By Michael Juha
----------------------
“Sino iyon?” ang tanong niya kaagad nang sinundan ko siya sa loob ng apartment.
“Di mo kilala? Anak ng may-ari ng kabilang apartment?”
“Hindi kasi ako tsismoso kaya di ko kilala ang mga tao rito. Sa susunod, ayaw kong makipag-usap ka kahit kanino! Naintindihan mo?!”
Doon ako nagulat. Iyon bang parang may pumitik sa aking tainga at nag-init ito. Kaya sinagot ko siya. Medyo tumaas ang aking boses. “Ano? Tama ba ang narinig ko na ayaw mong makipag-usap ako kahit kanino?”
Tiningnan niya ako. “Oo! Tama nga!” ang sagot din niyang pasigaw.
“At bakit?”
“Bakit?? Huwag mong kalimutan na apartment ko ito! At ako ang masusunod kung sinong tao ang makakapasok dito at dapat alam ko kung sinu-sino ang mga kausap mo d’yan sa labas! Malay ko ba kung may sabwatan kayo at may gagawing masama. Ngayon, kung ayaw mong sumunod sa rules ko, libre kang umalis.”
“So iyon lang? Walang ibang mas logical pang rason maliban d’yan?”
“Ayokong makipagdebate. Kung ayaw mo, o ‘di ‘wag. Wala kang ibang choice. Either sumunod ka, o umalis.”
Doon na ako natahimik. Napaka-irrational talaga niya.
“So???” ang sagot uli niya.
Wala na akong nagawa kundi ang dumiretso sa kusina at ihanda ang pagkain niya. Habang inaayos ko ang mesa, nakatingin naman siya sa akin. Nakangiti pa, iyong ngiting nang-aasar, nananadya.
Nang nakahain na sa mesa ang lahat ng pagkain. “Kain na po kayo Senyorito…” ang sambit ko sabay talikod.
“Hey saan ka?” ang sigaw niya.
“Maghahanap po ng makakain sa labas ang alila.”
“Samahan mo ako sa pagkain!”
Nahinto ako at napalingon sa kanya. “Ayoko nga! Baka mamaya, pati paghinga ko ay ipagbawal mo na rin sa dami ng utang na loob ko sa iyo.”
Ngunit hinabol niya ako atsaka hinarangan ang pintuan. Habang nakaharang siya sa pinto, tila nagmakaawa naman ang kanyang tingin. Ewan ko kung totoo o nang-aasar lang. “Please?”
Hindi ko siya sinagot. Tinitigan ko lang siya.
“Sige na please?”
“At bakit naman kita sasamahan sa pagkain mo? Dahil may-ari ka ng bahay? Dahil may utang na loob ako sa iyo?”
“Hmmm. Parang ganoon na nga.” Ang sagot niya.
“Pwes lamuniin mo lahat ang mga pagkain mo d’yan! Magtae ka sana!”
Ngunit ayaw niyang paawat sa pagharang niya sa pintuan. “Ito naman hindi na mabiro. Naapreciate ko lang ang mga ginawa mo rito sa bahay at sa mga ipinagawa ko sa iyong worksheets. Alam mo bang impressed na impressed ang boss ko sa ginawa mo?”
“Syempre ma-impress siya! Ako ang gumawa noon, hindi ikaw. At ginalingan ko talaga iyon!” ang mataray kong sagot. Pati ako ay hindi makapaniwala sa sarili na nasabi ko iyon. Hindi naman kasi ako mataray ngunit ewan ko ba, siguro ay sa sobrang inis ko lang sa kanya.
Napangiti naman siya. In fairness iyan ang pamatay niya. Maganda kasi ang mga lips niya na kahit nakasimangot o kahit anong emosyon o anong gawing porma niya sa lips niya ay cute pa rin siyang tingnan. Tapos lalao na kapag ganyang ngiti. Iyong tila puputok sa tawa ngunit pinipigilan, may pagka-pilyo. Iyon talaga ang isa sa mga naka-attract sa kanya.
Ngunit hindi ko ipinahalata na na-kyutan ako sa kanya. Hindi pa rin ako sumagot. Tinitigan ko lang siya. Iyong titig na ippinakita talaga sa kanya na inis na inis pa rin ako.
“Please… magiging mabait na ako sa iyo.”
Doon na ako natuwa. Pero sa loob-loob ko lang iyon. Hindi ako nagpapahalata. “Promise?” ang tanong ko.
“Promise.” Ang sagot niya rin.
Kaya hayun, kahit may pagdadalawang-isip pa rin ako, bumalik ako sa kusina at umupo sa silya na nakaharap sa kanya.
Habang kumakain siya, nanatili lang akong nakaupo at tiningnan siya. Iyon bang ipinakitang nainis pa rin ako.
Nang mapansin niyang nakatingin lang ako at hindi kumain, nahinto siya. Tiningnan ako. “Bat nakatingin ka lang sa akin? At yang nguso mo… pedeng masabitan ng baldeng may laman na tubig. Hindi k aba napapagod sa kakasimangot d’yan? Pahinga ka naman. Mas lalong papangit iyang lips mo.”
Napangiti lang ako. Iyong sarcastic. “Lips ko? Kung alam mo lang. Ang daming nagpapantasya sa lips kong ito!”
Nahinto siya nang sandali at tiningnan ang bibig ko. Natawa, iyong sarcastic. “Baka may problema sa paningin iyong nagpapantasya sa iyo. Kawawa naman.”
“Sa guwapo kong ito?” At talagang sumabay ako sa pakikipaglokohan sa kanya. Iyon bang parang ang isang side ng pagkatao ko, iyong ma-pride, mataray ay ang siyang nag-take over. Siguro ay dahil iyon sa klase ng pananalita niya sa akin.
“Guwapo nga, bakla naman.” Ang halos pabulong niyang sagot.
“Ano? Anong sabi mo???” ang may pagka-irita kong tanong.
“Iyong pag-iinarte mo, parang bakla. Kaina na! Dami pang satsat. Putragis na iyan.” Sabay bitiw ng matulis na tingin.
“Wala akong tiwala sa iyo!” ang sagot ko ring dinilatan siya.
“Ow??? O sige bahala ka. Basta ako, sinabi ko na sa iyo na maging mabait na ako.”
Hindi na ako kumibo. Binaligtad ko ang nakataob na plato at sumandok ng kanin at ulam. Nang akmang isubo ko na ang pagkain, tiningnan niya ako. Binitiwan niya ang isang nakakalokong ngiti. Iyong feeling-panalo. At may pailing-iling pa siya.
Hindi ko na siya pinansin. Itinodo ko na lang ang pagkain. Nagutom kaya ako.
Kinabukasan, habang nasa work siya, ginawa ko uli ang aking routine na nakasanayang trabaho. At ang pinakapaborito kong gawin kapag tapos na ako sa trabaho at ganoong hapon na malapit nang lumubog ang araw ay ang magtambay sa lawn. Nagandahan kasi ako sa ambiance. Marami pa nga akong gustong gawin kagaya ng paglalagay ng balong at maliit na pond na may mga isda. Kaso, dahil kailangan ng permiso ito sa may-ari at di ko pa naman siya nakita kung kaya hanggang sa plano na lang ako.
Nasa ganoon akong pag-plano upang pagandahin pa ang lawn nang muli ay sumulpot si Arjay. “Woi! Ang lalim ng iniisip mo Kuya, ah! Mag-aasawa ka na ba?” Ang biglang pagsingin ni Arjay sabay bawi rin ng, “Joke lang!”
Hayun biglang sumigla naman ang tahimik kong paligid dahil sa pagka masayahin niya at pagkakenkoy. Nasa ganoon kami kasayang paghaharutan nang dumating si Ezie at muli ay nahuli kami.
Kitang-kita ko ang biglang pagsimangot ng kanyang mukha. Dire-diretso lang siya sa loob ng apartment. Nang sinundan ko, halos hindi ma-drawing ang mukha. Nagdadabog. Inihagis ang kanyang bag, pati sa pagbukas ng kanyang laptop ay padabog.
“May assignment ka, nasa laptop ko, nakabukas na iyan. Pag-aralam mo.” Ang mataray na pag-utos sa akin nang nakita niyang sinilip ko siya sa kuwarto niya.
“Bakit ka nagdadabog?” ang tanong ko.
“Di ba sabi ko huwag kang makipag-usap sa taong iyon?” sabay turo sa direksyon ng apartment ni Arjay.
“Bakit? Ano bang mayroon kay Arjay na ayaw mo?”
“Ayaw ko lang. Bakit, ano ba ang mayroon kay Arjay na atat na atat kang makipag-usap sa kanya. At kung makatawa naman kayo, para kayo lang ang tao sa mundo. Para kayong magsyota!”
“Aba… Bakit k aba nangingialam sa mga personal na bagay? At ano ngayon kung magsyota kami?”
Bigla siyang natigilan at nilapitan ako, ang mga mata ay mistulang nagliliyab. “So inamin mo rin na bakla ka?”
Ako naman itong mistulang hinataw sa ulo ng isang matigas na bagay, tila natauhan, nagsisi kung bakit iyon ang sagot ko. “W-wala akong sinabing ganyan ah!”
“Wala kang sinabi na bakla ka, pero okay lang na magsyota kayo?”
“Di ba ikaw naman ang nagpahiwatig na para kaming magjowa? Di sinakyan ko. Anong pakialam mo?”
“Di ba sinabi ko na, ako ang may-ari ng apartment na ito, at may karapatan ako sa kung ano ang ayaw ko o hindi. Hindi puwede ang bakla!”
“Hoy, Mr. Eziekel, kung dati ay hindi ako kumikibo… hindi na pede yan ngayon. Bakit kahit wala akong binabayad na rental sa iyo, nagtatrabaho naman ako ah. Kaya dapat magrespetuhan tayo. Hindi ako alipin dito! Kung ayaw mo sa akin, sabihin mong ayaw mo na at aalis ako. Ayoko namang ipagsiksikan ang sarili ko sa taong ayaw sa akin.”
“Bakla ka ba???” ang sigaw niya.
“Hindiiiii!!!” ang sigaw ko rin.
Hindi siya nakakibo. Marahil ay hindi niya inaasahan na papatulan ko siya.
“Ano, aalis na ba ako? Dahil ngayon din ay aalis ako.”
“Halika nga rito! Tapusin mo na ang assignment ko.” Ang sagot niyang bigla ring naging mabait.
Hayun, natahimik kami. Feeling ko naman ay nanalo ako.
Iyon ang drama niya. Parang may kakaiba talaga sa kanyang inaasta sa akin. Hindi ko maintindihan kung ganyan ba talaga ang ugali niya, possessive o nagseselos kahit sa taong hindi naman niya jowa. Basta di ko alam. Kahit nga kapag may message alert ang cp ko at marinig niya, titingnan kaagad ako niyan. At kapag binasa ko ang message, magtatanong, “Sino iyan?” Lalo na kapag tawag, nakikinig at nagtatanong pagkatapos kung sino at bakit, ano ang pakay.
Isang beses nga tumawag ang best friend kong si Chan. Dahil alam niya na bawal ang landian sa aking tinitirhan, kaya behave ang bakla sa aming chikahan. Kunyari straight kaming pareho. Binibiro niya ako na makamove-on na raw ako kay Joseph dahil sa sitwasyon ko na may ka-roommate na guwapo. Na maiinlove din daw ako sa kalaunan. Na baka raw kami ang itinadhana. Mga ganyan. Alam naman natin ang mga bakla. Masyadong assuming minsan, kung makapagbigay ng moral support ay akala mo, kahit iyong lalaking tumingin lang sa iyo ay nakatadhana na kaagad. Tapos, dahil alam kong kahit nasa labas ako ng kuwarto ni Ezie ay alam kong nagi-eavesdrop siya, sinagot ko ang friend ko ng, “Move on? Nandito pa ang sakit. Kung saan man siya naroon, sana ay madapa siya ngayong pinag-uusapan natin ang burikat na babaeng iyon!” Tapos magtatawa ang bakla sa kabilang linya. “Babae talaga gurl? Baka tamaan ka ng kidlat d’yan!” Nang matapos na ang kuwentuhan namin sa phone ng best friend ko, hayun umepal na ang mokong. Nagpaparinig ng, “Hindi maka-move on ha? Ang sakit-sakit ha? Madapa?” Sabay tawa, iyong nang-iinis. Inirapan ko na lang siya. “Sabi ko na nga ba eh.” Sa sarili ko lang.
In fairness din naman, naglevel-up rin ang pakikitungo ko kay Ezie. Kung sa una ay parang ang estrikto niya, ang tapang, nananakot, sa pagkakataong iyon ay may pamblackmail na rin ako sa kanya. Ako kaya ang taga-gawa ng trabaho niya, at bilib ang kanyang boss sa mga gawa niya. Ako rin ang tagalinis ng apartment niya, tagaluto, taga-laba, taga-pamalengke, at impressed na impressed siya at mga kapitbahay namin dahil sa ginawa ko sa lawn ng apartment complex. Kaya kaya ko na siyang sagot-sagutin.
Hanggang sa dumating ang birthday ko. Ako kasi, nasanay na walang celebration kapag nagbi-birthday. Hindi uso sa pamilya namin ang ganoon. Basta makapagsimba lang, makapagpasalamat sa mga biyaya na natanggap at sa isang taon na nabuo, sapat na. Kaya habang nasa opisina si Ezie, ako naman ay nagpunta ng simbahan. Pagkatapos magsimba ay dumaan ako sa isang grocery at bumili ng ice cream, iyong ice cream cone lang, pabirthday ko sa sarili. Pagkatapos ay sumaglit naman ako sa tulay sa may likod ng simbahan at doon ay pinagmasdan ang dagat. Ang tulay kasi na iyon ay nasa pinakadulo ng ilog kung saan ito dumugtong sa dagat. Doon ay ninamnam ko ang tahimik na kapaligiran. Sinariwa ko rin ang mga nangyayari sa aking buhay sa nakaraan na isang taon, kasama na roon ang mga nagdaan namin ni Joseph; ang mga masasayang alaala at ang masakit na hiwalayan.
Mag-aalas 3 na ng hapon nang bumalik ako ng apartment. Nang buksan ko na sana ang pinto, laking gulat ko nang hindi ito naka-lock. Bigla akong kinabahan. Sa pagkaalala ko kasi ay nilock ko iyon.
Dahan-dahan akong pumasok upang silipin kung may tao sa loob. Doon na ako nagulantang nang biglang sumulpot si Ezie at may hawak-hawak na cake na may kandila at ang nakasulat ay “Happy birthday Jim!” Natawa rin ako sa kanyang pustora dahil naka-birthday cap siya at naka-clown nose. “Happy birthday to you! Happy birthday to you...!” ang kanta niya.
“Paano mo nalaman na birthday ko? Walang nakakaalam sa birthday ko ah!” ang tanong ko nang matapos na ang kanta niya.
“Di ba sa pag-apply mo sa apartment ko, tinanong kita?”
Napaisip ako. Wala naman kasi akong naalala na tinanong niya ang birthday ko. Ang edad ko lang ang tinanong niya. “Ganoon ba? Ang daya!” ang sambit ko na lang.
“Make a wish!” ang utos niya.
Nagwish ako at pagkatapos ay hinipan ko ang kandila.
Dinala niya ang cake sa ibabaw ng mesa habang nakabuntot ako sa kanya.
“At dahil ikaw palagi ang naghahanda ng mga pagkain natin, ako muna ngayon ang maghanda sa ating munting salo-salo. Kaya relax ka lang d’yan, maupo ka lang.” ang sambit niya habang halos hindi naman siya magkandaugaga sa pagbukas sa tatlong karton. Binuksan niya ang unang karton, pansit ang laman na nasa bilao pa. Ang pangalawang karton naman ay isang buong fried chicken, at ang pangatlong karton ay pizza. Pagkatapos ay binuksan ang nakabalot pang wine at nagtagay ito sa dalawang wine glass. Nilagyan din niya ng kandila ang gitna ng aming mesa.
Habang pinagmasdan ko siya ay tila mangiyak-ngiyak naman ako sa sobrang pagka-touched sa kanyang ginawa. Sa tanang buhay ko, hindi ko naranasan ang ganoon na may isang taong talagang nag-effort na bigyan ng importansya ang birthday ko. Noong kami pa ni Joseph, papasyal lang kami sa mall, kakain sa restaurant o manuod ng sine.
“Ok... kainan na!” ang sambit niya nang matapos na siya.
“P-puwede ba, magpasalamat muna ako bago tayo kumain?” ang tanong ko.
“Sure, birthday boy!”
Yumuko ako. Yumuko din siya. “Lord, maraming salamat po sa buhay na ibinigay ninyo sa akin at sa isang taon na nabuo. Sana po ay magiging fruitful at productive po ang buhay ko, hindi lang para sa sarili kundi para sa mga mahal ko sa buhay at sa iba pa pong nangangailangan ng tulong. Marami rin pong salamat sa taong nagpapahalaga sa birthday ko. Ngayon ko lang po naranasan na may isang taong nagbigay na espesyal na atensyon sa birthday ko.” Nahinto ako sandali gawa nang hindi ko napigilan ang pagpatak ng aking mga luha. Pinahid ko ang mga iyon. “Marami pong salamat sa kanya. Bigyan niyo po siya ng good health, palagi niyo po siyang gabayan, at naway maging masaya siya at magiging matagumpay sa kanyang mga plano sa buhay.”
Pagkatapos kong magdasal ay tiningnan ko si Ezie na binitiwan ang isang matipid na ngiti, nakatingin sa akin. Iyong tingin na parang naawa, natuwa.
“Sensya ka na, emotional lang ako. Simula pa kasi noong bata pa ako, hindi talaga ako nagbi-birthday. Naalala ko pa, may mga birthday ako na nasa palayan kami, nagtatanim ng palay, o nasa bundok, nangongolekta ng panggatong o niyog.”
“O sya... wag na nating isipin iyon. Happy birthday nga, di ba?” ang sabi niya sabay sandok sa pansit at sinubuan ako.
Nag-aalangan man, hinayaan ko siyang ipasok sa bibig ko ang pansit at kinain ko ito. Pagkatapos, siya naman ang nagsandok at kumain gamit ang kutsarang isinubo niya sa bibig ko. Napatitig na lang ako sa kanya. Ang aking isip ay napahanga sa kanyang ginawa.
Nang matapos na kaming kumain, lumipat kami sa may terrace ng apartment at doon ay nagkuwentuhan. Sinabi niya sa akin na solong anak lang siya at may kaya sa buhay ang kanyang mga magulang. Kung tutuusin daw ay puweding hindi na siya magtrabaho o di kaya ay mag-boss na lang siya sa isa sa kanilang business. Ngunit sa kagustuhang maging independent at ipakita sa mga magulang niya na kaya niyang tumayong mag-isa kung kaya ay ginawa niya ang ganoon. Isa raw na rason kung bakit lumayo siya ay ang kanyang girlfriend. Hindi nila siya gusto dahil kahit professional at may trabaho bilang isang guro, ayaw nila sa kanya. Wala raw silang maipagmamalaki sa isang guro lamang.
“Wow ha… mapagmataas pala ang mga magulang mo.”
“Masakit sabihin ngunit, oo… ganyan sila.”
“At mahal mo talaga ang girlfriend mo.”
“Oo. Mahal na mahal ko ang gagang iyon.” Sabay tawa.
Natawa na rin ako bagamat sa puso ko ay may nadarama akong selos o inggit. Ewan. Nairelate ko kasi siya kay Joseph. Ang kaibahan lang, hanggang salita lang si Joseph. Nang ginipit na siya ng kanyang mga magulang, hayun, bumigay na. “Ang suwerte niya sa iyo…” ang sagot ko na lang.
Tahimik.
“Bakit sobrang istrikto mo noong unang nag-apply ako sa iyo?”
Napangiti siya. “Wala. Gusto ko lang manakot. Kala ko kasi, kagaya ka noong unang nag-apply na wala naman palang kaalam-alam, tapos nagdadala pa ng barkada rito. Ginawa ba namang hang out itong apartment ko. Maiingay pa, magugulo. Tapos, kapag pinagsasabihan ko ng maayos, ako pa ang masama. Kaya mabuti na iyong sa simula pa lang, alam na niya na ako ang boss dito.”
“Eh bakit ngayon bigla kang bumait sa akin?”
“Wala eh. Ewan. Gusto ko iyong ugali mo, iyong kasipagan mo.” Nahinto sandali. “Mabait minsan, tahimik, pero mataray din. Tapos kapag inaaway ko, palaban.”
“Weeh. Ikaw yata itong mataray eh. Pagbawalan ba naman ako nang kung anu-ano…”
Hindi siya kumibo. Tinitigan lang ako, iyong titig na parang nakakaloko. Tumayo siya, tinumbok ang kusina at nang bumalik ay dala-dala ang may sampung beer na inilagay sa isang balde na puno ng ice. Binuksan niya ang isa at tumungga. Nagbukas uli ng isa at iniabot naman iyon sa akin.
“Marami na ang naimom mo ah! Lasing ka na ata.” Ang sambit ko.
“Kaya ko pa naman.” Ang sagot niya bagamat halatang parang bata na siya kung magsalita, nauutal at ang mga mata ay mapupungay na.
Tahimik.
“Bakit mo ako pinagbawalan na makipag-usap kahit kanino?” ang paggiit ko sa tanong.
“Gusto mo talagang malaman?”
“Oo naman.”
Naghintay ako sa kanyang sagot nang bigla naman siyang sumuka atsaka bumulagta sa sahig. Sa gulat ko ay dali-dali ko siyang inaalalayan upang makaupo sa silya. Ngunit muli siyang sumuka. Nagkalat ang suka niya, pati na sa kanyang damit. Tila wala na siyang malay sa sobrang kalasingan.
(Itutuloy)