Chapter 2.2

1226 Words
Maria Clara's Pov "Ang guwapo talaga ni Archangel. Para siyang anghel na bumaba sa lupa mula sa langit para akitin ang katulad nating mga anak ni Eva," kinikilig na wika ni Karen habang nakayakap sa unan ko. Nasa loob kami ng kuwarto ko ngayon at pinag-uusapan ang lalaking bastos na napanuod namin kahapon na lumaban at nagwagi sa underground fighting. Kahapon pa nga naririndi ang tainga sa ko sa mga papuri ng kaibigan ko sa lalaking iyon na tila ba katapusan na ng mundo kung purihin niya ito at hindi na niya ito mapupuri pa kahit na kailan. "Kaya ka ba nagpunta sa bahay namin para lamang iparinig sa akin ang walang katapusang papuri mo sa bastos na lalaking iyon?" asar na tanong ko kay Karen nang hindi ko na napigilan ang aking sarili sa pagkainis. "Kung buong maghapon ay siya lamang ang pag-uusapan natin ay mas mabuting umuwi ka na lang sa apartment mo. Tsupi, tsupi, tsupi," pagtataboy ko sa kanya. "Ang sama mo, friend. Ini-express ko lang naman ang aking paghanga kay Archangel pero kung makapagtaboy ka sa akin ay para akong pusa," sandamakol ang mukha na sabi ni Karen. "Hindi naman masama ang humanga, friend. Ang masama ay ang tila pagiging sirang plaka mo na paulit-ulit na binibigyan ng papuri ang lalaking iyon mula kahapon pa. Tiyak na namamaga na ang dila ng taong iyon dahil siya lang ang topic natin mula pa kahapon." "Sa sobrang idol ko talaga siya at saka ang sarap kaya niyang pag-usapan," matamis ang pagkakangiti na sabi pa ni Karen. Naipaikot ko na lamang ang aking mga mata dahil sa sobrang pagkahumaling ng kaibigan ko kay Archangel na mas bagay na si Lucifer. "Ewan ko sa'yo. Umalis nga tayo rito sa bahay at magpalamig sa mall," yaya ko sa kanya para lamang maputol ang walang katapusang pagkukuwento niya tungkol kay Archangel na parang close niya ang lalaki. Kahit paano ay nahinto sa ginagawang pagpuri kay Archangel si Karen nang makarating kami sa mall. Pumasok kami sa isang Chinese restaurant at tinambakan ng maraming pagkain ang harapan niya. Ito lamang ang tanging paraan para makalimutan niya ang underground fighter na iyon. Mahilig kasi sa masasarap na pagkain si Karen kaya hindi nakapagtataka na medyo mabilog ang katawan nito. Pagkatapos naming kumain ay nanuod kami ng sine. Horror Korean movie na kasalukuyang now showing ang pinanuod namin. Nahinto nga sa pagdaldal ang kaibigan ko ay halos nabingi naman ako sa kakasigaw niya. Natapon pa ang hawak niyang pop corn dahil nagulat siya sa pinapanuod namin. Nakakatakot naman talaga ang pinanuod namin at gusto ko ring sumigaw ngunit pinigilan ko ang aking sarili dahil nag-aalala ako na baka masampal na kami ng aming mga katabi kapag sumigaw rin ako ng malakas. Tama na ang sigaw ni Karen na sobrang nakakatulig. Sa katunayan, sa halip na matakot ang mga katabi namin ay pagkainis ang nababasa kong ekspresyon sa mukha nila. Pagkainis kay Karen na tila wala namang pakialam sa kanyang paligid. "Grabe talaga. Sobrang nakakatakot ang palabas. Hanggang ngayon ay nanginginig pa rin ang katawan ko sa sobrang takot," pahayag ni Karen habang naglalakad kami palabas ng mall. Sa basement parking naka-park ang kotse ko kaya doon kami papunta. "Hindi ako sa palabas natakot kundi sa mga katabi natin. Natakot ako na baka bigla na lamang nila tayong hilahin palabas ng sine o di kaya lagyan ng busal ang bibig mo sa lakas mong tumili," natatawang sabi ko sa kanya. Natawa rin ang kaibigan ko nang marinig ang sinabi ko. "Masyado ba talagang malakas ang pagtili ko kanina," nakangising tanong ni Karen na tila ayaw pang maniwala sa sinabi ko. "Ay hindi. Sobrang hina nga ng boses mo kaya masama na ang tingin sa atin ng mga katabi natin," papilosopong sagot ko sa kanya. Nagkatawanan na lamang kaming dalawa dahil sa nangyari. Tila kasi nagtitimpi lamang ang mga katabi namin na huwag sabunutan ang kaibigan ko sa loob ng sinehan at idinaan na lamang sa nakamamatay na titig ang kanilang inis. Ngunit parehong nabura ang mga ngiti sa labi namin nang bigla kaming hinarang ng dalawang lalaking may hawak na kutsilyo at natatakpan ng pulang bonnet ang kanilang mga mukha kaya hindi namin makita ang mukha nila. "MC. A-Ano ang g-gawin natin n-ngayon?" kinakabahang tanong sa akin ni Karen na biglang namutla at napahawak sa strap ng nakasukbit kong shoulder bag. "Huwag kang mag-alala dahil hindi kita pababayaan," mahina ang boses na pagbibigay ko sa kanya ng assurance. Hinawakan ko ang isa niyang kamay at hinila papunta sa aking likuran. Magkasabay na umatake sa amin ang dalawang lalaki. Sinalubong ko ng isang malakas na sipa sa panga ang isang lalaki samantalang ginamit ko naman ang strap ng aking shoulder bag at ipinulupot ko sa kamay ng isa pang lalaki na may hawak na kutsilyo. Inikot ko ang lalaki at sinalubong naman ito ni Karen ng isang malakas na sipa sa pagitan ng mga hita. Nanlaki ang mga mata ng lalaki at napahawak sa nasaktang p*********i na tila ba saglit na huminto ito sa paghinga dahil sa sakit na naramdaman. Isang malakas na siko sa batok nito ang ginawa ko kaya bigla na lamang itong natumba at nawalan ng malay. Muli naman akong inatake ng isa pang lalaki ngunit agad akong nakayuko kaya sa hangin lamang tumama ang kutsilyo nito. Kasabay ng aking pagyuko ay pagpakawala ko ng malakas na suntok ko papunta sa kanyang sikmura. Sinamantala ko ang pagkabigla niya at hinawakan ko ang likuran ng kanyang palad pagkatapos ay binali ko. Napasigaw ito sa sakit at nabitawan ang hawak na kutsilyo. Bigla namang lumapit si Karen at kagaya ng ginawa niya sa unang lalaki ay sinipa rin niya ang maselang parte ng katawan ng lalaki. Napaluhod naman ang lalaki sa sobrang sakit. "Hayop ka! May gamit pa kayong kutsilyo kahit na babae lamang ang kalaban ninyo!" galit na wika ni Karen sa lalaki sabay hampas ng shoulder bag niya sa mukha nito. "Tayo na, Karen," sigaw ko sa kaibigan ko pagkatapos ay sabay na kaming tumakbo papunta sa nakaparada kong kotse. Pagkasakay namin ay agad kong binuhay ang makina at pinaandar palayo sa parking lot ang aking kotse. "Sino ba ang mga lalaking iyon, MC? Bakit gusto nila tayong patayin? My gosh! Akala ko ay katapusan na natin kanina," magkakasunod na komento ni Karen nang sa wakas ay nakalayo na kami sa parking lot ng mall na pinuntahan namin. "Hindi ko rin alam, Karen. Wala akong kaaway para pagtangkaan ang buhay ko," umiiling na sagot ko sa kanya. "Aba, mas lalo akong walang kaaway, 'no? At saka ang tagal na nating magkaibigan ay hindi mo man lang nabanggit na magaling ka palang makipagbardagulan. Pinahanga mo ako kanina, ha." "Pinaturuan kasi ako ni Daddy ng self-defense para raw maipagtanggol ko ang aking sarili kapag may panganib na dumating," paliwanag ko sa kanha. "Huwag na nga nating pag-usapan ang mga iyon. Ang mahalaga ay nakaligtas tayo." Lihim akong napabuntong-hininga. Kailangan kong makausap si Daddy. Kailangan malaman ko sa kanya kung bakit may mga taong nagtatangka sa buhay ko? Hindi lang ito ang unang beses na may nagtangka sa buhay ko. At sa pagkakataong ito ay dapat kong mapilit si Daddy na aminin sa akin kung ano ba talaga ang itinatago niya. May dapat ba akong malaman tungkol sa kanyang pagkatao o tungkol sa aking pagkatao kaya may mga taong nagtatangka sa aking buhay?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD