Kabanata 2

2545 Words
                                                                                Ikatlong Persona Pupungas-pungas na nagtatakbuhan ang mga Ancilla sa loob at labas ng magarang tirahan ng mga Carsen. Ancilla ang tawag sa mga katulong sa loob ng isang pamilya. Ang mga ito ay hindi maituturing na Alipin sapagkat sila ay nabibilang sa antas ng mga Malaya. Sila lamang ay naglilingkod sa isang pamilya na gusto nilang paglingkuran. Maaari silang umalis kung kailan nila gusto, at maaari rin silang magtagal kung hindi naman sila paalisin ng pamilyang kanilang pinaglilingkuran. Ngunit, ano nga ba ang dahilan kung bakit nagkakagulo ang mga ito? Kung bakit halos halughugin na nila ang malapalasyong tirahan ng mga Carsen? "Nahanap niyo na ba ang anak ko?" Pormal na tanong ng isang babae. Umiling ang isa sa mga Ancilla bilang sagot. Bahagya itong yumuko upang magbigay ng masamang balita sa kanilang amo. "Paumanhin, ngunit nakatakas na naman ang mahal na Ahro." Napabuntong-hininga na lang ang babae. Mapilantik nitong ginalaw ang kamay niya, senyales na pinapaalis na niya ang mga Ancilla sa harap niya. Ahro ang tawag sa mga binatang may dugong bughaw, at Ahra naman para sa mga kababaihan. Humingi ng paumanhin sa pangalawang pagkakataon ang mga ito bago umalis. Marahan na hinilot-hilot ng babae ang kaniyang noo dahil sa konsumisyon. Ano ba ang nais gawin ng kaniyang anak? Ano't palagi itong nawawala sa kaniyang paningin? Sa kabilang banda, malayang naglalakad-lakad sa mausok na bayan ang binata. Nakasuot ito ng salakot, at gusot-gusot na kasuotan. Pinasidhan niya ng tingin ang mga batang gusgusin na naglalaro sa tabi-tabi ng daan. Mabuti pa ang mga paslit na 'to, malaya silang gawin ang gusto nila. Umiling ito at nagpatuloy sa pagtahak ng daan papasok ng bayan. Pansamantala itong tumatakas sa realidad ng buhay niya. Sa buhay niyang inaakala ng lahat ay malaya, ngunit siya mismo ay nasasakal na. Pinilig nito ang ulo upang tingnan ang matandang naka-upo sa maalikabok na sahig. Kulubot na ang balat nito't napakadungis ng hitsura. Punit-punit na rin ang kasuotan nito't, nangangayayat na. Ano ang ginagawa ng mga konseho sa bayang 'to? Inilahad ng matanda ang marumi nitong palad sa binata. Napabuntong-hininga na lamang ito sapagkat wala siyang kahit anong dalang pilak. Wala naman siyang balak mamili sa bayan, tanging nais niya ay mamasyal upang maaliw ang sarili niya sa mga bagay-bagay. Tinanggal ng binata ang ginto niyang sing-sing, at iginawad ito sa palad ng matanda. Nakita niya ang panlalaki ng mga mata nito, at agad pinagsaklob ang mga palad upang itago ang gintong sing-sing. Tumingala ang matanda upang kilalalin ang binatang nagbigay sa kaniya ng gintong sing-sing, ngunit bahagyang hinawi ng binata ang suot nitong salakot sa ulo upang matakpan ang mukha nito. "M-maraming s-salamat A-ahro." Tumango na lamang ito. Hindi na siya nagtataka kung paanong nalaman ng matanda na isa siyang Ahro kahit na ang kasuotan nito ay walang pinagkaiba sa mga normal na mamamayan. Ito ay sa kadahilanang mga maharlika lamang ang nagkakaroon ng mga gintong sangkap at kagamitan. "Nais mo ba'ng bumili nito binata? Mura lamang ito, nagkakahalaga lamang ng tatlong pilak ang hiyas na iyan." Naalala niyang paboritong kulay 'yon ng kaniyang minamahal na ina, ngunit gaya nga ng kanina'y wala siyang dalang kahit anong pilak. Hindi niya rin ito mabibili. Tahimik na lang itong nagpatuloy sa paglalakad sa gitna ng maingay at mausok na pamilihan. Kaliwa't-kanan ay may mga matatandang nanghihikayat upang bumili ng kanilang tinitindang mga patalim, mga kolorete sa katawan, damit na kumikinang, at iba pa'ng mga bagay na nakakaaya tingnan. Lumiko ito sa kabilang daan, at humalinghing naman sa kaniyang ilong ang amoy ng masarap na pagkain. Ito ang parte ng bayan kung saan maraming kainan. Pinikit nito ang kaniyang mga mata upang lasapin ang sarap nito kahit sa pang-amoy man lang. Ang pagkaing kan'yang naamoy ay isa sa mga pagkaing ipinagbabawal sa mga Ahro'ng kagaya niya, sapagkat tanging mga Alipin lamang ang maaaring kumain n'on. Tingin ng mga ito ay hindi nararapat kumain ng mga pagkaing pan-alipin ang mga maharlikang 'gaya niya. Kaya kahit na naaamoy niyang masarap ito, at kaaya-aya sa panlasa, hindi niya ito maaaring kainin. Doon pa lang ay sinasakal na siya. Sapagkat nakapikit ang kaniyang mga mata habang naglalakad, hindi niya napansin ang mga paslit na nagtatakbuhan papunta sa gawi niya. Pagmulat niya'y nabunggo siya nito, nadapa ang bata't nahulog naman ang salakot na kaniyang suot-suot. Mabilis niyang pinulot ang salakot at binalik ito sa ulo niya, ngunit huli na dahil nakita na ng bata ang mukha niya. "A-Ahro, p-patawad po. H-hindi ko p-po ibig ang m-mabangga k-kayo." Lumuhod ang paslit sa kaniyang harapan kaya nagsimulang humakot ng atensyon ang dalawa. Inangat ng binata ang kaniyang paningin, at nakita niya mula sa malayo ang mga kawal ng pamilya niya. Niyuko niya ang kaniyang ulo upang balingan ng tingin ang paslit na nakaluhod pa rin sa harap niya. Magkadikit ang mga palad nito't para ba'ng humihingi ng tawad sa kasalanang ginawa niya. Papalapit na ang mga kawal kaya hinila niya patayo ang paslit, at tinakbo ito palayo. "Ahro Azriel!" Pagtawag ng isa sa mga kawal. Mabilis pa sa alas-kwatrong binilisan nito ang pagtakbo habang hawak-hawak pa rin ang madungis na kamay ng paslit. Hinahabol na siya ng mga kawal. "Ahro Azriel! Bumalik na po kayo sa inyong tahanan! Hinahanap na po kayo ng inyong ina!" Imbis makinig siya rito, mas pinili niyang makisiksik sa mga mamimiling palabas ng tarangkahan ng bayan. "Isara ang tarangkahan! 'Wag palabasin ang binatang may salakot sa ulo!" Sigaw ng punong kawal. Napahinto sa pagtatakbo ang binata at ang paslit. Mabilis nitong tinanggal ang suot na salakot, at tinapon sa isang tabi bago makisiksik muli sa mga mamimiling palabas. Sa rami ng mga ito, nahihirapan siyang makisiksik lalo na't kasabay niya ang paslit. Nang ibaling niya ang kaniyang tingin sa tarangkahan, malapit ng magsiklop ang dalawang pinto nito. Kailangan niyang makalabas ng bayan, kailangang hindi siya mahuli ng mga kawal. Inangat ng binata ang kaniyang kaliwang kamay at tinapat ito sa tarangkahan. Animo'y may dumaang delubyo nang mawasak ito, at magsitalsikan ang mga kahoy at bakal na bumubuo sa tarangkahan. Nagkagulo ang mga mamamayan at nagsiiwas upang hindi matamaan ng napinsalang tarangkahan. Sa pagkakagulo ng mga ito, nalito na ang mga kawal kung saan napunta ang binata. Maaaring malito ang iilan sa kanila, ngunit nahagip ng tingin ng punong kawal ang binatang tumatakbo papuntang gubat. Mabilis niya itong hinabol nang hindi inaalintana ang tumpukan ng mga mamamayan. Kailangan niyang madala ang binata pauwi, sapagkat wala siyang mukhang maihaharap sa amo niya kapag hindi niya ito matagpuan. Napalingon naman ang binata nang mapansin niyang hinahabol siya ng punong kawal. Buong akala niya'y natakasan na niya ito, ngunit nagkamali pala siya. Nilinga niya ang paslit na kasalukuyang kasabay niya sa pagtakbo. Alam ng binata na Alipin ang antas ng pamumuhay nito, kaya maaaring dito siya sa kagubatan naninirahan. Naisip niya rin na malaki ang posibilidad na alam ng paslit na ito ang pasikot-sikot sa matarik na gubat. Hinila niya ang paslit palapit sa isang malaking puno upang magtago. Masyado siyang matangkad kung kaya't napapatingala ng husto ang paslit sa kaniya. Niyuko ng binata ang ulo niya upang makapantay ito, ngunit panay ang iwas ng tingin ng paslit dito. "Inuutos kong tumingin ka sa mga mata ko." Labag man sa kalooban ng bata, wala siyang nagawa kun'di ang sundin ang iniutos ng binata. Sapagkat ang mga aliping 'gaya niya ay walang karapatan upang tumanggi sa utos ng mas nakakataas sa kaniya. "B-bakit po A-Ahro?" Kinakabahan nitong tanong. Pinagsabihan kasi siya ng ina niyang lumayo sa mga maharlika, sapagkat panganib lamang ang hatid ng mga ito sa buhay ng aliping 'gaya nila. "Can you help me?" Bahagyang nangunot ang noo ng paslit dahil sa sinabi nito. Hindi niya maintindihan ang naging tanong ng binata sa kaniya. Nang mapansin ng binata na hindi nakakaintindi ang bata sa sinabi niya, agad siyang napa-iling. Bakit ba pinagkakait sa mga alipin ang edukasyon? Kailan pa ba magiging pantay-pantay ang antas ng pamumuhay dito? Isinintabi nito ang kaniyang iniisip. Hinawakan niya sa magkabilang balikat ang bata habang nakatingin ng deretso sa mga mata nito. Hindi malaking bagay sa kaniya ang paghingi ng tulong mula sa isang alipin, ang importante sa kaniya ay matakasan ang punong kawal na humahabol sa kanila. "Ang ibig ko'ng sabihin, nais kong tulungan mo akong makatakas sa humahabol sa'kin." Walang pag-aalinlangang tumango ang paslit bilang tugon. "Ahro Azriel! Lumabas na ho kayo sa pinagtataguan niyo!" Akmang hihilahin na ng binata ang paslit palayo, nang pigilian siya nito. Nagtatakang napatingin ang binata. "Dito lang ho kayo Ahro." Nagtaka man, sinunod niya ang sinabi ng paslit. Sumandal ang binata sa puno ng kanilang pinagtataguan, samantalang nasa harap niya naman nakatayo ang bata. Kinumpas ng paslit ang magkabila niyang kamay. Ang mga halamang nasa paligid nila ay biglang lumago. Pinanood ng binata ang ginagawa nito, patuloy nitong kinukumpas ang kaniyang mga kamay na para ba'ng inuutusan ang mga halaman. Lumago ng lumago ang mga ito hanggang sa sumaklob ito sa kanilang dalawa. Nagmistula itong makakapal na baging upang takpan silang dalawa na nakatayo sa puno. Muntik ng matumba ang paslit sa panghihina kaya hinawakan ng binata ang balikat nito. Pagkatapos ng ilang sandali ay narinig niya ang mga yapak ng punong kawal. "Ahro Azriel?" Narinig ng binata ang pagbuntong-hininga nito. Wari'y sumuko na ito sa paghahanap, at umalis na dahil wala ng nararamdamang presensya ang binata. "Paslit?" Mahina niya itong inalog upang gisingin, ngunit mukhang nawalan na ito ng malay dahil sa paggamit ng kakayahan nito. Malakas ang abilidad na meron ang batang 'to, ngunit hindi siya nahasa sapagkat ipinagbabawal ang edukasyon sa mga aliping 'gaya niya. Nakakalungkot isipin, na may ilalakas pa ang batang 'gaya niya, ngunit hindi na ito mabibigyan ng pag-asa dahil sa buhay na meron siya. Kinuha ng binata ang isang piraso ng papel mula sa kaniyang bulsa. Ito ay isang imbitasyon para sa paligsahang gaganapin, ilang araw na lang ang hihintayin bago ito mag-umpisa. Ito ay isang paligsahan kung saan mabibigyan ng pag-asa ang mga alipin upang makapag-aral sa Academia. Wala itong pinipiling edad, kasarian o abilidad. Ang sino mang mananalo ay mabibigyan ng pag-asang malasap ang edukasyon, at pag-aralan ito. Walang pag-aalinlangang sinuksok ng binata ang piraso ng papel sa bulsa ng paslit bago pinasidhan ito ng tingin upang matandaan ang mukha nito. Wala sa sarili itong napangiti, aminin niya man o hindi, nagpapasalamat siya sa ginawang pagtulong nito. Sa katanuyan, dapat hindi siya magpasalamat dito dahil nararapat lang na sundin ng isang alipin ang utos ng mas nakakataas. Ngunit nagpapasalamat siya dahil alam niyang higit na iniiwasan ng mga alipin ang makatagpo ang mga maharlika, sapagkat sa estado ng buhay nila, manganganib lamang ang mga ito sa kamay ng mas nakakataas sa kanila. Napa-iling na lamang ang binata. Pinahiga niya ang paslit sa lapag, at kinumpas ang magkabila niyang kamay upang palutangin ito. Sinira niya ang baging na nakatambon sa kanila bago lumabas, at habang naglalakad siya sa masukal na gubat, nakasunod sa likod niya ang nakalutang na katawan ng batang paslit. Tinatamad kasi itong kargahin ang bata, lalo na't madungis ito. Sa paglalakad niya sa matarik na kagubatan, hindi niya namalayang narating niya ang Ilog Sierra. Magtatakipsilim na, ngunit lumilitaw pa rin ang linaw ng ilog na 'yon. Ang ilog na ito ay sagrado, kung kaya't walang sino man ang nagtatangkang bumahid ng karumihan dito. Ipinagbabawal din ang pagligo rito, maliban na lamang sa mga maharlikang 'gaya niya. Binaba niya ang kaniyang kamay, at dahan-dahang binaba ang katawan ng bata sa tabi ng ilog. Bahagyang lumuhod ang binata upang maghugas ng kamay. Dumampi ang malamig na tubig sa kamay nito, at nakakamanghang sa pagdampi lang ng tubig sa balat niya, parang nawala lahat ng hinanakit niya sa mundo. Matapos niyang maghugas, tumayo siya upang tingnan sa huling pagkakataon ang batang paslit na tumulong sa kaniya. Nawa'y magkita sila muli upang masuklian nito ang ginawang pagtulong sa kaniya, kahit pa ikakapahamak ito ng tahimik niyang pamumuhay. Aalis na sana ang binata, nang makarinig siya ng malakas na pagbaluksok ng isang bagay sa gitna ng malalim na bahagi ng ilog. Mabilis itong napalingon, hindi niya nakita kung ano 'yon, at saan ito nagmula, ngunit nakikita niya ang paglubog ng kamay nito sa tubig. Isang bagay lang ang nakakasigurado siya, isa itong nilalang na 'gaya niya. Napatingala ito, bilog ang buwan. Paanong bumalugsok ito mula sa itaas? Wala namang kahit anong bagay na maaaring paghulugan nito. Tinanaw niya ang paggalaw ng tubig dahil sa marahas na pagbagsak nito. Tuluyan ng lumubog ang katawan nito. Isa siyang maharlika, kaya nasa kaniya na kung sasagipin niya ang nalunod o hindi. Kung mamatay man ito, hindi niya rin naman magiging kasalanan. Walang pakialam nitong nilisan ang ilog, ngunit nakakailang hakbang pa lang siya, may nagtutulak sa kaniyang bumalik at sagipin ito. Labag man sa kalooban, hindi na ito kinaya ng konsensya niya. Bumalik siya sa ilog, at walang pag-aalinlangang tumalon upang sagipin ang nalunod. Sa paglubog ng katawan niya, minulat niya ang kaniyang mga mata upang hanapin ang nalunod. Nang makita niya ito sa pinakailalimang parte ng ilog, agad niya itong sinisid pababa. Totoo nga'ng napakalinaw ng ilog Sierra, sapagkat kahit nasa malalim na parte na siya ng ilog, ay maaliwalas pa rin ang kaniyang paningin, at hindi ito nandidilim. Bahagyang nangunot ang noo niya nang makita ang mahaba at itim na itim na buhok nito. Isa pala siyang babae? Mas lalong nadagdagan ang pangungunot ng noo niya nang mapansing ibang-iba ang kasuotan na suot nito. Sa buong buhay niya, nasuot niya ang kahit ano'ng klaseng magagarang damit, at hindi niya pa kailan man nakita o nasuot man lang ang kasuotan na suot ng babaeng ito. Nagtataka man, hinila niya ang kamay nito paangat. Lupaypay na ang katawan nito, ngunit nakakasigurado ang binata na may pag-asa pa itong mabuhay. Nang maiahon niya ang ulo nito, kaagad siyang natigilan ng makita ang mukha ng babae. Unang nakaagaw ng pansin niya ay ang mamula-mula nitong labi, kasunod ay ang mapilantik nitong pilik-mata at malaporselanang kulay ng balat. Ikinadag-dag kaputian nito ang pagtama ng sinag ng buwan sa mukha niya. Saglit siyang namangha sa kagandahang taglay nito, at nang mabalik na siya sa realidad, mabilis niya itong inahon sa tubig, at pinahiga katabi ang batang paslit na hindi pa rin nagigising. Lingid sa kaalaman ng binata, hindi niya napansin ang pagtama ng ilaw ng bilog na buwan sa kanilang dalawa. Pati na rin ang saglit na pag-ilaw ng ilog ay hindi niya napansin sa oras ng pag-ahon nilang dalawa mula sa tubig. Hindi niya ito napansin sapagkat nakatuon lang ang atensyon niya sa babae. Pinasidhan niya muna ito ng tingin bago hawakan ang leeg nito upang tukuyin kung may pulso pa, at nakahinga naman siya ng maluwag nang maramdamang pumipitik pa ang pulso nito. Gumalaw ang batang paslit kaya napatingin ang binata dito, mukhang magigising na ito mula pagkakahimatay. Paniguradong tutulungan din niya ang babaeng ito kapag nakita niya. Napagpasyahan ng binatang lumisan sa lugar na iyon, at hayaang ang bata na ang sumagip sa buhay ng babaeng 'yon. Habang naglalakad ito pabalik sa bayan, hindi niya maiwasang isipin kung saan nagmula ang babaeng 'yon. Bukod sa iba nitong kasuotan, lubos na tumatak sa isip binata ang marikit na hitsura ng babaeng 'yon. Napa-iling na lamang ito sa mga bagay na pumapasok sa isip niya. Sana'y hindi alipin ang babaeng 'yon. Itutuloy...
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD