Kabanata 4 – Ang Kakampi at ang Boyfriend

1680 Words
Hindi ko inaakalang darating sa ganitong punto. Kailangan kong pumili sa pagitan ni Jayden at ng mga babae, para bang pipili ako kung sino ang mananalo at matatalo. “Evan, kailangan mo nang bumalik.” Lumakas ang pagtulak ni Chelsea sa akin, umaasa siyang huwag akong madamay sa gulong ito. “May time limit ba ang task niyo?” Napaisip ako sa kinakabahan at nanginginig na kilos ni Chelsea. Umiling siya. “Walang binigay na time limit si King sa amin, pero kapag umalis si Jayden sa dorm, mabibigo kami sa task, kaya kailangan mo nang umalis ngayon. Isasara ko ang pinto pagkalabas mo para hindi rin makatakas si Jayden.” Nauunawaan ko na rin kung bakit naririto si Chelsea. Siya pala ang nagbabantay kung nakasara ba ang pinto ng dorm o hindi. Dahil sinabihan sila ni King na may darating na magnanakaw ng panty, gustong kumpirmahin ni Chelsea kung nakapasok na ba ito o hindi. “Dahil walang time limit…” Isang ideya ang pumasok sa isip ko, naunawaan ko na rin ang sitwasyon at nakahanap ako ng butas sa dalawang events. “Chelsea, anong ginagawa ng mga babae sa dorm ngayon?” “Hinihintay nila ang message ko. Kailangan ko lang sabihin sa kanila kung nakasara o nakabukas ba ang pinto. Pagkatapos, sila na mismo ang maghahanap sa magnanakaw.” “Nauunawaan ko na talaga.” Nasabik ako nang marinig ang sinabi niya. Mapapalagay na ako dahil makakaligtas si Jayden sa sitwasyon. “Padalhan mo sila ng message. Sabihan mo sila na huwag munang hulihin ang magnanakaw kapag nahanap nila ito.” “Bakit?” Tila ba nalilito si Chelsea sa sinabi ko. “Naalala mo ba ang harassment event kanina sa self-study class?” Namula ang pisngi ni Chelsea nang marinig niya ang tanong ko. Naging malinaw ang isip ko habang nagsasalita, “Sinabi ni King na ang layunin ng event ay pagsamantalahan ka. Pero paano ba kita pinagsamantalahan? Nahawakan lang naman kita nang sandali at hindi ko naman ito sinasadya, pero natapos ko pa rin ang task. Kung iisipin natin ang sitwasyon ngayon, nasa loob ako ng dorm niyo, nahuli mo ako, pero hindi natapos ang task niyo. Iyan ay dahil hindi ako magnanakaw na hinahanap niyo. Kung huhulihin niyo siya nang wala pa siyang nananakaw, kayo lang rin ang matatalo. Kung wala siyang hawak na panty, paano niya siya matatawag na magnanakaw ng panty? Pwede pa siyang maging bastos pero hindi magnanakaw.” Kinabahan si Chelsea nang marinig niya ang paliwanag ko pero nagsalita pa rin siya. “I-Ibig sabihin kailangan naming hintayin na magnakaw muna si Jayden ng panty?” “Oo!” Tumango ako. Naniniwala akong ito ang butas sa dalawang task ni King. “Kung susundan ang lohikang ito, kapag nahawakan ni Jayden ang isang panty, gaya ng aksidente kong paghaplos sa iyo, sigurado akong magawawagi rin siya. Pagkatapos nito, saka niyo siya huhulihin. Sa pagkakataong ito, panalo ang lahat. Wala sa inyo ang makakaranas ng penalty ni King.” Hindi naman ibig sabihin na hindi mapaparusahan ng eskwelahan si Jayden para sa pagpuslit sa dorm ng mga babae para magnakaw ng panty… pero ibang kuwento naman iyon. “Pwede ba nating gawin ang sinasabi mo?” Tuwang-tuwa si Chelsea. Mukhang ayaw niya ring magdusa si Jayden sa kamay ni King. “Pwede naman nating subukan. Sabihan mo na ang mga babae na huwag magmadali.” Habang pumipindot si Chelsea sa kanyang cellphone para sabihan ang mga kasamahan niya, sinusubukan ko ring kontakin si Jayden. Sa totoo lang, hindi ako kampante sa hula ko. Hindi rin naman ako sigurado kung ano talaga ang task nila Chelsea. Kailangan ba nilang hulihin ang magnanakaw ng panty, o dapat nila itong pigilan na magnakaw sa kanila? Kahit ano pa man ang mangyari, kailangan pa rin naming subukan. Tinanong ko si Jayden kung nakakuha na ba siya ng isang panty. Agad siyang tumugon na binigyan na siya ni King ng premyo, pero wala pa siyang gana na umalis. Dahil nasa dorm na rin siya ng mga babae, mas mabuti siguro kung dadagdagan niya pa ang mga nanakawin niyang panty. Iyan ang iniisip ni Jayden. Agad na nanlamig ang pawis ko at nanginig ako. Talagang gustong magpakamatay ng lalaking ito. Kung umalis na lang sana siya agad, hindi na sana kami magkakasalubong ni Chelsea at hindi sana kailangang dumating sa punto na pipili ako sa dalawang panig. Minumura ko si Jayden sa isip ko. Ganoon pa man, hinarap ko si Chelsea. “Natapos na si Jayden sa task niya. Oras na para hulihin niyo siya.” “Talaga ba?” Tuwang-tuwa si Chelsea. “Evan, bakit ba hindi ko naisip kahit kailangan na matalino ka pala?” Ibig sabihin ba inisip mong tanga ako? Umasim ang pakiramdam ko sa komento niya. “Evan, um, sa tingin ko…” Nagbago ang boses ni Chelsea. Nag-aalangan siya at nauutal siya nang kaunti. “Ano?” Kakaiba na naman ang kilos ni Chelsea. Syempre, hindi naman ako naniniwalang aamin siya sa akin. Noong freshman year, magkaiba kami ng klase, pero pagdating ng sophomore, hanggang ngayon sa senior year, si Chelsea ang katabi ko. Pero, lahat ng interaksyon namin ay saglit at simple lang. Hindi kami lumalagpas sa pagiging magkaklase. “Sino naman ang nakakaalam kung kailan ulit magkakaroon ng mga ganitong klase ng sitwasyon sa hinaharap? Kaya sa tingin ko, dapat maging magkakampi tayo. Kapag may nangyari sa susunod, pwede tayong magtulungan gaya ngayon. Ano sa tingin mo?” Nang marinig ko ang alok ni Chelsea, tumango lang ako nang hindi nag-aalangan. Sa tingin ko wala naman itong dalang pahamak sa akin. “Mabuti naman pumayag ka.” Itinulak ako ni Chelsea palabas ng pinto habang nakangiti. Sumunod, inilabas niya ang sinulid mula sa kanyang bulsa at inikot niya ito nang ilang beses sa lamat ng nakasarang pinto. Mukhang matagal pa bago ito magbubukas. Nginitian niya ulit ako sa lamat ng pinto saka siya kumaway para magpaalam. Napabuntong hininga na lamang ako at binilisan ko ang paglalakad paalis ng dorm ng mga babae. Habang naglalakad, pinadalhan ko si Jayden ng message na may nakita akong tao sa dorm kaya dapat niya nang bilisan. Nang makarating ako sa dorm namin, doon na nagkaroon ng malaking komosyon sa panig ng mga babae. May nangyayaring kababalaghan doon. Malakas ang kanilang mga sigaw at sapat na ito para magising ang mga patay. Nagmumula ito sa grupong nakahuli sa magnanakaw ng panty. Para bang naging circus ang buong dorm ng mga babae, nagsisitakbuhan ang lahat kung saan-saan at sinusubukan nilang hulihin ang bastos na lalaki. Nang magbukas ang ilaw ng dorm, malinaw sa lahat na nagising na rin ang lady guard dahil sa komosyon. Habang nakahiga sa kama ko, natanggap ko ang message ni Chelsea. Nahuli nila si Jayden at nakumpleto nila ang task. Nagpadala pa siya ng iilang mga larawan kung saan nasa gitna si Jayden habang nakaluhod at hawak ng mga babaeng nakahuli sa kanya. Pinapalibitan siya ng mga ito. Isang patunay na siya nga talaga ang magnanakaw. Bastos naman talaga si Jayden, pero hindi ko lang pinansin ang ugali niyang ito. Ngayon, mukhang kinakarma na talaga siya. Itinabi ko ang cellphone ko at nagpahinga na ako. Hindi ako nagdududa kay Jayden. Siguradong hindi niya ako isusumbong lalo na’t ilang taon na ring kaming magkaibigan. May tiwala ako sa kanya sa ganitong aspeto. Pagkagising ko sa umaga, kumalat na sa buong dorm namin ang pag-atakeng ginawa ni Jayden kagabi. May iilang mga lalaki na pinagtatawanan siya, pero may iilan ring pinupuri siya bilang bayani ng kalalakihan. Kung itatanong niyo, kumusta naman ang mahal nating bayani? Narinig ko ang ilang mga usapan na binugbog siya ng security buong gabi sa opisina nito. Samantala, nagpatuloy na ako sa buhay ko. Pagkatapos kong mag-ehersisyo nang kaunti, naalis na rin ang antok sa sistema ko. Bumili ako ng dalawang plato ng agahan at dumiretso ako sa guard’s office malapit sa gate ng eskwelahan. Nang papalapit na ako, dumaan ang maraming kotse sa tabi ko. Tumigil ang mga kotse sa tapat ng faculty. Nang magbukas ang pinto, bumaba ang mga nagsisiiyakang babae at mga lalaking may dalang baseball bats. Sumipol ang guard para magtawag ng backup nang makita ang mga bisita. Pupusta ako na ito ang mga miyembro ng pamilya ni Blake, hindi nga lang ako sigurado kung ito ba ang tunay o ito ba ang gang family niya. Ayon sa mga pulis, suicide ang nangyari sa pagkamatay ni Blake, pero hindi ibig sabihin na maniniwala ang mga kamag-anak niya rito. Sa nakikita ko ngayon, halata namang naririto sila para maghanap ng gulo. “Pumunta sila rito para huthutan ang eskwelahan natin. Sigurado ako diyan.” Lumabas si Jayden ng guard’s office. Namumula at namamaga ang kanyang katawan. Halata namang pinagsusuntok at pinaghahampas siya ng mga babae nang mahuli siya ng mga ito. “Pinakawalan ka lang nila?” Nakakatawa ang itsura ni Jayden sa akin. “Ang headmaster ang nagpakawala sa akin. Hindi mo ba alam na magkamag-anak kami ng headmaster? Kung ibang araw ito, o kaya gabi, kapag pumuslit ako sa dorm ng mga babae, sigurado akong pupugutan ako ng ulo ng headmaster. Pero, dahil may inaasikaso pa silang problema tungkol kay Blake, pinagalitan niya lang ako at pinakawalan na rin agad ako ng guards.” Ngumiti si Jayden na para bang nagyayabang pa siya, hindi niya man lang inisip kung bakit umalis na lang ako sa misyon kagabi. “Nakakamangha ang nangyari kagabi, kaya lang masakit ang katawan ko. Pero, ayos lang. Bawat marka sa katawan ko ay simbolo ng p*********i ko. Isa itong badge of honor. Hindi mo maiisip kung anong saya ang naramdaman ko kagabi,” ngumisi si Jayden. “Alam mo bang mas marami pang sumubok na pumuslit kagabi pero hindi sila nagtagumpay? Nahuli sila ng guards.” Syempre, hindi ko alam. Umiling na lang ako at naghintay ako ng dagdag niyang paliwanag. Ngumisi ulit si Jayden. “Ganito na lang. Matagal mo nang katabi si Chelsea, pero alam mo bang may boyfriend siya? Alam mo na ba kung sino ang susugod sa iyo pagkatapos ng ginawa mo sa kanya kagabi?”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD