Chapter 2

1482 Words
Gaya ng ipinayo ni Makoy, umuwi nang maaga si Dona. Hindi muna sya pumasok sa isa pa nyang trabaho. Buong shift nya sa restaurant na pinapasukan ay lutang ang kanyang isip. Malaking pera ang ino-offer sa kanila, triple ng totoong halaga. Paano kung pumayag ang karamihan sa kanila na tanggapin ang offer ng Montero Hotels? At sa pagpayag na iyon ay maimpluwensyahan din ang desisyon ng iba pa? Naniniwala sya na mas mataas ang tyansa nya na hindi mabitiwan ang titulo kung marami silang lalaban.   Pagpasok nya sa gate ng compound ay bumungad sa kanya ang mga kapitbahay na nagtipon sa gitna ng compound. Ang iba ay nakaupo sa kaliwang bahagi ng lamesa at upuang nakapalibot sa talisay. Ang iba ay nakaupo sa mga monobloc na nakahilera. Ang iba naman ay nakuntentong tumayo na lamang. Sa harapan ng kumpol ng kapitbahay ay may isang lamesa na may tatlong taong nakaupo. Sa likod ng mga ito ay may tila mapa na nakadikit sa isang white board. Lalong lumakas ang kabog ng kanyang dibdib.   "Narito na pala si Dona eh," si Mia, ang isa pang best friend nya maliban kay Makoy. Lumapit ito sa kanya para sunduin sya, habang ang lahat ay nakatingin sa kanya. "Kanina ka pa namin hinihintay. Hindi kami pumayag na mag-umpisa sila nang wala ka."   "Kinakabahan ako, bes," bulong nya na sila lamang ni Mia ang nakakarinig.   "Sa totoo lang ako rin kikakabahan sa mangyayari. Sa ngayon, tignan muna natin. Basta tiwala lang," bulong din nito sa kanya, at sinamahan pa ng ngiti.   Nabawasan ang kaba na kanina pa nya iniinda. Iba talaga ang presensya ng kaibigan sa kanya. Sa dalawang best friend nya, si Mia ang mas close sa kanya. Kilalang kilala sya nito, at alam nito kung paano pagagaanin ang loob nya.   Dumiretso sya at nagmano sa kanyang ama na tahimik lang na nakaupo. Gaya ng inaasahan nya, may hawak itong alak. Umupo na sya sa tabi ng ama. Sa kaliwa nya ay si Mia, at sa unahan nya ay si Makoy. Nilingon sya ng binata.   "Okay ka lang, Dona?" kumusta sa kanya ni Makoy. Tipid na ngiti lamang ang isinagot nya. "Wag kang mag-alala, nasa likod mo lang ako."   "Sira. Nasa harapan kaya kita. Anong nasa likod ang sinasabi mo?"   "Haha. Mukhang okay ka na nga. Nakakapagbiro ka na."   "Kumpleto na. Pwede na tayong mag-umpisa," anunsyo ni Engineer Talipandas. "Magandang gabi."   "Walang maganda sa gabing 'to," tugon ng isang boses sa kanyang likuran. Si Mang Pepe yata iyon, hula ni Dona.   "Well, let's see, shall we? Just give us a chance. Hear what we have to say, and we'll go from there."   "Aba'y magtagalog ka, iho. Hindi ko naiiintindihan ang sinasabi mo." Si Lola Jolens, ang pinakamatanda sa kanilang lahat.   "Ganon po ba? Masusunod po." Marunong din palang gumalang si Mr. Talipandas. "Alam nyo na kung sino ako. Engineer Reubin Talipandas. Sa tabi ko ay si Engineer Busete, ang chief engineer ng Montero Hotels. At sa dulo ay si Engineer Puncheta, ang municipal engineer. Kaninang umaga lang ay nandito ako at nagbahay-bahay sa inyo. Sinabi ko sa inyo ang pakay ko, at iyon din ang pakay namin ngayong gabi. Pero kanina, hindi ko ipinaliwanag sa inyo ang dahilan kung bakit gusto naming bilhin ang inyong mga ari-arian. Kaya narito kami ngayon para magpaliwanag at sagutin ang inyong mga katanungan."   Tahimik lang ang lahat na nakikinig.   "Bago tayo mag-umpisa, pakiusap lang, hayaan nyo muna kaming ilahad ang aming agenda bago kayo magtanong. May oras tayo para sa Q&A. Okay ba yon?"   Walang sumagot.   "Engineer Puncheta," baling ni Mr. Talipandas sa kasama.   "Magandang gabi sa inyong lahat. Siguradong lahat kayo ay nalalaman ang bagong tayong Montero Hotel dyan lang sa pagtawid sa highway. Tama po ba?"   Ang lahat naman ay sumang-ayon.   "Ngayon po, gusto nilang parisan ang hotel na yon ng isang malaking mall s***h amusement park sa tapat ng hotel nila. Kaya binibili nila ang mga ari-arian dito na pagtatayuan, kasama ang compound na ito." Tumayo si Mr. Puncheta at nagtuturo sa mapa na nakapaskil. "Itong paligid ng compound nyo, lahat ito nabili na nila. Ang hindi na lamang nila nabibili ay ang compound nyo. Kayo na lang ang hadlang sa mall na itatayo nila."   Parang mga bubuyog na nagbulungan ang mga taga-pakinig.   "Sa iba na lang sila magtayo, huwag dito." Si Mang Pepe ulit iyon.   "Aba'y anong gusto nyo, ilipat nila ang malaking hotel na yun? Imposible naman yon," apila ng tagapagsalita.   "Saan naman kami titira nyan aber?" Hindi na alam ni Dona kung sino ang nagsalitang iyon.   "Hindi ba nga't babayaran kayo ng triple? Bakit hindi ninyo ibili ng bagong bahay at lupa yon, inegosyo? Kahit anong gawin nyo don, sa inyo na yon," singit ni Mr. Talipandas.   Ang mga sumunod na palitan ng salita ay parang guni-guni na lamang kay Dona. Mula kanina ay sa isang tao lang sya naka-focus, ang taong nakaupo sa gitna, si Mr. Busete. Tahimik lang itong nakikinig at hindi nagsasalita, gaya nya.   "Dona, magsalita ka," basag ni Mia sa pagkatulala nya. Tumayo naman sya, at natahimik ang lahat. Bumaling muna sya sa kanyang papa, at tumango naman ito sa kanya.   "Alam kong wala kayong ideya kung gaano kaimportante sa amin ng papa ko ang bahay namin, pero alam iyon ng buong compound. At hindi lang ako. Si Lola Jolens, iyan na lang ang natitirang ala-ala nya sa yumaong si Lolo Ipe. Si Lolo Ipe ang mag-isang nagtayo ng bahay nila nang walang tulong nino man. Yan ang simbolo ng pagmamahalan nila." Nginitian nya si Lola Jolens na nagpapahid ng naluha.   "Si Mang Pepe, iyan na lang din ang natitirang ala-ala nya sa anak nyang yumao nitong nakaraang taon lang, ang isa sa matalik kong kaibigan." Kita rin nya ang panginginig ng labi ng ginoo at pagpipigil nito ng luha. Tumango ito sa kanya. "Ang compound na 'to ay may kakaibang samahan na hindi maiintindihan ng kahit na sinong taga-labas. Hindi kami magkakapitbahay lang. Isa kaming pamilya. Ang mga yon ay hindi nyo matutumbasan ng pera."   "Kung hindi sila aalis, hindi rin kami aalis." Tumayo na rin si Makoy. "Walang iwanan!"   Hiyawan ang mga tao sa paligid. Lahat ay naglalahad ng pagtanggi nila sa mga bisita.   "We can go as high as 3 million each, and 5 million sa owner ng lupa sa gitna ng compound." Nagsalita na ang kinatatakutan ni Dona, si Mr. Busete.   Biglang natahimik ang lahat.   >>>>    Halos hindi nakastulog si Dona magdamag dahil sa nangyari kagabi. Imbes kasi na mapalagay at masagot ang mga "what ifs" na gumugulo sa kanya ay tila lalo pang naging komplikado ang sitwasyon. Salamat sa makabasag moment na sinabi ni Mr. Busete. Ang tripleng halaga ay dinoble pa. Hindi nya masisisi ang mga kapitbahay kung tatanggapin nila ang offer. Aaminin nya na maging sya ay natutukso na rin, pero hindi talaga pwede.   "Iniisip mo pa rin ba ang nangyari kagabi?" Nakaupo na pala sa tabi nya si Mia. Sa sobrang lalim ng iniisip nya ay hindi nya napansin ang kaibigan. Nakaupo sila ngayon sa ilalim ng talisay.   "Oo eh. Masyadong malaki ang ino-offer satin. Hindi ko na alam kung tatanggapin na ng iba," sagot nya habang matamang pinagmamasdan ang mga kapitbahay na abala sa kanya-kanyang gawain.   "Korek. Pero in fairness sa parents ko, hindi pa rin ang sagot nila."   Ngiti ang isinagot ni Dona sa sinabi ng kaibigan.   "At sure ako na hindi rin si Tita Cella." Ang ina ni Makoy ang tinutukoy ni Mia. "At syempre si Lola Jolens at si Ninong Pepe, hindi rin papayag. At dahil hindi papayag si Ninong, hindi rin papayag si Kuya Bubuy. Namatay si Edong para maligtas ang anak nya, kaya irerespeto nya ang kahilingan ni Ninong. Anim na bahay tayong tatanggi. Hindi natin alam ang desisyon ng anim pa."   "At kapag nakialam na ang gobyerno, siguradong wala tayong laban kung kalahati lang satin ang hihindi," malungkot na dugtong nya sa litanya ng kaibigan.   Ilang sandali ring namagitan ang katahimikan. Pareho silang tila may malalin na iniisip.   "Alam ko na!" bulalas ni Mia. "Pupuntahan ko si Mr. Montero..." Nakuha nito ang atensyon nya, inabangan ang karugtong ng sinasabi. "...at pipikutin ko sya." Kumagat pa ito sa ibabang labi at ang mga mata ay tila nang-aakit. Parang gusto nyang kutusan ang pilyang kaibigan.   "Umandar na naman yang ka-abnormalan mo."   "O kaya ikaw ang umakit sa kanya."   "Sira ka talaga. Bilyonaryo yun noh. Baka dumi lang ako sa kuko ng mga tipong babae non." Nangiti sya sa suhestyon ng kausap.   "Uy umasa sya. Haha."   "Baliw." Natawa na rin sya.   "Pero real talk, friend. Bakit di natin subukang kausapin si Mr. Montero. Malay mo naman makumbinse natin sya na tayo'y lubayan na. Wala namang mawawala kung susubukan, at mawawala ang compound sa atin kapag hindi susubukan."   Napaisip si Dona. May punto ang kaibigan. Naalala nya ang ibinigay na calling card sa kanya ni Mr. Talipandas. Hinugot nya iyon mula sa kanyang wallet. Tinitigan nya ang hawak na eleganteng itim na card, at unti-unti ay nabuo ang kanyang plano. Buo na ang kanyang pasya. Pupuntahan nya si Mr. Montero at kukumbinsehin ito na tigilan na sila.   Tumingin sya sa kaibigan nang may ngiti at determinadong mga mata.   She won't take no for an answer.   Itutuloy... Please Like and Follow <3
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD