Chapter 2

2091 Words
CHAPTER 2 Halos hindi mapakali ang mga staff at ibang empleyado sa loob ng Munisipyo nang mabalitaan nila na dumating ang Vice Mayor. Agad na nagkaroon ng kung anu-anong mga kuro-kuro, palitan ng opinyon, at tsismisan sa bawat grupo at departamento. "Ano kayang kailangan ni Vice kay Mayora? Ano sa tingin ninyo?" sabi ng isang babae na nagtatrabaho bilang isang kusinera sa Cafeteria ng Munisipyo. Isa siya sa mga abala ngayon para maghanda at magluto ng mga kakainin ng dalawang lider ng kanilang bayan. Biglaan ang anunsyo ng pagdating ng vice at ng kanyang partido kaya wala silang nailutong pagkain bukod sa kakainin ng mga normal na empleyado lang. Kahit halos mataranta na sa dami ng kanilang ginagawa sa loob ng kusina, hindi pa rin ito naging hadlang para pag-usapan ang mga nangyayari sa labas. "Naku, kung ano man 'yon sana naman ay makakabuti sa lahat. Kilala ko 'yan si Vice Arthur, puro kalokohan lang ang alam niyan gawin. Wala namang nagawa iyan sa bayan natin noong siya ang mayor," sagot ng isa pang babae na gaya ng unang nagsalita ay isa ring kusinera. Magkatabi sila at kapwa naggagayat ng mga rekado para sa ilulutong menudo. "Pero gaano ba 'yon kahalaga at napasugod pa siya rito? 'Diba nga dahil sa sama ng loob niya na natalo siya ni Mayora ay hindi siya tumutuntong dito sa Munisipyo, palaging walang tao riyan sa loob ng opisina niya. Maski mga ka-partido niya ay walang nagtatakang magpakita rito," singit pa ng isang babae na naka-toka naman sa paghuhugas ng mga gulay at karne. Kahit magkatalikod sila ng kanyang kausap ay hindi iyon naging hadlang para sumali siya sa usapan. "Bumanat ka na naman ng maling salitaan Lourdes! Paano ka naman nakasiguro na talagang hindi 'yon pumupunta rito? Nakikita mo ba? Saka saan ka nakakita ng vice mayor na wala rito sa Munisipyo?" tanong ng babae na ngayon ay nagluluto naman ng ibang ulam. Nasa kanyang niluluto ang mata niya pero ang atensyon at pandinig niya ay nakatuon sa mga nag-uusap. Sumagot ang isang babaeng naghihiwa ng mga sangkap na tinawag nitong Lourdes. "Aba, saan ba 'ko nagtatrabaho? Hindi ba't dito sa Munisipyo? Natural lang na makita ko ang mga taong pumapasok at lumalabas diyan sa pintuan. Mamamahiya ka na lang ng kapwa mo, 'di mo pa ginagamit ang utak mo." Agad na nagpanting ang kanyang tainga sa narinig, kaya pagkatapos niyang haluin ang nilulutong pakbet ay tumingin siya ng masama sa kausap. "Hoy, Lourdes! Mahiya ka nga sa bunganga mo, ano? Kung makapagsalita kang hindi ko ginagamit ang utak ko, akala mo naman ay ginagamit mo rin 'yang iyo! Ikaw nga itong hindi nag-iisip, palagi kang nasa kusina paano mo naman mababantayan ang kilos ng mga tao rito?" Ramdam na ng ilan pang kasama nila na nagkakapikunan na ang dalawa kaya may panibagong babae ang sumingit sa usapan, "Tama na nga 'yan, lalo lang tatagal ang trabaho natin kung mag-aaway pa kayo. Tapusin n'yo na agad ang pagluluto dahil maya-maya lang ay kakain na sila." Wala nang umimik pagkatapos noon, naisip din nilang may punto ang sinabi nito. Gaya ng kanilang narinig ay itinuon na nila ng husto ang kani-kanilang atensyon sa dapat nilang gawin. *** Nakasandal sa swivel chair si Callie habang kinakalikot ang cellphone niya. Kakatapos niya lang sabihan si Asia tungkol sa muling paghaharap nila ng kanyang bise. Bukod kay Jessie, tanging ang kanyang best friend lang ang nakakaalam ng mga ganitong bagay. Napabuntong hininga na lang siya nang mainip siya sa reply ng kaibigan, alam niya na kapag hindi agad ito sumagot ay abala na ito sa trabaho. Nakaupo naman sa tapat niya si Jessie, binabasa ang ilang papel na iniabot sa kanya ng sekretarya ni Vice Mayor kanina nang magkita sila sa baba. Kahit abala siya ay hindi niya maiwasang hindi mapatingin kay Mayora dahil sa pag-aalala, inasahan niyang puwede ngang mangyari ang ganitong paghaharap...pero hindi niya gusto na sa Cafeteria nila balak mag-usap tungkol sa bagay na dapat ay pinag-uusapan ng pribado. Tuluyan nang sumuko si Callie sa paghihintay sa magiging reply ni Asia sa kanya kaya naisip niyang ibaling na kay Jessie ang tingin niya. Bagot niya itong tinanong, "Kumusta? Tungkol ba saan ang papel na 'yan?" aniya. Muli, nasa mukha na naman ng sekretarya niya ang pag-aalala. Sumagot ito na para bang may delubyong darating sa kanilang bayan dahil sa kanyang nabasa. "Ma'am, binanggit ni Vice ang mungkahi niya tungkol sa kaso ni Baron Aquino—" "What?!" hindi makapaniwalang tanong ni Callie. Ang binanggit ni Jessie ay malayong-malayo sa inaasahan niyang rason kung bakit gusto siyang makausap ng partido ni Vice Mayor. Ang totoong rason kung bakit hindi na madalas ang pagkikita nila ay dahil nagkaroon na sila nu'ng una pa lang ng hindi pagkakaunawaan na dulot ng isang proposal ni Vice Mayor Arthur. Ang proposal niya noon ay ang magkaroon ng Mall malapit sa isang University dito sa kanilang bayan. Isang bagay na ayaw na ayaw ni Callie, ang katwiran ni Mayora kapag nangyari iyon...tiyak na magtutulak ito sa mga batang nag-aaral doon na imbes umuwi ng maaga para mag-aral o gawin ang kanilang mga homework...ibubuhos nila ang ilang oras nila sa paglalakwatsa roon. Maari ring maging rason iyon ng pagka-cutting ng mga estudyante. Nilinaw ni Vice Mayor Arthur na hindi iyon ang intensyon niya kung bakit doon niya balak magpatayo ng Mall. Bukod sa mga eestudyante, matao talaga ang lugar na iyon. Kung magdadagdag sila ng panibagong establisyimento roon ay tiyak na mas madaming taong walang trabaho ang matutulungan nito. Inintindi ng Mayora ang katwiran ng vice at nagbigay siya ng suhestiyon noon na maari naman 'yon ipatayo sa ibang lugar sa bayan nila na marami ring tao. Pero sa halip na tanggapin ang ideyang iyon, ikinasama pa ng loob ni Vice Mayor ang sinabi ni Callie. Mula noon ay hindi na muling kinausap ni Vice Mayor si Callie. Hindi na siya umimik pa dahil ayaw na niyang magkaroon pa ng mas mahabang diskusyon at baka saan pa mapunta ang maging usapan nila. Pero nu'ng nakaraang linggo lang, biglang nagparamdam ulit si Vice sa kanya at inaaya siyang magkaroon sila ng lunch meeting para sa isang importanteng usapin. Inisip ni Callie na maaring tungkol na naman ito sa proposal na iyon kaya palagi niya lang itong tinatanggihan. Pero ngayong iba ang naka-print sa papel na hawak ni Jessie, tila isa itong himala. Ipinabasa ng sekretarya kay Callie ang mga dokumentong hawak niya. At sa unang linya pa lang ng nabasa niya ay hindi na napigilan ng dalaga na maikuyom ang kamay niyang nakahawak sa papel na ito. "Ma'am, kumalma po kayo," ani Jessie at itinaas pa ang dalawang kamay niya para ipakita ang pagpapakalma niya kay Mayora. Naningkit ang mata ni Callie. "Sa ilang buwan naming paglabas pasok sa pinto ng Munisipyong ito na hindi nag-uusap, bigla na lang niya 'kong haharapin dala ang proposal na ito, tapos may gana pa siyang imbitahan akong kumain sa Cafeteria?! Gaano siya kabastos?!" hindi na niya mapigilang mapataas ng boses. "Hindi po natin siya masisisi, maaring kapag kinompronta n'yo siya tungkol sa bagay na 'yan ay ikatuwiran niya pa sa inyo na palagi kayong tumatanggi sa mga invitations niya, kaya para makapag-adjust sa schedule n'yo ay dito na lang niya kayo kakausapin. Ma'am, hindi po maganda kung maririnig iyon ng mga empleyado." Marahas na sumandal si Callie at agad na pumikit. "Hindi ko talaga kayang i-handle ang ugali niya," aniya. Hindi na lang niya binanggit ang tungkol sa Conference Room dahil hindi nga naman bagay pag-usapan sa loob 'non ang gaya ng laman ng papel na hawak niya. Ganoon pa man, walang nagawa ang dalaga kundi ang tumayo at pumunta sa Cafeteria nang maiparating na sa kanyang sekretarya na handa na ang lugar para sa kanilang pag-uusap. Napapailing na lang si Callie sa tuwing maiisip niya ang nangyayaring ito...hindi niya sukat akalain na magsasagawa talaga sila ng isang pag-uusap sa loob ng Cafeteria. Pagdating ng dalaga ay naabutan niyang nakaupo na ang Vice Mayor sa isang lamesa na halatang inayos ng mga kusinera. Wala nang ibang tao sa loob kundi ang dalawang grupo ng kanilang mga partido, nasa pintuan naman ng Cafeteria nakabantay ang ilang guard. Bukod ang inihandang lamesa para sa kanilang dalawa, medyo malayo ang lamesa ng iba sa kanila. Nang makalapit si Mayora sa mesa kung saan nakaupo si Vice Mayor ay agad itong tumayo para magbigay ng respeto at pagbati. Nakangiti ito nang ilahad niya ang kanyang kamay at tinanggap naman iyon ni Callie nang walang kahit anong emosyong ipinapakita. Pagkatapos ng kanilang kamayan ay sabay silang naupo. "Mayora, unang-una pasensya ka na kung dito tayo mag-uusap ngayon—" "Anong klaseng proposal iyon? Hindi ko akalain na ang isang gaya mo na respetadong tao at di hamak na mas madaming alam sa akin tungkol sa mundong ginagalawan natin ay magpapasa ng ganoong klaseng proposal. I'm sorry if I'll sound rude but, it's unbelievable." Napatulala ng ilang segundo si Vice Mayor dahil sa naging reaksyon ng kausap. Hindi niya inasahan na ganito siya kakausapin ni Callie. Buong akala niya ay magpapaka-propesyonal ito at pananatilihin ang kanyang postura bilang isang kagalang-galang na Ina ng Bayang ito. Idagdag pa na halos kalahati ng edad ng dalaga ang edad niya, para na silang mag-tatay kung tutuusin. Binawi ng vice mayor ang kanyang gulat gamit ang isang ngiti. Kalmado niyang sinagot ang kanyang kausap, "Mayora, calm down. Wala sanang personalan, trabaho lang," aniya. Naningkit ang mata ni Callie dahil halata niya ang sarkastiko nitong tono. "Kung trabaho lang ito, ano't gusto mong i-tolerate ko ang ginawa niya?" Ipinatong ng vice ang kanyang dalawang kamay sa mesa. "Wala akong sinabing ganyan. Ang gusto ko lang, magkaroon ka ng pantay na pagtingin sa dalawang panig." "Vice Mayor Arthur Aquino, naiintindihan kong pamangkin mo si Baron Aquino at gusto mo siyang matulungan sa kaso niya. Pero malinaw na hindi siya puwedeng ilipat ng selda dahil lang sa ganoong katwiran. Mabigat ang kaso niya at hindi naman siya kasama sa Witness Protection Program, kaya anong pumasok sa isip mo at gusto mo siyang magkaroon na lang ng House Arrest?" Pilit na ngumiti ang kausap niya. "Mayora, kagaya ng sabi mo, pamangkin ko siya. Hindi ko kayang tanggihan ang batang 'yon sa request niya sa akin. Lalo na't nakakahiya sa mga magulang niya, kapatid ko ang papa niya at hindi naman yata tama kung wala akong gawin para sa kanya bilang ako ay isang vice mayor. Tama naman ako, 'diba?" "Tama ka na puwede ka ngang gumawa ng paraan para mapagaan ang kaso ng pamangkin mo. Pero mali ang paraan na gusto mo. Vice Mayor, gusto mong magbigay ng isang imposibleng bagay para lang sa iisang tao? Ano 'yun, gusto mong magbuhay prinsipe ang taong dapat ay nagsisisi at nagbabayad ng kanyang kasalanan?" Hindi kaagad nakasagot si Vice Mayor. Alam niya namang alanganin talaga ang ilapit ang ganitong bagay kay Callie, pero wala siyang choice dahil siya ang may kapangyarihan sa bayang ito. Tanging salita niya lang ang susundin ng mga tao rito. Umiwas ng tingin ang may edad na lalaki. Nagsalita ito na para bang dismayado sa naging sagot ng kausap. "Mayora, lumalala na yata ang tampo ko sa 'yo." Ibinalik niya ang tingin niya sa dalaga saka muling nagsalita, "Noong una, hindi mo pinayagan ang request kong Mall na makakatulong naman sa mga nasasakupan natin. Ngayon naman na nakikiusap ako sa 'yo ng mahinahon para sa pamangkin ko ay hindi pa rin puwede? Bakit mo ba 'ko tinatrato ng ganito, Mayora?" Pinigilan ni Callie na makapagsalita pa ng hindi maganda. Hindi niya talaga lubos akalain na ganito ang pag-uugali ng kanyang vice mayor. Mahinahon niya itong sinagot, "Pasensya na po. Hindi ko intensyon na kontrahin ang mga gusto ninyo. Maniwala po sana kayo na nagiging pantay lang ang pagtingin ko sa lahat. Bilang mayor ng bayang ito, tinitimbang ko rin naman ang mga problema o proposal na idinudulog sa akin. Kung ano man po ang nagiging desisyon ko, sigurado naman po akong ito rin ang tiyak na magiging desisyon ng kahit na sino. Sana naman ay maintindihan n'yo po ang ibig kong sabihin, Vice Mayor." Tumayo ang kausap ni Callie na hindi manlang ginagalaw ang pagkaing nakahain para sa kanila. "Kung ganoon pala, babalik na lang ako sa opisina ko, Mayora." Akmang aalis na sana ito nang matigil ito dahil sa tanong ni Callie, "Vice, ayaw mo bang i-enjoy muna natin ang alok mong lunch meeting dito sa Cafeteria ng ating Munisipyo?" Hindi siya sinagot o nilingon manlang ng kausap. Tuloy-tuloy lang itong lumabas kasunod ang mga kasama niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD