Kabanata 1

3590 Words
MADALING ARAW PA lang ay bumangon na ako para maghanda sa pagpasok ko sa trabaho. Kailangan kong gumising nang maaga para hindi ako masisante. Kailangan ko itong gawin dahil wala namang ibang aasahan din kundi ako lang. Kailangan kong kumayod nang kumayod para sa mga kapatid ko na mas bata sa akin. “Ate!” Napalingon ako mula sa pagtingin sa salamin. Binitiwan ko ang suklay at lumapit kay Louie na nagising mula sa pagkakatulog. Agad siyang kumandong at yumakap sa leeg ko nang maupo ako sa tabi niya, kaya napangiti ako at hinaplos ang likod niya. “Ate, sama po ako,” sabi niya na kinabuntonghininga ko. “Alam mo naman na hindi ko kayo puwedeng isama, bunso. ’Wag na kayong mag-alala, iiwan ko naman kayo kay Ate Ria n’yo,” sabi ko rito habang hinahaplos ang likod para makatulog muli. Nakarinig ako ng kalabog mula sa ibaba ng bahay na hudyat na nariyan na si Tatay, na tiyak na lasing at nakadroga na naman. Agad kong binuhat si Louie para tumayo. Nilapitan ko rin si Cathy at niyugyog ito para gisingin. “Cathy, gising! Magbihis ka na at aalis na tayo. Nand’yan na si Tatay,” sabi ko rito na agad napabangon nang marinig iyon kasabay ang pagbabasag ni Tatay ng pinggan sa ibaba. Binaba ko muna si Louie sa papag na higaan namin at kinuha ang damit niyang pang-aral at pagkatapos ay binihisan. Matapos ’yon ay mabilis kong sinilid ang damit niya sa isang bag at kinuha ko rin ang bag niya na pampasok sa eskwela para bitbitin sa pagtakas. “Punyeta! Wala na naman pagkain! Lintek na buhay ’to!” rinig kong sigaw sa inis ni Tatay na kinapikit ko. “Hoy, Hera! Buksan mo ito at tiyak na makakatikim ka sa akin! Walang silbi!” sigaw niya at kinalampag nang malakas ang pinto. “Dali na, Cathy! Bumaba ka na sa bintana,” sabi ko kay Cathy na bitbit ang gamit niya at bag para sa school bago tinungo ang bintana kung saan kami daraan. Isang kahoy na bintana na naitataas lang at makakaraan na kami dahil kasya din naman ang isang tao ’pag dumaan doon. Binuhat kong muli si Louie pati ang mga bag namin. Kailangan kong parating itakas ang dalawa dahil ayoko nang maulit pa na uuwi ako na puro bugbog ang katawan ni Cathy at Louie. Nais ko nang umalis kami sa poder ni Tatay, kaso wala akong sapat na pera para kumuha ng kahit na maliit na apartment. ’Yong mura lang sana at sakto sa budget. Kaya nga double ang kayod ko para makapag-ipon at para tuluyan na kaming makaalis sa poder ng Tatay namin. Masama man pero sana hindi na lang siya ang ama namin. Nang makababa kami ni Louie sa hagdan na konektado sa bintana, nakahinga na ako ng maluwag. Agad ko na silang inaya para magtungo sa bahay ni Ria. “Ate . . .” tawag ni Cathy sa pangalan ko habang naglalakad kami. “Hmmm . . .” Nilingon ko siya na kasabay ko lang sa paglalakad. “Ate, ’wag na lang po kaya akong mag-aral? Maghanap na lang din po kaya ako ng trabaho para matulungan kita,” alanganin na sabi niya. “Cathy, ’yan ang ’wag na ’wag mong gagawin kung ayaw mong magalit ako sa iyo. Kaya nga ako nagpapapagod sa pagtatrabaho ay para mapag-aral kayo ni Louie sa maayos na paaralan. Alam mo na kapag nakapagtapos ka ay isang malaking bagay na iyon para matulungan mo naman ako na pag-aralin si Louie. Madali kang makakahanap ng trabaho basta nakapagtapos ka ng pag-aaral. Hindi tulad ko na hanggang grade six lang at tingnan mo walang matinong trabaho,” payo ko sa kanya na ikinayuko niya habang naglalakad kami. Kinse anyos pa lang itong si Cathy at limang taon ang agwat namin. Habang itong si Louie naman ay limang taon pa lang. “Kasi nahihiya na ako sa iyo, Ate. Alam ko na pagod na pagod ka na para pag-aralin at bilhin ang lahat ng gusto namin. Tapos nalilipasan ka na ng gutom para ipakain mo sa amin ang sa iyo. Gusto ko lang naman na makatulong sa iyo,” sabi niya na ikinangiti ko. “Sinong may sabi na napapagod ako? ’Di ba nga, ako si Superwoman Ate n’yo? Kaya kahit magdamag akong magtrabaho, kahit na nalilipasan ako ng gutom, ay ayos lang iyon. Tingnan n’yo sexy ko, ’di ba?” sabi ko rito na napaangat ng tingin at huminto sa paglalakad at yumakap sa akin. “Mahal na mahal kita, Ate. Salamat at meron kaming ate na katulad mo,” sabi niya kaya ginulo ko ang buhok niya na ikinalayo niya dahil ayaw na ayaw niya na nagugulo ang buhok niya. Natawa naman ako. “Syempre, mahal na mahal din kayo ni Ate kaya hindi ko kayo pinapabayaan. At sundin mo ang gusto ko na pagbutihin ang pag-aaral. Makatapos ka lang ay sulit na iyon sa pagod at gutom ko,” sabi ko sa kanya. “Opo, Ate. Promise . . . magiging proud ka sa akin at dadalhin kita sa magagandang lugar at sa mamahaling restaurant na pangarap mo gaya ng sabi mo sa amin noon,” sabi niya kaya napangiti ako nang maluwang. “’Wag kang mangako . . . Gusto ko na gawin mo, maliwanag ba?” tumango siya sa sinabi ko kaya napahinga ako nang malalim bago kami magpatuloy sa paglalakad patungo sa bahay ni Ria. Ilang metro lang naman kaya narating na namin ang bahay ni Ria at nakita ko na may kotse na nakaparada, at tiyak na may uwi na naman itong lalake. Matagal ko nang kaibigan si Ria, at kahit na alam ko na hindi maganda ang trabaho niya ay hindi ko siya hinuhusgahan. Nag-iisa na lang din kasi siya mula nang lumayas siya sa poder ng kaniyang pamilya. Gusto kasi siyang ipakasal sa matandang mayaman ngunit ayaw niya kaya mas pinili na lang niya ang maglayas. Ewan ko kung may komunikasyon pa sila ng magulang niya dahil hindi naman siya pala-kwento tungkol sa buhay niya. “Ria! Ria!” tawag ko mula sa labas ng bahay niya. Maya-maya lang ay bumukas ang ilaw at ilang saglit lang ay heto na siya at binuksan ang pinto. Agad kong tinakpan ang mata ni Cathy at Louie nang lumabas si Ria na tanging nighties lang ang suot na halos kita na ang lahat sa kanya. “Ano ba naman, Ria! Lumalabas ka na ganyan ang suot?” suway ko sa kanya. “Oppss! Pasensya na,” sabi niya at agad na pumasok sa loob kaya inalis ko na ang takip sa mata ng dalawa. Lumabas muli si Ria at may suot na siya na malaking jacket kaya nakahinga na ako ng maluwag. “Bakit ba gano’n ang suot mo? Lumalabas ka pa nang gano’n,” sabi ko at lumapit kami sa kanya bago ko ipatong ang bag namin sa upuang bato ng terrace ng bahay niya. “Alam mo na . . . Kailangan kong masarapan at magkapera,” sabi niya na kinailing ko. “Oh, dito ba muna ang dalawa? Papasok ka na?” tanong niya. “Oo. Pasensya na at nabulabog na naman kita. Hindi ko kasi puwedeng iwanan sina Cathy sa bahay at baka bugbugin na naman sila ni Tatay. Wala naman akong ibang mapag-iiwanan sa kanila kundi ikaw lang.” “Bakit kasi ayaw n’yo pang umalis sa poder ng Tatay mo?” “Alam mo naman na wala akong sapat na perang pang-upa sa apartment,” sabi ko habang hinahaplos ang buhok ni Louie na nakasandal sa akin. “Kung gusto mo ng madaling pera ay sumama ka na sa akin. Tiyak na agad kayong makakahanap ng bahay,” alok niya na inilingan ko agad. “Ayoko ng gano’n. Ayos lang na mahirapan ako trabaho at sa maliit na sahod pero sa malinis namang paraan. Iniingatan ko pa rin ang dangal ko at ayoko na ipapakain ko sa mga kapatid ko ay galing sa maruming gawain,” prangkang sabi ko sa kanya. “Hay! Lalo akong nagiging makasalanan dahil sa sinabi mo. Sabagay makasalanan na ako at marumi, hindi tulad mo na may dangal pa at malinis. Eh, ako? Marumi na at walang kapupuntahan ang buhay,” sabi niya na kinabuntonghininga ko naman. “’Wag mong maliitin ang sarili mo. Hindi naman kita hinuhusgahan dahil gano’n ang trabaho mo. Alam ko naman na kaya mo ginagawa iyon ay dahil kay Elton,” sabi ko na ang tinutukoy ay ang anak niyang si Elton. Kinuha kasi si Elton ng nakabuntis sa kanyang lalake. Kaya siya pumapatol sa iba’t ibang lalake ay para makaipon ng pera at para ilaban sa korte ang karapatan niya kay Elton. “Hindi ko alam kung makukuha ko pa si Elton, Hera. Lalo na nang malaman nila na isang akong bayarang babae. Wala raw akong karapatan na makuha si Elton dahil marumi daw ang trabaho ko,” sabi niya habang nangingilid ang luha. Lumapit ako sa kanya at niyakap siya. “Ria, ipaglaban mo ang anak mo. Hindi iyang sitwasyon mo ngayon ang makakapagsabi kung pwede o hindi k aba na maging mabuting ina. Hindi naman sa klase ng trabaho ang pagiging magulang, kundi kung gaano mo kamahal ang anak mo at kung gaano mo kagustuhan na alagaan si Elton. Sabihin mo iyon sa kanila at sinisiguro ko sa iyo na makukuha mo ang anak mo.” “Salamat sa payo, Hera. Salamat at nariyan ka pa rin at hindi ako hinuhusgahan. Ikaw lang ang tanging kaibigan ko na hindi ako iniwan at palaging nariyan tuwing may problema ako,” sabi pa niya at bumitiw ng yakap saka tumingin sa akin. “Kaya kahit na parati mong iwanan dito ang mga kapatid mo ay ayos lang,” dagdag pa niya na kinatawa ko. “Tama na nga ang drama. Syempre, Bff kita kaya kahit ano ka pa ay hindi kita huhusgahan,” sabi ko sa kanya na ikinangiti niya. “Sige na nga, tama na. Papasok ka na ba?” Tumango naman ako at tumingin kina Cathy at Louie.  “Aalis na ako. Mag-ingat kayo sa pagpasok sa school. At uuwi agad pagkatapos ng school, Cathy, ha?” bilin ko at bumaling ako kay Cathy dahil siya ang nakakatanda kay Louie. “Opo, Ate. Ikaw rin, mag-ingat ka po at ’wag po kayong magpapagutom,” sabi nito kaya tumango ako at ngumiti bago ko sila bigyan ng halik sa noo. Naglakad na ako ng ilang baitang bago ako lumingon muli at kumaway sa kanila. Kumaway rin sila kaya nagsimula na muli akong maglakad para lisanin ang squatter naming lugar at para pumasok sa trabaho.  MATAPOS ANG MAGHAPON ko sa trabaho bilang isang cashier sa grocery ay narito naman ako sa isang mall bilang janitress sa hapon at gabi. Kailangan ko na doblehin ang trabaho dahil hindi talaga sapat ang sinasahod ko sa pagtustos kina Cathy. High school na si Cathy at mas maraming kailangan kaya hindi ako pwedeng sumuko sa trabaho ko. Kung hindi ako kikilos ay mas kawawa kami at baka sa bangketa kami pulutin. Narito ako sa comfort room at nagpupunas ng lababo. Hindi ko inaasahan na may makakakilala sa akin na dati kong kaklase noong elementary. Nakasuot siya ng pormal na damit at tila asensado na. “Hindi kita nakilala, Hera. Pero in fairness ang ganda mo pa rin. Nakakainggit,” sabi ni Lovely. “Asus! Aanhin mo ang ganda kung hanggang ganito lang ako na isang kahig, isang tuka? Mas nakakainggit ka nga dahil asensado ka na habang ako, umaasenso sa pag-iipon ng germs,” pabirong sabi ko na ikinatawa niya at umiling siya. Bigla siyang napaisip at nagulat pa ako nang mapapitik pa siya sa hangin. “Hera, kung gusto mo ay irerekomenda kita sa amo ko.  Naghahanap sila ng private nurse para sa anak nilang lalake,” sabi niya. “Ano naman ang alam ko sa pagna-nurse? Tsaka baka hindi ako qualified dahil hanggang grade six lang ang natapos ko,” sabi ko at napatingin sa kamay ko na hawak ang tuyong basahan. Napaangat ako ng tingin ng hawakan niya ang kamay ko kahit na marumi iyon. “Siguro naman ay may alam ka sa pag-aalaga?” tanong niya kaya tumango ako. “Iyon naman pala, e! P’wede ka doon dahil kailangan kasi ng amo ko na mag-aalaga at magbabantay sa anak niya habang wala sila. Tutungo kasi sila ng ibang bansa. Tsaka malaki ang sahod,” sabi niya kaya napabuntonghininga ako. “Magkano ba ang sahod doon?” “One hundred thousand pesos a month,” sabi niya na ikinalaki ng mata ko. Grabe! One hundred thousand pesos a month? “Kung ako sa iyo, tanggapin mo na. Kung hindi lang ako abogado ng amo ko, baka ako na ang tumanggap ng trabahong iyon. Pero mabuti at nakita kita, at least makakatulong ako sa iyo lalo’t nalaman ko ang kalagayan mo,” pagpapatuloy niya. Napaisip ako dahil tinatantiya ko pa ang sitwasyon. “Ano, Hera? Six months lang naman at sa six months ay more than half a million na agad ang pera mo,” tanong niya at kuwenta sa sasahurin ko. Napabuntonghininga ako at tumango na ikinangiti niya. “Good choice, Hera. Teka, pahingi ako ng number mo para tawagan kita ’pag nasabi ko na sa amo ko,” sabi niya. “Saan ba ’yong bahay ng amo mo?” tanong ko. “Sa Pampanga.” “Huh? Malayo-layo pala.” Nag-alangan ako ngayon. Paano ang mga kapatid ko? “Oo at stay-in ka ro’n. Kasi ’pag uuwi ka pa ay malakas sa pamasahe at sa oras. Pagod pa ang abot mo.” “Pero Lovely, puwede naman siguro doon ang dalawang kapatid ko, ’di ba? Wala kasi akong mapag-iwanan sa kanila.” “Naku! Hindi pwede, Hera. Pero ’wag kang mag-aalala, puwede naman ang mga kapatid mo sa kilala kong ampunan. Pwede mo muna silang iwanan doon at sinisiguro ko sa iyo na magiging ligtas doon ang mga kapatid mo. Mismong amo ko ang nagmamay-ari no’n,” sabi niya. “Bakit tila bukambibig mo ang amo mo? Gaano ba sila kayaman at tila lahat yata ng problema ko sa mundo ay naresolba nila,” pabiro ko pang sabi. Sumeryoso siya at napahinga nang malalim bago ayusin ang shoulder bag niya sa pagkakasabit sa balikat. “Ubod sila ng yaman, Hera. At isang paalala lang: ’Wag na ’wag kang masyadong magiging malapit sa anak nilang lalake. Baka hindi na kita matulungan oras na may makita siya sa iyo,” bilin niya na kinakunot-noo ko. “Huh? Anong ibig mong sabihin? Bakit mo ako pinag-iingat?” takang-tanong ko. “Basta. Tandaan mo lang ang bilin ko. Sige, aalis na ako at nang mapuntahan ko na ang amo ko. See you again,” sabi niya kaya tumango ako at kumaway nang maglakad na siya paalis sa comfort room. Napaisip naman ako sa sinabi niya pero nagkibit-balikat na lang ako dahil baka pinag-iingat lang niya ako na ’wag gumawa ng kalokohan. Pero nang maisip ko ang bago kong trabaho at ang sasahurin ko ay naging masigla akong magtrabaho. Nakangiti na nag-mop ako ng sahig at nang matapos ay napatili pa ako sa tuwa. ’Pag natanggap na ako sa work na nirerekomenda ni Lovely ay magre-resign na ako sa trabaho kong ito. Pinagsiklop ko ang dalawang kamay habang hawak ko ang mop. Napatingala ako sa kisame ng comfort room na tila nakikita ko roon ang langit. ‘Lord, salamat po. Alam ko po na parati lang kayong nariyan at hindi n’yo kami pinapabayaan ng mga kapatid ko. Salamat po sa magandang balitang ito. Salamat po at si Lovely ang ginawa n’yong instrumento para ibigay sa akin ang biyayang pinagkakaloob n’yo. Ngayon po ay tila ako nabunutan ng tinik. Salamat po muli, Lord. Amen.’  BAGO AKO UMUWI ay dumaan muna ako sa isang fast food chain at bumili ng spaghetti, chicken, at fries para kina Cathy. Magse-celebrate kami. Excited na nilalakad ko na ang daan patungo sa bahay ni Ria. Malapit na ako nang makita ko ang isang kotse at alam ko na nariyan pa rin ang lalake ni Ria. Nagpatuloy na ako sa paglalakad at pagdating sa bahay ni Ria ay pumasok na ako dahil bukas naman ang pinto. “Ria? Cathy? Louie? Narito na ako!” tawag ko pero walang sumasagot. “’W-wag po! ’Wag n’yo pong gawin sa akin ito!” narinig ko ang umiiyak na hiyaw ni Cathy kaya nilukuban ako ng kaba. Agad kong tinakbo ang kwarto kung saan ko naririnig ang boses at pag-iyak ni Cathy. Pagbukas ko ng pinto ay halos mandilim ang paningin ko sa galit nang makita ko ang lalake ni Ria na hina-harass si Cathy—na bukas na ang butones ng uniform at wala nang suot na palda at nakababa na rin ang panty niya. Agad kong kinuha ang flower vase sa tabi at mabilis akong lumapit sa lalake saka pinukpok iyon sa ulo nito. “Hayop ka! Hayop! Walanghiya!” hiyaw kong mura sa galit at hindi ko mapigilan na mapaiyak dahil kung hindi ako umabot ay tiyak na na-rape na ang kapatid ko. Agad kong tinulungan si Cathy na umalis ng kama at pinulot ang palda niya. “Ate . . . ” humahagulhol niyang iyak at napayakap sa akin. “Shhh . . . Narito na si Ate. ’Wag ka nang matakot,” pagpapatahan ko sa kanya habang ako ay nanginginig pa rin sa galit at takot dahil kamuntikan nang may mangyari sa kapatid ko. “Anong nangyari dito?” Napabaling ako sa pinto at nakita ko si Ria na kasama pala si Louie. “Hayop ’yang lalake mo! Kamuntikan na niyang ma-rape si Cathy!” galit kong sabi sa kanya na napatakip siya ng bibig at lumapit sa lalake niya na nagkamalay na. “Edmon! Tell me the truth! Ni-rape mo si Cathy?” tanong pa ni Ria na hindi ako makapaniwala. Wala ba siyang tiwala sa sinabi ko? “What? Hindi ko ni-rape ’yan. Inaakit ako ng batang ’yan! At sino ba naman ako para tumanggi?” tugon ng hayop na lalakeng ito kaya sumugod ako. Sinampal at sinambunutan ko siya sa sobrang galit ko sa binibintang niya sa kapatid ko. Agad akong inawat ni Ria at hindi ako makapaniwalang napatingin sa kanya nang sampalin niya ako. “’Yang kapatid mo pala ang malandi! Nilandi niya si Edmon!” galit niyang sabi na ikinatawa ko nang pagak. “Hindi ako makapaniwala sa iyo, Ria. Talagang mas kinampihan mo pa ang lalakeng ’yan kaysa sa amin na matagal mo nang kakilala? Alam mo at alam nating pareho na hindi malandi ang kapatid ko! Kaya ang husgahan mo ang kapatid ko nang gano’n na lang . . . ha ha ha! Sa iyo pa talaga nagmula ang salitang iyon, ha?!” galit kong sabi sa kanya habang patuloy ang pagbuhos ng luha ko. Umiwas siya ng tingin. “Umalis na kayo, Hera.” sabi niya. “Oo! Aalis kami rito ngayon din! Tandaan mo ito, Ria, manyak ’yang lalake mo, at kung nagawa niyang harassin ang kapatid ko ay tiyak na magagawa rin niya ’yon sa iba. Salamat sa pagbabantay sa kapatid ko at asahan mo na ito na ang huli,” sabi ko sa kanya at pinulot ko ang gamit ni Cathy at Louie bago kami tuluyang makaalis na tatlo. Paglabas namin ng bahay ni Ria ay agad na kaming naglakad palayo at huminto sa isang waiting shed saka ko ibinaba si Louie sa upuan. Nanginginig pa rin ang kalamnan ko sa tindi ng galit at sakit na nararamdaman ko. Naupo ako sa upuang bato sa waiting shed. At napatakip ako ng mukha bago napahagulhol. “Ate . . . ” si Cathy na niyakap ako kaya inalis ko ang kamay ko sa mukha ko at yumakap sa kanya pabalik. “Sorry . . . Dapat hindi ko na kayo iniwan doon. Kung nahuli ako ay baka kung ano na ang nangyari sa iyo,” umiiyak kong sabi sa kanya. “Ate, ayoko na doon,” sabi niya kaya bumitiw ako ng yakap at hinawakan siya sa mukha saka pinunasan ang mukha niya na puno ng luha. “Sabihin mo nga sa akin, Cathy, no’ng mga araw ba na iniiwan ko kayo doon ay hindi ka ba ginalaw ng lalakeng ’yon?” tanong ko dahil hindi ko mapapatawad ang sarili ko oras na malaman ko na matagal na pa lang hina-harass ng lalakeng ’yon ang kapatid ko. “Hindi, Ate . . . Pero no’ng nandoon ako ay pansin ko na ang pagtingin niya sa akin na tila hinahalay ako,” sabi niya na kinanginig ng labi ko sa galit sa sarili ko. “Bakit hindi mo agad sinabi sa akin? Paano kung hindi ako dumating agad at napano ka na? Cathy naman!” nahihirapan kong sabi sa kanya at napayuko ako dahil hindi ko talaga mapapatawad ang sarili ko kapag may nangyari kay Cathy o ’di kaya ay kay Louie na hindi maganda. “Sorry, Ate . . . Ayoko lang kasi na mag-isip ka pa kung saan mo kami dadalhin. At ayoko rin na magkagalit pa kayo ni Ate Ria,” nakayukong sabi niya habang nakahawak sa dulo ng palda niya at pinipilipit niya iyon tila ba doon binubuhos lahat ng nararamdaman niya. Napaangat ako ng tingin at napatingin sa kanya. Niyakap ko siya at hinaplos ang buhok niya.  “Kahit na mag-isip ako nang mag-isip kung saan ko kayo dadalhin ay gagawin ko, maging ligtas lang kayo ni Louie. At kahit na magkagalit pa kami ni Ria at makipagpatayan ay gagawin ko. Dahil ayoko nang may mang-aalipusta sa inyo. Hindi ko hahayaan ang sino man ang saktan kayo,” sabi ko sa kanya. “Ate, nagugutom na po ako,” sabi ni Louie kaya napatingin ako rito at bumitiw ng yakap kay Cathy. “Gutom ka na ba talaga, bunso?” tanong ko at hinawakan ito sa mukha. “Opo. Kanina pa pong tanghali,” sabi niya na kinalaki ng mata ko. Napatingin ako kay Cathy na napaiwas ng tingin. “Cathy, bakit hindi kayo kumain ng tanghalian?” “Ate, kasi . . .” “Ano?” inis kong tanong. “Kasi Ate, sabi ko kay Louie na tanghali pa kami kakain pero hindi ko alam na may dinukot siyang tinapay kaya napalo siya ng mamang may-ari. Kaya, para hindi siya mapalo, binayad ko ang perang baon ko pero kinuha lahat ng mama,” sabi niya na kinatayo ko at napalakad-lakad ako dahil tila naninikip ang dibdib ko. Napapadyak din ako sa inis. “Bwisit namang buhay ’to!” inis kong sabi at napapahid ng luhang tumulo na naman. Napatingin ako sa dalawa at lumapit. Kinuha ko ang gamit namin at hinawakan sila sa kamay. “Meron sana akong uwi kaso naiwan ko ang pasalubong ko sana sa inyo sa bahay ni Ria. Pero papakainin ko kayo sa masarap na kainan. At pagkatapos nating kumain ay sisiguraduhin ko na hindi n’yo na mararanasan muli ang magutom,” sabi ko sa kanila habang hatak-hatak sila. Inaasahan ko na talaga ang alok ni Lovely. Ito na lang ang paraan para magkapera ng malaki at mapakain ko ang mga kapatid ko sa araw-araw. Ayoko nang pagmalupitan ng ibang tao ang mga kapatid ko. Hindi porket mahirap kami ay madali na lang nilang kakantiin ang mga kapatid ko. Sana ay matuloy talaga ang inalok sa akin. Sana.  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD