By Michael Juha
------------------------
Tawagin niyo na lang ako sa pangalang Jimmy. Isang probinsiyano, dalawampung taong gulang at nasa 4th year ng kursong Commerce.
Nagsimula ang kuwento namin ni Ezekiel ko noong unang semester, nang naghahanap ako ng bagong boarding house dahil maliban sa nag-increase ang bayaran ng unang boarding house ko, talagang kapos ang budget ko sa semester na iyon.
May nakita akong nakapaskil sa poste, isang advertisement na naghahanap ng roommate na magaling sa Math. Hindi raw pera ang kapalit na bayad kundi ang pag-assist lang ng kaunting assignment. Dahil may kaunting kaalaman naman ako sa Math kung kaya ay naisipan kong i-try. Tinanggal ko ang nakapaskil at dinala ko ito sa nasabing address.
Humantong ako sa gate ng isang apartment complex na may dalawang palapag na sa tantiya ko ay may apat na apartments. Medyo may kalumaan na ang building. Halos burado na ang pintura at sa porma pa lang ng maliit nitong front yard ay halatang hindi na ito naaalagaan. May mga matataas na damo, at ang mga bougainvillea na nasa magkabilang gate ay sobrang tayog na at may maraming patay na sanga at dahon. Ang mga sementong bangkito naman na nasa loob ng gate ay halos tubuan na rin ng mga damo.
Dahil bukas ang gate, pumasok ako at nag “tao po.”
Sumagot ang isang lalaki. Iyon na si Ezekiel.
Matangkad na lalaki si Ezekiel. Nasa 22 ang edad, nasa 5’10 siguro ang height, medium-built ang pangangatawan, makinis ang mukha, matangos ang ilong, at ang isa sa nagustuhan ko sa kanya ay ang kanyang mga labi. Iyong mga labing kahit nakasimangot at nasa bad mood siya, ang cute pa rin siyang tingnan. Lalaking-lalaki at confident sa sarili.
Ngunit kung gaano ka-perfect si Ezekiel sa aking paningin, kabaligtaran naman ang kanyang pag-uugali. May pagka-arogante siya, may pagka-conceited.
Nang nasa loob na ako ng kanyang apartment, nalalanghap ko kaagad ang amoy ng usok ng sigarilyo. At ang paligid ay magulo, halatang hindi nililinis. Ngunit dahil lalaki naman siya, tanggap ko sa isip na normal lang ito. Sa dating dorm ko kasi, ganoon ang mga kasama ko. Naiinis na lang ako dahil ako kasi ay masinop na tao. Ayaw kong may nakikitang kalat sa paligid. Pero, syempre, dahil nakikitira lang ako, wala akong magagawa.
“Anong pangalan mo?” ang tanong niya nang nakaupo na ako sa sitting room sa loob ng kanyang apartment.
“Jimmy. Jimmy Dayan po.” Ang sagot ko.
“Wag mo na akong po-po-in. Di naman ako ganyan ka-tanda. Ezie na lang itawag mo sa akin. At 22 lang ako. Ikaw?”
“T-twenty.”
“See? 20 ka lang pero mas matanda ka pang tingnan kesa akin.”
Hindi na ako kumibo. Binitiwan ko na lang ang isang ngiting hilaw. Ako kasi iyong tao na mahiyain, at kapag ganyang klase magsalita ang kausap, mahangin at hindi ko pa kakilala, silent na lang ako.
“Alam mo naman siguro ang kundisyon ko, di ba?” ang tanong niya.
“O-opo, eh, oo pala Ezie.” Ang sagot ko.
“Bago pa lang kasi ako sa aking trabaho. Isang Sr. Staff ng HR ng aming kumpanya at may mga assignments ako na halos wala na akong oras. Kulang kami sa tao sa ngayon kaya ibinibigay sa akin ang ibang trabaho na hindi naman para sa akin sana. Pumayag naman silang dalhin ko sa bahay kaya okay lang. Pero ang totoo niyan, tamad din akong gumawa ng trabaho. Kaya hayan, naghanap ako ng gagawa sa trabaho ko. At ang mas gusto ay stay-in sa apartment para hindi ko na siya hahagilapin pa lalo na kapag may urgent pa akong ipapagawa.”
“O-okay. Naintindihan ko.” Ang sagot ko.
“Marunong ka bang gumawa ng budget? Budget analysis, costing, at iba pang mga trabaho na related sa budget?”
“Hmmm... may kaunti akong alam, bagamat sa isang maliit lang grocery na may walong empleyado. Nag-working student kasi ako dati. Nang nakita ng may-ari na Commerce ang kurso ko, pinagawa niya sa akin ang budget nila, pati forecast, costing. Kahit papaano... ay okay naman.”
“Then good! I think ikaw ang hinahanap ko.” Ang sagot niya.
Okay na sana iyong mga tanong niya nang bigla ba namang isingit ang, “Bakla ka ba?”
Nagulat talaga ako sa tanong niyang iyon. Syempre, bakla ako. Bagamat hindi ako iyong tipong naglaladlad, pumipilantik ang daliri, mahinhin ang kilos at boses, ako naman ay closeted. Kilos-lalaki, katawang-lalaki, may abs at may kaunting biceps dahil palagi akong nagsi-sit-up at nagpu-push up araw-araw pagkagising sa umaga. Ngunit may tagong sikreto rin ako. Sa totoo lang, bago lang kami naghiwalay nang first and last kong boyfriend, si Joseph. Tatlong taon din kami noon. Nawalan kami ng kumunikasyon dalawang buwan pa lang ang nakaraan. At hindi maayos ang aming hiwalayan dahil hindi niya pinanindigan ang aming relasyon. Nang malaman ng kanyang mga magulang ang tungkol sa amin, naghigpit sila sa kanya. Pinagbawalan siyang makipagkita sa akin, at pinalitan ang kanyang number. Pati f*******: niya ay nakadeactivate. Pinili niya ang kanyang mga magulang at itinakwil niya ako. Nang huli kaming nagkausap, sinabi niya sa akin na ibaling ko na lang daw sa iba ang pagmamahal ko sa kanya. Hindi na raw niya ako mahal. Mas mahal daw niya ang kanyang mga magulang. At ipinamukha pa niya sa akin na may girlfriend na siya, at mahal niya. Sobrang sakit. First time kong nagmahal ngunit ganoon pa ang kinahahantungan. Kaya sa pagkakataong iyon, damang-dama ko pa ang sakit ng aming hiwalayan. At naipangako ko sa aking sarili, hindi na ako magmahal pang muli.
“Ayaw ko kasi ng bakla. May girlfriend ako at ayaw niyang pagdudahan niya ako, at ayaw ko ring matsi-tsismis ng mga tao sa paligid. Kaya kung bakla ka, hindi ka qualified.” Ang dugtong niya.
“H-hindi. Hindi ako bakla.” Ang pagsisinungaling ko.
“Sigurado ka? Parang ang tahimik mo kasi. Parang hindi normal sa isang lalaki ang tahimik.”
Napangiti ako ng hilaw. “G-ganito lang talaga ako. Basta, huwag kang mag-alala, hindi ako bakla.”
“May girlfriend ka ba? 20 ka na di ba? Ako 15 pa lang, nakatikim na ako ng babae.”
“E...” ang naisagot ko. “M-mayroon naman. P-pero hiwalay na kami.”
“Anong name niya?”
“Eh...” nahinto ako ng sandali. “Joseph...ine?”
“Joseph or Josephine? Ang pagklaro niya.
“J-Josephine. Oo, Josephine.” Ang sagot ko.
“Tsk tsk! Mukhang duda ako sa sagot mo ah. Joseph ata ang tamang name ah! Bakla ka no?”
“Hindi ah! Josphine talaga ang pangalan niya!” ang paggiit ko.
“Sige nga i-describe mo nga sya sa akin?”
“M-maganda siya. Mahaba ang buhok, makinis, matangos ang ilong, mapupula ang mga labi, sexy... morean.” Ang sabi ko bagamat ang mga description na ginamit ko ay ang description talaga ni Joseph, maliban nga lang na imbes maganda at black beauty, guwapo siya at moreno.
“Ah good. May litrato ka ba sa kanya?”
“Eh... wala eh.”
“Girlfriend mo, wala kang litrato?”
“H-hiwalay na kasi kami. Gusto ko na siyang makalimutan.”
“Ah... may punto ka. Masakit talaga ang hiwalayan.” Ang sambit niya.
Iyon, natuloy ang pagiging roommate namin ni Ezie. Sa sofa ng kanyang sitting room ako natutulog dahil isa lang ang kuwartong tulugan at walang ibang kama. Okay lang din naman sa akin ang ganoon dahil sanay naman ako sa sahig natutulog basta may sapin lang, o banig ay okay na. Sa probinsiya nga namin, sa sahig na kawayan lang ako natutulog. Atsaka, hindi naman ako nagbabayad ng renta kaya wala akong karapatan na mamili. Isa pa, naninigarilyo si Ezie sa kuwarto niya. Ayaw ko sa amoy ng sigarilyo.
Alas 8 kinabukasan ay nagising ako. Gusto ko sanang silipin si Ezie sa kuwarto niya ngunit naka-lock ito. Lumabas na lang ako ng apartment upang maghanap ng kainan. Bed space lang naman kasi ang usapan at hindi kasali ang pagkain. Nag-order ako ng tinapay at kape at doon na mismo sa karenderia nag-agahan.
Pagbalik ko ng apartment ay gising na si Ezie. “Saan ka ba nagpunta?” ang tanong niyang med’yo tumaas ang boses.
“D’yan lang sa may kanto, uminom ng kape.” Ang sagot ko.
“Inuna mo ang sarili mo, ni hindi ka man lang muna nagluto rito o nag-init ng tubig para sa kape!”
“Eh...” ang naisagot ko na lang. Med’yo na shock sa kanyang inasta.
“Kung may pumasok sa apartment ko at magnakaw, paano iyan? Bukas ang pinto!” ang dugtong pa niya.
N-ni-lock ko naman ang pinto kasi di ba binigyan mo naman ako ng duplicate na susi?” ang sagot ko.
“Kahit na! Huwag mo akong iwanan na natutulog pa! Atsaka dapat ay maghanda ka muna ng agahan bago ka umalis kung saang lupalop ka man pupunta.”
Muli akong nagulat sa aking narinig. Kasi ang usapang ay mag-assist lang ako sa mga trabaho niya sa office pero kasama na pala ang pagluluto. “S-sige, bukas simulan ko.” Ang sagot ko na lang.
Kaya kinabukasan, ganoon na talaga ang ginawa ko. Inihanda ko muna ang almusal niya, nag-init ng tubig, hinanda ang mesa bago ako umalis at kumain nga agahan. Nang bumalik ako, kasalukuyang kumakain siya. Ni hindi man lang ako tinanong kung kumain na ako o ni magpasalamat na inihanda ko siya ng pagkain. Dedma. Parang walang tao. Ako naman ay nakaupo sa sitting room at kunyari ay nagbabasa ngunit nakiramdam kung may sasabhin siya.
Maya-maya ay narinig kong pumasok siya sa kanyang kuwarto at pagkatapos at tumungo sa shower. Naalala ko, may pasok pala siya gawa nang araw iyon ng Lunes. Nanatili pa rin ako sa sitting room. Hanggang sa dumaan siya sa sitting room habang patungo na siya sa kanyang trabaho. “Alas 5 ay off ko na. Mga 5:30 ng hapon ay nandito na ako. Dahil wala ka pa namang pasok, dapat ay nandito ka rin. At ihanda mo na lang din ang hapunan. Dito ako kakain.” Ang sabi niya bago lumabas ng apartment.
“Aba! Nakakairita na ‘tong tao na ‘to ah!” ang bulong ko sa sarili nang naisara na niya ang pinto. Parang hindi naman roommate ang trato niya sa akin. Pero pinalampas ko pa rin iyon. Mas importante kasi sa akin ang may matutuluyan eh. Kasya lang sa allowance ko ang para sa pagkain, tapos iyong pamasahe at mga project sa school. Kaya okay lang. Tiis-tiis lang hanggang makagraduate.
Dahil wala naman akong ginagawa, buong araw kong nilinis ang kabuuan ng apartment niya. Ang bathroom niya, ang kubeta, ang sahig, pati na ang kuwarto niya. Inarrange ko ang mga libro, mga gamit, mga labahan na itinambak kahit saan, ang mga basura ay itinapon ko, ang mga inaalikabok na mga sulok ay pinunasan ko, pati na ang kanyang mga gamit. Ang mga kurtina ay pinalitan ko rin pati na ang mga bed sheets sa kuwarto niya, punda, at kumot. Nilagay ko sa tamang ayos ang mga bagay at nilinis ang dapat linisin, pinalitan ang mga dapat palitan. Pati ang paglalaba ng kanyang mga damit ay ginawa ko rin.
Nang dumating siya, kitang-kita ko sa kanyang mga mata ang ibayong pagkagulat. Nilingon niya ako, nginitian. Pagkatapos ay dumiretso na siya sa kanyang kuwarto.
Dedma na lang ako sa kanyng ngiti. Para kasing nakakaloka, parang nananadya o ano. Maya-maya lang ay tinawag ako. “Jim, halika nga sa loob!”
Dali-dali akong pumasok. Nakita kong nakabukas na ang laptop niya habang siya naman ay nakatayo sa harap nito, tiningnan ang file sa laptop. Nakahubad lang siya ng pang-itaas, ang sa pang-ibaba naman ay iyong suot pa niya sa opisina maliban sa sapatos at medyas na tinanggal na niya. Tumabi ako sa kanya at tiningnan ang file.
“Blank itong sheet na ito, pero formatted na. Wala pang formula ang mga cells. Ang ang katabing sheet ay sample ng previous na costing data. Pag-aralan mo atsaka i-fill mo iyong data para makuha ang target figures.” Ang sambit niya sabay hubad sa kanyang pantalon, kahit nasa tabi lang ako.
Napalingon ako sa kanyang paghubad. Ang unang tumambad sa aking mga mata ay ang umbok sa kanyang kulay puti na brief. Agad kong ibinaling ang aking paningin pabalik sa monitor. Tila naturete ang aking pakiramdam sa pagkakita sa kanyang bukol. In fairness, malaki ito at may mga balahibong nakahilera mula sa kanyang pusod patungo sa ilalim ng kanyang pagkalalaki. Makinis din ang balat niya, walang taba ang kanyang tiyan. Napalunok ako ng laway.
“Maligo muna ako at pagkatapos ay babalikan kita. You should know it already.”
“Okay.” Ang sagot ko.
Nang matapos na siyang maligo, bumalik siya sa akin. Nakatapis lang siya ng tuwalya. Tinanong niya ako kung nakuha ko ang procedure. Tumango ako. Madali lang naman kasi iyon bagamat mabusisi lang dahil sa paglagay ng formula sa bawat cell at iyong data ay hahanapin pa atsaka ilalagay pa ang mga ito sa iba’t-ibang categories. Kaya habang nagbihis siya, ako naman ay abala sa paggawa sa kanyang trabaho.
“Kumain ka na ba?” ang tanong niya.
“Oo… sa labas ako kumain. At nakapaghanda na rin ako ng hapunan mo.”
“Aw… thank you!” ang sagot niya.
Nahinto ako sa aking ginawa at napatingin sa direksyon ng kusina. “Himala! Nag thank you!” ang bulong ko sa sarili habang ipinagpatuloy uli ang paggawa sa kanyang trabaho.
Pagkatapos niyang kumain ay nanuod siya ng TV. Ni hindi man lang ako tiningnan kung okay na ang gawa ko. Feeling ko ay talagang napaka-irresponsible niya.
Sa mahigit isang linggo ay ganoon ang routine namin. Ako ang maghanda ng kanyang pagkain sa agahan at hapunan, naglilinis ako ng bahay, naglalaba ng mga damit, at kapag ipapagawa siyang assignment sa gabi, ako ang gagawa.
Hanggang sa pati ang lawn ng apartment ay nilinis ko na rin. Tinanggal ko ang mga damo na halos tumakip na sa buong front yard, kiniskis ko ang mga pathwalks at sementong bangko, inayos ang mga pang-outdoor na mesa, pinutol ang mga patay na sanga ng bougainvillea at inayos ang porma nito sa gate, nagdagdag din ako ng mga tanim upang magmukhang mas kaaya-ayang tingnan.
Hapon nang makompleto ko ang gawain na iyon sa front yard. Naupo ako sa isa sa mga bangkito at ninamnam ang sarap ng preskong hangin nang biglang narinig ako, “Wow! Ang ganda ng lawn! Parang sa isang outdoor na resto!”
Bigla akong napalingon sa pinanggalingan ng boses. Ang anak pala ng may-ari ng kabilang apartment, si Arjay, 18 years old na college student. Umupo siya sa tabi ko. Madaldal si Arjay at impressed na impressed daw talaga siya sa aking ginawa sa lawn. At ang sabi pa nga niya, gusto na raw niyang doon kumain o makipag-inuman. Niyaya pa niya ako.
Nasa ganoon kami kasayang pag-uusap ni Arjay nang dumating naman si Ezie. Nang nakita niya kami ni Arjay, pansin kong bigla siyang sumimangot at dire-diretsong pumasok sa loob ng apartment.
(Itutuloy)