Kabanata 2

2253 Words
"Anak, kumain ka na," sabi ni mama sabay lapag ng tray na may pagkain sa aking kama. Hindi ko siya pinansin. Niyakap ko na lamang ang dalawang tuhod ko at tumingin sa kawalan. Kinuha ni mama ang plato at kutsara. Akma niya akong susubuan pero umiwas ako. Napabuntong-hininga siya. "Angeli, huwag nang matigas ang ulo. Ilang araw ka nang hindi kumakain at pumapasok sa school. Ni hindi ka rin lumalabas ng kwarto mo. Ano bang nangyayari sa’yo, anak? Nag-aalala na kami ng papa mo. Baka magkasakit ka nyan sa mga pinagagagawa mo." Nanatili akong walang kibo. Muling hinawakan ni mama ang tray bago tumayo. Napatakip ako sa aking mga mata nang nang hawiin ni mama ang kurtina ng bintana. "Ma, ano ba?!" reklamo ko. "Mabuti ‘yan, para makapasok naman ang liwanag dito sa kwarto mo at masinagan ka naman ng araw. Tingnan mo nga ang sarili mo. Ang putla-putla mo na!" bulyaw niya. Humiga ako sa kama at nagtalukbong ng kumot. "Ma, please, pabayaan niyo muna ako." "Ano ka ba namang bata ka?! Umayos ka nga!" sabi niya sabay hablot ng kumot. Kinuha ko naman ang isang unan at siyang itinakip sa mukha ko. Muli itong inagaw ni mama kaya naman hinawakan ko ito nang mahigpit. Maya-maya pa'y sumuko na rin siya at tumigil na sa pag-agaw ng aking unan. Naramdaman kong umupo siya sa tabi ko. Ilang sandaling nanaig ang katahimikan sa pagitan naming dalawa. Maya-maya pa’y narinig kong bumuntong-hininga si mama. "Siya nga pala. Dumalaw kami kina Shiara kanina," panimula niya. Pakiramdam ko'y nanigas ang buong katawan ko pagkarinig sa pangalang kanyang binanggit. "Hindi ko lubos maisip kung bakit niya nagawang magpakamatay. Napakabait niyang bata. Sayang naman at pumanaw siya sa murang edad pa lamang. Nakakapanghinayang talaga," pagpapatuloy niya. Nang tanggalin ni mama ang unan na aking yakap-yakap, namalayan ko na lamang na umiiyak na pala ako. Matapos noon ay niyakap niya ako nang mahigpit. "Shh. Tahan na, anak." pag-aalo sa akin ni mama habang hinahaplos ang likod ko. "Wala na..wala na si..si Shiara, mama. Wala na siya" utal na saad ko. "Lahat ng bagay ay may hangganan, anak. Darating ang panahon na muling babawiin ng Diyos ang buhay na ipinahiram niya sa atin," pahayag niya. "Pero Mama, si Shiara…" hindi ko na naituloy pa ang sasabihin ko dahil napahagulhol na ako. Hinaplos ni mama ang aking buhok. "Alam kong napakasakit sa’yo ng pagkamatay ni Shiara lalo na't kapatid na ang turing mo sa kanya. Bata pa lamang kayo ay talagang malapit na kayo sa isa't isa. Masakit rin naman sa amin ng papa mo ang pagkawala niya. Itinuring na namin siyang bahagi ng ating pamilya." Hindi na ako umimik pa. Niyakap ko na lang si mama at tahimik na umiyak. Sinimulan niya akong ihele. Ipinikit ko ang aking mga mata. Kahit papano'y gumaan ang aking pakiramdam. Alam kong mga bata lang ang inihehele kaya naman natutuwa ako sa ginagawa ni mama. Ganito rin kasi ang ginagawa niya sa akin noong bata pa ako kapag ako ay malungkot. Medyo nabawasan rin ang bigat na nararamdaman ko sa aking dibdib. Ilang araw ko na rin itong kinikimkim. Mabuti na lamang at palaging nasa tabi ko si mama. Tumigil na ako sa pag-iyak subalit nanatili pa rin akong nakapikit habang nakayakap kay mama. I know I'm acting like a child but it's really comforting. Syempre, malaki na ako, teenager na. Kaya madalang na akong magkaroon ng ganitong interaction with my parents. Ganito naman kasi tayong mga kabataan. Kapag nagdalaga at nagbinata na, bihira na tayong maglambing sa mga magulang natin. ‘Yung tipong hindi man lang tayo makapagsabi ng 'I love you' sa kanila. Maging ang yakapin sila ay bihira na rin nating magawa o kung minsan ay hindi na nga. Inuunahan kasi tayo ng hiya. Bihira na rin sa panahon ngayon ang gumagamit ng 'po' at 'opo' tuwing kausap ang kanilang mga magulang. Hindi rin tayo masyadong nagse-share ng sikreto sa kanila. Mostly, mas pinipili pa nating sabihin ang mga ito sa ating mga kaibigan. Kaibigan. Bigla rumehistro sa isip ko ang mukha ni Shiara. Pakiramdam ko'y naninikip ang aking dibdib dahil sa lungkot at…takot. "Naniniwala po ba kayo sa…multo?" Hindi ko alam kung bakit bigla na lamang lumabas sa bibig ko ang tanong na iyon. Dahan-dahang kumawala sa pagkakayakap sa akin si mama. "Medyo," nag-aalangang sagot niya. "Maraming tao ang nagsasabi na nakakita na raw sila ng multo o kaya nama'y pinagparamdaman nito. Hindi nga lang ako sigurado kung totoo nga ito kasi hindi pa naman ako nakakakita. Sabi naman ng iba, kathang-isip lang daw ang mga multo, maligno o masasamang elemento na kinatatakutan ng karamihan. Pero malay mo, totoo nga na may multo. Marami kasing bagay rito sa mundo natin na hindi pa nadidiskubre o nabibigyang paliwanag. Teka, bakit mo ba naitanong?" tanong niya. "Ano po kasi… Si Shiara po…" nakayukong saad ko. Narinig kong tumawa si mama. "Bakit anak, minumulto ka ba niya?" natatawang tanong niya. Hindi ako umimik. Nanatili lang akong nakayuko. Hindi ko alam kung sasabihin ko kay mama ang mga nakita at naranasan ko nitong nakaraang araw. Nagdadalawang isip ako dahil baka hindi niya ako paniwalaan. Inihiga ako ni mama sa kama. "Ayon sa pagkakaalam ko, ang mga kaluluwang hindi matahimik lamang ang nagmumulto. Marahil ay hindi pa nila natatapos ang misyon nila rito sa mundo o kaya nama'y namatay sila kahit hindi pa naman dapat kaya pagala-gala ang kaluluwa nila dito sa lupa. Huwag kang mag-alala, hindi naman siguro magmumulto si Shiara. Masyado ka lang yatang nag-iisip ng kung anu-ano kaya naiisip mong nagmumulto siya. Dala na rin siguro ‘yan ng stress at depression," paliwanag ni mama. "Tsaka wala ka naman sigurong atraso sa kanya para multuhin ka niya," biro niya. Tumahimik ako sandali at muli na namang may pumasok sa isip ko. "Mama, di ba po kasalanan ang pagpapakamatay? Nagpakamatay si Shiara di ba? Ang alam ko, hindi binebendisyunan ng simbahan ang bangkay ng mga nagpakamatay," sabi ko. Sandaling natigilan si mama. "Oo, pero…teka, bakit ba tungkol sa patay ang pinag-uusapan natin? Huwag na nga nating pag-usapan ‘yan. Kinikilabutan lang ako," sabi niya habang hinahaplos ang magkabila niyang braso. "Maalala ko nga pala, libing na ni Shiara bukas ah. Pupunta ka ba?" tanong niya. Umiwas ako ng tingin. "Hindi ko po alam," sagot ko. "Hindi ka namin pipiliting pumunta. Pero sana makarating ka. Mas maganda kung nandun ka para ihatid man lang ang bestfriend mo sa huli niyang hantungan," sabi niya. "O siya sige, aalis na muna ako. Magpahinga ka na at mukhang wala ka pang tulog," paalam ni mama sabay halik sa aking noo. Ngumiti ako nang pilit sa kanya. Pinagmasdan ko siyang lumabas ng aking kwarto. Ilang sandali na ang nakalilipas subalit nanatili lang akong nakatitig sa saradong pinto. Napatingin ako sa maliit na drawer na nasa tabi ng aking kama. Binuksan ko ito at kinuha ang aking cellphone at pagkatapos ay ini-on ko iyon. Simula nang makatanggap ako ng text mula kay Shiara, hindi ko na binuksan pang muli ang cellphone ko. Sandamakmak na texts at missed calls agad ang bumungad sa akin pagkabukas na pagkabukas ko ng aking phone. Nakahinga ako nang maluwag nang makitang wala sa mga iyon ang nanggaling kay Shiara. Halos puro schoolmates, friends at teachers lang ang nag-text at tumawag sa akin. Karamihan sa kanila ay nagtatanong kung kumusta na raw ako at kung bakit hindi ako pumapasok. ‘Yung iba nama'y nagtatanong kung totoo bang patay na si Shiara. May nag-text din ng condolence. Alam kasi nilang bestfriend ko si Shiara. Naalala ko ‘yung text na natanggap ko noong isang araw. Hinanap ko ito sa inbox ko pero hindi ko na makita. Nasaan na ‘yun? Hindi ko naman ‘yun dinelete ah. Tiningnan ko ang log ko. Walang record na nag-text si Shiara sa akin nang araw na ‘yun. Imposible. Hindi kaya imagination ko lang ang nabasa kong text message noon? Ibinalik ko ang cellphone ko sa drawer at muling humiga. Wala sa sarili akong napatitig sa kisame. Siguro nga tama si mama. Masyado lang siguro akong nabigla at nalungkot sa pagkamatay ni Shiara kaya naman kung anu-ano ang nakikita ko. Pero ‘yung sa school, hallucination din ba ‘yun? Kinuha ko ang notebook ni Shiara na nasa ilalim ng aking unan. Imposible namang magteleport ‘to papunta sa akin para lang makakopya ako. Ugh! Sa inis ko ay naibato ko ito kung saan at muling humilata sa kama. Hindi na muna ako mag-iisip ng kung anu-ano dahil baka mabaliw lang ako. Hanggang ngayon ay hindi ko pa rin alam kung pupunta ba ako sa libing ni Shiara o hindi. Bahala na bukas. Ipinikit ko ang aking mga mata. Unti-unti akong nakaramdam ng matinding pagod. Hindi nagtagal ay dinalaw na rin ako ng antok dahilan para tuluyan na akong makatulog. *** Tahimik akong naglakad papunta sa puntod ni Shiara. Hindi na ako nakaabot pa sa libing niya dahil sa pagdadalawang isip ko kung pupunta ba ako o hindi. Pero bestfriend niya ako kaya naman naisipan kong dapat ko siyang dalawin. Natigilan ako sa paglalakad. Hindi kalayuan mula sa kinatatayuan ko ay ang puntod ni Shiara at malapit doon ay may isang lalaking nakatayo. Hindi ko alam kung namamalikmata lang ba ako pero parang umiiyak siya. Hindi ko masyadong maaninang ang mukha niya kaya unti-unti akong lumapit. "Zach?" banggit ko sa pangalan niya. Kung hindi ako nagkakamali, ‘yun ang pangalan niya at siya ang boyfriend ni Shiara. Hindi siya lumingon sa akin. Mukhang hindi niya ako narinig dahil bukod sa medyo may kalayuan pa ako sa kanya, mahina rin ang pagkakabanggit ko ng kanyang pangalan. Tuluyan na akong lumapit sa kanya. "Zachary Assuncion?" sabi kong muli. Sa pagkakataong iyon ay lumingon na siya. "Ikaw ang boyfriend ni Shiara, di ba?" tanong ko. "Ako nga," sagot niya habang pinupunasan ang kanyang luha. Sabi ko na nga ba, siya ‘yun. Ilang beses pa lang kaming nagkikita pero hindi ko siya maaaring makalimutan. Ayon sa pagkakatanda ko, 1st year college na siya. "Angeli?" tanong niya. "Ikaw ‘yung bestfriend ni Shiara, di ba?" "Oo─" "Ikaw ang may kasalanan kung bakit siya namatay," puno ng galit na saad niya na siya namang ikinagulat ko. "Bakit ako?" nagtatakang tanong ko. "Nagpakamatay si Shiara dahil nag-break kami. At dahil ‘yun sa'yo," akusa niya sa akin. "Palagi ka niyang bukambibig. Lagi ka niyang inaalala. Kesyo baka hindi ka na naman daw gumawa ng assignments mo o baka bumagsak ka sa exam niyo dahil baka hindi ka nakapag-aral kasi nakalimutan mo. Wala naman sa’kin ‘yun eh. Natural lang na banggitin ka niya kasi bestfriend ka nga niya at ramdam kong mahalaga ka sa kanya. Pero hindi naman ‘yun ang problema eh. Sa sobrang pag-aalala niya sa’yo, nawawalan na siya ng time para sakin. Minsan na nga lang kami magkasama kasi busy kami pareho lalo na ako dahil college na ko. Ang masakit pa dun, kapag free time namin na dapat magda-date o magkikita kami, madalas siyang hindi nakakasama. Alam mo ba kung bakit? Kasi mas inuuna niya ang paggawa ng sandamakmak niyong schoolworks at assignments para naman daw may kopyahan ka kung sakaling wala ka na namang gawa. Nainis ako kaya nakipag-break ako sa kanya. Ang gusto ko lang naman ay magkaroon ng oras para makasama siya. Pero mas inuuna ka niya!" galit na galit na sigaw niya sa akin. Napasinghap ako dahil sa mga sinabi niya. Nag-unahan sa pagpatak ang aking luha. Hindi ako makapaniwala sa mga sinabi niya. Pero hindi ko rin maiwasang magalit. Ilang sandali pa’y parang may kung anong nasa loob ko na bigla na lang sumabog. "Alam kong may kasalanan ako. I'm sorry! Pero ‘wag mo naman sana akong sumbatan at sisihin dahil hindi lang naman ako ang may kasalanan dito! Oo, inaamin ko na masyado akong umasa kay Shiara. Hindi ko naman alam na nakakaapekto na pala ako sa relasyon niyo, to the point na magkakasira kayo. Di ba sabi mo, nagpakamatay si Shiara dahil nag-break kayo. Eh gago ka pala eh! Sino bang nakipag-break sa kanya? Ako ba? Hindi di ba?! Ikaw!" sigaw ko habang nakaduro sa kanya. Parang nagliyab sa galit ang mga mata niya. "Kaya ko lang naman ginawa ‘yun kasi gusto kong ma-realize niya na dapat rin niya akong pag-ukulan ng pansin. Mahal na mahal ko siya! Ang gusto ko lang naman ay makasama siya! Ano bang masama dun?!" Tumawa ako nang pilit. "Ang babaw mo. Dahil lang dun nakipag-break ka na agad? Akala ko ba mahal mo siya? Kung talagang mahal mo ang isang tao, iintindihin mo siya. Tsaka, sabi mo gusto mo siyang makasama. Eh anong ginawa mo?! Hiniwalayan mo! Sinayang mo ang halos isang taon niyong pagsasama!" Hindi na siya umimik pa. Nanatiling tahimik ang buong paligid. Tanging ang malakas na ihip ng hangin at kaluskos ng mga dahon lang ang maririnig. Umupo ako sa damuhan at humarap sa puntod ni Shiara. Bumuntong-hininga siya. "Tama ka. Kasalanan ko nga. Kung hindi lang sana ako nakipag-break sa kanya, eh di sana kami pa hanggang ngayon. Buhay pa sana siya ngayon. Ang tanga-tanga ko talaga!" sabi niya sabay sipa sa maliit na batong malapit sa kanya. "Ano ka ba? Lahat tayo may kasalanan. Hindi dapat ako masyadong umasa kay Shiara. Si Shiara kasi eh, masyadong mabait. Nakakainis," natatawang sabi ko habang pinupunasan ko ang aking luha. “Pero sa totoo lang, hindi naman natin alam kung bakit talaga nagpakamatay si Shiara, kaya hindi rin natin matutukoy kung sino ba talaga ang dapat sisihin sa nangyari,” sabi ko bago napabuntong-hininga. "Sorry sa inasal ko kanina," sabi niya. "Pero sana, magbago ka na. Huwag kang masyadong umasa sa ibang tao. Hindi porket mabait sila ay aabusuhin mo na. At baka dahil sa sobrang pagdepende mo sa kanila, makapurwisyo ka na." Hindi ako nakaimik. Pinagmasdan ko lang siya habang nakaluhod sa harap ng puntod ni Shiara. "Mahal na mahal kita," usal niya bago tuluyang umalis. Dahan-dahan akong lumapit sa puntod ni Shiara at hinaplos ang kanyang lapida. "I'm so sorry, Shiara. I'm very, very sorry."   
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD