Chapter 2

1539 Words
“Sigurado ka ba dito, Kring?” nagdududang tanong ni Yolanda sa kaibigang si Kring—Kriselda ang buong pangalan. Sinamahan sya ng kaibigan sa pinsan ng lola nitong si Lola Nimpa. Nanggagamot daw ang matanda, nanghihilot, nanghuhula, nangkukulam at nangbabarang. Halata nga. Pagpasok pa lamang nila ay sinalubong na sila ng amoy ng insenso, kandila at amoy ng langis. “Oo, Yols, ano ka ba. Espesyalti si Lola Nimpa sa pagkausap sa mga kaluluwa,” pagbibida ng kaibigan. Sa totoo lamang ay mas gustong magpatingin ni Yolanda sa psychiatrist. Mas lumala pa kasi ang kanyang mga nakikita at nararamdaman. Pati ang pagkausap sa kanya ng tinig ng isang babae ay napapadalas na rin. Feeling close pa ang tinig dahil sa pagtawag sa kanya ng Sis! Mas lumala iyon nang makita nya ang babae sa ibabaw ng kanyang sasakyan, halos isang linggo na rin ang nakakaraan. “Pumasok na ang susunod,” sabi ng matandang tinig.  “Pasok na raw sabi ni Lola.” Inakay na sya ng kaibigan sa loob.  Nakaupo ang matandang babae sa likod ng isang mesang maliit. Sa harap ng mesa ay may dalawang upuan. Sa gilid naman nila ay may papag. Maliit lamang ang kwarto, ngunit ang paligid ay puno ng kung anu-anong nakasabit na dahon, iba't-ibang uri ng kandila at bote ng langis.  “Hindi ka pwede rito!” sigaw ng matanda.  Napahawak si Yolanda sa kanyang dibdib dahil sa gulat.  “Bakit ho?” nagtataka nyang tanong.  “Hindi ikaw. Ang kasama mo.”  Napatingin sya kay Kring. “Labas ka na,” sabi nya rito. “Hindi sya. Ang isa nyo pang kasama,” nahahapong sabi ng matanda. Hiningal ata sa pagsigaw.  Nagkatinginan sila ng kaibigan. Dalawa lamang silang magkasama. Sino kaya ang tinutukoy ng matanda?  “May kailangan sya sayo kaya hindi ka nya nilulubayan,” baling sa kanya ni Lola Nimpa. Muling kinilabutan si Yolanda. “Bakit ho ako?”  “Siguro dahil may koneksyon sya sa iyo,” kibit balikat nito.  “Di ho kaya kapatid ko sya?”  Natawa ang matanda. “Parang malabo, ineng.”  “Huh? Bakit po malabo?” nagtataka nyang tanong. Sis ang tawag sa kanya ng tinig, pero alam nyang wala syang kapatid. Malabo yon!  “Hindi kayo magkamukha,” maigsing sagot ng matanda. “Mas maganda sya,” nangingiting pang dugtong nito.  Napatuwid sya ng upo. Loko 'tong si Lola ah. Pagbaling nya ng tingin sa kaibigan ay yumuyugyog na ang balikat nito sa pagtawa. Sa inis ay hinapmas nya ito sa hita.  “Naku, 'La, maganda rin naman ho itong si Yols. Ngayon na lang naman nangitim ang ilalim ng mata nyan dahil nga sa ilang araw nang pambubulabog sa kanya ng isang babae.”  “Wala kang dapat ipag-alala, ineng. Hindi naman sya masama,” sabi ni Lola Nimpa, saka ito tumayo at tinungo na ang papag.  Yun na yon? “Tara na, Yols. Matutulog na si lola,” yakag sa kanya ni Kring.  “Huh? Teka --” “Tara na. Masamang mapagod si lola. Mahina na yan,” bulong ng kaibigan. Nagpahila na lamang sya rito. Lumabas sila ng kubo na gulong-gulo pa rin ang kanyang isip. >>>>   Nagising si Yolanda na magaan ang pakiramdam. Alas-sais ng umaga. Bago yon ah. Noong mga nakaraan ay madalas syang magising ng alas-tres ng madaling araw. Minsan dahil sa panaginip, ngunit madalas ay dahil sa pakiramdam na may nakatitig sa kanya.  Mabilis syang naghilamos at uminom ng kape. Feel nyang mag-jogging ngayon. Suot ang isang gray sport bra na pinatungan ng red jacket na may hoody, gray din na leggings at rubber shoes. Basta nya na lamang ipinuyod ang hanggang balikat na buhok at saka isinalpak sa tainga ang headset mula sa kanyang MP4 player. Paglabas ni Yolanda ng gate ng kanyang bahay ay nag-stretch muna sya bago nag-umpisang mag-jogging. Kasabay ng bawat hakbang ni Yolanda ay muling pag-alala nya sa kanyang nakaraan… “Mr. and Mrs. Rancho, sya po si Yolanda. Mabait at matalinong bata yan. Anim na buwang gulang lang sya nang iniwan dito ng kanyang lolo. Pinalaki namin ang batang iyan,” nakangiting sabi ni Sister Bing sa mag-asawang Rancho. Pitong taon si Yolanda nang kupkupin ng mag-asawa. Walang naging problema si Yolanda. Guminhawa at sumaya ang kanyang buhay dahil sa bagong mga magulang. Itinuring sya ng mga ito na parang totoong anak. Nakakain sya ng masasarap na pagkain, nagkapagsuot ng mamahaling mga damit, at sa eskwelahan na eksklosibo sya pinag-aral ng mga ito. Ngunit desi-siete anyos si Yolanda nang dumating ang isang trahedya.  “Pa, anong nangyari?” humahangos na tanong nya sa amang nadatnan nyang nakayukyok sa mesa at humahagulgol. Nag-angat ito ng mukha. Parang nanlumo si Yolanda nang makita ang basa nitong mukha nang dahil sa luha.  “Wala na ang mama mo, anak… wala na sya…” yumuko itong muli saka humagulgol nang todo. Mabilis nyang nilapitan ang ama at hinagod ang likod nito. Nalaman nyang naaksidente ang kanyang mama. Bumangga ang sasakyan nito sa isang truck, at dead on arrival na nang dalhin sa ospital. Mula noon ay nagbago na ang kanyang itinuturing na butihing ama.  Madalas nang lasing si Mr. Rancho. Nagbababad ito sa sugalan at pagkatapos ay saka magpapakalunod sa alak. Hindi na sila halos magkita ng ama, hanggang sa dumating ang isang balita. Wala na ang negosyo ng kanyang mga magulang. Nalugi, at ang iba ay ipinangbayad ng ama sa pagsusugal. Napilitan syang huminto sa pagkokolehiyo upang magtrabaho. “Pa, kumain na po ba kayo? May dala po akong ulam,” nakaupo ang matandang lalaki sa tumba-tumba at malayo ang tingin. Malaki ang ibinagsak ng katawan ng kanyang ama, nahupyak ang pisngi at kumupas ang dating taglay na kagwapuhan. “Patawarin mo ako, Yolanda…” sabi nito sa mahinang tinig. “Papa, wala kayong kasalanan. Malaki po ang utang na loob ko sa inyo at wala ako sa lugar para kwestyunin ang mga naging desisyon nyo sa buhay mula nang… mawala si mama…” “Mahal na mahal ka namin ng mama mo. Palagi mong tatandaan yon.” “Ako rin po, papa, mahal na mahal ko kayo ni mama.” Hinawakan nya ang payat at maugat na kamay ng ama. “Kapag nawala na ko, anak, doon ka tumira sa isa pang bahay namin ng mama mo. Mahalaga sa akin ang bahay na iyon, kaya hindi ko talaga ibinenta. Marami kaming alaala doon ng mama mo,” naluluhang sabi ng ama.  “Dalawa tayong lilipat doon, papa.” Tinatagan ni Yolanda ang kanyang boses, pero sa totoo lang ay natatakot na sya sa mga ipinapahiwatig ng ama.  “Hindi ko alam kung magtatagal pa ako, anak. Ang hiling ko lang ay huwag mong pabayaan ang bahay na yon. Nang mawala ang iyong mama ay agad kong inilipat sa pangalan mo ang bahay at lupa.”  Tuluyan na syang napaiyak. Hindi na nya kakayaning mag-isa muli. Mula sanggol hanggang mag-pitong taong gulang ay ang bahay ampunan ang kanyang naging tahanan at pamilya. Hindi nya akalain na pagtungtong nya ng dalawampu't isang gulang ay muli na naman syang mag-iisa. Nasa trabaho si Yolanda nang tawagan sya ng kapitbahay upang sabihin na wala na ang kanyang ama.  Umihip ang malamig na hangin. Nanumbalik ang isip ni Yolanda sa kasalukuyan. Napahinto sya at pinahid ang pawis na umagos mula sa kanyang noo. Hindi na nagulat si Yolanda na basa rin ang kanyang pisngi. Ang pagkawala ng dalawang taong mahal nya ay isang masamang bangungot para sa kanya. Wala sa loob na napatingin si Yolanda sa kanyang gilid. Nasa tapat na pala sya ng bahay ng lalaking tumulong sa kanya noong isang linggo. Saradong-sarado ang bahay. Malalaki ang bintana nito na nahaharangan ng makakapal na kurtina. Makalat ang loob ng bakuran nito dahil sa mga tuyong dahon na nagmumula sa tatlong malalaking puno na nakatayo roon.      “Hello?! Mister?! Tao po?!” tawag nya mula sa labas. Nanguyampit pa sya sa bakal ng gate. Malakas ang loob nya. Tirik na tirik ang araw, at sinigurado naman nong lalaki na hindi haunted house ang bahay nito. “…Pasukin mo…”  Napalingon si Yolanda sa kanyang likuran. Ayan na naman ang tinig. Bumaba ang tingin nya sa bakal na hawakan upang mabuksan ang gate. Hindi iyon nakasara. Marahan nyang tinulak ang kinakalawang nang bakal na sanhi upang lumangitngit iyon.  Pinasok nya ang bakuran. Napakalawak niyon, ngunit halatang walang nag-aalaga. May pool pero walang tubig. May couple swing pero halos kinakalawang na rin ang mga turnilyo at bakal. May fountain na hitsurang anghel na may hawak na banga, ngunit walang lumalabas na tubig. Kupas na rin ang pintura ng anghel.  Muling umihip ang malamig na hangin, tinangay ang mga tuyot na dahon na marahang dumaan sa kanyang paanan. Lumangitngit ang swing. Nabaling roon ang tingin ni Yolanda. Hayun na naman ang babaeng nakatalikod at may alon-alon na buhok. “...Hmmm…hmmm…hmmhmmm…” Nanlaki ang mga mata ni Yolanda. Kahit may headset na nakasalpak sa kanyang tainga ay dinig nya pa rin ang malamyos na awit ng babaeng nakaupo sa duyan. Humawak ang kamay nito sa gilid ng duyan. Sya ulit! May singsing ito na may malaking bato at sapphire red ang kulay ng kuko. “Anong kailangan mo sakin…?” bulong nya sa sarili ngunit, ang tinutukoy ay ang babae na umuugoy sa swing. “Hmmm….hmmmm…hmmhmm, hiyeh...yeahhh,” birit ulit nito.  “Wala ka bang ibang alam na kanta?!” inis na sabi nya sa babaeng hindi pa rin lumilingon sa kanya. Muling umihip ang hangin. “Sino ka?” sa lalaki naman nagmula ang tinig na iyon. Nilingon nya ang pinanggalingan ng tinig. Hayon ang lalaki tumulong sa kanya. Balot pa rin ng buhok ang mukha. Ngunit hindi lang pala iyon ang mabuhok sa lalaki kundi pati ang dibdib nito na bahagyang nakasungaw dahil sa roba lamang na suot nito.  Nilingon nya ang swing, wala na roon ang babae. Bumalik ang tingin nya sa lalaki at may napagtanto si Yolanda. Sa tuwing maririnig nya ang awit ng babae at bumirit na ito ay saka naman lalabas ang lalaking balbasarado.  Di kaya kapre talaga ‘to?  Itutuloy… Please Like and Follow <3  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD