KABANATA 1

1376 Words
KABANATA 1: “Alam ko, Joah. Kaya nga ako umalis d’yan dahil nahihiya na ako sa'yo.” Humithit ako sa sigarilyong hawak ko at saka ibinuga ang usok. Nakatayo ako ngayon sa harap ng apartment kung saan ako lilipat. Umangat ang tingin ko sa karatulang nakadikit sa tapat ko; Do not smoke. E, pake ko? “Pero Rix, ipinagkatiwala ka sa akin ng Mama mo. Kaya sana dito ka na lang, ” sagot ni Joah mula sa kabilang linya. Napakagat ako sa labi at inis na tinapon sa sahig ang sigarilyo. Inapakan iyon 'saka ko siya sinagot. “Mananatili ako r’yan tapos patuloy ka ring mananantsing sa akin?” “Anong—anong sinasabi mo? Hindi 'yan totoo!” Inis na pinatay ko na ang tawag dahil naiirita na ako sa kaniya. Kung inaakala niyang hindi ko alam ang pasimpleng paghipo niya sa hita ko. Ang pasimpleng paghawak niya sa dibdib at pang-upo ko pati na rin ang maliit na butas sa banyo niya, nagkakamali siya. Alam ko ang lahat ng 'yon pero pilit akong nanahimik hanggang sa makaipon ako ng sapat na pera para makahanap ng mauupahan. Pagod na akong tumira sa bahay niya dahil lang ipinagkatiwala ako ni Mama sa kaniya. Bestfriend ko siya noon, ayos sana kami kung hindi ko lang napansin ang malalagkit niyang tingin sa akin. Hindi ako katulad ng iba na pumapatol sa kaibigan. Para sa akin, kapag kaibigan, kaibigan lang. Hanggang doon na lang 'yon. Hindi dapat binibigyang malisya ang isang kaibigan. Binuksan ko ang pinto ng apartment. Ibinigay sa akin ng building owner ang susi bago pa ako umakyat dito. Medyo masungit siya kaya hindi na ako nakipag-usap nang matagal. Pagbukas ko ng pinto, bumungad kaagad sa akin ang alikabok dahil sa tagal nang hindi nauupahan. Maliit na kwarto lang ito na saktong may lababo sa kanang parte at banyo sa tabi at sa kaliwa naman ay higaan. Sakto lang para sa nag-iisang tulad ko. Hinatak ko papasok ang maleta at saka bumuntong-hininga. Ayaw kong naglilinis pero wala akong magawa kundi ang gawin dahil ayoko rin naman ng marumi. Naglinis ako at inayos ang mga gamit ko. Siguro inabot din ako ng halos dalawang oras kahit na maliit lang naman ang space. Pagkatapos, natulog ako kahit nanlalagkit pa ang katawan ko dahil sa pawis. Pagkagising, naligo ako at nagpasyang lumabas para bumili ng makakain. Hapon na kaya ramdam ko na ang gutom. Nasa second floor ang apartment na tinitirhan ko kaya siguro kailangan ko nang masanay na nagpapanhik taas-baba kahit pa mabilis akong hingalin. Kanina habang papunta ako rito, may nadaanan akong convenience store. Doon na lang ako pupunta at saka bukas na lang ako mag-go-grocery dahil malayo rito. Nang makarating sa convenience store, bumili kaagad ako ng ilang pirasong noodles, biscuit at delata. Ganito na lang muna ako hanggang bukas. Nang mabayaran, kaagad akong lumabas. Mga ilang lakad lang, napansin ko na ang isang flower shop na nakatayo sa gitna ng kalyeng bihira lang ang dumadaan. Luminga ako sa paligid. Nagtaka ako kung bakit may flower shop sa gitna ng ganitong klaseng lugar. Bukod sa walang dumadaan, araw-araw bang may bibili ng bulaklak? Nagkibit-balikat na lamang ako at didiretso na sana sa paglalakad pero hindi 'yon natuloy nang mahagip ng mga mata ko ang lalaki sa loob ng flower shop. Nakangiti siya habang ginugupit ang tangkay ng kulay pulang rosas na hawak niya. Hindi ko alam kung bakit, pero natagpuan ko na lang ang sarili ko na binubuksan ang pinto ng flower shop. Lumingon siya sa akin at nakita ko ang malalim niyang mga mata. Kulay hazel brown iyon at mahahaba ang pilik-mata sa ilalim ng makakapal niyang kilay. Ngumiti siya sa akin. “Magandang hapon, miss!” Napaiwas ako ng tingin sa kaniya. Hindi ko alam kung bakit natulala ako. Ang gwapo niya pero hindi ganoon kagwapo para mapatulala ako nang ganito. Ay ewan! Siguro hindi lang ko makapaniwala na mayroong flower shop sa lugar na ito at may nagbabantay pang gwapo. “I-ikaw ba ang may-ari ng flower shop na ito?” tanong ko habang nagmamasid pa rin sa paligid. Ang daming magagandang bulaklak katulad na lang ng paborito kong tulips. “A, oo. Bakit?” tanong niya. “Bibili ka ng bulaklak? Gusto mo bang ayusin ko para sa'yo?” Lumingon ako ulit sa kaniya. Medyo nabigla pa ako dahil nakatayo na siya at ang tangkad niya. “A-ano, h-hindi! Pero bibili ako rito kapag kailangan. Bakit nga pala dito ka nagtayo ng flower shop? I mean, don't get me wrong. Ano kasi, walang masyadong dumadaang tao. . .” Yumuko ako dahil sa kaba. Ngayon lang ako kinabahan nang ganito sa harap ng lalaki sa tanang buhay ko. “Malapit lang kasi ang bahay ko rito. Isa pa, nagdedeliver ako ng bulaklak. Kahit walang dumaan dito, mayroong umo-order sa online." Napatawa siya nang bahagya. “Bumili ka na ng bulaklak. Pwedeng i-display mo na sa bintana kung gusto mo.” Muli akong nag-angat ng tingin sa kaniya. Kaya kahit wala akong balak bumili, lalo na at nagtitipid ako, napilitan akong bumili ng kulay pulang rosas. Katulad ng sinabi niya, idinisplay ko nga iyon sa lamesa ko na katapat ng bintana. Okay na rin naman dahil at least, mayroon manlang akong magandang makikita sa maliit na apartment na ito. Nagluto na ako ng noodles at nagsaing sa maliit na rice cooker na nabili ko. Kailangan ko na rin kasing maghanda dahil mamayang gabi, papasok na naman ako sa trabaho. Hindi ako pwedeng um-absent lalo na ngayong may kailangan na akong bayarang renta kada buwan. Hindi na ako pwedeng magpapetiks-petiks na lang. Ayaw kong dumating ang araw na palayasin ako sa inuupahan kong ito dahil lang hindi ako nakapagbayad at bumalik kay Joah dahil wala na akong malalapitan. Gusto kong panindigan ang lahat ng ito. Desisyon ko ito, kaya dapat mapanindigan ko ang lahat. Pagkatapos kong kumain, naligo ako ulit at nagbihis na para maghanda sa trabaho. Alas syete na at alas otso ang trabaho ko pero kailangang dumating ako roon ng 7:30 ng gabi dahil tumutulong ako sa paghahanda ng mga lamesa. Pagkatapos magbihis at maglagay ng kaunting make-up, kaagad na umalis ako ng bahay. Siniguro kong naka-lock nang maayos ang bahay kasi hindi pa ako sigurado sa mga kapitbahay ko. Ayaw kong mawalan ako ng gamit nang hindi pa ako tumatagal sa tinitirhan ko. Pagkababa ko ng builiding, sinimulan ko nang tahakin ang daan palabas ng street na ito. Wala naman kasing masasakyang sasakyan dito, naroon pa sa highway. Habang naglalakad, natigil ako nang may makasalubong akong itim na kuting. Nasa gitna ito ng daan kaya yumuko ako para kunin siya at itabi sa gilid. Alam ko kasing may mga taong walang pakundangang magmomotor, pinahaharurot ngunit walang pakialam kung may mga maliliit na kuting o tuta ba ang dumadaan sa kalsada. Nang mailapag ko na siya sa gilid, hindi sinasadyang nakalmot niya ang kamay ko kaya napadaing ako roon. Tumayo agad ako at tiningnan ang malaking kalmot na nagawa niya. Medyo nainis ako kasi kailangan ko pa tuloy magpaturok ng anti-rabies. Napailing na lang ako at saka bumuntong-hininga. Hinayaan ko na at nagpatuloy sa paglalakad. Nakasalubong ko pa nga iyong may-ari ng flower shop na binilhan ko ng rosas kanina. Nginitian ko siya pero hindi ko alam kung nakita niya ba ako kasi wala siyang reaksyon, dumiretso lang sa paglalakad. Hinayaan ko na lang kasi hindi naman kami close para ma-obliga siyang ngumiti sa akin pabalik kapag nginitian ko siya. - THIRD PERSON POINT OF VIEW: “MEOW!” Naupo sa harap ng kuting ang isang lalaking madalas na gumawi sa direksyong iyon. Madalas niyang pinakakain ng cat food ang mga pusang ligaw hindi dahil sa naaawa siya. . . Nilapag niya ang isang mangkok ng cat food sa harap ng kuting at hinayaan itong kumain. Halatang masaya naman ang kuting na nilantakan ang pagkain. Mukhang matagal-tagal na hindi nagkalaman ang tiyan. Hinimas ng lalaking 'yon ang ulo ng kuting at marahang pinaglaruan ang leeg nito. Nang maubos ang cat food. . . Pinisil niya ang leeg ng kuting at. . . Pinisil nang husto. “MEOW!” Hinigpitan ang pagkakapisil, ngayon ay hindi na basta pisil lang. Mas mahigpit na hawak na niya ang leeg nito hanggang sa impit na ngumiyaw ang kuting. . . “M-MEOW!” At nilagutan ito ng hininga.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD