Chapter 3

2073 Words
CHAPTER 3: KATRINA'S STORY Zeph's POV Hindi na kami nakaupo ni Tyron dahil nagsimula nang magkwento si Katrina. "Isa akong street fighter at kasali rin ako sa isang gang..." Hindi na kami nagulat doon, halata naman sa nangyari sa kanya. "Nagsimulang gumawa ng pangalan ang gang namin nang maisip ng founder ng grupo na tumaya ng konting pera sa sugal, pagkatapos manalo ay nagtuloy-tuloy na ito hanggang sa lumago ang konting pera na iyon. Hindi siya nakuntento sa sugal, sinubukan din niya ang pagbebenta ng drugs, lalo siyang yumaman dahil dito. Pagkatapos ng drugs, nadagdagan pa ang ilegal niyang negosyo at ginagamit niya na ang mga miyembro para dito. Hanggang sa naging kaaway na ng batas ang gang namin..." Napangiwi ako dahil sa kinukwento ni Katrina, hindi ko akalain na may mga Street Fighters pala na sumobra na ang kasamaan. Ngayon ko naintindihan na maliit nga lang ang nasasakupan kong teritoryo kumpara sa Pistol's Tribe. Pakiramdam ko nga ay para lang akong bata kung ikukumpara sa founder ng gang nila Katrina. Pero sabagay, hindi naman kami naging Street Fighter para gumawa ng ganoong klaseng ilegal na gawain. Gusto ko lang namin ito para sa impluwensya at kapangyarihan. "Nakilala kami ng batas dahil sa mga ilegal na gawain kaya imbes na Street Fighter ang itawag nila sa amin, tinawag nila kaming grupo ng sindikato. Lalong yumabang ang founder namin nu'ng nagkaroon siya ng kaibigang pulis na mataas ang posisyon para maging taga-takip ng mga ginagawa niyang ilegal sa harap ng batas. Umasenso ang grupo namin dahil dito, lalong dumami ang miyembro namin, ang dating maliit na gang ay naging isang makapangyarihang sindikato na." Halos hindi ako makapaniwala sa kinukwento ni Katrina, mas lalo akong napangiwi habang iniisip ko kung ako ang nasa sitwasyon niya, baka sarili ko na ang patayin ko dahil sa hindi ko makayanan ang ginagawa nila. "Nakakaya pa sana ng konsensya ko ang pagbebenta ng drugs, at paghahanap ng babae para ibenta sa mga ka-sosyo ng boss namin na foreigner na matindi ang tawag ng laman, pero hindi ko na ito nakayanan nang ako na ang natipuhan nila..." Biglang bumuhos ang luha ni Katrina, kitang-kita sa kanya ang pait ng kanyang sinapit. "Tumanggi ako, ayokong masira ang kinabukasan ko para lang sa pera. Hindi ako pumayag na pati ako ay ibenta ng boss namin. Napahiya siya sa mga foreigner na kausap niya, nasira ang usapan nila dahil sa ginawa kong pagtanggi. Kaya sa sobrang galit sa akin ng boss namin ay itiniwalag ako sa grupo." "Ang totoo, gusto niya akong patayin pero umalma ang mga naging kaibigan ko sa grupo na hindi na 'ko dapat patayin dahil mas maganda raw maranasan ko ang hirap kaysa mamatay. Kahit papaano ay niligtas nila ko, iniwan nila ko sa kalye kung saan mo 'ko nakita, Zephaniah." Napabuntong hininga ako nang matapos magkwento si Katrina. May itatanong sana ko pero naunahan ako ni Tyron magsalita, "Ano naman ang kinalaman namin sa nangyari sa 'yo? Bakit pati kami ginulo nila?" "Sa galit nila sa 'kin, dinamay nila kayo dahil tinulungan niyo 'ko. Patawarin niyo 'ko, huli na para balaan ko kayo dahil kilala na nila kayo, sana hindi niyo nalang ako tinulungan." Muling umiyak si Katrina, nakaramdam ako ng matinding awa sa sinapit niya kaya lumapit ako sa kanya at hinimas ang kanyang likod para patahanin sa pag-iyak. "Katrina, hindi naman kami nababahala ni Insan kung idadamay nila kami sa gulo mo, sanay na kami sa gulo dahil Street Fighters din kami gaya mo, kayang-kaya namin ang sarili namin. Na-stress lang talaga 'ko dahil naabutan kong gulo-gulo ang kwarto ko!" reklamo ni Tyron. Nagmumukha na siyang bakla sa ingay niya. "Hindi mo alam ang sinasabi mo! Sa tingin ko sa inyo ay mga bata pa kayo. Ang gang namin ay hindi basta-basta, hindi ito kagaya ng gang na nakakalaban niyo... seryoso ito, wala kayong laban sa simbolong armas nila." Kumunot naman ang noo ko sa pagbanggit niya ng simbolong armas, bakit niya nasabing wala kaming laban sa kanilang simbolong armas? Gaano ba kalakas ang gang na kinukwento ni Katrina? Talaga bang malawak na ang kanilang impluwensya? "Anong pangalan ng gang na 'yon, Katrina?" Tumingin sa akin ng diretso si Katrina, parang nag-aalangan kung sasabihin niya ba o hindi. Nakipaglaban ako ng titigan sa kanya, kaya napilitan din siyang sagutin ang tanong ko. Bumilis ang t***k ng puso ko dahil doon... "Pistol's Tribe..." *** "Insan, ano ngayon ang plano mo?" Hindi ko alam bakit niya pa ako tinatanong tungkol diyan, sigurado naman akong alam na niya 'yon, lalo pa ngayon na may impormasyon na 'kong hawak tungkol sa gang na 'yon. "Zeph, hindi pa rin tama kung maniniwala ka ng lubusan sa sinasabi ng Katrina na 'yan. Kasi baka sa halip na ikaw ang gumamit sa kanya, may iba na palang gumagamit sa kanya," makahulugang sambit ni Rizza. Pagka-galing namin sa Ospital ay tumuloy na kami sa bahay ni Rizza. Dito kami magpapalipas ng gabi ni Tyron habang gulo-gulo pa ang bahay naming mag-pinsan. Kinuwento na rin ni Tyron ang lahat ng nangyari kay Rizza, kung bakit kami biglang napasugod sa kanya. "Tama si Rizza my loves, baka nga patibong ito, alam mo namang nagkalat sa kalye ang mga may galit sa 'yo na sagad sa buto. May posibilidad na ginagamit nila ang paghahanap mo sa gang na 'yon laban sa iyo, sa halip na Pistol's Tribe ang sunod na mamatay, baka ikaw pa ang mapatay," pagsang-ayon naman ni Tyron sa sinabi ng girlfriend niya. "Naiintindihan ko kayo, pero sana maintindihan niyo rin ang gusto kong mangyari," pangangatwiran ko naman. Nandito kami sa sala ng bahay ni Rizza, nakaupo ako sa couch at nakapatong ang magkabilang siko ko sa aking tuhod habang ang kamay ko ay nakatakip sa aking ilong at bibig. Nananatili namang nakatayo si Tyron at Rizza sa harap ko, kapwa sila nakatingin sa 'kin, halata sa kanilang tingin na nag-aalala sila sa akin. Hindi lang kasi talaga 'ko mapakali dahil sa narinig ko mula kay Katrina. Hindi ko alam kung dahil ba ito sa mabilis ako magtiwala sa isang tao, o sadyang desperada na talaga kong labanan ang Pistol's Tribe kaya ganito ang epekto sa akin ng mga sinabi ni Katrina. Alin man don, hindi ko na binibigyan pa ng malalim na pansin, masyadong kinakain ng impormasyong narinig ko ang utak ko. Gusto ko na agad makaisip ng paraan para masugod ang gang na pumatay kay ate Tiffany, kating-kati na 'kong ibaon din sila sa hukay patay man o buhay. Tumabi na sa akin si Tyron saka ako inakbayan, pero magaan ang kanyang kamay sa aking likod na parang pinapakalma niya ako. Sa palagay ko ay naiintindihan niya ang nararamdaman ko ngayon dahil kapatid niya ang taong gusto kong ipaghiganti. "Insan, kung ano man ang iniisip mo, 'wag kang magda-dalawang isip na sabihin muna sa akin para naman mapag-usapan muna. Hindi ka dapat susugod agad doon dahil lang sa isang impormasyon na walang katiyakan," nasa boses ni Tyron ang pag-aalala, pero 'yung sinabi niya ay pumasok lang sa isang tenga ko at lumabas sa kabila. Hinarap ko si Tyron. "Bakit ba ganyan ka magsalita? Wala ka manlang bang balak na ipaghiganti si ate Tiffany?" "Naiintindihan ko kung ano ang nararamdaman mo at gaya mo gusto ko rin siya ipaghiganti, pero hindi sa ganitong paraan na buhay naman natin ang magiging kapalit. Pag-isipan natin ito ng mabuti, Zeph. Huwag tayo magpadalos-dalos." "Ano bang gusto mong gawin ko? Maghintay ng himala na mamamatay din silang lahat tapos okay na 'yon?" "Insan, huwag ka naman sana magpakain ulit sa galit mo." Hindi na 'ko umimik, hindi makakatulong sa amin kung mag-aaway pa kami ni Tyron. "Alam na ba ni Claude ang tungkol dito?" tanong naman ni Rizza, siguro para ibahin ang usapan. Nanatiling nakaupo sa tabi ko si Tyron pero nakabaling na ang tingin niya sa girlfriend niya. Napatingin din ako sa kanya. "Hindi pa..." sagot ko. Lumungkot ang mukha ko nang maalala ang mga sinabi niya sa akin nu'ng huli naming pag-uusap. "Pero baka wala rin naman siyang pakialam kahit sabihin ko." Bumuntong hininga muna si Rizza bago muling sumagot, "Kung ano ang nararamdaman namin ay tiyak 'kong ganoon din ang nararamdaman niya, kaya dapat lang siguro na malaman pa rin niya ang tungkol dito. Kami nang bahala ni Tyron na magsabi sa iba tungkol sa bagay na 'to, sa ngayon, mag-usap muna kayo ng torpe naming leader." Tumayo ako at napagpasyahang puntahan si Claude. Kahit may sama ako ng loob sa kanya, may punto naman si Rizza, mas mabuti na alam na rin niya ang balak ko. Sa isang taon naming magkakilala, sa isang lugar ko lang siya lagi nakikita at doon lang siya nagpupunta, hindi siya mahirap hagilapin dahil halos sa base na ng Dark Spade nakatira ang lalaking 'yon. Pagdating ko, naabutan ko ang ilang miyembro na nakatambay pa sa labas ng kanilang base. Tinanguan lang nila 'ko bilang pagbati sa akin, sinuklian ko naman sila ng tipid na ngiti. Pagpasok ko sa loob ay naabutan ko si Claude na naghahagis ng baraha sa dart board na parang ginawang dart ang kanyang baraha. Tinigil niya ang kanyang ginagawa at seryoso akong tinignan. "Anong masamang hangin ang nagpapunta sa 'yo rito? Ang akala ko kasi ay kinasusuklaman mo na ako ngayon." Hindi ko nalang pinansin ang drama niya, lumapit ako ng bahagya saka nagsalita, "May gusto akong sabihin sa 'yo." Hindi na nag-abala pang sumagot si Claude sa akin, bagkus ay napako na lang ang kanyang malamig na titig sa akin hudyat na puwede ko nang sabihin ang gusto kong sabihin. Kinuwento ko sa kanya ang lahat ng nangyari mula sa pagkakapulot ko kay Katrina hanggang sa sinabi niya sa akin, sinabi ko na rin ang balak ko tungkol sa nalaman ko. "Hindi magandang biro 'yan, Zephaniah," komento niya pagkatapos kong magsalita. "Hindi ako nagbibiro, totoo ito. At nagpapasalamat talaga 'ko dahil nakilala ko si Katrina," sagot ko. "Ilang beses ko bang ipapaintindi sa 'yo na hindi ganoon kadali ang gusto mo? Siguro naman, na-realize mo nang hindi basta-basta ang gang na 'yon dahil sa narinig mong kwento ng babaeng sinasabi mo!" irita na ang tono ng boses niya. "Hindi ako lumapit sa 'yo para magpa-pigil, at mas lalong hindi ko hinihingi ang tulong mo. Naisip ko lang kasi, nag-effort ka rin naman dito kaya ngayong tinalikuran mo na ang pangakong binitiwan mo sa akin noon, gusto ko lang sabihin na heto na... may iba na 'kong naisip na paraan kaya hahayaan na kita sa paniniwala mo, at hayaan mo na rin ako." Pagkasabi ko n'on ay tinalikuran ko na si Claude saka ako umalis sa base ng Dark Spade. Lalo lang sumama ang loob ko sa kanya, hindi manlang siya nagpakita kahit konting suporta lang, nakakapanghinayang lang talaga ang isang taong buhay ko na kasama siya, wala rin naman pala siyang kwenta. Bakit ko nga ba inabala pa ang sarili kong puntahan siya? Mabuti na lang talaga nakilala ko si Katrina, wala na sa akin kung umayaw na si Claude sa pagtulong sa akin, kahit papaano ay may impormasyon na ako tungkol sa Pistol's Tribe. *** Ilang araw ang nakalipas matapos kong tulungan si Katrina at madala sa ospital, naging abala kami ni Tyron sa pagpapa-ayos ng gulo-gulo at nasira naming mga gamit sa bahay, pinalitan na rin namin ang mga nabasag. Nang makalabas si Katrina sa ospital, sinabi ko sa kanya na puwede siyang pansamantalang tumira sa bahay namin ni Tyron, kahit papaano ay magiging ligtas siya doon, pero tinanggihan niya iyon dahil ayaw na raw niyang madagdagan pa ang gulo na idinulot niya sa aming mag-pinsan. Nang maisa-ayos na namin ang bahay, naging madalas na ako sa kuta ng Poison Blade para mag-isip ng mga hakbang hinggil sa plano kong pag lusob sa Pistol's Tribe. Minsan naman, nag-aaya ako ng sparring sa mga miyembro ng grupo, practice na rin nila ito kung sakaling masabak na naman kami sa gang war. Kailangan ko rin namang maging malakas na higit pa sa dating ako, para mas maging mahusay akong makipaglaban, hindi ako dapat matalo ng Pistol's Tribe. Sa pagkakataong ito, kailangan ko ring maging matatag ng doble o triple, kailangan kong maitago ang kahinaan ko nang sa gan'on ay hindi na maulit ang nangyari noon... huli na si Xenon na mamamatay, dahil ngayon ay gagawin ko ang lahat para mawakasan na ang labang ito nang makamit ko na ang tagumpay at hustisya na gusto ko sa pagkamatay ng mga mahal ko sa buhay.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD