Gránn?" sabi ng ama ni Kai. Nagulat ako sa tanong niya. Hindi ko maaaring sabihin na may bastarda nga ang Lorde ng Gránn at kaharap na niya ito. "Limu!" suway ni Ladynne Marshan, "huwag mo siyang alalahanin, Yanna. Nagagalak akong makilala ka. Napakaganda mo," Ngumiti na lang ako nang pilit. Hindi na kasi ako komportable sa sitwasyon ko, lalo na't tungkol sa'kin ang tinanong ng kaniyang asawa. "Ah, Kai, anak. Bakit hindi mo ipasyal itong si Yanna sa buong Nuclos. Alam kong magugustuhan niya ito," nakangiting sabi ni Ladynne Marshan. "Opo ina," magalang na sabi ni Kai. "Ladynne Marshan, Lorde Limu," paalam ko bago sumunod kay Kai. "Pagpasensyahan mo na si ama, Asya," ani Kai. Tumango na lang ako. Gaya nga ng sinabi ni Kai kanina ipinasyal nga niya ako sa buong Nuclos. Naging maayos naman ang lahat. Walang nakahalata na hindi ako isang Aqua. "Asya, dadalhin muna kita sa isang espesyal na lugar dito sa Nuclos bago kita ihatid sa Gránn. Ayos lang ba?" pagbasag ni Kai sa katahimikang namutawi sa amin. "Gaano ba iyon kaespesyal?" kyuryos kong tanong. "Malalaman mo rin," nakangiting sabi niya at hinila na ako papunta sa lugar na sinasabi niya. "Ito ang sinasabi mong espesyal?" sarkastikong sabi ko. Wala naman akong nakikitang espesyal sa lugar na ito. Bukod sa may fountain sa gitna ng tubig. Wala na akong nakikitang espesyal na sinasabi niya. "Niloloko mo lang yata ako. Babalik na ako ng Gránn," inis kong sabi at tumalikod na. "Ahahhhh... Hahahhh... hhahhhaahhahahhhhhhhhh... Hahh hhahaahhhh... hhahahaahahahhhhhhhhhh..." Nanlaki ang mga mata ko sa narinig. Totoo ba 'tong naririnig ko? May kumakanta? Dahan-dahan akong lumingon sa pinanggalingan ng mga tinig. Halos mapatakip na ako ng bibig. Totoo nga sila! "Mermetian, guardian ng Depp Sea," nakangiting sabi ni Kai. Sa wakas, nakita ko rin ang mga nilalang na may magagandang buntot. Puro babae nga lang sila. Ibig sabihin, kathang-isip ang mga Mermus? "Puro Mermait lang ang nandito dahil ako ang tumawag sa kanila," paliwanag ni Kai. Ibig sabihin, kung lalaki ang tatawag sa mga Mermetian, mga Mermait ang magpapakita. Kapag babae naman, mga... "Mermus," sambit ko. Biglang bumula ang tubig at lumitaw doon ang mga nilalang na tinawag ko. Matipuno ang mga katawan at magaganda ang mga mukha. May bitbit silang salapang na pangunahing sandata ng mga Mermetian. "Tinawag mo kami, binibini," usap sa'kin ng isang Mermus. May mahaba siyang buhok at kulay berdeng buntot. Magsisinungaling ako 'pag sinabi kong hindi siya gwapo. Ang ganda niyang lalaki. "Acquelous, ito si Yanna," pakilala sa'kin ni Kai. "Ikinalulugod kong makilala ka, Yanna," sabi nito at hinalikan ang kamay ko saka ngumiti nang matamis. Parang naghahabulan ang mga daga sa dibdib ko nang magdikit ang malalambot niyang labi sa kamay ko. Hindi ko maipaliwanag ang nararamdaman ko. Para akong nakalutang sa alapaap. "Ah, Yanna baka hinahanap ka na sa inyo. Maaari ka nang umuwi," sabi ni Kai. "Aalis na ako, Acquelous. Ikinalulugod ko ring makilala ka. Hanggang sa muli," sabi ko sa kaniya at ngumiti nang matamis. Naglalakad na kami pabalik ng kastilyo. Pero, tahimik lang si Kai. Nakakapanibago pero hinayaan ko na lang siya. Hindi ko malimutan ang magandang mukha at buntot ni Acquelous. Nakakabighani ang isang tulad niya. "Anak, Yanna, nakabalik na kayo," rinig kong sabi ng ina ni Kai pero hindi ko siya pinansin. Hindi mawala sa isipan ko ang wangis ng Mermus. Paano kaya ako magkakaroon ng buntot? Tatanungin ko na lang si Kai sa bagay na iyon. Hindi na ako makapaghintay na makita ulit si Acquelous. Narinig kong nag-uusap si Kai at ang ina niya pero wala akong maintindihan. Importanteng bagay siguro iyon. "Yanna, paumanhin sa gagawin ko," sabi ni Ladynne Marshan at sa isang iglap lang ay napalibutan na ako ng tubig. Anong ginagawa niya sa akin?! Bakit niya ako kinulong sa tubig?! "Palabasin mo ako rito!" sigaw ko. Kahit ang espada ko ay hindi ko maabot dahil sa lakas ng daloy ng tubig. "Kapag magaling ka na," rinig kong sabi ni Kai. Anong pinagsasabi niya? Wala akong sakit! "Napasailalim ka sa kapangyarihan ng isang Mermus. Kapag hindi ito naagapan kaagad. Makukuha ka niya at hindi ka na makakabalik pa," sabi ng ina niya bago ako nawalan ng malay. Nagising ako sa isang silid. Hindi ako pamilyar dito kaya tiyak kong pagmamay-ari ito ng iba. "Maayos ka na?" biglang tanong sa tabi ko. "Ladynne Marshan," sambit ko. Ngumiti siya at hinimas ang ulo ko. "Anong nangyari?" nagtatakang tanong ko. "Muntik ka nang makuha ng isang Mermus," sagot niya na nagpalaki ng mga mata ko. Naaalala ko na ang lahat! Kung paano ko nakilala ang Mermus na iyon at paano ako ikinulong ni Ladynne Marshan sa tubig para pawalain ang kapangyarihang ginamit sa'kin ni Acquelous! "Argh! Ang Mermus na iyon!" inis kong sabi. Hindi ko alam na may ganoong kapangyarihan ang mga Mermetian. Wala kasing nabanggit sa libro tungkol doon. Marahil ay isa itong lihim na hindi dapat matuklasan ng lahat. Sa susunod hindi ko na gugustuhing makakita ng isa sa kanila. Hindi ko gusto ang kapangyarihang tinataglay nila. "Ayos lang, Yanna. Hindi na iyon mauulit," paniniguro niya. Tumango na lang ako at umupo. Hinanap ko ang nilalang na kasama ko kanina. Pero, hindi ko makita. "Si Kai?" tanong ko. Ngumiti siya at sumagot, "May misyong ipinagawa sa kaniya ang ama niya," Napatango na lang ako. "Yanna, saan mo nakuha ang kwentas na iyan? Batid mo ba kung sino ang nagmamay-ari niyan dati?" tanong ni Ladynne Marshan. Hinawakan ko ang kwentas at tiningnan. Napangiti na lang ako nang mapait. "Sa ina ko raw ito," malungkot kong sabi. "At, binigay niya ito sa'yo bilang pamana, tama? Hindi ka dapat maging malungkot. Binigay niya ito sa'yo ibig sabihin mahal ka niya," pagpapagaan niya ng loob ko. "Kilala mo siya?" nagbabakasakaling tanong ko. Umiling lang siya. Pero, bakit nagkaroon siya ng interes sa kuwentas na suot ko? Hindi kaya may alam talaga siya at nagsinungaling lang siya sa'kin? Paano ko kaya makikilala ang ina ko? Nawawalan na ako ng pag-asa. "Magpahinga ka na Yanna," utos ni Ladynne Marshan pero umiling ako. Kailangan ko nang makabalik ng Gránn sa lalong madaling panahon. Baka hinahanap na ako nina Lorde Ornelius. Tiyak kong sinusuyod na ngayon ni Illyós ang buong Eshner. "Hindi na Ladynne Marshan. Kailangan ko nang bumalik ng Gránn," sabi ko. "Kung iyan ang nais mo. Hindi kita pipigilan," aniya at tumayo. May ginawa siya na kung ano. Maya-maya, nagkaroon ng tubig sa sahig. "Halika Yanna. Lumapit ka sa akin, "aniya kaya tumayo ako at lumapit sa kaniya, "ihahatid ka ng tubig na ito pabalik ng Gránn. Mag-iingat ka." Nginitian niya muna ako bago ako naglaho at tinangay ng tubig. "Ahhh!" sigaw ko dahil tuloy-tuloy ang pagtangay sa akin ng tubig. Kapag ako nalunod dito. Babalikan ko si Ladynne Marshan at magpapakita sa kaniya kahit espiritu na ako! "Ah, hindi na ako dadaan muli sa tubig!" sigaw ko at tumigil na lang ako bigla. Agad akong lumangoy paibabaw para umahon. "Young Ladynne!" bulalas ng isang kawal nang makita niya akong umahon sa tubig. "Kanina ka pa hinahanap ni Lorde Puerre," sabi rin ng isa. Napabuga na lang ako ng hangin. Lagot ako ngayon. "Galit ba siya?" kyuryos kong tanong. "O-o, y-young Ladynne," utal na sagot ng kawal. Napabuntong hininga na lang ako. Giyera na naman ito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD