Chapter 1

1779 Words
HINDI magkamayaw si Angelu dahil sa dami ng bisitang dumating sa ikaanim na taong kaarawan ng kambal na anak kaya naging abala siya habang ang mga anak ay masayang nakikisali sa nag-perform na clown na nirentahan niya. Nakaupo sa upuan ang kambal kaya ang mga pagkain ang inasikaso niya at ang mga regalo na nagulo na sa isang mesa na inayos din niya “Kailangan mo ba ng tulong?” tanong ni Shania sa kaniya na hindi man lang niya napansin na nakalapit na. “Kunin mo na lang iyong nahulog na mga regalo sa sahig at ayusin natin na ilagay rito sa mesa,” tugon niya. “Ito naman, nag-alok lang iyong tao tapos inutusan mo naman talaga. Bisita kaya ako,” anito. Nakakunot ang noong nilingon niya ang kaibigan na may ngisi sa labi. Natawa naman si Shania saka pinagkukuha ang mga regalo na nahulog sa sahig at tinulungan siyang ayusin iyon. “Puro ka talaga kalokohan. Alam mong pagod na ako at puyat pa tapos niloloko mo pa ako!” reklamo niya sa kaibigan pero may tinatago namang ngiti sa labi. “Ang sabi ko kasi sa’yo ay sa isang restaurant mo na lang i-held ang birthday party ng mga bata. Tutulungan naman kita at kasama na iyon sa regalo ko sa kambal,” tugon nito. “Ang dami-dami mo nang naitulong sa akin saka ang laki ng perang niregalo mo kaya tama na iyon,” aniya. “Basta para sa mga inaanak ko ay talagang galante ako at hindi ko sila titipirin,” nakangiting tugon ni Shania. Naiayos na nilang dalawang magkaibigan ang mga regalo sa mesa kaya hinila na niya sa braso ang kaibigan at umupo habang pinagmamasdan ang kambal na masayang nakikisali sa palaro ng clown. “Ang bilis ng panahon. Limang-taon na ang kambal,” sabi niya at napabuntonghininga. “Kaya nga at habang lumalaki sila ay lalong lumalabas ang kagandahan at kaguwapuhan ni Jolo at Juliet,” nakangiting tugon ni Shania. “Pakiramdam ko ay magiging ligawin iyan si Juliet at maraming mapapaiyak si Jolo,” biro pa nito. Natawa naman si Angelu sa biro ng kaibigan. “Kailangan ko nang ihanda ang sarili ko sa dalawang batang iyan lalo na si Jolo na sana ay hindi magmana sa ama na mahilig magpaiyak ng babae,” nakangiting tugon niya at wala sa sariling pati ang dating nobyo at ama ng kambal ay nabanggit niya. Hindi nagsalita si Shania kaya bigla siyang natauhan sa sinabi saka napatingin sa kaibigang seryosong nakatingin sa kaniya. “Wala ka bang balita sa ama ng mga bata?” tanong ni Shania sa kaniya. “Ayoko na rin naman makibalita,” tugon niya. “Saka sa tingin ko naman ay wala siyang karapatang makilala ang mga anak ko dahil matapos naman niyang makuha ang katawan ko, ay bigla na lang siya naglaho. Hindi niya tinupad ang pangako na pakakasalan niya ako at bubuo kami ng pamilya matapos kung maka-graduate. Sinabi niya rin noon sa akin na ayaw na niya sa akin dahil boring naman akong girlfriend at hinding-hindi niya pinangarap na mapangasawa ang katulad ko,” mapait na tugon niya kay Shania. “Ang tanga kong naniwala at nagtiwala sa kaniya iyon pala ay sinasabay niya ako sa ibang babae niya at pinaglaruan niya lang ako.” Ngumiti siya para pagtakpan ang nananatiling sakit mula sa puso niya. Naramdaman niyang hinawakan ni Shania ang isang kamay niya. “Sinabi ko naman kasi sa’yo noong una kong nakita ang kumag na iyon, na hindi siya katiwa-tiwala kaso pinatulan mo pa rin,” tugon ni Shania sa kaniya. “Wala, eh, nabulag sa pag-ibig at naging tanga!” matigas na tugon niya. “Pero kung hindi siya dumating sa buhay mo at may nangyari sa inyo, ay wala namang Jolo at Juliet sa buhay mo. Dalawang batang napakaganda at guwapo. Maging thankful ka na lang dahil sa magandang lahing mayroon ang lalaking iyon,” tugon ni Shania sa kaniya para palubagin ang kalooban niya. Napatitig si Angelu sa mga anak na masayang nanonood ng clown at pumapalakpak pa kasama ang mga batang inimbita rin niya. “Iyon na lang ang maganda sa nagawa ng lalaking iyon. Na nagkaroon ako ng mga anak na bumuo at nagpasaya sa akin,” tugon niya. “Kaya huwag mo nang isipin ang lalaking iyon at ang masakit na ginawa niya sa’yo kasi kahit iniwan ka naman niya at ipinagpalit sa iba ay may mga iniwan naman siya sa’yo na kailan man ay hindi ka iiwan at mamahalin ka nang higit sa inaasahan mo. Iyon ang dalawang batang nasa piling mo ngayon,” nakangiting sabi sa kaniya ni Shania. Gustong maiyak ni Angelu sa sinabi ng kaibigan. Lagi na lang kasing pinapalubag ni Shania ang kalooban niya at lagi ring itong nasa tabi niya noong kailangan niya ng makakaramay. Si Shania ang isang kaibigan na ayaw niyang mawala sa buhay niya. “Oh, huwag kang iiyak. Tandaan mo party ito ng mga anak mo kaya huwag kang magdrama!” kaagad na saway ni Shania na dahilan para matawa siya. Kilalang-kilala talaga siya ng kaibigan niya at dahil sa pananaway nito imbes na maiyak siya ay napalitan iyon ng tawa. “Tara na nga! Lapitan natin ang mga bata at makinood sa mga clown,” aya ni Shania at hinila siya sa braso saka sila naglakad palapit sa mga batang nanonood ng clown at nagkakasiyahan. Mayamaya ay lumapit si Jolo sa kaniya at naglalambing na nagpakarga kaya binuhat na lang niya ang anak habang nanood pa rin ng performance ng clown. KINABUKASAN ay trabaho naman ang inatupag ni Angelu. Isa siyang sales promodiser ng make-up sa kilalang boutique at tatlong-taon na siyang nagtatrabaho sa boutique na iyon. Wala namang gaanong customer kaya nagpupunas lang sila ng kasamahan niyang si Benilda ng lagayan ng mga naka-display na make-up. “Narinig mo ba ang bali-balita rito sa mall, Ange?” tanong ni Benilda sa kaniya. Napatingin siya sa kasamahan at napatigil sa ginagawa. “Anong balita?” tanong niya. “Iyong may-ari raw ng mall na ito ay darating at iikot sa buong mall kaya nga si Ma’am ay nagbilin na linisin ang buong boutique kasi baka mapili itong pasukin ng may-ari,” tugon sa kaniya ni Benilda. “Babae ba ang may-ari ng mall na ito?” tanong niya. “Pagkakaalam ko lalake pero malay mo maisipan niya lang pumasok sa boutique o baka kasama niya ang asawa niya at gustong bumili ng make-up,” anito. “May asawa na raw?” tanong niya. Napabuntonghininga si Benilda at umikot pa ang mga mata na tumingin sa kaniya na ikinangiti niya. “Wala kang kuwentang pagtsismisan, Ange!” reklamo nito sa kaniya. “Sa susunod kasi dapat inaalam mo ang lahat bago mo i-tsismis sa akin para masasagot mo ang tanong ko,” nakangiting tugon niya. “Pero malay mo nga kasi ay maisipan niyang pasukin ang boutique kaya nga nag-ayos din talaga ako ng sarili ko para naman magmukhang kagalang-galang at maganda tayo sa harapan niya. Ikaw maganda ka na talaga kahit yata nakapambahay ka pa samantalang ako kailangan pa ng effort para gumanda. Maganda si Benilda at may magandang pangangatawan kaya lang medyo makapal ito maglagay ng make-up sa mukha at mahilig magsuot ng mamahaling alahas, na hindi katulad niya na kahit isang alahas ay wala dahil hindi siya bumibili ng hindi naman masiyadong kailangan na gamit at laging inuuna niya ang mga anak. “Malay mo binata pala ang may-ari ng mall at matipuhan ka. Eh, ‘di jackpot ka dahil napakayaman ng magiging jowa mo pero sana ako ang matipuhan,” natatawa pa si Benilda sa huling sinabi nito. “Single mother ako. Dalawang bata na limang-taon at kung talagang binata ang may-ari ng mall na ito, ay hindi ang katulad ko ang nababagay sa kaniya kaya malabo iyon. Mas malaki ang pag-asa mo kaysa sa akin,” tugon niya kay Benilda. “Hindi naman porke’t single mother ay hindi na nababagay sa mayaman na lalaking binata. Hindi mo kasalanang magmahal ng isang lalaking iresponsable at hindi ka pinanindigan,” tugon ni Benilda sa kaniya. Napangiti naman si Angelu kay Benilda na isang mabuting kasamahan at hindi hinuhusgahan ang mga single mother na katulad niya. “Guys!” Nagulat silang napalingon sa nagsalita at walang iba iyon kundi ang boss nilang pumasok na pala sa boutique at kaagad na lumapit sa kanila ni Benilda. Napatingin sila sa may edad na babaeng boss na nakasuot ng formal dress, may gintong kwentas sa leeg at mga makapal na singsing sa daliri. “Dumating na ang may-ari ng mall at ngayon nag-uumpisa na siyang mag-ikot sa buong mall kaya humanda kayo. Baka palaring pasukin niya ang boutique at makadaop-palad natin siya,” balita sa kanila ng boss nila. “Yes, Ma’am Monique,” sabay na tugon nilang dalawa. “Habang wala pa siya at hindi pa napapadaan dito ay maglinis-linis na muna kayo sa paligid at mag-spray ng air-freshener sa buong boutique,” utos nito sa kaniya. Kumilos naman kaagad sila ni Belinda at sinunod ang inutos ng boss nila habang pasilip-silip ito sa labas ng boutique. “Oh my God! Ayan na sila!” malakas ang boses ni Ma’am Monique tatlongpung minuto ang lumipas at kaagad na nilapitan sila. “Tumayo kayo ng tuwid diyan at antayin natin silang pumasok kapag hindi naman at lumagpas sila ay saka na tayo bumalik sa trabaho,” sabi nito. Tumango naman sila ni Benilda at nagkanya-kanya silang tayo sa kada estante ng make-up na benebenta sa boutique habang si Ma’am Monique at nakatayo malapit sa babasaging bukas na entrance ng boutique at nag-aantay na mapadaan ang may-ari ng mall. Nakita ni Angelu na may dumaang mga nakasuot ng itim na tuxedo at mga naglalakihang lalaki sa likod ng mga ito na nakasuot naman ng puting polo at itim na pants pero lumagpas lang ito sa boutique nila at hindi man lang lumingon banda sa kanila. “Lumagpas na! Sayang naman at hindi pa natin nakadaop-palad!” nanghihinayang na bulalas ni Ma’am Monique. Napatingin si Angelu kay Benilda na nakangiti lang habang nakatingin kay Ma’am Monique na hinayang na hinayang saka sila muling nagbalik sa trabaho at naglinis-linis. Nakatalikod si Angelu sa entrance ng boutique at naglilinis muli sa estante nang marinig niyang mapasinghap ang boss nila. “S-Sir!” bulalas ni Ma’am Monique dahilan para mapalingon siya sa boss. Ang may-ari ng mall na dumaan kanina na nakasuot ng tuxedo at ang mga kasama nito ay bumalik. Pumasok sa boutique at nagulat siya at nanigas sa kinatatayuan dahil nakatitig sa kaniya ang isang lalake at matiim ang pagkakatitig nito sa kaniya. “J-Jin!” bulalas ng isip niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD