CHAPTER 3

2210 Words
“HINDI na naman maganda ang resulta ng blind date mo no? Mukha kang stress Jena,” puna ni Aya sa kaniya nang lunch break na nila.  Isa si Aya sa masasabi niyang malapit na kaibigan niya sa opisinang iyon.  Office staff sila sa General Affairs Department ng pinakamalaking kumpanyang nagbebenta at nageexport ng mga furnitures sa bansa, ang Valencia Furnitures.           Napatingala siya rito at hindi kaagad nakasagot. Ang totoo kasi ay nawala na sa isip niya ang blind date niyang hindi naging maganda ang resulta. Buong weekend kasi ay isa lang ang gumugulo sa isip niya dahilan kaya kulang siya sa tulog at pakiramdam niya pagod siya – si Woody.           Kahit kasi anong gawin niya ay hindi pa rin niya makalimutan ang pakiramdam ng mga labi nito sa kaniya. Tila permanente na ring nakaguhit sa utak niya ang mukha at ngiti nito. Ilang beses ding sumagi sa isip niya, na paano kaya kung hinintay niya itong gumising? Nagkaroon kaya ng karugtong ang isang gabing pagsasama nila?           Marahas siyang napailing. Hindi siya dapat nag-iisip ng ganoon. Wala siyang dapat panghinayangan. Isa lamang itong estrangherong nakilala niya sa hindi inaasahang oras at nakasama niya ng isang gabi sa loob ng isang hotel room. “Ang weird mo talaga ngayon Jena. Pareho kayo ni Lettie,” muling puna ni Aya.           Kakasabi pa lamang nito niyon ay narinig na nilang pinagagalitan ng immediate boss nila ang kaibigan nilang si Lettie. Magkapanabay pa silang napalingon dito.  Nakayuko ito habang nakikinig sa sermon ng boss nila. Mukhang may nagawa na naman itong mali. Kanina pa kasi ito nagkakamali sa mga ginagawa nito. Naisip na lang niya na baka may pinoproblema na naman itong kung ano.           Nagkakila-kilala silang tatlo noong nag-aapply pa lamang sila sa Valencia Furnitures ilang buwan pa lamang ang nakararaan. Interview pa lamang ay nagdadaldalan na sila. At nang sinuwerteng natanggap silang tatlo ay laking tuwa nila. Mula noon ay naging malalapit na magkakaibigan na sila.           Nagbuga si Lettie nang hangin at lumapit sa kanila. “Okay ka lang ba Lettie?” tanong ni Aya dito.           Tumawa ito. Pero dahil hindi rin maganda ang mood niya ay napansin niyang pinipilit lang din nitong magmukhang okay. “Oo. Kaso pinag-o-overtime ako ni Ma’am mamaya. May pinapahanap na namang mga files sa data stock room. Parusa niya raw sa pagiging absent minded ko ngayon,” sabi nitong muling nagbuga ng hangin.           “E bakit nga ba kasi problemado ka na naman? Noong nakaraan mukha kang luka-luka kung makangisi tapos ganiyan ka na naman ngayon,” puna niya rito.           “Nagsalita ang hindi mukhang problemado,” pasaring ni Aya.           “Hindi ako problemado,” sagot na lang niya at tumayo na. “Gutom lang ako. Kain na nga tayo,” sabi na lamang niya.           Natawa si Aya. “Sige na nga pagbibigyan ko na ang palusot mo sa ngayon. Ikain mo na lang din ang problema mo Lettie,” sabi nito.           Magkakapanabay na silang lumabas ng opisina nila. Napabuntong hininga na lang siya. Dapat talaga maibalik na niya sa dati ang sarili niya. Si Woody ay isa lamang taong nakilala niya ng isang beses at malabong makita pang muli. Sayang lang ang effort niya sa pag-iisip dito.                     “LETTIE, mauna na ako ha,” paalam ni Jena sa kaibigan niya nang makapag-ligpit na siya ng gamit at napadaan siya sa cubicle nito. Oras na kasi ng uwian at kanina pa umalis ang mga tao sa opisina nila pati na rin si Aya dahil may lakad pa daw ito. Ngayon ay silang dalawa na lamang ni Lettie ang naroon. Mag-oovertime pa nga kasi ito. “Okay ka lang bang mag-isa dito o gusto mo mag-overtime na lang din ako?” tanong niya pa rito nang tumingala ito sa kaniya. Wala naman siyang gagawin na sa apartment niya kahit na umuwi siya ng maaga.           Ngumiti ito at umiling. “Okay lang. Mauna ka na sa akin Jena. Salamat.”           Gumanti siya ng ngiti dito at nakipagbeso rito bago siya tuluyang lumabas ng opisina nila.  Maging sa buong ground floor ay kaunti na lamang ang mga empleyadong nagpapalakad lakad, halos lahat ay pauwi na.           Nang mapadaan siya sa may elevator ay tiyempo namang tumunog iyon at bumukas. Usually ay hindi na niya sinusulyapan ang elevator kapag ganoong oras pero sa hindi niya mapaliwanag na dahil ay bigla siyang napalingon doon. Kumabog ang dibdib niya nang makita ang dalawang lalaki at isang babaeng umibis ng elevator. Agad niyang nakilala si Damon Valencia, ang presidente ng kumpanya nila. Ang babae naman ay nakilala niyang ang sekretarya nito na si Ms. Lanie.           Pero hindi lamang ang ubod ng guwapo at celebrity boss nila ang dahilan kung bakit napahinto siya sa paglalakad at napaawang ang mga labi habang nakatingin sa mga ito kung hindi dahil sa isa pang lalaking kasama ng mga ito. Hindi siya maaring magkamali – si Woody!           Kahit sa isip lamang niya ito tinawag ay tila narinig siya nito dahil bigla itong napalingon sa panig niya. Nagsalubong ang mga mata nila. Bumakas ang pagkagulat sa mga mata nito bago napalitan ng kung anong kislap na di niya mabigyan ng pangalan.           “So, I am looking forward to how you will help this company Woody,” narinig niyang sabi rito ng boss niya na huminto sa mismong tapat ng elevator.           Naalis ang tingin nito sa kaniya at bumaling sa nagsalita. Nakita niyang ngumiti ito at nakipagkamay pa sa presidente nila. “The pleasure is mine Mr. Valencia, or should I say boss?” pabiro pang sabi nito.           “You don’t have to be too formal. Call me Damon like you used to,” nakangiting sagot ng presidente nila.           Boss? Anong ibig sabihin ng nakikita niya? Magiging empleyado na rin ba ito sa Valencia Furnitures o dati na itong nagtatrabaho roon? At teka, kung empleyado rin ito doon… paano kung may sabihan itong nakasama na siya nito sa isang hotel room ng isang gabi? Marami pa namang chismosa sa kumpanya nila!           Sa naisip ay nakaramdam siya ng pagkataranta. Kaya nang muling bumaling sa kaniya si Woody at masalubong niya ang mga mata nito ay nag-iwas siya ng tingin at mabilis na lumakad palayo sa mga ito.           Nang nakalabas na siya ng building nila at nasa hintayan na siya ng taxi ay saka lamang siya nakahinga ng maluwag. Napabuga siya nang hangin dahil pigil niya ang pahinga niya kanina. Bakit ba kasi bigla na lamang niya itong nakita nang hindi siya prepared? Muntik na yata siyang atakehin sa puso.           “Tama ba ako ng pagkakaintindi na sinadya mo akong iwasan at layasan nang makita at makilala mo ako?” Napaigtad siya nang marinig ang pamilyar na boses na iyon malapit sa kaniya.           Marahas na napalingon siya. Napaatras siya nang makitang ilang pulgada lamang ang layo ng mukha ni Woody sa kaniya. Bahagyang nakakunot ang noo nito habang nakatingin sa kaniya. Napahawak siya sa dibdib niya sa sobrang gulat. Ni hindi niya namalayang sinundan siya nito.           “Para kang nakakita ng multo. Could it be that you are planning to forget all about me kaya umalis ka ng hindi nagpapaalam noong isang araw? At ngayong nagkita tayo ulit, balak mong magkunwaring hindi tayo magkakilala ganoon ba?” patuloy nito na bahagya pa ring nakakunot ang noo. He even leaned a little closer to her again making her catch her breath. Kahit ayaw niya ay natuon ang mga mata niya sa mamula-mulang mga labi nito. Muli ay naalala na naman niya ang paghalik nito sa kaniya nang hindi nito nalalaman. Lalo lang tuloy siyang nakaramdam ng nerbiyos.           Tumikhim siya upang kalmahin ang sarili at muling umatras para mapalayo rito. Itinaas niya ang noo upang hindi siya magmukhang nasisindak dito. “Anong sinasabi mong umiiwas? Nagmamadali lang ako dahil may date ako,” dahilan niya rito. Nang mukhang hahakbang na naman ito palapit sa kaniya at mabilis siyang nagsalita. “At pwede ba? Huwag kang lumapit sa akin ng sobrang lapit. It’s too much for comfort,” saway niya ritong sinamahan pa ng iritasyon ang tinig.           Huminto naman ito pero hindi pa rin inaalis ang tingin sa kaniya. “Why are you so cold? Para namang wala tayong pinagsamahan,” tila nanunumbat pang sabi nito.           Sasagot sana siya nang makita niyang may ilang empleyado na naglalakad palabas ng building ng Valencia Furnitures. Agad niyang namukhaan ang mga empleyadong iyon na madalas magchismisan sa cafeteria nila. Mukhang palapit din ang mga ito sa panig nila upang mag-abang ng masasakyan.           “Ako pa nga ang dapat na magkaganiyan dahil nagising na lang ako na wala ka. Even if we only spend a night together, it’s rude for you not to wake me up and say goodbye properly,” patuloy na pagsasalita ni Woody. Napasinghap siya at napatingin dito.           “Don’t speak in a way that will be misunderstood!” mahina ngunit mariing saway niya rito. Kung maririnig kasi ito ng iba ay parang may ginawa silang kung ano ng isang gabi. Muli siyang napasulyap sa likuran nito at nakita niyang ilang hakbang na lamang ang layo ng grupo ng empleyado sa kanila. Napaderetso siya ng tayo at bahagyang tumalikod dito. “Anyway, h-hindi na kita ginising noon kasi…masyadong mahimbing ang tulog mo at kailangan ko na talagang umalis. So about that, I’m sorry. It really was rude of me lalo pa’t tinulungan mo naman ako at hindi ako nakapagpasalamat ng maayos,” aniya rito sa mahina pa ring tinig.           Nang hindi ito sumagot ay napilitan siyang lingunin ito. Bahagya siyang napamaang nang makita niya ang malawak na ngiti sa mga labi nito habang nakatingin sa kaniya na para bang aliw na aliw ito.           Napatikhim siya. “Ngayong nasabi ko na sa iyo ang gusto kong sabihin okay na ha? From this moment on, kalimutan na natin ang nangyari. Hindi pa tayo nagkikita at hindi tayo magkakilala okay?” aniya rito.           Bahagyang nawala ang ngiti nito. “Why?” tanong nito.           Muli siyang napasulyap sa mga taong tuluyan nang nakarating sa panig nila. Nasalubong pa niya ang tingin ng isa sa mga iyon bago niya ito nahuling curious na sumulyap kay Woody na naipagpasalamat niyang nakatalikod sa mga ito. Mabilis niyang ibinalik ang tingin sa lalaking nasa harap niya na hindi pa rin inaalis ang tingin sa kaniya. Ni hindi niya maintindihan kung bakit nag-abala pa itong habulin siya at kausapin ng ganoon. For sure, hindi rin naman mahalaga rito ang isang gabing iyon.           “Basta. Besides, hindi naman iyon importante para alalahanin pa,” aniya rito. Magsasalita pa sana ito pero dahil nakakita na siya ng paparating na taxi na walang laman ay mabilis na niya iyong pinara. Pagkatapos ay hindi tumitingin ditong pumasok na siya roon.                Umaandar na ang sinasakyan niyang taxi nang hindi siya nakatiis at pasimpleng lumingon siya sa pinanggalingan niya. Bigla siyang nakaramdam ng guilt nang makitang nakatayo pa rin doon si Woody at tila nakasunod ng tingin sa sinasakyan niya. Pero agad din siyang umiling at umayos ng upo. Walang dahilan para ma-guilty siya. Nakapagpasalamat naman na siya rito. Pero bakit ba kasi nakasunod ang tingin niya kahit sa sinasakyan ko? Ang labo. Nagbuga na lamang siya ng hangin at pilit itong inalis sa isip niya.             NAPAHINGA nang malalim si Jena nang sa pagbukas niya ng pinto ng apartment niya ay katahimikan ang bumati sa kaniya. Mas maaga siyang umuwi kaysa karaniwan dahil ang totoo ay wala naman siyang date sa araw na iyon. Subalit ngayon iginagala niya ang paningin sa apartment niya ay bigla siyang nagsisi na hindi siya nakipagdate sa araw na iyon.           Pahagis niyang inilapag ang bag niya sa sofa at binuksan ang t.v para magkaroon ng ingay doon. Pagkatapos ay dumeretso siya sa kusina at kumuha ng maiinom. Nang makainom ay muli siyang napahinga ng malalim habang iginagala ang paningin sa paligid.           Noong bagong lipat siya sa apartment na iyon ay excited siya. Being independent is one of every woman’s dreams. At least iyon ang tingin niya noon. Pero habang lumilipas ang mga taon ay tila palaki ng palaki at patahimik ng patahimik ang lugar na iyon sa kaniya. Sometimes, it gets too suffocating she could not bear it. Dati hindi niya mabigyan ng pangalan ang pakiramdam na iyon pero lately ay alam na niya kung ano iyon. It was loneliness. Nakakahiya man iyong aminin pero iyon ang totoo. She’s getting lonely being alone.           Kaya kahit sa totoo lang ay ayaw naman niyang maging blind date queen na taguri ng mga kaibigan at office mate niya ay ginagawa pa rin niya iyon para mahanap ang lalaking makakasama niya at magpapaalis ng kalungkutang iyon. It might be pathetic for other people but it means a lot to someone like her who has been on her own for a very long time. “Kaya magpakita ka na sa akin, kung sino ka man,” frustrated na sabi niya. Sa hindi niya malamang dahilan ay bigla niyang naalala si Woody. Marahas siyang napailing. Ano bang pinag-iisip niya? Malabong si Woody iyon. Kahit saan niya tingnan ay hindi ito ang ideal man niya. He’s too good looking and too smart for her taste. At sigurado siya na malabo ring magkagusto ito sa kaniya kaya hindi siya dapat nag-iisip ng ganoon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD