CHAPTER 1

1341 Words
"MAY IDEYA ka na ba sa kung paano mo tatapusin ang istorya mo?" Kumunot ang noo ko nang marinig ang tanong ni Irene. Bakit naman niya kaya tinatanong kung may ideya na ako, eh, hindi ba't sinusumite namin agad ang magiging daloy ng kwentong sinusulat namin bago ito ma-aprubahan ng mga editors? Tila nakakalimutan yata ni Irene ang patakaran dito sa Live Books Publishing House. Si Irene ay isa ring exclusive writer ng nasabing kumpanya. Tulad ko ay nagsusulat din siya para sa mga mambabasa sa online at sa libro. Dalawa kasi ang pinagsusulatan namin ni Irene. Mayroong online writing platform kung saan libreng nakakapagsulat ang isang manunulat at libreng nakakapagbasa naman ang mga mambabasa. At mayroon ding sa libro, kung saan hindi libreng nakakakuha ng kopya ang mga mambabasa. Kailangan nila itong bilhin sa mga book stores sa presyong nararapatan para sa libro. At mas maraming nagbabasa ng mga nasa libro. Paano kasi, madalas ay tipikal na love story lang ang pina-publish namin sa online writing platform. Iyon kasi ang ginagawa naming training base kung saan, makakakuha kami ng fanbase at mga sumusuporta na maaaring bumili ng libro namin kapag minahal nila kami. Ang mga nasa libro naman ay hindi na tipikal love story, romance iyon. Iyon bang hindi na focus sa pag-aaral ang mga bida at nagtatrabaho na. Kumbaga, mga matured na ang characters na ginagawa namin. Pumapatok naman sa mga mambabasa ang ganoon. Siyang kinagigiliwan ng halos lahat. "Bakit mo tinatanong?" balik tanong ko kay Irene, naroon pa rin ang pagtataka sa ekspresyon ko sa aking mukha. Nakita ko naman ang pag-aalinlangan sa mukha niya na mas lalo kong ipinagtaka. Ano ba talaga ang kailangan niya sa akin? Bakit kailangan niyang magtanong ng mga bagay na ganoon? It is so random. We are not even close. "I just wanna know," masungit niyang sagot. At siya pa ngayon ang may gana na magsungit. Napansin ko ang paglibot ni Irene ng paningin sa kabuuan ng aking sariling opisina. Kung hindi ako nagkakamali sa nakikita ko, para bang nakangisi siya at may pinaplanong hindi maganda. Si Irene, hindi siya mabait ngunit hindi pa naman siya gumagawa ng kahit anong bagay na pagtatalunan namin. Pero dahil hindi naman ako manhid at hindi naman ako inosente sa mundo, alam kong may lihim na galit siya sa akin. Hindi ko lang alam ang rason ng galit niya. O kung alam ko man, hindi ako sigurado kung iyon nga talaga ang rason. "Tapos ka na ba sa sinusulat mo?" muling tanong niya sa akin, hindi nagpapakita ng interes sa tanong na iyon. Para bang basta lang makapagtanong siya. Umiling ako bilang sagot. Dinagdagan ko pa ng salita. "Hindi pa." Hindi pa naman din ako tapos. Wala pa nga sa kalahati ng istorya ang nasusulat ko. Palibhasa kasi, mas mabilis siyang magsulat kaysa sa akin. Hindi ko nga alam kung paano niya nagagawang makapagsulat ng apat hanggang limang kabanata sa loob ng isang araw. Tapos ang word count pa ng isang kabanata niya ay umaabot hanggang limang libong mga salita. So, ang isang araw niya ay nasa twenty to twenty five thousand. Saan niya kinukuha ang kasipagan? Baka pwede ko naman malaman. Para matapos na at makaalis na siya, binalik ko sa pakay ng pagtungo rito ni Irene ang usapan. "Hindi ba't naipasa naman na natin ang plot summary sa mga editors? Nandoon na ang ending, ah?" tanong ko sa kaniya, naguguluhan pa rin ako pero pinararamdaman ko sa kaniya na sobrang random ng dahilan niya ng pagpunta rito. "Oo nga," turan niya "Oo nga," pag-uulit ko dahil talagang hindi ko maintindihan ang point ng pagtatanong niya. Eh hindi naman din siya bago sa publishing na ito. Mas matagal ako, oo, pero hindi naman malayo ang agwat namin. Imbes na sagutin niya ako dahil talagang naguguluhan ako, iniwanan niya lang ako nang may tanong sa aking isipan. Lumabas siya ng opisina ko at hindi man lang nag-abalang magpaalam. Minsan, hindi ko talaga maintindihan ang topak ni Irene. Kaya wala siyang kasundo sa mga kapwa namin writers dahil hindi namin maintindihan minsan ang likaw ng bituka niya. Hindi namin alam kung tinotopak o ano. Although, hindi naman siya nang-aaway, hindi rin naman siya masungit. Iyon nga lang, all of a sudden, bigla siyang magtatanong tapos iiwanan ka kapag naguluhan ka na sa kaniya. Iyong mga editors ang close niya. Kaya nga never na-reject ang mga pinapasa niya. Ganoon din naman ako, siyempre, bukod sa exclusive writer ako, alam ko naman ang kakayahan ko. Sa labindalawang taon kong pagsusulat. Marami na rin akong naranasan at napagtagumpayan. Huminga ako nang malalim at inunat ang aking katawan. Maging ang mga daliri ko ay aking pinatunog atsaka ganadong humarap sa aking laptop. Nagtipa ako nang nagtipa na para bang mauubusan ako ng letra. Ganadong-ganado akong magsulat ngayon. Sabayan pa ng hindi kalakasang tugtog ng mga official soundtrack ng kdrama na napapanood ko. Iyon kasi ang ginagawa kong libangan kapag wala akong maisip na scene or kapag naman nakakaranas ako ng tinatawag na writer's block— kung saan, kahit anong piga ang gawin ko sa utak ko, talagang wala akong maisip na ideya sa sunod na senaryo. Mayroon naman. Iyon nga lang, may mga oras na hirap akong ilapat sa salita ang mga senaryo sa isip ko. "Oh, can you love me like… can you love me like… can you love me like that?" pagsabay ko sa kantang kinahihiligan ko ngayon dahil katatapos ko lang din panoorin ang korean series kung saan soundtrack ang kantang ito. Napatingin ako sa word count ko at napangiti nang mapansin kung gaano kaganda ang mood ko ngayon. Umabot ng anim na libo iyon sa loob lang ng dalawang oras kong pagtitipa. Ilang saglit lang ay natapos ko na ang dalawang chapter ng kwentong sinusulat ko. Nang ma-save iyon sa mga documents ko ay in-off ko na ang laptop ko. Oras na kasi para umuwi. Hanggang alas-singko lang ang pasok ng mga writers dahil hanggang sa ganitong oras lang din naman bukas ang kumpanyang ito. Huminga ako nang malalim matapos iligpit ang mga gamit ko at inunat muli ang katawan. Pagkatapos ay pinatay ko na rin ang aircon bago tuluyang lumabas ng aking opisina bitbit ang maliit na handbag. Ni-lock ko iyon at binagtas na ang daan palabas sa department naming mga writers. Sa paglabas ko ay kunot na kunot na noo ng mga kasamahan ko ang nabungaran ko. Kapwa sila mukhang nalugi at kulang na lang ay bumagsak sila sa kinatatayuan ngayon. Bakit? Ano na naman kaya ang problema? Bigla ay kinabahan ako. Pare-pareho lang kaming nasa kumpanyang ito dahil sa mga istoryang sinusulat at inililimbag. Baka mayroong nangyari sa mga istorya namin. Agad kong binilisan ang lakad ko patungo sa kumpulan ng mga staff, writer at editor at nakinig nang mabuti sa pinag-uusapan nila. Ngunit nang makarating ako roon ay agad nilang ipinihit ang katawan nila paharap sa akin kaya naman, lalo akong nagtaka. "Bakit? Ano ang problema?" nagtatakang tanong ko. Mayamaya lang, lumabas mula sa kumpulan ng mga tao ang CEO ng kumpanyang pinagtatrabahuhan ko at mataman itong nakatingin sa akin. Tulad ko at ng mga kasamahan ko, isa ring manunulat ang babaeng nasa harap ko ngayon. Siya ang may-ari nitong Live Books Publishing House at siya rin ang nagpapatakbo. Nagsusulat din siya kahit papaano kaya naman, lalong sumisikat ang publishing na kinabibilangan ko. Dinaga ang puso ko sa kaba nang makita ang istrikta niyang mga mata. Nakatingin ito sa akin at hindi ko magawang salubungin ang kaniyang paningin. Napayuko ako nang disoras. "Mag-uusap tayo, Spicey," maawtoridad niyang saad kaya napaangat ako ng paningin. "Saan po? Ngayon na po ba?" "Ipapatawag na lang kita." Iyon lang ang sinabi niya at umalis na sa harap ko. Maging ang kumpulan ng mga tao ay nawala sa pag-alis ng CEO. Pero hindi nakatakas sa paningin ko ang mapanghusgang tingin ng mga kasama ko. Ang iba ay tila naaaawa at ang iba naman ay pawang gulat pa sa mga nalaman. Hindi ko maiwasang hindi mag-alala. Ano ang kanilang pinag-uusapan? Bakit ako ang kakausapin ni Miss Diana? Bakit ako?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD