Chapter 2

2116 Words
CHAPTER 2 Sabi nila, kapag naharap ang tao sa bingit ng kamatayan...ang unang bagay na maiisip niya ay ang mga kasalanang nagawa niya noong kalakasan niya. Kung may pag-asa ba na maligtas ang kaluluwa niya at kung mapapatawad ba siya sa mga ito. At ang pangalawang bagay na maiisip niya ay ang mga taong maiiwan niya...hangga't may hininga siya ay aalalahanin niya ang mga taong naging parte ng buhay niya at iisipin niya lang ito hanggang sa tuluyan nang huminto ang t***k ng kanyang puso. Sa isang iglap, wala na akong nararamdaman at wala na akong ibang naiisip kundi ang dalawang bagay na nabanggit...tila nabura ang ibang alaala sa isip ko. Pero gusto ko ang nangyayari...panatag ang loob ko at tila lumulutang lang ako sa kawalan. Wala akong nakikita pero alam ko na may nangyayari sa paligid ko. Hindi ko ito lubos na maintindihan pero nasa punto ako na para bang may mga bagay na nagbago sa pagkatao ko at hindi ko na maipaliwanag kung ano ang mga iyon at kung paano iyon nangyari. Nanatili ang pagpikit ng mata ko at hinayaan na lang ang mga susunod na mangyayari. Tila ba tiwala ako na hindi na ako makararamdam pa ng kahit ano pang sakit pagkatapos kong tanggapin na wala ang lahat... *** Naramdaman ko ang malamig na hangin sa paligid, tila ba tinatangay ako nito kung saan. Sinubukan kong imulat ang mata ko pero wala akong ibang makita kundi liwanag...puno ng liwanag ang paligid ko. Hanggang sa unti-unti...sa harapan ko...tila nagkakaroon ng imahe...nakikita ko na ang itsura ng paligid. At sa ilang sandali pa, natagpuan ko ang sarili ko sa isang lugar na kulay puting gusali. Hindi lang ako ang narito, marami kami. Pare-pareho kami na walang ideya sa lugar na ito. Bukod sa kulay puting konkreto, wala nang ibang bagay pa ang nandito. Para akong nasa lugar na walang katapusang gusali lang ang nakikita. Napansin ko na nakatayo pala ako, hindi ko maipaliwanag ang suot kong damit at kahit anong gawin ko...wala akong ideya sa kung anong ginagawa ko rito at kung paano ako napunta rito. Sinubukan kong maglakad-lakad sa paligid. Lahat ng nakakasalubong ko ay may suot na kunot sa kani-kanilang noo. Hindi ko naman magawang magtanong kung bakit dahil hindi ko alam paano ako magsasalita sa kanila dahil hindi ko sila kilala lahat— Napahinto ako sa paglalakad nang may mapagtanto ako. Iniangat ko ang magkabilang kamay ko, bigla ring kumunot ang noo ko. "Hindi ko rin kilala ang sarili ko...hindi ko rin alam ang pagkatao ko..." iyon na lang ang nasabi ko. Sino ako? Bakit ako nandito? Sino ang mga taong ito? Nasaan ako? Ano bang nangyayari?! Hindi lang kamay ang sinuri ko, sinuri ko rin ang buong katawan ko. Alam ko kung ano ang tawag sa mga parte nito na nakikita ko pero bukod doon...wala na akong alam...hindi ko na alam... Hinawakan ko ang mukha ko, hindi ko na rin maalala kung ano ang itsura ko at kung... Napahinto ako sa pagkalikot sa mukha ko nang bigla akong may naalala... "Mama...si mama..." paulit-ulit kong sambit. "Naaalala ko si mama!" bulalas ko. Agad akong natawa nang maalala ko na mayroon akong mama...kaso, hindi ko na maalala kung ano ang itsura niya...kung ano siya at kung bakit ko siya naging mama. Huminto ako sa pagtawa at agad na napalitan ng alinlangan ang tingin ko sa paligid...ano ba talagang nangyayari?! Sa paulit-ulit na tanong sa utak ko ay kusa na lang gumalaw ang mga paa ko at wala akong tigil sa pagtakbo...takbo lang ako ng takbo na para bang sa ganitong paraan ay may maaalala ako. Pero kagaya ng paligid na para bang walang katapusan, wala rin akong maalala. Huminto ako sa pagtakbo, hindi dahil napagod ako...kundi may naramdaman akong kakaiba. Tila ba may isang tao rito ang may koneksyon sa akin. Agad kong iginala ang mata ko sa paligid, kahit pa tumakbo ako ay hindi nagbago ang itsura nito. Nananatiling puti ang pintura nito at pareho pa rin ang disenyo...parang hindi ako umalis sa pwesto ko kanina. Bago pa mapunta sa kung saan ang atensyon ko, ibinalik ko na ang isip ko sa ideya ko kanina...may kung sino rito ang may koneksyon sa akin. Hindi ko siya kilala at hindi ko pa alam kung sino sa mga taong narito sa paligid ko ang tinutukoy ko, basta malakas ang kutob ko na nandito lang siya malapit sa akin. Nagsimula akong maglakad habang nakikiramdam, ito ang nagsilbing gabay ko para mahanap siya. Hanggang sa may nakita akong isang tao na nakatayo sa tapat ko. Hindi ko alam kung gaya ko ba siya na may hinahanap din dahil palinga-linga rin siya. Pero sa sunod kong paghakbang...bumaling na ang tingin niya sa akin. Nabalot ng tensyon ang pagitan naming dalawa, hindi ko siya kilala at kahit anong halungkat ko sa memorya ko ay hindi ko siya maalala...sino ba ang lalaking ito? Nauna ang pagkunot ng noo niya...habang ako naman ay masamang tumingin sa kanya. Hindi ko alam kung bakit ganito ko siya titigan...para bang may ginawa siya sa akin na ikinagagalit ko ng husto at ramdam ko na kahit pa lumuhod siya at lumuha ng dugo sa harapan ko ay hindi ko siya mapapatawad. May kinalaman ba ito sa pag-alala ko kay mama? "Sino ka? Bakit pakiramdam ko...hinahanap mo 'ko? Magkakilala ba tayo?" Naningkit ang mata ko sa pagkakatanong niya...kung gan'on, pareho lang kaming walang ideya sa nangyayari. "Pakiramdam?" sabi ko. Ngumisi ako at muling nagsalita, "Ikaw...hindi rin kita kilala pero...gusto kitang...patayin." Hindi ko alam kung saan nanggaling ang sinabi kong iyon...wala akong ideya sa nangyayari pero ramdam na ramdam ko ang galit ko sa lalaking kaharap ko. Pero imbes na masindak...sumagot siya ng seryoso sa akin, "Alangan naman kung hayaan lang kita na gawin ang gusto mo... siyempre, ipaglalaban ko ang buhay ko." Nauna akong sumugod. Hindi ko alam kung marunong ba akong makipag-away pero nang makalapit ako sa kanya ay nagbitaw ako ng suntok papunta sa mukha niya, iyon nga lang ay nagawa niya itong ilagan. Lalo akong nakaramdam ng galit sa dibdib ko dahil doon...patuloy akong nagbitaw ng suntok sa kanya pero nagagawa pa rin niyang iwasan. Kung hindi niya ako kilala, malamang ay nagkita lang kami kung saan kaya wala na siyang ideya kung sino ako. At dahil wala naman akong maalala at pinagbabasehan ko lang ang nararamdaman ko, may palagay ako na may ginawa sa aking masama ang lalaking ito noon na dahilan para magalit ako sa kanya ng husto ngayon. "Akala ko kapag lalaki, marunong sumuntok. Mali pala ako ng akala?" aniya habang tumatawa. Asar na asar ako sa pang-iinsulto niya. Talagang sagad sa buto ang galit ko sa kanya at para bang habang tumatagal ay lumalala ang nararamdaman kong iyon. Umigting ang paa ko sa unang pagkakataon, nanginginig na ang kanang kamao ko dahil sa tindi ng pagkuyom ko rito. Hindi ako nakuntento na kanang kamay lang ang binibitawan ko, ginamit ko na rin ang kaliwa ko para mag baka sakali na tamaan ko siya. "Mahina." Pagkasabi niya n'on, biglang may matigas na bagay na lang ang tumama sa likod ko dahilan para mapaluhod ko nang mawalan ako ng balanse. Nakita ko ang pag-atras ng paa niya nang matumba ako. Narinig ko rin ang paghalakhak niya. "Akalain mo 'yun?! Kaya ko palang magpagalaw ng mga bagay?!" Marahas akong tumingin sa likuran ko. Nanlaki ang mata ko nang makita ko ang isang piraso ng malaking haligi na katabi ko na ngayon, pagtingin ko naman sa tapat ko ay nakita kong wala na ang haligi sa parteng iyon. Mabilis akong tumayo at tila hindi na ininda ang sakit. Naglakad ako paatras palayo sa kanya. Ngayong nalaman kong may ganoon siyang kakayahan, nagdagdagan ang tanong sa isip ko. "Paano mo nagawa 'yon?" may pagtataka ang tono ng boses ko. Nagkibit-balikat ito saka sumagot, "Ewan ko, nagulat na lang din ako sa nangyari...basta dapat sasapakin kita pero—" huminto siya sa pagsasalita dahilan para kumunot ang noo ko. Ngumisi lang siya at nagtuloy sa pagsasalita, "Baka naman patunay lang iyon na tunay akong lalaki at malakas ako. Hindi gaya mo...bakla na, mahina pa." Halos kumulo na ang dugo ko sa loob dahil sa pagpipigil ko ng galit sa lalaking ito. "Anong sabi mo?!" Kahit pa nakakaramdam ako ng pikon sa lalaking ito, may kung anong nagdidikta sa isip ko na hindi ako dapat magpadala sa galit...na dapat ay mag-isip ako kung paano ko siya matatalo. Hindi ako agad nakagalaw nang harap-harapan kong nakita ang ginawa niyang pagpapalutang sa haliging natanggal sa likuran ko. Halos hindi na kumukurap ang mata ko nang makita ko kung paano niya ito unti-unting iangat hanggang sa nakataas na ang kanang kamay niya. Napansin ko rin na nakabuka rin pala ang bibig ko, kaya bago pa siya makaisip muli ng bagay na ipang-aasar ay isinara ko na ito. "Hilingin mo na lang na sana ay hindi ka mamatay dito...kasalanan mo rin na sinimulan mo ang labang ito nang hindi nag-iisip kung sino ang makakaharap mo!" Muling umigting ang panga ko, tama siya...kaya dapat akong mag-isip ng paraan para hindi ako tamaan ng atake niyang iyon. At kusa na lang na tumaas ang dalawang kamay ko nang makita ko ang ginawa niyang paggalaw sa kanang kamay niya dahilan para lumipad papunta sa akin ang sementadong haligi na iyon. Isang katawa-tawa ang ginawa ko na iangat ang dalawang kamay ko para depensahan ang mukha ko sa atake niya, pero ito ang unang naging reaskyon ng katawan ko at wala na akong ibang nagawa pa. Inaasahan kong madadaganan ako ng tipak na iyon at alam ko nang katapusan ko na ito pero ilang segundo na ang nakalipas, wala pa ring tumatama na atake sa akin. Una kong naisip na baka hindi na niya itinuloy ang atake at mas pinili niyang paglaruan na lang ako. Pero pag-angat ko ng tingin ko...muling nanlaki ang mata ko nang makita kong nananatili lang sa gitna ang tipak ng haligi na dapat ay kanina pa tumama sa akin. Sa pagbaba ko ng kamay ko, bumagsak rin sa sahig ang tipak na iyon. Bumungad sa akin ang mukha ng lalaking kaharap ko na gaya ko ay takang-taka at hindi makapaniwala sa nangyari. "Anong ginawa mo?! Paano mo iyon nagawang pigilan?!" aniya. Hindi siya nagsisinungaling, iyon lang ang sigurado ko... Tiningnan ko ang magkabilang kamay ko at sumagot, "Hindi ko rin alam..." Sinagot niya ako habang ginamit niya muli ang kaniyang kapangyarihan. "Sabagay, bakit ko pa aalamin kung mamamatay ka na rin naman ngayon?" aniya. Hindi siya nagdalawang isip na ibato muli sa akin ang parehong tipak na gamit niya rin kanina. At gaya rin ng ginawa ko kanina...muli kong iniharang ang dalawang kamay ko. Muling naulit ang nangyari kanina, huminto ito sa gitna naming dalawa. Habang patuloy na nakaangat sa hangin ang kamay ko ay nag-angat ako ng tingin sa kanya. Base sa tingin niya sa akin, alam kong gaya ko ay alam na rin niya ang nangyayari... "Hindi puwede ito! Paanong—?!" Agad na gumuhit sa labi ko ang isang ngisi. "Paanong...ano? Sa tingin ko kasi ay hindi lang ikaw ang may kakayahang mag-angat sa tipak na 'yan...kaya ko rin ang ginagawa mo!" Pero nang subukan kong igalaw ang kamay ko para ilihis sa harapan namin ang bato ay hindi ito gumalaw. Muli na namang gumuhit ang kunot sa noo ko. Kung hindi ko kayang gawin ang ginagawa niya...bakit hindi ito tumatama sa akin at paano ko ito nagagawang pigilan? Nang ibaba ko naman ang dalawang kamay ko ay bumagsak din sa sahig ang tipak ng bato, gaya ng nangyari kanina. Pareho kaming walang imik, palagay ko ay gaya ko...nag-iisip din siya sa kung ano ang nangyayari. Ang suspetsa ko, may kung ano sa kamay ko na kayang pumigil sa tipak ng bato na lumapit sa akin. Para bang...hindi nito hinahayaan na makalapit sa akin ang bahagi ng haligi na 'yon. Kung iyon man ang nangyayari...kaya rin kaya nito na pigilin ang ibang bagay? Bago pa ako makalingon muli sa lalaking kaharap ko ay nahagip ng tingin ko ang pagtakbo niya palayo sa akin. Agad akong kumilos para habulin siya. "Hoy! Saan mo naman balak pumunta, duwag!" sigaw ko habang patuloy sa pagtakbo. "Kahit saan basta malayo sa 'yo! Tigilan mo na ang pagsunod sa akin dahil sawa na akong makipaglaro sa 'yo!" aniya. "Hindi ako nakikipaglaro sa 'yo! Sabihin mo lang sa akin kung sino ka at kung ano ang koneksyon mo sa akin!" "Ewan ko sa 'yo, siraulo! Hindi kita kilala kaya tigilan mo na 'ko!" Agad akong nagngitngit ng ngipin nang umakyat siya sa isang hagdan. "Sandali—" "Hoy!" Hindi ko na nagawang sumunod paakyat sa lalaking nakaharap ko nang may isang lalaki pa ang humila sa akin dahilan para matumba ako.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD