Kabanata 1

1439 Words
Napatingin ako sa orasang nakasabit sa dingding at muntik nang matalisod sa hagdan nang makitang ilang minuto na lamang ay male-late na ako. Nang makababa ay tinungo ko agad ang shoe rack para magsuot ng sapatos habang sinusuklay ang basa pang buhok. "Ma! Pa! Aalis na po ako!" sigaw ko sa aking mga magulang na kasalukuyang nag-aalmusal sa kusina. "Angeli, h’wag kang aalis nang hindi kumakain!” narinig kong saad ni Mama. Tumingin ulit ako sa orasan bago mabilis na pumunta sa kusina. Nang makalapit ako sa lamesa ay pinukulan lamang ako ng isang sulyap ni Papa bago bumalik sa pagbabasa niya ng dyaryo habang si Mama naman ay itinuro ang katapat na silya bago ako simulang sermunan dahil sa gawain kong pagpasok nang hindi nag-aalmusal. Pinasadahan ko lang ng tingin ang nakahaing sinangag na kanin, itlog at gulay bago inabot ang toasted bread na may palaman. "Wala na po akong oras, Ma. Magbabaon na lang po ako,” sabi ko bago iwinagayway ang aking kaliwang kamay tanda ng pagpapaalam. Narinig ko pa ang pagprotesta ni Mama pero tumakbo na ako palabas ng bahay. Sumakay ako sa jeep papuntang school. Sa totoo lang, hindi pa naman talaga ako mala-late dahil 6:30 pa lang naman ng umaga. Kaya lang naman ako nagmamadali ay dahil kailangan kong makarating sa school nang maaga. Mangongopya pa kasi ako ng assignments. Nakatulog ako nang maaga kagabi kaya hindi ko na nagawa pa ang mga assignments ko. Bukod pa rito, aaminin kong tamad talaga akong gumawa ng mga takdang-aralin. Nakarehistro na kasi sa utak ko na okay lang na hindi gumawa ng assignment lalo na kapag hindi ko maintindihan ang gagawin. Bakit ko pa pahihirapan ang sarili ko kung pwede naman akong mangopya na lang, ‘di ba? "Shiara, pakopya naman," bungad ko sa aking bestfriend pagkarating na pagkarating ko sa classroom namin. Tiningnan lang niya ako saglit. Mayamaya pa'y napabuntong-hininga siya at napailing. "Sabi na nga ba wala ka na namang assignments eh. Ang tamad mo talaga," sabi niya habang natatawang iniaabot sa akin ang notebooks niya. Inuna kong kopyahin ang homework namin sa Physics. First subject kasi namin iyon. Tinitigan ko ang math notebook na nasa harapan ko at nagsimula nang kumopya. Pakiramdam ko’y mahihilo ako sa sobrang dami ng numbers at letters na nakikita ko ngayon. "Pati ba itong mga solutions kailangang kopyahin?" tanong ko kay Shiara. "Oo. Kasama ‘yan. May points din ang mga ‘yan," sagot niya. "Kainis naman oh! Ang dami kaya nito," reklamo ko. "Kasalanan mo ‘yan. Hindi ka kasi gumawa kahapon," sabi niya. Sumimangot na lang ako. Matapos kong kopyahin ang sagot sa assignment namin sa Physics, isinunod ko naman ang pagtulad sa mga sagot para sa iba pa naming subject. Wala na akong pakialam kung tama ba lahat ng kinokopya ko o hindi. May tiwala naman ako sa mga sagot ni Shiara eh. Siya kasi ang nangunguna sa batch namin at hindi naman maipagkakailang matalino talaga siya. Napabuntong-hininga ako. Bakit ba palagi na lang tambak ang mga pinapagawa sa aming takdang-aralin? Hindi man lang nila kami bigyan ng pahinga. Pero sabagay, ang pinagpaguran ko lang naman ay ang pagsusulat at pangongopya eh. Hindi ko na nga pinroblema pa ang pag-iisip ng sagot hindi tulad ng mga kaklase kong paniguradong nanakit ang ulo sa kaiisip ng isusulat. Okay na rin ‘yun. At least, hindi masyadong dumugo ang utak ko. Marahil masama na ang tingin niyo sa akin dahil isa akong dakilang tamad at mangongopya. Hoy! Tamad lang akong magsagot kaya lagi akong nangongopya ng assignments. Pero hindi naman ako nangongopya tuwing may exams. Nag-aaral din naman ako. Isa pa, hindi naman masyadong lagapak at sayad sa lupa ang mga grades ko. Average lang kumbaga. Lumipas ang buong maghapon. Fortunately, nakopya ko naman lahat ng assignments namin. ‘Yun nga lang, kung minamalas nga naman, kumpara noong nakaraan ay mas madami ang ibinigay sa aming panibagong homeworks. "Bakit ganyan na naman ang mukha mo? Para kang pinagsakluban ng langit at lupa," sabi ni Shiara. Naglalakad kami ngayon papalabas ng campus. Dismissal na kasi. Saglit ko siyang tinitigan. "Shiara, pakopyahin mo naman ulit ako ng assignments oh," hirit ko. Tinaasan niya ako ng kilay. "Naku! Ikaw talaga. Sige, bukas agahan mo. I mean, maagang-maaga," sabi niya. Ngumiti ako nang matamis sa kanya. "Thanks, bes! ‘Wag kang mag-alala, aagahan ko talaga bukas," sagot ko. *** Kinabukasan, tulad nga ng napag-usapan namin ni Shiara  ay inagahan ko ang pasok. Nagulat pa nga si mama nang makitang mas maaga pa akong nagising kaysa sa kanya. Dumating ako sa school bago mag alas-sais ng umaga. Mukhang wala pa nga ni isang estudyante ang nasa school ng mga oras na iyon. Pagpasok ko sa classroom namin ay may nakita akong isang babae. Nakatalikod siya sa akin subalit agad ko rin naman siyang nakilala. "Shiara!" tawag ko sa kanya. Unti-unti siyang lumingon sa akin at nginitian niya ako. Tumabi ako sa kanya. May ibinigay siya sa aking notebook kaya naman nagsimula na akong kumopya. "Pagod na ako," narinig kong saad niya kaya naman napatingin ako sa kanya. "Pagod? Bakit?" tanong ko. "Ah! Pagod ka na bang gumawa ng mga homeworks natin? Naku, naiintindihan kita," tatawa-tawang sabi ko bago muling nagsulat. Maya-maya pa'y tumayo na siya. "Angeli, may pupuntahan muna ako. Sandali lang ako," paalam niya bago tuluyang umalis. Hindi ko na lang siya pinansin. Busy ako eh. Pero hindi ko pa rin mapigilang hindi magtaka. Bakit kaya ganun ang ikinikilos niya? Weird. Lumipas ang isang oras. Unti-unting nang nagsidatingan ang mga kaklase ko. Samantala, natapos ko na naman ang aking assignment. Nagsimula na ang unang klase naming pero hindi pa rin bumabalik si Shiara. Hanggang sa natapos ang buong araw at tuluyan na nga siyang hindi nagpakita. Nasaan na kaya ang babaeng ‘yun? Hindi ko naman siya matawagan. Naiwan ko kasi ang cellphone ko sa bahay sa sobrang pagmamadali kong pumasok nang maaga. Dahil dito, napagpasyahan ko na lang na dumaan sa bahay nila para ibalik ang notebook niya. Malapit lang naman ‘yun dito sa school kaya lalakarin ko na lang. Nang makarating na ako sa bahay nila, napansin ko na medyo maraming tao. Ano kayang meron? Wala naman akong natatandaang okasyon na dapat ipagdiwang ng pamilya nila ngayong araw na ito. Ilang sandali pa’y pumasok na ako sa loob. Nagulat ako sa tumambad sa akin. Kabaong. Bigla akong kinabahan. Nakita ko ang mama ni Shiara kaya naman nilapitan ko siya. "Tita, a-ano pong meron?" tanong ko. Sandali siyang tumingin sa akin. Maya-maya pa’y bigla na lamang siyang humagulhol. "Hija, wala na si Shiara." "P-po? Ano pong ibig niyong sabihin?" naguguluhang tanong ko. "Sinubukan ka naming tawagan pero hindi ka namin ma-contact. Nagpakamatay siya kagabi, Angeli. Nagbigti siya." Para akong binuhusan ng malamig na tubig sa aking narinig. Napailing ako. Hindi. Hindi pwedeng mangyari ‘yun. Hindi pwedeng patay na si Shiara. Hindi pwedeng nagpakamatay siya kagabi. Hindi pwede. Nakasama ko pa siya kanina. Napakaimposibleng patay na siya. Dahan-dahan akong lumapit sa puting kabaong na nasa harapan. Unti-unti at puno ng takot kong sinilip ang nasa loob nito. Napasinghap ako. Hindi nga nagsisinungaling si Tita. Si Shiara. Si Shiara ang nasa loob ng kabaong. Patay na siya. Niyakap ko nang mahigpit ang notebook niyang dala-dala ko. Kung kagabi pa lang ay patay na siya, paano nangyaring nakasama ko pa siya kaninang umaga? Tinitigan ko ang maamong mukha ng aking kaibigan. Maputla man ay bakas pa rin sa kanyang mukha ang angkin niyang ganda. Pinigilan kong umiyak habang pinagmamasadan ko siya. Muntik na akong mapasigaw at matumba sa kinatatayuan ko nang bigla na lang dumilat ang mga mata ni Shiara. Ang kanyang maitim na mga mata ay matiim na nakatingin sa akin. Mas lalo pa akong kinilabutan nang unti-unti siyang ngumiti sa akin. Isang nakakapanindig-balahibong ngiti ang kanyang pinakawalan. Lumayo ako sa kabaong at tumakbo papalabas ng bahay nina Shiara. Narinig kong tinawag ako ng kanyang ina ngunit hindi na ako lumingon pa. *** Pagdating na pagdating ko sa bahay ay nagkulong agad ako sa aking kwarto. Tinanong ako nina mama kung ano ang aking problema pero hindi ko sila pinansin. Umiyak lang ako nang umiyak hanggang sumapit na ang gabi. Bago ako tuluyang dalawin ng antok at pagod sa kaiiyak, tiningnan ko muna ang cellphone ko. Ang daming texts at missed calls nito. Karamihan sa mga iyon ay galing sa mga magulang ng bestfriend ko. Dahil dito ay lalo tuloy akong naiyak. Isang kararating lamang na text ang nakapukol ng aking pansin. Nang mabasa ko ito, pakiramdam ko’y sumikip ang aking dibdib. Parang gusto ko nang magwala at magsisigaw. Simula ngayon, ipinapangako ko na sa sarili ko na gagawin ko na ang lahat ng mga homeworks ko. Hinding-hindi na ako kokopya sa iba. Hinding-hindi na ako aasa sa sagot ng kung sino man. Muling sumagi sa aking isip ang na-receive kong text message ilang sandali pa lamang ang nakakalipas. Napahagulhol ako nang maalala ko ito. Gusto mo bang kumopya ng assignments? Halika. Papakopyahin kita. Agahan mong pumasok ha? Hihintayin kita. From: Shiara
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD