KABANATA 2

1161 Words
KABANATA 2: "HAY! NAKAKAINIS NAMAN, SINO NA NAMAN KAYANG PUMATAY ng pusa at itinapon dito? Nakakainis na talaga!" Napahinto ako sa paglalakad nang maabutan ko iyong building owner na abala sa paglilinis sa harap ng entrance ng building apartment na tinitirhan ko. Napahinto ako dahil sa mabahong amoy na iyon. Sumulyap ako kay Ate Glenda, kunot na kunot ang noo niya na animo’y iritang-irita na. “Magandang umaga po, Ate Glenda! Kaso mukhang hindi maganda ang umaga mo,” bati ko. Medyo dinaan ko pa `yon sa pabiro. “Sinabi mo pa! Nakakainis na kasi `yong nagtatapon ng patay na pusa dito sa tapat ng entrance, nakakapunyeta na.” Sinulyapan ko iyong hawak niyang pusa na ipapasok sa sako. Naka-gloves pa si Ate Glenda kasi kadiri talaga iyong itsura `non. Pero, nangunot ang noo ko sabay turo sa kuting. “Hala! Iyan `yong pusa na nakakalmot sa akin kagabi, a?” gulat na sabi ko. “Ate! Mukhang kailangan ko yata talagang magpaturok ng anti-tetano kasi namatay `yong pusa.” Nangunot ang noo niya sa sinabi ko. “Naku, hindi siya namatay in natural way. Sinakal siya.” “Ano?” takang tanong ko. “Ay basta, ang leeg kasi niya halatang sinakal. Lawit pa nga ang dila,” sagot niya. Napaawang bigla ang labi ko. Paano nangyaring may sumakal sa kuting na `yon? Kawawa naman! Imbes na mag-usisa pa, dumiretso na lang ako papasok sa building. Ipinagsawalang-bahala ko na lamang `yon dahil pagod ako at inaantok pa dahil buong gabi akong gising. Sanay naman na ako sa ganitong trabaho, pero dahil dalawang araw akong absent, nasanay ako na gumising sa umaga at matulog sa gabi. Nasa pangalawang palapag na ako nang matigil ako sa pag-akyat ng hagdan. Naabutan ko kasi iyong gwapong may-ari ng flower shop doon sa malapit sa convenience store. Nakaupo siya roon habang ngumunguya, bubble gum yata. Hindi ko sana papansinin at didiretso na lang ako sa pag-akyat pero laking gulat ko nang hawakan niya ang kamay ko. Taas-kilay na nilingon ko siya. Nag-angat siya ng tingin sa akin na bahagyang ikinakaba ko. Agad rin niyang binawi ang tingin sa akin at bumaba iyon sa kamay ko. “Maliit lang pala ang kalmot.” Lalong nangunot ang noo ko. Babawiin ko na sana ang kamay ko mula sa pagkakahawak niya dahil kinakabahan na ako pero nauna niya iyong binitiwan. “Pasensya ka na, naalala ko kasi kagabi na kinalmot ka ng kuting,” aniya pa. Tumayo na rin siya at saka ako binigyan ng inosenteng ngiti. Nalilito talaga ako sa klase ng tingin niya, hindi ko mawari kung mabait ba siya o ano. Basta, ang weird ng feeling habang nakatingin siya sa akin. Para bang hinahalukay niya ang buong pagkatao ko. “P-paano mo nalaman kung saan ako nakatira?” kabadong tanong ko. Ngayon ay nakatingala na ako sa kaniya dahil nakatayo na siya. Pumaling ang ulo niya at saka napakamot ng batok, bago pa man siya makasagot, napalingon na siya mula sa itaas. “Iho, ito na ang bayad ko sa tulips,” anang matandang babae na kagagaling lang sa third floor. Ngumiti kaagad itong lalaking may-ari ng flower shop sa matanda at saka siya na ang nagmadaling lumapit para hindi na bumaba iyong matanda. Kinuha niya iyong bayad at saka nagpasalamat. “Salamat din iho! Sa susunod ulit!” Maligayang sabi ng matanda. Nang ibalik niya ang tingin sa akin nginitian niya ako ulit at saka bumaba. Akala ko hinanap niya ako rito, mabuti na lang at hindi totoo ang nasa isip ko na stalker siya. Naku talaga! “May um-order ng bulaklak sa akin,” aniya na may halong panunukso pa ang tinig. “Paano, aalis na ako. Mag-ingat ka sa mga nadadaanan mo.” Hindi na ako nakapagsalita pa lalo na nang tumuloy na siya sa pagbaba, ni walang lingon-likod siyang dumiretso. Napailing na lang ako, siguro nga talagang nakita niya lang na nakalmot ako ng kuting. Bakit ba kung ano-ano ang naiisip ko? Ipinagkibit-balikat ko na lamang iyon at dumiretso na paakyat ng hagdan. Pagkarating ko sa apartment, kaagad na pumukaw ng pansin sa akin ang rosas na nakalagay sa harap ng bintana. Imbes na dumiretso sa kama para mahiga, dumiretso ako sa lababo para kumuha ng tubig sa gripo. Lumapit ako sa paso kung saan nakatanim ang rosas at diniligan iyon. “Simula ngayon, magkasama na tayong dalawa, ha?” Pagkausap ko sa halaman. Patuloy ko iyong diniligan pagkatapos ay naupo na ako sa kama. Dinukot ko ang cellphone ko at binasa iyong mga messages. Napailing na lang ako nang makita ang ilang text messages ni Joah. From: Joah. Please, bumalik ka na rito sa bahay kasi nagagalit na ang Mama mo. I promise, hindi ko na uulitin `yong mga ginawa ko. Bumuntong-hininga ako at nagmamadaling inilagay sa blacklist iyong numero niya. Nakakainis na siya, hindi na nakakatuwa iyong mga texts niya. Usually, mas malala pa roon ang iba, mayroon siyang sinabi na magpapakamatay na lang daw siya kaysa isipin ng Mama ko na pinabayaan niya ako. Pero hindi ako nagpadala sa lahat ng iyon. Hindi ko inakalang magiging ganito ang ugali ni Joah. Ibang-iba siya sa nakilala ko noon na mabait, maunawain at maaasahan. Ni hindi ko rin naisip na magagawa niya `yon sa akin dahil ni minsan, hindi ko siya nakitaan ng pagiging bastos. Akala ko nga noong una, hindi niya sinasadyang mahawakan ang hita ko. - Tanghali na nang magising ako dahil sa pagkalam ng sikmura. Ni hindi na nga pala ako nag-almusal kanina dahil antok na antok na talaga ako. Ang masaklap pa, gutom na ako pero wala manlang pala akong makain kasi hindi nga ako nag-grocery. Tanging isang pirasong pack ng noodles na lang ang natira mula sa binili ko sa convenience store at sawang-sawa na ako sa noodles. Napilitan akong lumabas ng apartment kasi hindi ko na matiis ang gutom at hindi ko na rin matiis ang noodles. Malapit nang mamuo ang bato sa pantog ko dahil sa kakakain ng noodles at delata. Pagkalabas, unang naisip kong maghanap ng karinderya. Pero nakalagpas na ako sa convenience store na binilhan ko noong nakaraang araw pero wala pa rin akong makita. Sumuko ako sa paghahanap at nagpasya na lamang na dumiretso sa palengke. Kahit tirik na tirik ang araw, ayos lang basta makakain na talaga ako ng totoong pagkain. “Magkano po `tong talong?” tanong ko sa tindera. “Trenta isang tali,” sagot ng tindera. Kinuha ko iyon, paborito ko kasi ang paksiw na may talong. Nakabili na ako ng tulingan, luya, sibuyas, bawang, siling berde, paminta at suka. Siguro kahit tatlong araw ko na itong iulam, mabubuhay na ako. Ito kasi iyong madalas na niluluto ni Papa noong nabubuhay pa siya, lalo na at kailangan naming magtipid. Pagkalabas ko ng palengke, kamuntik pa akong madulas dahil sa biglaang paghinto ng kulay pulang motor sa harap ko. “Pauwi ka na?” Napakunot ang noo ko at saka dahan-dahang tumango. Ewan ko ba sa sarili ko pero, namalayan ko na lang na nakasakay na pala ako sa motorsiklo niya. . .
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD