Tinignan ko ang laman ng aking coin purse nang madaanan ko ang nagtitinda ng fishball sa may kanto malapit sa building na pinag-apply-an ko.
Bente pesos na lang ang pera ko. Sakto lang na pamasahe ko pauwi. Poproblemahin ko din ang pamasahe ko sa pagpasok bukas.
Tumutunog na din ang aking tiyan pero kailangan kong tiisin. Kakain na lang ako sa bahay.
Baka nakapagsaing na ngayon ang mga kapatid ko.
Bago ako umuwi ng bahay, dumaan muna ako kina aling Salve upang manghiram ng damit na susuotin ko bukas. Wala kasi akong maayos na damit. Wala pa akong pambili.
May turtle neck siyang long sleeve at palda na lagpas ng tuhod. Puwede na 'to!
"ATE!" sabay-sabay na tawag sa akin ng mga kapatid ko nang makapasok ako ng bahay. Isang maliit na pinagtagpi-tagping lumang plywood, kahoy at lumang yero lang ang tinitirhan namin. Hindi sa amin, umuupa lang kami.
"Kumusta? Natanggap ka?" tanong ni Bochok, sampung taong gulang.
"Hindi, e..." anas ko saka nagkunwaring malungkot.
"Di bale, Ate. Hanap ka ulit ng ibang apply-an..."
Tumawa ako. "Biro lang! Natanggap ako!"
"Talaga, Ate?" tuwang-tuwa na tanong nila. Tumango ako.
"Oo, magsisimula na ako sa trabaho bukas."
"Wow! Mag-celebrate tayo!" sabi naman ni Ney Ney, kaedad lang siya ni Bochok.
Anim silang lahat. Si Bochok, si Ney Ney, Nunal, Singkit, Badjao at ang pinakabata na si Popoy, apat na taong gulang.
"May pagkain ba?" tanong ko dahil muli na namang tumunog ang aking tiyan. Baka ma-collapse na ako sa gutom.at uhaw.
"Meron, Ate. Nakadami kami ng kalakal ngayon, kaya nakabili kami ng sardinas at bihon sa tindahan.
"Wow, pancit!" sigaw ni Popoy.
Nagtawanan kami.
"Mukha ka talagang pagkain," biro ni Badjao.
Naupo kami sa lapag saka pinaghati-hatian ang pagkain.
"Sa unang sweldo ko kakain tayo ng masarap," sabi ko sa kanila nang matapos kaming kumain.
"Promise mo iyan, Ate, ha?"
"Oo, naman. Bibili ako nu'n ng lechon saka coke."
Si Badjao na pinakamatakaw natakam sa sinasabi ko. Nagtawanan kami at tinukso siya.
"Magpahinga lang muna ako," sabi ko sa kanila. Mamaya pupunta kami sa malaking palengke upang magtinda. Kailangan makadiskarte ng pamasahe at baon ko bukas at pati na din ng pangkain sa maghapon ng mga bata.
Natulog kaming lahat at gumising kami bandang alas-siete y media ng gabi.
Gumayak na kami agad upang makarami kami. May natira sa pinagbentahan ng kalakal ng mga kapatid ko. Iyon ang ginamit namin na puhunan. May kinukuhanan kami ng murang-mura na gulay na siyang binebenta naman namin ng tumpukan.
Tatlo ang pwesto naming tatlo. Sa magkabilang dulo ng footbridge. Ang isa naman ay sa harapan ng palengke, malapit sa mga tindahan ng isda.
Hiwa-hiwalay kami para makarami kami.
Mag-a-ala-una na ng makapaubos kami ng paninda.
Tinulungan ko munang mamulot ng kalakal ang mga kapatid ko bago kami nagpasyang umuwi. Bumili na din kami ng tatlong itlog, sardinas, sampung pisong mantika at isang kilo ng NFA na bigas at uling.
"Kape din, Ate," paalala sa akin ni Popoy. Mukhang kape itong batang 'to, e.
"Bawal na sa inyo ang kape..." sabi ko naman. Bumili ako ng dalawang milo saka dalawang pisong asukal. Hati-hati na sila doon. Pang-almusal nila bukas.
Pagkaluto ng aming hapunan, natulog na kami. Gumising ako ng alas-sais ng umaga.
Tinapik-tapik ko si Ney Ney upang siya ang magsara ng pinto.
"Mag-ingat kayo, ha..."
"Opo, Ate. Ingat ka din."
Sampung minuto bago ang alas-otso nakarating na ako sa opisina. Tinuruan ako ng sekretarya kung paano magtimpla ng kape ni Sir.
Ang sosyal, samantalang kami, three in one lang masaya na.
Pagdating ni Sir, pumasok na ako sa kaniyang opisina upang ibigay ang kaniyang kape. Nasa celphone ang kaniyang atensyon at hindi man lang niya ako sinulyapan.
Lumabas na din ako agad at tinanong sa sekretarya kung ano ang aking susunod na gagawin.
Tinuro niya sa akin ang mga files na nasa sulok. Ayusin ko daw ang mga ito in alphabetical orders.
Madami-dami din ito kaya dito halos naubos ang aking oras.
Hindi ko namalayan na lunch break na pala.
"May baon ka?" tanong sa akin ng sekretarya.
"Bibili pa lang ako. May karinderya yata sa may kanto."
"Oo, meron nga doon. Bukas magbaon ka na lang. Kumain tayo sa pantry."
Kung makadami kami ng benta mamayang gabi sa palengke, magluto na lang ako ng adobong manok para may baunin din ako.
Kailangan ko talagang magtipid. Kapag naging maayos na din ang kita namin, mapag-aaral ko na ang mga kapatid ko.
Iniwan ko na muna ang ginagawa ko para makapag-lunch.
DAHIL madami ang tao sa karinderya kamuntik pa akong ma-late.
Pagbalik ko sa aking puwesto, nakatayo doon si Sir.
Bahagya akong yumukod at binati siya ng good afternoon.
"What are you wearing?" tanong niya. Bahagya ko namang pinasadahan ang aking kasuotan. Damit malamang.
Pumalatak siya. "Ikaw na lang ang sumama sa akin, Mady," sabi niya sa kaniyang sekretarya.
"Akala ko po si—
"Hindi siya kaaya-ayang tignan, baka mag-back out pa ang kausap ko kapag nakita siya," tila diring-diri niyang sabi sabay sulyap sa akin.
Aba't! Namumuro na talaga ang lalakeng 'to! Kung hindi ko lang siyang boss, baka nakonyatan ko na siya.
"Ikaw na muna ang bahala dito," bilin sa akin ng Madelyn.
Padabog ang bawat pag-ayos ko ng file. Nakakainis talaga ang lalakeng iyon!
Ano ba ang mali sa suot ko? Kiunha ko ang malaking salamin ni Madelyn sa may mesa saka sinipat ang aking sarili.
Wala akong makitang mali. Ang ganda-ganda ko nga!
BUMALIK sina Sir at Mady bansang alas singko ng hapon, at pagsapit ng alas-singko y media umuwi din agad si Sir.
Pagkatapos naming magligpit ni Mady, sumunod na din kaming nag-out.
Nagmamadali na akong umuwi, dahil magtitinda pa kami mamaya.
Ilang beses kaming nakapaubos, kaya ilang beses din kaming kumuha ng paninda upang makadami.
Dahil malaki ang sobra sa kinita namin, tumingin ako ng damit na pampasok ko sa trabaho sa may ukay-ukayan.
Pumili ako ng bestida, dahil mas makakamura ako.
Isang long sleeve na bestida ang napili ko. Hindi puwede ang sleeveless doon dahil napakalakas ng aircon. Bawal daw patayin sabi ni Mady.
ALAS-otso y media nang pumasok si Sir. Gaya kahapon para na naman siyang diring-diri na tumingin sa akin mula ulo hanggang baba.
Ang hirap namang i-please ng lalakeng 'to. Napakapintasero!
Hindi ko talaga malaman kung ano ang mali sa akin. Pangit ba ako? Nakakadiri?
"Mady, pangit ba ang suot ko?" hindi ko mapigilang tanong kay Mady.
"Hindi naman, ah... Pero mas okay iyan kaysa sa suot mo kahapon." Keme siyang tumawa saka nag-peace sign.
Tinignan ko ang kaniyang suot. Nakasuot siya ng blazer at ang panloob niya ay lacey na sando. Nakasuot din siya ng above the knee na palda at ang sapatos niyang kulay silver ay napakaganda.
Bumuntong hininga ako. Mga pangalawang sahod ko, puwede na din akong bumili ng sapatos.
Susubukan ko ding magtabi ng pera para sa maayos na damit. May ukay-ukayan malapit sa MRT, medyo mahal doon pero madami ang magaganda.
"Magmeryenda tayo," aya sa akin ni Mady bandang alas-tres.
Madami akong nakain kaninang tanghali kaya hindi pa ako gutom. Kailangan ko talagang magtipid kaya sinabi ko na siya na lang.
Pinagkaabalahan ko na lang na tapusin ang ginagawa ko. Madami-dami pa 'to.
"Hi," bati sa akin ng isang sopistikadang ginang na nakaagaw ng aking atensyon.
Tumayo ako upang daluhan siya.
"Good afternoon po, Ma'am. Ano po ang sadya nila?" tanong ko.
Ngumiti siya saka sinabi na siya daw ang mommy ni Sir.
"Nasa loob po siya," sabi ko sabay turo sa pintuan ng kaniyang opisina.
"Bago ka dito?" tanong niya.
"Opo, Ma'am," magalang kong sagot. Pasimple niyang pinasadahan ng tingin ang aking kabuuan. Nang mapansin niya na nahuli ko siya sa kaniyang ginagawa, ngumiti siya.
Hindi naman siguro siya pintasera gaya ng anak niya, e, no?
"May itatanong ako," sabi niya.
"Naku, huwag lang pong english at Math dahil hindi ako magaling diyan," sagot ko.
Tumawa siya. "Hindi, tungkol ito sa boss mo," aniya.
Nagtanong siya sa akin.
"May mga nagpupunta pa din bang mga babae sa opisina ng anak ko?" tanong niya.
Kahit ano'ng pigil ko sa aking bunganga, nadaldal ko ang bagay na dapat sinarili ko na lang.
"Opo, Maam! May nagpunta po dito. Oras po ng trabaho..." Tinakpan ko ang aking bibig.
"Go on... Gusto ko ng tapat na empleyado."
Nanghihina akong tumingin sa kaniya. Hindi ko alam kung ano ang pipiliin ko. Kung sasabihin ko ang totoo o hindi.
"Ayun po, nag-ano sila... Doon..." Ngumuso ako. "Sa me... sa..." Nag-iinit ang pisngi kong kuwento.
Bumuntong hininga si Madam.
"Hindi na talaga nagbago ang batang iyon!" asik niya.
Naku, lagot yata ako.
Ngumiti siya saka nagpaalam na papasok na sa loob ng opisina ng kaniyang anak.