Chapter 3

2722 Words
CHAPTER 3: KARL CHRISTIAN DE GUZMAN Zeta's POV Namamawis na ang kamay ko dahil sa kaba, bakit ba kasi ako ang na-assign dito?! Minsan naiisip ko na lang na pinag-trip-an din ako ng mga kasama ko nang hindi ko namamalayan! [Wala tayong choice kundi subukan ang naiisip mong code, ako na bahala gumawa ng paraan kung sakaling mali ang code na mailagay mo,] seryosong sambit ni Zyx. Ito ang problema na isang magandang halimbawa sa paalala ko kay Wren at Cahil kanina. Nakakatawa lang isipin na ang lakas ng loob kong magsalita ng ganoon sa kanila tapos ako pala ang makakaranas ng problema ngayon. Siguro ang ikatutuwa ko na lang mangyari ngayon ay huwag sanang maalala ni Wren ang sinabi ko kanina dahil may bago na naman siyang ipang-aasar sa akin kapag nagkataon. Ang bilis ng t***k ng puso ko, ayokong pumalpak, wala na akong oras para paghanapin pa si Zyx ng ibang pangalan ng pabango. Ilang sandali na lang ay makakarating na ang target dito, hindi ko alam kung nakatunog ba siyang may ibang tao rito sa kwarto niya para pagnakawan siya o sadyang swerte lang siya na puwede niyang mahuli ang kalokohan ko. Pero hindi na importante iyon, bakit ba iyon ang iniisip ko ngayon?! Mas dapat kong pagtuunan ng pansin ang problemang nasa harapan ko ngayon, lalo na't isa lang ang hint na mayroon kami. Kahit nag-aalinlangan, pinindot ko ang 1987. Ilang segundo lang 'yon pero sobra akong kinabahan... sana lang ay hindi pa ito ang katapusan ng lahat, ayokong pagsisisihan ang sinabi ko kanina na oras lang ang kailangan para gawin ang misyong ito dahil lang sa propesyonal na kami sa pagnanakaw. Nakalimutan kong paalalahanan ang sarili ko na kahit propesyonal ay nagkakamali. Biglang bumukas ang pinto ng vault, kulang na lang ay tumalon at sumigaw ako sa tuwa dahil tama ang hula ko, hindi ko lang nagawa dahil hindi ito ang oras para ro'n... mas kailangan kong magmadali ngayon dahil nasa bingit pa rin ako ng chance na pumalpak kapag naabutan ako ng target dito. Bumungad sa akin ang loob ng vault na punong-puno ng pera, mabilis kong isinilid sa dala kong bag ang lahat ng pera, napuno ito at may naiwan pa, kahit gusto kong ubusin ang laman ay wala akong choice kundi iwan ang mga iyon dahil sa pagmamadali ko. Sana pala ay mas malaking bag ang dinala ko, kung alam ko lang na ganito karami ang ilalaman ko. "Nakuha ko na ang jackpot, kaso may naiwan kasi 'di na kasya sa bag. Kumusta ang target?" sabi ko habang sinasara ko ang pinto ng vault, pagkasara ko ay kusa itong bumalik sa dati. Wala nang ibang laman ang isip ko ngayon kundi ang makatiyak na makakalabas ako ng buhay dito, gusto ko pang manakal ng mga kasama kaya dapat akong makalabas dito sa lalong madaling panahon. [Hindi na kami magkasama, pabalik na siya ng building,] dinig kong sagot ni Wren. Hindi ko alam kung matutuwa ba ako sa sinabi niyang iyon, nag-update nga siya ng kalagayan ng target pero ibig naman sabihin ng sinabi niya ay nasa panganib na talaga ako. Lalo akong namo-motivate na manakit ng kasama! [Zeta, mahaba pa naman oras, lumabas ka na diyan, bilisan mo!] sabi naman ni Zyx. Hindi ko manlang magawang magreklamo, masyado akogn focus sa pag-iingat na huwag ako makaiwan ng bakas sa dinadanan ko. Madaming bagay pa sana akong gustong kunin sa paligid ng bahay dahil ang dami kong nakikitang mamahalin, pero kapag ginawa ko iyon ay lalo akong mapapahamak. Saka isa pa, hindi na rin talaga kasya sa dala kong bag. [Sandali, may problema tayo,] singit ni Cahil, [May grupo ng mga estudyante na nakatambay dito sa harap ng unit 1512, nag-do-door bell sila sa unit pero walang nagbubukas, at ang bad news, nadinig kong sinabi ng isa sa kanila na maghihintay sila na dumating 'yung may-ari ng unit.] Lalo akong nataranta nang marinig ko iyon, maniniwala na ba ako sa karma? Pero sabagay, hindi lang naman ito ang unang beses na nagkaroon kami ng mga problemang gaya nito. Kaya lang, kahit pa sanay na ako sa ganito ay hindi pa rin madaling kumalma. "Kapag sinuswerte ka nga naman, oh." Nagpalinga-linga ako sa kabuuan ng bahay, naghahanap ng puwedeng lusutan. Pumunta ako sa bintana, napangiti ako dahil sa naiisip kong paraan para makatakas. "Zyx, gaano katagal bago makarating si Karl sa unit niya?" [Five minutes, bakit?] aniya. Hindi ko na siya sinagot, binuksan ko na kasi ang bintana. "Wren, nasan ka?" tanong kong muli. [Tapat ng Café, bakit?] "Tumingala ka, may babagsak na biyaya galing sa langit," nakangisi kong sagot. Pagtingin ko sa baba ay nakita kong may kumaway sa akin, tiyak kong si Wren 'yon, agad kong binitiwan ang bag. [Zeta, hindi magandang biro 'yan,] dinig kong saway sa akin ni Zyx. "Hindi ako nagbibiro, Kuya Zyx." [Huwag mo nga 'kong tawagin ng ganyan sa ganitong sitwasyon, kinakabahan ako sayo!] "Relax, Zyx." Bakas sa aking mukha ang excitement. [Zeta, nandito na ang target, kumusta ka diyan?] singit ni Cahil. "Sabihin mo, welcome back." [ZETA!] Oops, galit na si kuya. Kasabay ng sigaw ni Zyx, ang pagbukas ng pinto ng unit ni Karl. "Aaaah!" sigaw ko. "Oh my God! Anong ginagawa mo, miss?" gulat na tanong ni Karl sa akin. Ano nga ba ang ginagawa ko? Nakita ko kasi na puwede kong apakan ang espasyo ng disensyo sa baba ng bintana ng bawat unit, kaya habang inaasar ko si Zyx kanina ay nag-suot ako ng panibagong disguise—mabuti na lang talaga at may isa pa akong dala bukod sa suot ko kanina pag-akyat ko rito, kapag sinuswerte ka nga naman, nakaisip na 'ko ng way para makatakas. Lamang ang girl scout. "Sawa na 'ko sa buhay ko, lagi na lang akong iniiwan, ayoko na mabuhay!" nasa tono ng boses ko na parang hurt na hurt ako at malapit nang umiyak. Galing ko umarte, mag-artista kaya ko? "Miss, hindi ko alam kung paano ka nakarating diyan o kung paano ka nakaabot sa tapat ng unit ko, pero puwede bumaba ka diyan? Hindi maganda 'yang naiisip mo, hindi solusyon ang pagpapakamatay." "Anong solusyon sa kagaya ko? Sige nga?!" naks, Zeta. Broken 'yan? "Miss, kung iniwan ka, madaming lalaki sa paligid, puwede ka pang makatagpo ng kasing guwapo ko, kaya puwede bumaba ka na riyan?" Tumingin ako sa kanya, gusto kong matawa kasi 'yung mukha niya concern na concern talaga sa 'kin, hindi niya alam ninakawan ko siya. At legit, guwapo nga siya. Inalok niya rin ang kamay niya bilang pag-aya sa akin na bumaba na. "Sa tingin mo, may magmamahal pa talaga sa akin?" tanong ko, malungkot pa rin ang boses ko. "Oo naman, maganda ka, sayang kung mawawala 'yan." Ngumiti ako sa kay Karl para ipakita na nakumbinsi niya ako sa sinabi niya. "Halika na," aniya. Binaling ko sandali ang tingin ko sa ibaba para i-check si Wren doon, hindi ko na siya tanaw kaya I assume na ligtas na ang jackpot namin. Inabot ko ang kamay niya at inalalayan niya akong pumasok sa unit niya, "Sa 'yo ba itong unit na ito?" inosente kong tanong. Grabe, galing mo talaga, girl! I love me. "Oo, paano ka nakapunta sa tapat ng unit ko?" kunot noo niyang tanong. Yumuko ako, kainis hindi ko ito napag-isipan, mag-isip ka ng palusot, Zeta! [Sabihin mo, sa floor na 'yan nakatira ang ex mo, nagmakaawa kang makipagbalikan siya sa 'yo pero hindi ka niya tinanggap, paalis ka na sana pero nakita mo 'yung fire exit, naisipan mong magpakamatay kaya tinawid mo 'yung pader, hindi lang sinasadya na sa tapat ng unit na 'yan ikaw nahinto,] Sinabi ko kay Karl ang nadinig kong sinabi ni Zyx, palagay ko ay napaniwala ko naman siya. Bago ko gawin ang eksenang ito, sinigurado kong nai-lock ko mula sa loob ang bintana para 'di ako paghinalaan na ako ang nagnakaw sa pera niya. Engot lang ako minsan pero nag-iisip din ako 'no. Sinamahan ako ni Karl pababa, hinatid niya ako hanggang lobby at nagprisinta pa siya na ihahatid niya ako hanggang sa bahay pero tumanggi ko, sinabi ko na kaya ko namang umuwi mag-isa at tiniyak na 'di ko na uulitin ang ginawa ko. Grabe na kakapalan ng mukha ko kapag tinanggap ko pa ang offer na 'yun. Itinawag na lang niya ako ng taxi, kasalukuyan akong nag-iisip ng rason para 'di sumakay, pero buti nalang maagap si Wren, siya driver ng taxi na pinara ni Karl. Nang makasakay ako sa taxi at makalayo sa Condo, halos sabay-sabay kaming apat na nagsalita... "Mission accomplished." *** Kinagabihan, ibinalita ang nangyaring nakawan sa unit ni Karl Christian de Guzman. Wala siyang itinuro na suspek sa pagnanakaw, ayon sa kanya nu'ng in-interview siya, mahigpit ang pagkakatago niya sa pera kaya tiyak niyang hindi lang isang tao ang puwedeng may gawa nito, at sigurado raw siya na makukulong ang mga 'di umanong salarin. Pasensya na lang siya kasi ang mga salarin ay hindi makukulong, kahit pagbintangan niya ang babaeng nagtangkang magpakamatay sa bintana ng unit niya ay wala silang mapapala doon—hindi ko nga sure kung nag-e-exist ba dito sa earth ang mukha ng disguise ko, eh. Hindi kami nagpapakita sa target gamit ang totoo naming mukha, nagsusuot kami palagi ng mask na ibang mukha at wig para kahit mga kapitbahay namin hindi kami paghinalaan. Hindi rin kami tipo ng magnanakaw na OA kung gumastos pagkatapos magnakaw, hanggang sa sarili naming buhay ay maingat kami sa paggastos sa nakuha naming pera pagkatapos namin itong pagparte-partehin, tipong simpleng tao lang din ang peg para ligtas sa chismis. At hindi namin inaaraw-araw ang kalokohan namin, nagpapahinga kami ng ilang araw o linggo pagkatapos namin magnakaw ng isang beses. Habang tinititigan ko si Karl na in-i-interview, hindi ko maiwasang hindi isipin ang mga pinakita niyang kabutihan sa akin kanina, mabuting siyang tao, wala siyang kasalanan sa amin para gawan namin siya ng masama pero pera lang naman niya ang kailangan namin, walang personalan. Siguro nga ay masama ang magnakaw, labag sa batas ang ginagawa naming ito. Alam naman namin iyon, pero bakit kaming mga simpleng mamamayan lang ang nasasabihan ng masama? Dahil ba sa ordinaryong tao lang kami? Ang ilang mga pulitiko, 'diba ang iba sa kanila ay nagnanakaw din? Kung tutuusin nga ay mas masama sila, kasi kami, mga mayayaman lang ang ninanakawan namin at hindi sila maghihirap sa porsyento na nakukuha namin sa kanila, pero ang mga pulitiko, kaban ng taong bayan ang ninanakaw nila, hindi lang isang tao ang binibiktima nila kundi lahat ng taong nagbabayad ng buwis kasama na ang mga manggagawang umaasa lang sa maliit nilang sahod na nababawasan pa dahil sa buwis na 'yan. Hindi lang dapat kami ang napaparatangan na masamang tao at kriminal, sana lang ay hindi lang sa may taong may impluwensya nakatuon ang katarungan at hustisya, dapat sa lahat ng mamamayan, may nagawa mang mali o wala. Hindi ko ito sinasabi dahil sa may balak akong kumandidato, sinasabi ko lang ang totoo at alam kong alam ito ng lahat hindi lang ako ang nagsasabi nito. Napansin ko na lang na nakatulala pala ako sa harap ng TV, tungkol pa rin kay Karl ang balita. Masyado siyang binibigyan ng atensyon, napaisip tuloy ako kung gaano ba siya kayaman at kung paano ba siya yumaman. Bigla akong na-curious. Sa ilan taon ko na sa ganitong uri ng trabaho, hindi na 'ko nakokonsensya sa mga ginagawa ko, kahit pa ako ang ma-assign na humarap sa target, hindi ako nakakaramdam ng kaduwagan na aatras sa plano, sadyang may kung ano lang talaga sa taong 'yon na bumabagabag sa akin. Kusang gumalaw ang katawan ko at ngayon ay nasa harap na 'ko ng computer ni Zyx, nagbukas ako ng isang window sa incognito tab dahil isang pribadong impormasyon ang aalamin ko. Hindi ko alam kung bakit umabot ako sa puntong gusto kong i-search sa Google ang taong 'yon pero ganito ang kinahantungan ng curiosity ko tungkol sa pagkatao niya, kasalanan ito ng mga palusot ko tungkol sa kalokohan namin, eh. Isang sikat na businessman ang taong 'yon kaya hindi ako nahirapan na makita ang info tungkol sa kanya, pinindot ko ang isang link at binasa ko ang nilalaman ng article na iyon. Nanlaki ang mata ko sa nabasa ko, ang article ay tungkol sa kung paano siya naging isang businessman. Ayon dito, hindi talaga siya mayaman dahil ang perang kanyang dinala sa Italy ay perang kanyang inipon sa pamamagitan ng pagsali sa isang samahan na ang layunin ay makatulong sa mga taong kinakapos din sa buhay, sumikat siya dahil sa ganitong paraan siya yumaman. Ang samahang ito ay tinawag nilang 'Fallen Angel', paliwanag ng namumuno sa samahan, ayon sa nabasa ko, ang bawat miyembro ay isa raw anghel na pinagkaitan ng karapatang magkaroon ng biyaya kaya nalugmok sa putikan at kanilang tinulungan bumangon. Napangiwi ako, para silang mga satanista. Natapos ang article sa pagsasalaysay na ginamit ni Karl ang perang kanyang inipon papunta sa Italy, doon niya sinimulan ang business niya at naging matagumpay ito. Totoo man o hindi ang sinasabi sa article, agad akong nag-copy link at s-in-end ko ito sa email ni Zyx, saka inarado ang window. Bukas ng umaga ay agad kong itatanong sa kapatid ko ang lahat ng alam niya sa taong 'yon at kung may alam ba siya sa article na iyon. Kanina ay kating-kati akong makilala ang taong 'yon, pero ngayon ay nababalot na ako ng takot dahil sa nabasa ko, sana lang ay may sapat na dahilan si Zyx tungkol dito. May kakaiba talaga kong nararamdaman tungkol sa taong 'yon, at hindi talaga ito maganda. *** Kinabukasan, pagkatapos namin kumain, agad kong nilapitan si Zyx bago siya pumasok sa kwarto niya. "Mag-usap tayo," seryoso kong sambit. "Anong meron, Zeta?" Sinabayan niya 'kong pumunta sa sala at naupo. Kami lang dalawa ang nandito sa hideout, may kanya-kanyang bahay sina Cahil at Wren. "Tungkol kay Karl Christian de Guzman, sino ba talaga siya?" Nagkaroon ng sandaling katahimikan sa pagitan naming dalawa, hindi ko alam bakit bigla kaming nabalutan ng tensyon dahil sa tanong kong iyon. "Totoo bang hindi talaga siya mayaman? Totoo bang nagsisimula pa lang siya na umasenso sa buhay? Bakit mo pinabayaan na nakawan namin ang taong gaya niya?" Nagsimulang tumingin kung saan-saang direksyon si Zyx, alam ko na kapag ganito siya, iniiwasan niya ang usapan. "Alam mo ang prinsipyo ng grupo, 'diba? Bakit hindi mo pinigil ang plano ko sa kanya? 'Diba 'yun ang trabaho mo, alamin ang tungkol sa target at saliwain ako kung mali man ang desisyon ko? Ano 'tong ginawa mo? Bakit?" Yumuko siya, hindi ko alam kung dahil sa inaamin niya ang mali niya o dahil naiinis siya na nalaman ko ang tungkol dito. "Magsalita ka, Zyx." Ilang segundo siyang nakayuko, tila nag-iisip kung paano niya ipapaliwanag sa akin ang nalaman ko. "Tama ka, hindi talaga mayaman si Karl, pero mali ka sa sinabi mong nagsisimula pa lang siya na umasenso sa buhay. At ang totoo, matagal ko nang inaaral ang buhay niya." Kumunot ang noo ko sa naging pag-amin niya. Kaya pala ang dali lang para sa kanya na sabihin sa akin ang mga dapat gawin kahit pa kimplikadong bagay ito, kinabisado na pala niya ito matagal na! "Zeta, ang nalaman mo tungkol kay Karl ay isang malaking pagpapanggap lang. Ang Fallen Angel ay hindi samahan na binuo para makatulong sa sinasabi nilang gustong umasenso, ito ay isang malaking grupo ng sindikato," Napatayo ako dahil sa sinabi ni Zyx, ano itong napasok naming gulo? Hindi ko alam ang isasagot ko, hindi ko alam ang magiging reaksyon ko. Sino may mali? Ako ba? Kasi ako pumili sa kanya bilang target? O si Zyx na hinayaan kaming ituloy ang plano, sa kabila ng alam niya kung sino ang taong iyon? Hindi ko namalayan na nakabuka na pala ang bibig ko dahil sa sobrang pagkabigla, bumalik ako sa huwisyo nang maramdaman ko ang yakap niya sa akin. "Hindi ko sinasadya, nasilaw ako sa pera," aniya. Hindi ko nagawang tumugon sa yakap ni Zyx, pero hindi ko rin naman siya kaya itulak palayo sa akin. Tiyak kong kahit gaano pa kami kagaling mag-disguise, matutunton nila kami. May tiwala ako sa utak ng kapatid ko, pero hindi ko maiwasang mabahala. Siguradong ngayon pa lang, target na kami ng sindikato na iyon. Nakakatawa lang isipin na nu'ng una, si Karl ang target namin, ngayon kami na ang target niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD