By Michael Juha
getmybox@h*********m
-------------------------
“Saan ba sa Mindanao ang mga lahi ninyo?” tanong ko.
“Sa Gensan.” Sagot niya.
“Waaahhh! Ang roots din namin ay sa Ilocos naman! Parehong dulo ng Pilipinas, magkasalungat nga lang! Dulo sa dulo!” sambit ko.
“Oo nga pala ano? At dito tayo sa Bisaya nagtagpo”
“Mabuti na lang, nakilala kita dito pre… Kasi, hindi ko talaga alam ang mga pasikot-sikot sa eskuwelahang ito. Maswerte ako na naging kaibigan kita” Ang sabi ko sa kanya.
“Mas maswerte ako. Nagkaroon ako ng kaibigang matalino na, artistahin pa ang dating. Sigurado ako, ngayong makaibigan na akong pogi, may papansin na sa akin kapag kasama kita.” biro niya.
Natawa naman ako. “Artistahin talaga!”
Iyon ang simula ng pagiging mag-best friends namin ni Marbin. Actually, hindi lang mag-best friends; kung may hihigit pa sa salitang best friend, iyon na siguro iyon. Palagi niya akong dinadalaw sa dorm ko, at kapag may bakanteng oras kaming pareho, lagi kaming magkasama niyan. Kahit saan; mapa-library, mapa-canteen, mapa-botanical garden ng school, mapa-off campus na lakad…
Kapag dinadalaw naman niya ako sa dorm ko, magdadala iyan ng kung anu-anong pagkain; kung hindi man binili, bigay ng mga madre sa kanilang mga working students.
“Ano ka ba Marbin… kung anu-ano na lang ang dinadala mo.” Ang sabi ko sa kanya isang beses. Alam ko kasing kapos siya sa pera, at kagaya ko, gutom din sa pagkain.
“Bakit? Bawal ba ang magbigay?
“Hindi naman sa ganoon. Kaso, imbes na ibili mo ng pagkain, ibili mo na lang ng…”
“Ng ano?”
“Ng papel, o kaya ay ballpen”
“Libre naman kami niyan eh.”
“E, ‘di ng damit.”
“Di naman ako maselan sa damit. Kahit nga walang damit ok lang. Maganda naman ang katawan ko di ba?”
“Waah! Yabang!”
“Hayaan mo na nga lang ako na magdala ng pagkain? Masaya naman ako eh. Bakit di mo na nagustuhan?”
“Eh… hindi naman sa hindi. Parang... nakakahiya lang.”
“Pwes, huwag ka nang mahiya.” Sabay naman bitiw ng isang nakakabighaning ngiti.
Kaya hinayaan ko na lang siya.
Walang araw na hindi kami nagkakasama n Marbin. Kahit sa weekends, madalang na lang siyang umuuwi sa bukid nila at kung umuuwi man, sandali lang. Ganoon din ako. Halos hindi na rin ako umuuwi sa probinsya ko. At iyan ang hindi ko maintindihan sa sarili ko. Parang ayaw kong lilipas ang isang araw na hindi ko siya nakikita o nakakasama. Kapag hindi ko siya nakikita, nalulungkot ako. Ang gusto ko ay oras-oras nakakapiling ko siya. Pati ang tawagan naming “Pre” ay binago rin namin; naging “Tol” na ito. Wala daw kasi siyang kapatid kung kaya ay tol ang gusto niyang itawag sa akin. At ako, dahil wala rin akong nakatatandang kapatid, nagustuhan ko rin ito.
Iyon ang simula ng aking pagkatuliro. Palagi na lang akong nagtatanong sa sarili kung normal ba ang naramdaman ko, at kung bakit sobrang saya ko kapag kasama ko siya. At isa lang ang sagot na naisip ko kung bakit ako nakaramdam ng ganoon sa kanya: nadala ako sa sobrang kabaitan niya.
Isang araw, tinanong ko siya, “Tol… naranasan mo na bang umibig?” vvv
“Oo… pero hindi ko siya maaabot sa sobrang layo kaya sa panaginip ko na lang siya maaaring angkinin…” ang sagot niya.
Natawa ako sa sagot niyang iyon. “Gagi! Paano mo nasabing hindi maaabot? Langit at lupa ba iyan? Tubig at langis?”
“Parang Gensan at Ilocos lang.” ang casual naman niyang sagot na nakangiti pa.
Napahalakhak ako sa naisagot niya. Nalala ko kasi ang roots niyang sa Gensan at ang roots kong sa Ilocos. “Tange! Kung Gensan at Ilocos lang iyan, e di malapit lang? Baka kung Pinas at Amerika pa iyan, o Pinas at Antarctica, baka mahirap.” Ang sagot ko na lang.
“Eh, langis naman ng Gensan at Tubig din ng Ilocos kaya hindi puwedeng magsama.”
“May ganoon talaga?” ang sagot ko.
Tahimik.
“B-bakit mo pala naitanong? Umibig ka na ba?” pagbasag niya sa katahimikan.
“Hindi naman sa umibig… crush ko lang siya.”
Natahimik siya ng sandali. “G-gusto mong ligawan? T-tulungan kita tol.”
“T-talaga? Kasi kilala mo ata sya eh”
“S-sino?”
“Si Emily.”
“Waahhh! Ang muse ng Education? Ang crush ng masa!”
“Oo. Classmate mo siya, di ba? Nakita ko siya isang beses na nagkasabay kayo patungong canteen.”
“Ah… kaibigan ko kasi iyon. Maraming pumuporma noon. Pero huwag kang mag-alala. Alam ko, talbog silang lahat sa iyo. Aljun Abrenica ba naman ng dating ng magiging karibal nila kung hindi sila mapahiya.”
“Asows! Sobra naman ito”
At iyon nga ang nangyari. Niligawan ko si Emily. Ipinakilala ako ni Marbin sa kanya isang araw, hiningi ko ang number at pagkatapos noon, text-text na hanggang sa umabot sa pahatid-hatid.
Ang siste, pati sa paghahatid at panliligaw k okay Emiliy, nakadikit din sa akin si Marbin. May ilang beses ding inabi ako sa paghatid kay Emily at bago siya papasok sa kanyang dorm ay mag-uusap muna kami sa labas habang si Marbin naman ay nasa isang sulok lang, naghintay na matapos kami. Kahit inaabot pa kami ni Emily ng hatinggabi sa pag-uusap o higit pa, nandoon din sa isang sulok si Marbin, nag-iisa, naririnig ko pa ang paghahampas niya ng lamok sa kanyang balat.
Syempre, lalo naman akong naawa sa tao. (Itutuloy)