Kabanata 2

4462 Words
NAPANGITI AKO NANG makita na sarap na sarap sa pagkain si Louie. Narito kami sa isang sikat na fast food chain at ngayon ko lang nadala ang mga kapatid ko rito. Mabuti at nakasahod ako ngayon kaya napakain ko sila ng masasarap na pagkain gaya nito. “Ate, ang sarap po ng pagkain dito. Tapos may playground pa sa loob,” natutuwang sabi ni Louie na madungis na ang nguso dahil sa pagkain ng spaghetti. Kaya kumuha ako ng tissue at pinunasan ang nguso niya. “Hayaan mo, ’pag natanggap na si Ate sa bago kong trabaho ay palagi kitang dadalhin dito,” nakangiti kong sabi sa kanya. “Yehey!” sabi nito kaya natawa ako at napatingin kay Cathy na pinaglalaruan lang ang pagkain habang tila malalim ang iniisip. “Cathy, ayos ka lang ba?” pukaw ko rito na kinabuntonghininga nito. “Ate, ayoko nang umuwi sa atin. Natatakot po ako na baka may gawin muli sa akin ang boyfriend ni Ate Ria,” sabi niya habang nakayuko pa rin. Napahinga ako nang malalim dahil sabi na nga ba at ’yon nga ang bumabagabag sa kanya. Hindi ko naman siya masisisi dahil maging ako ay meron pa ring galit dito sa puso ko, pero nais ko na lang na makalimutan muna kahit sandali ang lahat ng nangyari. Naramdaman ko na nag-vibrate ang phone ko sa bulsa ng pantalon ko, kaya bago ko tugunan ang sinabi ni Cathy ay kinuha ko muna ang phone ko. Pagbukas ko ay may isa akong tawag na natanggap. Agad ko itong sinagot at tinapat sa tainga ko. “Hello?” “Ha, ako ’to si Lovely.” “Oh, Lovely. Ikaw pala,” nakangiti kong sabi. Sa wakas! Heto na at ramdam ko na ang magandang balita na sasabihin niya. “Oo, mabuti at madali kitang na-contact. May balita na ako sa nirerekomenda ko sa iyo.” “Anong balita? Pumayag ba ang amo mo na ako na ang mag-alaga?” “Oo. Bukas na bukas din ay kailangan mo nang pumunta rito.” “Bukas agad? Pero paano ang mga kapatid ko?” sabi ko at napatingin kina Cathy na nagtataka na nakatingin sa akin. “Don’t worry, kung gusto mo ay pumunta kayo ngayon sa ampunan. Para bukas ay magkikita na lang tayo doon para masundo na rin kita,” sabi nito. Bigla ay bumigat ang loob ko dahil mahihiwalay na ako sa mga kapatid ko. “Alam na ba ng ampunan na pupunta kami ngayon?” alanganin kong tanong dahil nahihiya ako. “Oo. Sinabi ko na kay Sister bago ako tumawag sa iyo. Wala ka namang poproblemahin dahil libre ang pagtira ng mga kapatid mo. At sigurado akong aalagaan sila nang mabuti doon dahil si Ma’am mismo ang nagbilin kina Sister.” “Naku, nakakahiya pala sa amo mo. Napakabait pala nila. Hulog talaga sila ng langit,” sabi ko na kinatawa niya. “Mabait talaga sila pero mahirap ’pag ginalit at kinalaban ang pamilya nila,” tugon niya. “Huh? Anong ibig mong sabihin?” “Wala. So, kita na lang tayo bukas? Magpalipas ka na lang muna sa ampunan at para may time ka pa na makasama ang mga kapatid mo. Ite-text ko ang address at bukas ay tatawagan kita kapag susunduin na kita,” sabi niya kaya napahinga ako nang malalim. “Sige. Salamat, Lovely, ha? Napakalaking tulong sa akin nitong ginawa mo. Balang araw ay babawi talaga ako sa ’yo,” sabi ko rito na buong pusong nagpapasalamat. “Ano ka ba! Okay lang . . . Naging mabait na kaibigan ka naman noong elementary tayo. Gusto ko rin na meron akong magawa sa iba para hindi lang ako ang nabibiyayaan ng blessing sa buhay ko,” sabi pa niya na ikinangiti ko. “Salamat, Lovely.” Iyon na lang ang nasabi ko sa kabutihan niya. Isang bukal sa puso na pasasalamat. “You’re welcome,” sabi nito at nagpaalam na kami sa isa’t isa kaya binaba ko na ang tawag. “Ate, anong gagawin natin sa ampunan?” tanong ni Cathy. “’Di ba ayaw mo nang umuwi?” nakangiti kong tanong sa kanya na kinatango niya habang nagtatakang nakatingin sa akin, “Pwes! Meron na tayong pupuntahan na maaari n’yong tirahan. Hindi kayo magugutom doon at hindi n’yo na mararanasan na masaktan ng ibang tao,” pagpapatuloy ko. “Kami lang po? Iiwan mo kami sa ampunan?” tanong niya at biglang nangilid ang luha niya kaya hinawakan ko siya sa kamay, ngunit binawi niya ang kamay niya at tumagilid ng upo para hindi ko makita ang pagtulo ng luha niya. Napabuntonghininga ako at lumipat ng upuan sa tabi niya. Hinawakan ko siya sa balikat para iharap sa akin. “Kailangan ko kasi na magtrabaho sa Pampanga, Cathy. Hindi kayo pwede doon dahil ayaw ng magiging amo ko. Pero ’wag kayong mag-alala, dadalawin ko naman kayo ’pag day-off ko. Tsaka hindi ko naman kayo iiwan sa ampunan para ipaampon. Makikitira lang kayo doon dahil ayoko naman na iwanan kayo kay Tatay. Sabi sa akin ni Lovely ay sila Sister ang titingin sa inyo habang wala ako sa tabi n’yo. ’Di ba alam n’yo na mababait ang mga madre?” paliwanag ko rito para maunawaan nito ang sitwasyon. Ayoko na umalis ako sa tabi nila na nalilito sila at baka sumama pa ang loob sa akin. “Pero Ate, natatakot ako na baka maranasan ko sa ampunan ang naranasan ko sa lugar natin. At baka hindi mo na kami balikan,” sabi niya at yumakap sa akin. “Cathy, magagawa ko ba sa inyo ’yon? Hindi ko kailanman magagawa na hindi kayo balikan. Kayo na lang ang pamilya ko at mas importante kayo sa kahit na anong bagay. Saka sa ampunan na ’yon ay sisiguraduhin ko na magiging maayos kayo. Kahit na araw-araw akong tumawag sa ampunan para alamin ang kalagayan n’yo ay gagawin ko. At saka anim na buwan lang naman at ’pag natapos na ang kontrata ko ay magiging maayos na ang lahat. Hindi n’yo na mararanasan ang magutom dahil naisip ko na magnegosyo para may mapuntahan ang perang kikitain ko sa pagtatrabaho ko roon. At uupa rin ako ng isang maayos na apartment para wala na tayong iintindihing tatay na maaaring manakit sa atin. Kaya sana ay maunawaan mo. Para sa inyo naman itong ginagawa ko,” sabi ko sa kanya. Hindi ito umimik at mahigpit na yumakap lamang. Inaya ko si Louie kaya bumaba ito sa upuan at lumapit sa amin. Niyakap ko rin siya at napapikit ako dahil sigurado na mami-miss ko sila nang sobra.  NAPATINGALA AKO SA malaking gate kung saan ang ampunan na sinabi sa text ni Lovely. May nakaukit na ‘Home for the Angels’ sa itaas ng gate. Tila private orphanage ito. “Wow! Ang laki ng gate, Ate. Dito ba tayo titira?” tanong ni Louie na walang kaalam-alam. “Dito muna kayo pasamantala titira, bunso. Nagustuhan mo ba dito?” tanong ko bago naupo para mapantayan ko ito. “Opo. Ang ganda po kasi at parang ang sarap maglaro,” sabi nito kaya napangiti ako. Napalingon muli ako sa gate nang makarinig ng yapak. Nakita ko ang isang babae na nakasuot ng pang-madre na kasuotan gaya ng napapanood ko sa telebisyon. Binuksan nito ang gate kaya tumayo ako at hawak si Louie sa balikat ay humarap kami rito. “Ikaw siguro ang sinasabi ni Mrs. Esteban, tama ba?” tanong nito. “Opo,” sagot ko kahit hindi ako sigurado kung ano nga ba ang pangalan ng amo ni Lovely. “Kung gano’n ay pumasok na kayo at masyado ng gabi. Baka mahamugan ang mga bata. Naayos ko na rin ang hihigaan ng mga kapatid mo gaya ng pinag-utos ni Mrs. Esteban,” sabi nito. “Gano’n po ba. Salamat po,” sabi ko habang hawak ko ang kamay ni Louie at sa isang kamay ko naman ang mga bag namin na naglalaman ng mga damit namin. Pumuslit ako sa bahay at kinuha ang mga damit namin habang tulog na tulog si Tatay. Mabuti nga at hindi ito nagising kung hindi ay baka hindi pa matuloy ang pag-alis namin. “Nag-aaral pa ba itong mga kapatid mo?” tanong ni Sister habang tinatahak namin ang mahabang kalsada, pero tanaw na rito ang malaking bahay. Malawak ang ampunan—may mga playground akong nakita at mga alagang halaman. Tila alagang-alaga ang bawat bagay sa paligid. “Opo. Si Cathy po ay high school na at si Louie naman po na bunso sa amin ay kinder pa lang ho,” tugon ko na kinatango niya “Hindi kasi namin hinahayaan na makalabas ang mga bata dahil ayaw naman namin silang mapahamak. Kung nais mo ay kakausapin namin ni Sister Joy ang school na pinapasukan ng mga kapatid mo. Kami na rin ang pakikipag-usap para sa pag-transfer nila. Meron din kasing home school dito sa ampunan na matututukan talaga ang pag-aaral ng mga kapatid mo,” sabi niya. “Gano’n po ba . . .” Napaisip ako dahil mukhang maganda ang offer nila.  “Kung ano po ang makakabuti sa mga kapatid ko ay gawin n’yo po. Pero paano po kaya ’yon, bukas ay kailangan ko na pong umalis, baka po mahirapan kayo sa pag-transfer sa kanila?” Ngumiti ito at umiling na tila nagkakamali ako sa sinabi ko. “’Wag mo nang problemahin ’yon. Ang ampunan naman na ito ay kilala sa lahat. Kaya oras na makausap ko ang school principal nila ay tiyak na agad nilang tutugunan ang request ng ampunan,” tugon nito kaya nakahinga ako nang maluwag. “Kung gano’n naman po pala ay sige po. Kayo na po ang bahala. Sister, hindi po talaga ako makapaniwala na parang ang dali lang po ng lahat sa akin ngayon mula nang alukin ako ng kaibigan ko na magtrabaho kina Mrs. Esteban. Gusto ko na pong makilala si Mrs. Esteban. Tila po napakabuti niya,” nakangiti kong sabi kay Sister. “Mabuting tao talaga si Mrs. Esteban. Kahit na mayaman sila ay tumutulong pa rin sila sa mga kapos-palad. At isa na kayo sa maswerteng natulungan nila,” paglalarawan ni Sister sa kabutihan ni Mrs. Esteban kaya napangiti ako at tumango. “Tulog na ang iba kaya ako na lamang ang sumalubong sa inyo. Dito ang magiging kwarto ng mga kapatid mo,” sabi pa ni Sister nang pumasok na kami sa loob at bumungad agad ang maraming pinto sa mahabang hallway. Binuksan niya ang panghuling pinto at inaya kaming pumasok kaya pinauna ko sina Cathy na pumasok agad bago ako sumunod. Pagpasok namin ay namangha kami dahil napakalinis at napakakulay ng kwarto na may pinturang pink at white. May double deck na higaan na ayos na ayos para kay Cathy at Louie. May aparador din na maaaring paglagyan ng damit nila. Masasabi ko talaga na malayong-malayo ito sa itsura ng bahay namin at kwarto. Mula sa tagpi-tagping bahay na up and down, ay narito na kami sa malinis, maluwang, at komportableng kwarto. May aircon pa na kinatuwa ko dahil hindi na sila maiinitan gaya ng buhay namin sa squatter na kailangan ko pa silang paypayan para makatulog. “Nagustuhan n’yo ba ang kwarto n’yo, Cathy at Louie?” nakangiting tanong ni Sister sa dalawa na tumango namang pareho habang nakangiti. “Opo, Sister. Ang ganda po at tiyak po na hindi kami mahihirapan sa pagtulog,” masayang tugon ni Cathy na hindi katulad kanina na matamlay. Tila bumalik na ang sigla nito at kita ko ang saya sa mga mata niya. Makita ko lang sila na ganito bago ako umalis ay masaya na ako at makakampante na ako. “Mabuti at naibigan n’yo. Dito ay malaya n’yong magagawa ang mga gusto n’yo at walang mananakit sa inyo. Dahil ginawa itong ampunan bilang pagbibigay saya sa mga tulad n’yo. Kaya ’wag kayong magagalit sa Ate n’yo kung sakali na iwanan niya kayo pasamantala rito. Ginagawa niya lang ito dahil mahal niya kayo at gusto niya na nasa mabuti kayong kalagayan,” wika ni Sister at pagbibigay ng payo sa dalawa na tumango at ngumiti. “Very good. Oh, sige. Maiwan ko na kayo, hija. Magpahinga na rin kayo,” sabi pa ni Sister na binalingan ako, kaya nagpasalamat muli ako at hinatid siya sa labas ng pinto ng kwarto. Nang makaalis na si Sister ay humarap ako sa mga kapatid ko na agad nahiga sa magiging higaan nila na malambot dahil sa kama. Lumapit ako at tiningnan sila habang walang patid ang pagngiti ko. “Masarap bang higaan?” tanong ko. Dumapa si Cathy habang yakap ang unan na pink na tila malambot iyon dahil lubog ito sa yapos niya. “Oo, Ate. Grabe! Tiyak na makakatulog ako nang mahimbing nito. Para bang nasa langit na ang pakiramdam ng lambot ng kama, hindi tulad sa papag na higaan natin na matigas at maliit pa,” sabi niya. “Kaya nga. Magpakabait kayo para lalo pa tayong swertehin sa buhay,” sabi ko at lumapit sa aircon para buhayin. May alam naman ako rito dahil sa trabaho ko sa mall. “Pero Ate, magiging masaya sana kung hindi mo kami iiwan nang matagal. Nauunawaan ko naman pero nakakalungkot lang kasi,” sabi ni Cathy kaya napabuntonghininga ako at lumapit naman sa mga bag namin at naupo ako sa higaan ni Louie. “Ako rin naman, nalulungkot, pero pasasaan ba at makakaraos din tayo. Tiisin n’yo muna na wala ako kung gusto na makatulog sa ganitong klaseng kwarto. Tsaka hindi ba kayo nagsasawa sa mukha ko? Dapat ay ma-miss n’yo rin ito para naman hindi nakakaumay, ’di ba?” sabi ko at nagbiro pa ako sa dulo bago ko buksan ang bag. “Ako, hindi po ako magsasawa sa maganda kong ate,” sabi ni Louie na bumangon bago lumapit sa akin at yumakap. “Asus! Nanlambing na naman ang bunso natin. Mami-miss ko tuloy ang makulit at cute na batang ito,” sabi ko at pinisil ang pisngi niya. Natawa sila kaya napangiti ako at binitawan ang pisngi ni Louie. “Ate, tulungan na kita,” sabi ni Cathy nang mapansin na nais kong ayusin ang mga damit nila. “’Wag na. Magsipilyo na kayo at magpalit ng damit bago matulog,” sabi ko. Napansin ko kasi na meron ding sariling banyo ang kwarto kaya hindi na kailangan pang lumabas ng dalawa. Agad silang bumaba ng higaan at nag-unahan sa pagkuha sa toothbrush na hawak ko. Napailing ako at napangiti dahil ngayon na lang muli kami naging ganitong kasaya. Ang huli pa yata na naging ganito kami kasaya ay ’yong panahon na hindi pa kami iniiwan ni Inay at hindi pa nananakit si Itay. Hindi ko alam kung bakit sila pa ang naging magulang namin kung ganito rin pala at parang wala lang kami sa kanila. Napabuntonghininga ako at pinagpatuloy na lang ang pag-ayos sa mga damit nila para ilagay sa aparador.  MADALING-ARAW PA LANG ay bumangon na ako para hindi naman nakakahiya kay Lovely kung mauuna pa ito sa akin. Tumulo ang luha ko habang nakatingin kay Cathy at Louie na mahimbing na natutulog. Nakabihis na ako at bitbit ang bag na naglalaman ng mga damit ko na dadalhin ko sa pag-alis ko. Nahihirapan ako na iwanan sila pero hindi naman ako pwedeng mag backout, dahil nakakahiya kay Lovely at sayang din ang perang sasahurin ko. Ang magagawa ko na lang ay tiisin at umalis nang hindi nagpapaalam sa mga ito. Alam ko kasi na hindi agad ako makakaalis ’pag nakita ko silang umiiyak. Hinalikan ko sila sa noo at pagkatapos ay lumakad ako patungo sa aparador at inipit ko sa gilid ng pinto nito ang sulat ko sa kanila. Hindi naman ako aalis nang walang paalam kung saan ako pupunta, pero mabuti nang may sulat at alam ko na maiintindihan na ni Cathy ’yon. Humakbang na ako palapit sa pinto at binuksan iyon. Lumingon pa ako nang isang beses sa kanila na hindi man lang ako narinig. Tila sarap na sarap sila ngayon sa pagkakatulog. “Hera, mag-iingat ka sa byahe at asahan mo na kami na ang bahala na tumingin sa mga kapatid mo. Hindi namin sila pababayaan,” sabi ni Sister Berna habang narito rin si Sister Joy. Ang ibang madre ay busy na para sa gagawin ng mga bata ngayong araw. “Salamat po. Tatawag po ako sa inyo Sister para malaman ko po ang kalagayan ng mga kapatid ko. At ’pag nakapag-day off po ako ay dadalawin ko sila,” sabi ko sa kanila. “Sige. Nasa iyo naman na ang number ng orphanage kaya madali mo na lang kaming ma-contact,” sabi nito kaya napangiti ako. May bumusina kaya napalingon kami sa labas ng gate at nakita ko si Lovely. Bumaling na muli ako kina sister para magpaalam. “Sige ho mga sister, mauna na po ako at baka po malayo pa ang biyahe naming,” sabi ko. “Sige. Mag-iingat ka at gabayan ka nawa ng Diyos,” sabi ni Sister Berna at hinawakan ako sa ulo para basbasan saglit. Pagkatapos ay ngumiti ako at nagmano sa kanila bago tumalikod na. Lumabas na ako ng gate at lumapit sa sasakyan ni Lovely. Nang makasakay ako ay bumusina si Lovely kina Sister Berna bago niya patakbuhin ang sasakyan paalis sa harap ng orphanage. Hinabol ko pa ng tingin ito dahil nalulungkot talaga ako na mawawalay ako sa mga kapatid ko. “Ganyan talaga ang buhay, Hera. Minsan ay kailangan mong iwanan ang mahal mo sa buhay para sa kinabukasan nila. Pero maswerte ka pa rin dahil maaari mo silang madalaw ’pag leave mo, hindi tulad ng iba na taon ang bibilangin bago nila makapiling ang mahal nila sa buhay,” sabi ni Lovely nang mapansin ang pagtanaw ko sa ampunan at ang pagkalungkot ko. “Hindi ko lang talaga mapigilan, Lovely. Ngayon lang ako malalayo sa mga kapatid ko kaya nakakapanibago. Na-trauma na rin kasi ako nang iwanan ko sila sa ibang tao,” sabi ko habang nakatingin sa daan at kandong-kandong ko ang bag na dala ko. “Hindi naman ibang tao sina Sister. May malasakit sila sa mga bata at maniwala ka na hindi nila pababayaan ang mga kapatid mo dahil alam nila na magagalit si Ma’am Gabriella oras na may batang napapabayaan sa mismong orphanage niya,” sabi nito kaya nakahinga ako nang maluwag. “Grabe. Kinakabahan na ako ngayon. Pakiramdam ko, hindi ko kaya ang trabaho,” kinakabahang sabi ko sa kanya. “Don’t worry, lahat naman ng tao ay kinakabahan. Sa una lang ’yan pero pagtagal, unti-unti nang mawawala ’yan. Just relax and go with the flow,” nakangiting sabi niya kaya nag-relax ako at pinatatag ang kalooban ko gaya ng payo niya. Aist! Ewan ko ba pero parang sasabak ako sa matinding laban sa buhay ko. Sana ay maging tama ang lahat ng ito at mairaos ko nang matiwasay.  MAHABA ANG BYAHE namin ni Lovely bago kami huminto sa napakalaking gate. Pansin ko na mula sa tinahak naming mabato at mapunong daan ay wala na akong nakitang ibang bahay bukod dito sa pinaghintuan namin. “Lovely, bakit walang mga kabahayaan sa paligid? Bakit ito lang?” tanong ko habang hinihintay na pagbuksan kami. “Eh, kasi hacienda ito ng mga Esteban at mula sa daang mahaba na dinaraan natin ay sa kanila na ’yon. Kaya ’wag ka nang magtaka kung wala kang bahay o mga taong nakikita, dahil private property na ito ng mga Esteban,” paliwanag niya kaya napatango ako at namangha sa yaman ng magiging amo ko. “Grabe pala ang yaman nila,” bulalas ko na ikinangiti lang ni Lovely at napatingin sa isang lalakeng lumapit sa gate. Malaki ang katawan nito na tila banat sa gym. Pinagbuksan kami nito ng gate kaya pinasok na ni Lovely ang sasakyan. Tumitingin ako sa paligid at kita ko ang napakalawak na lugar. Haciendang-hacienda na batid ko pa ang karangyaan. May mga ibang lalake rin na mga naglisawan habang nagmamatiyag. “Ang dami palang tao rito,” sabi ko. “Ah . . . mga bodyguard ’yan,” tugon ni Lovely at hininto na ang kotse. Wow! Bodyguard? Halos hindi ko mabilang kung ilang bodyguard ito. Grabe! Siguro ay kailangan talaga nila dahil sa sobrang yaman nila. Baka nga naman may magtangka pa sa buhay nila. “Let’s go, Hera. Naghihintay na sa loob sina Mister at Misis Esteban. Ngayon din kasi ang alis nila,” aya na sa akin ni Lovely, kaya tumango ako at inalis ang seatbelt bago binuksan ang pinto sa side ko. Pagbaba ko ay tumingin ako sa paligid at napatingin sa mismong bahay na napakalaki. May nakita rin akong mga kabayo na hila-hila ng mga tauhan dito at siguro ay dadalhin sa kwadra. Kita ko rin sa malayo ang mga tanim na puno ng mangga. Basta ang lawak ng lugar at hindi ko na alam kung paano pa ilalarawan ang napakalaking lupain nila. “Hera . . .” pukaw sa akin ni Lovely na naghihintay na pala sa akin. Agad akong naglakad at umapak sa unang baitang ng hagdan. Sumunod lamang ako kay Lovely habang panay pa rin ang tingin ko sa paligid. “Sila Madam?” tanong ni Lovely sa kasambahay na nakasalubong namin. “Ay! Nandoon po sa dinning area at kumakain, Attorney. Dito muna kayo sa sala at sasabihin ko kinaa Señora na narito na kayo,” sabi ng katulong kaya ngumiti ako nang tumingin ito sa akin. Ngumiti at tumango ito bago kami talikuran. “Halika, Hera,” aya sa akin ni Lovely kaya sumunod ako sa kanya na tinungo ang sala. Napapamaang na lang talaga ako dahil puro mamahalin ang mga gamit at ang linis ng buong bahay, tila wala akong makitang alikabok. May mga carpet pa at ang lambot ng upuan nang maupo ako sa sofa. May nakita akong napakalaking portrait na wedding picture ng mag-asawa. Marahil ito ang sinasabi nilang Mr. and Mrs. Esteban. Kapwa maganda ng mukha ng dalawa kahit na hindi nakangiti ’yong lalaki. Napatingin naman ako sa sunod na portrait na malamang at family picture nila. May kasama ng dalawang maliit na bata ang dalawa.  Kambal yata iyon at isang baby na tiyak kong babae dahil ang ganda ng suot nitong pink dress. “Siguro isa sa mga batang ’yan ang aalagaan ko,” nasa isip ko. “Narito na sila,” bulong sa akin ni Lovely at tumayo, kaya agad akong napatayo at kinabahan na napatingin sa tinitingnan ni Lovely. Napalunok ako nang makita ang matangkad na lalake na nakasuot ng formal suit habang tila hari ito na naglalakad at nakapulupot ang isang braso sa baywang ng magandang babae na medyo maliit sa kanya pero bagay na bagay sila. Sila ’yong nasa portrait! Nakangiti ang babae nang makita kami habang ang lalake ay seryoso lang. Napayuko naman ako at bigla akong pinangatugan ng tuhod dahil sa kaba. s**t! Nakakatakot si Sir! “Good Morning, Mister At Misis Esteban,” bati ni Lovely. “Siya na ba, Miss Delos reyes?” nakangiting tanong ng babae na alam ko na ako ang pinatutungkulan. Hindi ako makatingin dahil nakaka-intimidate sila lalo na ang asawa ng babae. “Yes, Ma’am. Siya po si Hera Vergara,” pakilala sa akin ni Lovely kaya sinikap ko na tumingin sa mga ito. “Magandang umaga ho,” bati ko at napayuko muli dahil tila ako tinitingnan ng asawa ni Ma’am nang may pagbabanta. Inakay ni Mister Esteban ang asawa niya para maupo sa sofa. Hinila naman ako ni Lovely para maupo muli. “Ilang taon ka na ba, hija?” nakangiting tanong ni Misis Esteban. “Twenty pa lang ho,” magalang na tugon ko at alanganing ngumiti. “Marunong ka naman siguro sa pag-aalaga at pagbabantay?” tanong muli nito. “Opo. Kaya ko naman po dahil may mga kapatid naman po ako na maliit na naaalagaan ko po nang maayos,” tugon kong muli. “Good. Sa iyo na namin ipagkakatiwala si JP. Medyo may karamdaman ngayon ang anak ko kaya sana ay palagi kang alerto at alalayan siya sa kung saan niya nais na magpunta. Sa iyo na rin namin ibibilin ang gamot niya,” sabi nito kaya tumango ako. “Ano ho ba ang karamdaman niya? Para ho maging aware ako.” tanong ko. “His left leg is not okay, that’s why he can’t used it. Kaya ikaw ang magiging mga paa niya,” sagot ni Mister Esteban na masyadong nakakakaba. “Ano raw?” bulong ko kay Lovely na ikinangiti nito at tila umabot sa pandinig ni Misis Esteban dahil napangiti rin ito. “Lumpo ang anak ko kaya hindi niya kayang tumayo nang hindi inaalalayan. Ayaw niya sa mga kinuha naming nurse na mag-aalaga sana sa kanya. Titingnan namin sa iyo kung uubra ka,” sabi ni Misis Esteban na kinalunok ko. Naku! Baka brat pa ang batang aalagaan ko kaya nasabi ni Mam ’yon. “Hayaan n’yo po, pagbubutihan ko po ang trabaho ko at aalagaan ko po ang anak n’yo. Mabubuhat ko naman po siya ’pag nais niyang magpabuhat,” sabi ko na ikinatingin ni Misis Esteban sa asawa niya na nakatingin sa akin habang tinitingnan ako kung seryoso ba ako sa sinasabi ko. “Ano ba ang akala mong edad ng anak ko?” tanong ni Ma’am. “Ah, mga . . .” Napatingin ako sa family picture at siguro isa sa mga kambal ang aalagaan ko . . . “Mga pitong taon po?” pagpapatuloy ko. Magsasalita pa sana si Ma’am nang makarinig kami ng paggulong ng isang bagay kaya napalingon kami. Merong elevator ang bahay nila! At lumabas doon ang naka-wheelchair na lalake na napakagwapo sa hilatsa pa lang ng mukha nito ngunit mukhang masungit. Teka! ’Wag nilang sabihin na ganyan kalaki na pala ang aalaga ko? “Yes,” sabi ni Mister Esteban kaya napatingin ako rito at napalunok dahil tila nabasa niya ang nasa isip ko. “JP, come here. I want you to meet your private nurse,” sabi ni Misis Esteban na tumayo habang nakangiti. Lumapit ’yong JP habang naka-wheelchair. Madali lang niyang nagagamit ang wheelchair dahil may button na nagpapaandar sa gulong ng wheelchair nito para makaabante. Nagkasalubong kami ng tingin at nakita ko ang malalim niyang pagtitig kaya napayuko ako. “Again, Mom? Tsk. I said I don’t need a nurse. I can take care of myself,” inglesero nitong sabi. “Anak, ’wag matigas ang ulo. Aalis kami ng ama mo at walang magbabantay sa iyo. Kaya sana ay ’wag ka nang tumanggi pa,” pakiusap ni Ma’am pero hindi pa rin ako makaangat ng tingin dahil ramdam ko ang mabibigat na tingin no’ng anak ni Ma’am na JP raw ang pangalan. Diyos ko! Akala ko bata ang aalagaan ko, batang damulag pala? “Tsk. Bahala na kayo,” masungit nitong sabi sa magulang niya at napansin ko na tumalikod na ito kaya napaangat na ako ng tingin. “I can’t believe na wala yata siyang masyadong reklamo ngayon?” nakangiting sabi ni Mam at tumingin sa akin. “Hija, pagpasensya mo na ang ugali niya ’pag inalagaan mo na siya nang mag-isa. Ganyan lang talaga si JP pero mabait naman ’yon,” baling nito sa akin kaya ngumiti lang ako nang alanganin at tiningnan muli ’yong JP na pumasok na sa elevator patungo sa taas. “Lord, handa na po,” singit ng isang lalake at halos atakihin ako sa puso nang makita kung ano ang sukbit-sukbit nito sa balikat. Isang malaking snipper gun! Alam ko iyon dahil nakikita ko noon sa telebisyon. “Okay . . . Miss Vergara, take care of my son. At lahat ng gusto niya ay sundin mo, maliwanag ba?” nakakasindak na bilin sa akin ni Mister Esteban na tumayo mula sa pagkakaupo sa sofa habang inaayos ang pagkakabutones ng suit nito. Tumayo ako at tumango rito. “Opo,” sagot ko nang hindi makatingin nang maayos dahil hihimatayin yata ako sa nakakasindak niyang tingin. Kasama na rin ang nakakasilaw niyang kagwapuhan. “Tinatakot mo naman siya, James. Kahit kailan ka talaga!” suway ni Ma’am kay Sir, at kita ko ang pagkurot niya sa tiyan ni Sir. “Anyway, good luck, hija. At sana ay matagalan mo ang anak naming,” baling sa akin ni Ma’am na nakangiti kaya ngumiti ako rito pabalik. “Let’s go,” aya ni Sir kay Ma’am at hinawakan nito sa baywang ang asawa para akayin na. Pagkaalis nila sa harap namin ay nakahinga na ako nang maluwag. “Hera, maiwan na kita. Simula na ng trabaho mo ngayon,” sabi ni Lovely at pipigilan ko pa sana siya nang maglakad na rin siya at iniwan na akong mag-isa sa sala. Napalunok ako sa kaba at ngayon ay hindi ko alam kung ano ang una kong gagawin? Saka walang contract? Hindi kaya ginogoyo lang ako ng mga ’yon? “Hey!” Napatingala ako sa taas at nakita ko si JP. Glass wall lang kasi ang pader kaya kita ko pa rin ito. “Follow me,” masungit nitong sabi at umalis na sa tapat ng pader kaya hindi ko na siya nakita pa.  Napabuntonghininga ako. Baka hindi ko matagalan na alagaan ito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD