Chapter 2

2140 Words
CHAPTER 2: NEW FRIEND? Zeph's POV Panay ang pagkuyom ko ng aking kamao dahil sa inis. Hindi ko pa rin makalimutan ang mga pinag-usapan namin ni Claude kanina, ang sinabi niyang tumigil na lang ako sa isang tabi at i-asa nalang kung kanino ang hustisya sa nangyari kay ate Tiffany. Ang mas masakit pa, parang gusto niya na mauwi sa wala ang lahat ng sinakripisyo ni Xenon. Patuloy ako sa paglalakad sa kawalan. Naghahanap ako ng puwedeng makaaway at mapagbuntunan ng inis ko, kagaya ng ginagawa ko noong wala pa kong sinasalihang gang. Bigla ko tuloy naalala 'yung araw na kinalaban ko ang lahat ng makita kong tambay sa kalye dahil sa badtrip ko kay Xenon—nu'ng akala ko na siya pa si Tyron na pinsan ko—iyon na ata ang huling beses na nakipag-away ako dahil sa badtrip. Nakaka-miss din pala ang mga ganoong pangyayari. Sa tuwing may maalala ako na pangyayari at nandoon sa kwentong iyon sina Xenon at ate Tiffany, naghahati ang ngiti at lungkot sa labi ko... ngiti kasi naalala ko 'yung pagkakataon na 'yon, at lungkot kasi hanggang alaala ko na lang sila makikita. Bahagya kong iniling ang ulo ko para hindi na makaalala pa ng mapait na nakaraan, nangako ako sa sarili ko na hindi na 'ko muling iiyak sa parehong dahilan. Dinala ako ng mga paa ko sa isang tahimik na park, walang tao rito at sa tingin ko ay napabayaan na kasi madumi ang paligid. Naupo ako sa isang upuan na hindi masyado ang dumi, tahimik akong sumandal saka pumikit. Gusto ko lang muna mag-relax at ipahinga ng sandali ang isip ko. Habang nakapikit, naramdaman ko na parang may tumulong tubig sa pisngi ko. Pagmulat ko, may tumulo ulit sa aking pisngi. Kumunot ang noo ko nang dumami ang tubig na pumatak, tumayo ako at agad na sumilong sa 'di kalayuang waiting shed dahil sa agarang pagbuhos ng ulan. "Tsk. Badtrip," mahina kong saad. Wala na 'kong nagawa kundi pagmasdan na lang ang daan na may umaagos na tubig dahil sa ulan, pero habang pinagmamasdan ko ito... biglang may nahagip ang mata ko sa kabilang daan lagpas sa park na pinanggalingan ko. Kumunot ang aking noo nang 'di ko ito masyadong maaninag dahil malakas na ang patak ng ulan. Nang makita ko ng maayos ay sigurado na akong tao nga ang nakikita ko, nakahandusay sa nasabing kalsada at basang-basa na dahil sa ulan. Nagdalawang isip ako kung susugod ba 'ko sa ulan at magpapakabasa para puntahan siya at suriin kung bakit siya nakahandusay sa daan o mananatili nalang sa kinatatayuan ko na walang pakialam sa kanya. Pero nasa ugali ko na rin yata ang pagiging maawain, napabuntong hininga na lang ako at napailing nang kusang gumalaw ang dalawang paa ko patakbo sa taong nakita ko. Paglapit ko sa kanya ay saka ko lang nakita na babae pala ang nakahandusay, pansin agad ang mga pasa sa kanyang mukha. May posibilidad na Street Fighter siya at nabugbog sa away. Hindi ko siya napansin kanina nu'ng nakaupo ako sa park, siguro dahil nakatalikod ako sa pwesto na ito kanina. Puwede ring humandusay siya dito nu'ng oras na nagsimulang bumuhos ang ulan at tumakbo ako sa waiting shed, kasi wala naman akong narinig na kung ano kanina nu'ng nakaupo ako. Agad ko siyang itinayo at inalalayang maglakad papunta sa waiting shed. Dahil sa babaeng ito, naisip kong tawagan si Tyron para magpasundo at para madala siya sa ospital. "Sino 'yang napulot mo?" nagtatakang tanong ni Tyron sa 'kin pagbaba niya ng kotse at pagharap sa 'kin. "Hindi ko kilala, nakita ko lang na nakahandusay sa kabilang kalye, hindi ko naman matiis na hindi tulungan," paliwanag ko. "At ano namang ginagawa mo rito?" muli niyang tanong. "Puwede bang tulungan mo na lang akong alalayan itong babae papasok sa kotse, para madala na sa Ospital?" pagtataray ko sa kanya. "Ito na nga, sabi ko nga." Agad naman niyang sinunod ang sinabi ko. Pagkadala namin sa kanya ay umuwi na kami ni Tyron. Saglit akong naligo at nagbihis ng tuyong damit, plano kong balikan ang babae para tingnan kung kumusta na siya. Sinamahan naman ako ulit ng pinsan ko, siya ang nagsilbing driver ko. Pagdating namin ng ospital ay naabutan ko pa ang doktor na gumamot sa babae na isinara ang pinto ng kanyang kwarto. "Kumusta siya?" iyon na agad ang tinanong ko. Ngumiti muna siya ng bahagya sa akin saka nagsalita, "Maayos na siya. Nagamot na ang mga sugat niya at nakainom na ng pain reliever, pahinga na lang ang kailangan niya. Kung gusto mo, puwede na rin siya makalabas." Tumango ako saka nagpasalamat sa doktor. "Bibisitahin ko siya," sabi ko kay Tyron. "Sige lang, insan. Hintayin na lang kita rito sa labas." Pagpasok ko sa kwarto ng babae, nakita kong nakaupo na siya at nakatanaw sa bintana. "Kumusta ka na?" iyon ang bungad ko sa kanya para mapukaw na rin ang atensyon niya. Kumunot ang kanyang noo pagtingin sa akin. "Ikaw ba ang nagdala sa akin dito?" mahinahon niyang tanong. Tumango ako. "Tinignan ko lang kung maayos ka na, aalis na rin ako." "Maraming salamat," nakangiti niyang sambit. Ngumiti din ako. "Wala ka ng problema sa babayaran dito sa Ospital, sabi rin ng doktor ay puwede ka na umuwi anomang oras. Kailangan mo na lang ay pahinga." Ngumiti nalang siya sa akin kaya tumalikod na 'ko para lumabas ng kwarto, pero may tinanong siya sa akin, "Anong pangalan mo?" Humarap ako sa kanya. "Zephaniah," sabi ko saka ngumiti. Hindi nawawala ang ngiti sa kanyang mukha. "Ako si Katrina, maraming salamat ulit sa pagtulong mo sa akin." Inabot niya sa akin ang kanyang kamay para makipag-shake hands, hindi naman ako tumanggi at pinagbigyan ko siya sa nais niya. Lalong lumapad ang kanyang ngiti, hindi ko alam kung dahil ba sa tinulungan ko siya kaya siya nakangiti sa 'kin o sadyang palangiti lang siyang tao. Ano man ang rason ay ramdam ko na natutuwa talaga siya sa ginawa kong pagtulong sa kanya. Ngumiti rin ako ng pilit saka tumalikod na sa kanya, pero parang gumagawa siya ng paraan para hindi muna 'ko umalis dahil nagsalita siya muli, "Street fighter ka, tama ba 'ko?" Tinignan ko siya ng diretso dahil sa tanong na iyon, nakipaglaban din siya ng titigan sa akin. "Aalis na 'ko, hindi mo na siguro kailangang malaman pa ang tungkol sa 'kin," sabi ko nalang. Hindi ko naman siguro kailangang ipalagay ang loob ko sa kanya dahil kakakilala ko lang sa kanya. "Sandali lang, Zephaniah, pakinggan mo muna 'ko. Alam kong malaki ang utang na loob ko sa 'yo dahil sa pagkakaligtas mo sa akin at alam kong sasama ang impresyon mo sa akin dahil dito, pero isipin mo na lang na bayad ito sa pagkakaligtas mo sa 'kin..." Kunot noo akong muling humarap sa kanya. Muli siyang nagsalita, "Ito na sana ang una at huling beses nating pagkikita, kung sakaling makasalubong mo ako sa daan o makita kung saan, magkunyari ka sanang hindi mo 'ko kilala. Malaki ang pagpapasalamat ko sa 'yo sa pagligtas sa 'kin, pero sana 'wag mo na tangkaing mag-krus pa ang landas natin, 'wag mo na rin sanang mababanggit kahit kanino ang pangalan ko o masabi na may babae kang tinulungan at dinala sa ospital. Kalimutan mo na rin sana na nakilala mo 'ko." "Ano bang sinasabi mo?" Hindi nawawala ang kunot sa aking noo, hindi ko maintindihan kung bakit siya nagsalita ng gan'on. Sa totoo lang, gagawin ko naman talaga ang sinabi niya kahit 'di niya sabihin kasi 'di naman siya importanteng tao para pagka-abalahan ko pang ikwento sa iba, pero bakit kailangan niya pang sabihin 'yon sa 'kin? Biglang nangilid ang luha sa kanyang mga mata at marahan niyang iniling ang kanyang ulo. "Sige, makakaalis ka na. Maraming salamat ulit," aniya saka humiga patalikod sa akin at nagtakip ng kumot. Hindi ko na siya inusisa pa, tahimik akong lumabas ng kwarto. Pagsara ko ng pinto at paglingon sa kaliwa ko ay nakita kong nakatayo na malapit sa akin si Tyron. "Kumusta siya, insan?" usisa niya sa akin. "Ayos na." "Sino ba siya?" "Sabi niya sa 'kin, Katrina raw ang pangalan niya. Bukod d'on ay wala na 'kong ibang inusisa pa," sabi ko at sumabay sa kanya sa paglalakad papunta sa elevator. "Hindi niya ba sinabi sa 'yo kung bakit siya bugbog sarado at nakahandusay sa kalye?" Umiling ako. "Hindi. Pero may nakakapagtaka siyang sinabi sa 'kin." Inaalala ko ang sinabi ng babae kanina. "Parang ayaw na niyang magkita kami ulit?" "Hindi kaya may mabigat na dahilan kaya siya nabugbog ng gan'on?" Hindi agad ako nakasagot kay Tyron dahil bumukas na ang elevator at lumabas na kami. "Wala na tayong pakialam pa doon. Pabayaan mo siya sa gusto niya, hindi naman natin siya kilala." Nagtuloy-tuloy kami ng lakad ni Tyron palabas ng ospital at diretso sa parking lot kung nasaan ang kotse niya. Wala na 'kong nadinig na sagot ni Tyron, tahimik na kaming dalawa hanggang makauwi kami. Ang bahay na tinitirhan namin ni Tyron ngayon ay bahay ng mga magulang ko, naisip ko na tirhan ulit ito nu'ng mapagdesisyunan namin ng pinsan ko na tumira sa iisang bahay, kami na lang kasi ang magkamag-anak sa mundo kaya ayaw na naming maghiwalay. Pagbukas ko ng pinto, nagulat na lang ako sa bumungad sa akin, gulo-gulo ang gamit sa loob ng bahay at ang iba ay sinadya pang sirain. "What the hell?" ani Tyron. Hindi na 'ko nagsalita pa, nauna akong pumasok sa bahay namin para libutin ang paligid. Nang makarating ako sa isang mesa malapit sa TV, may nakita akong nakaipit doon na sulat, kinuha ko ito para basahin. 'Pagsisisihan mo ang pagtulong mo sa kanya.' "May death threat ka na naman?" bungad na tanong sa akin ni Tyron nang mabasa niya ang sulat na hawak ko pa. Ngumisi nalang ako saka binato sa kung saan ang hawak kong sulat. Sanay na ko sa ganyan, ang daming may gustong pumatay sa 'kin pero hanggang ngayon buhay pa naman ako. "Palinis mo 'yan bukas, ah. Goodnight," paalam ko kay Tyron saka ako umakyat sa kwarto ko. Pero pag-bukas ko ng pinto ng kwarto ko, nabadtrip talaga 'ko... pati pala kwarto ko ginulo nila. Ano bang trip ng nagpadala ng sulat? Napukaw ang atensyon ko ng isang picture na nakadikit sa basag na full body mirror dito sa kwarto ko, parang binuhusan ng pulang tinta ang salamin at nadamay ang picture ng babaeng pamilyar sa akin... si Katrina. Kumunot ang noo ko, anong ibig sabihin nito? "Anak ng pitong pulgas naman, oh!" dinig kong reklamo ni Tyron, palagay ko ay galing ang sigaw niya sa kwarto niya. "Insan, pati ang kwarto ko ay pinagtripan nila—s**t?!" Tinignan ko nalang si Tyron dahil sa naging reaksyon niya pagsilip niya rito sa kwarto ko. "Tara sa syota mo, d'on tayo matulog. Naiirita 'ko sa itsura ng bahay." Lumabas na ako ng kwarto, nasira na ang mood ko dahil sa nakita kong itsura ng paligid. "Insan, bago tayo pumunta kay bebe Rizza my loves, may gusto sana 'kong daanan sandali." *** "Ba't tayo bumalik dito sa Ospital?" nagtatakang tanong ko kay Tyron. "Insan, sa ginawa ng mga 'yon sa bahay natin, 'di ako papayag na palagpasin lang ito. Pumunta tayo dito para awayin 'yang Katrina na 'yan, siya na nga tinulungan, siya pa 'tong nagdala ng gulo sa atin." Hindi na 'ko sumagot pa, sumunod na lang ako kay Tyron papunta sa kwarto ni Katrina. Habang naglalakad ay 'di ko maiwasang isipin ang mga sinabi sa 'kin ni Katrina kanina bago ko siya iwan, pati na rin ang pag-iyak niya bago ako itaboy. Tiyak na may kinalaman 'yon sa nangyari sa bahay namin. "Hoy, babae! Magpaliwanag ka nga sa 'min, sino ka ba? Bakit ka ba nabugbog? Alam mo, wala na sana kaming pakialam sa 'yo kasi natulungan ka na ng pinsan ko. Pero pag-uwi namin ng bahay, naabutan namin ang mga gamit namin na gulo-gulo at sinadyang sirain ng kung sino. At ang patunay na dahil 'yon sa 'yo ay itong picture mong iniwan nila sa kwarto ni Zeph!" Hinagis ni Tyron kay Katrina ang picture niya na nakadikit sa full body mirror sa kwarto ko. Hindi ko napansin na kinuha niya pala 'yon kanina. Hindi na 'ko umimik pa, humalukipkip na lang ako saka diretsong tumingin kay Katrina, naghihintay ng kanyang paliwanag. Muling nangilid ang luha ni Katrina, bakas sa kanyang mukha ang takot dahil sa sinabi ni Tyron. "Patawarin niyo 'ko, nadamay kayo sa gulo ko," aniya saka tuluyang umiyak. Napabuntong hininga na lang si Tyron, nakaramdam din siguro ng awa sa babae. Hindi ko napigilan ang sarili kong magsalita, "Ngayong kasali na kami sa sinasabi mong gulo, siguro naman karapatan na namin malaman kung ano ba talagang nangyari sa 'yo?" Pinunasan ni Katrina ang luha sa kanyang mata saka tumingin sa akin. "Sige. Sasabihin ko sa inyo ang totoo."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD