CHAPTER 2

1590 Words
DRIVER HINDI ko alam kung ano ang nangyari. Napaupo ako sa kalsada dahil hindi ko napansin ang isang sasakyang papalabas ng garahe pagliko ko habang mabilis na tumatakbo sa isang kalye. Nasanggi ng sasakyan ang tagiliran ko. Mabilis na tila isang kidlat. Gusto kong matawa sa aking sarili. Dahil ako na yata ang pinakamalas sa mundo. Mabuti na lang at nagpreno agad ‘yong driver kung hindi ay malamang na nabalian na ako ng buto. At dahil kakatapos lang umulan, maputik at basa ang parteng iyon ng kalsada. Ramdam ko na nabasa ang pang-upo ko. Pinakiramdaman ko ang aking sarili. Himalang wala akong naramdamang sakit. Para bang may tumapik lamang sa aking baywang dahilan upang ako ay matumba. Sayang. Sana nga napuruhan na lang ako. Bakasakaling maging pambayad iyon sa mga naging kasalanan ko. Naramdaman ko ang dali-daling pagbaba ng sasakyan ng driver. "Miss, are you okay? I'm sorry hindi kita napansin. P-Pasensiya ka na nagmamadali kasi ako. Are you hurt somewhere?" Sunod-sunod na tanong at paliwanag ng natatarantang driver na nakasagi sa akin na parang balisang-balisa. Hawak niya ang braso at baywang ko na tila gusto akong buhatin sa pagkakaupo sa kalsada. Nang magtama ang paningin namin ay kumabog agad ang aking dibdib. Hindi ko alam kung bakit ganito ang naramdaman ko. Nakita ko ring nagitla siya. Na ipinagtaka ko. Umiwas agad ako ng tingin. Ramdam ko ang mainit niyang mga palad sa aking katawan. Kinilabutan ako. Tinangka kong tumayo subalit napaupo pa akong lalo sa basang kalsada. Wala namang masakit sa akin pero para bang nanghihina ang mga tuhod ko. Kanina lang ay tumatakbo ako at napakalakas ng tingin ko sa aking sarili. Na kahit gusto kong parusahan ang sarili ay hindi naman ako masaktan. Ngayong nasagi lamang ako ng isang sasakyan ay para na 'kong nauupos na kandila? O baka naman talaga napuruhan ako at namanhid lamang ang buong  katawan kung kaya't wala akong maramdaman? Dapat na ba akong maging masaya? Na sa wakas ay may isang tao na magiging instrumento para mapagbayaran ko ang mga kamalian ko? Napasulyap akong muli sa lalaking may hawak sa akin, sa kanyang labi. At sumagi sa alaala ko ang lalaking nakamaskara. Hindi ko alam kung bakit pero kinilabutan ako at alam kong nawala ang kulay ng dugo sa mukha ko. Bigla akong nakaramdam ng takot. Bakit ganito? Ano nga ba ang iniisip ko kanina? Gusto kong tumakas. At sa isang iglap ay narito ako ngayon at nakaupo sa kalsada, katabi ng isang hindi nakikilalang lalaki na ngayon ay nagpapatibok ng sobra-sobra sa puso ko. Pumikit ako at huminga ng malalim. Ang kanyang labi, bakit ganoon ang epekto sa akin ng labing iyon? Bakit pakiramdam ko ay may sariling buhay ang parteng iyon na tila tinutupok ako? Takas. Kailangan kong tumakas. Ang nagsusumiksik sa utak ko. Shit Mylah! Kung tatakas ka at hahanapin mo ang kaparusahan mo, sa tingin mo walang taong madadamay? Kailangan mong bumawi sa mama mo. Kailangan mong bayaran ang mga kasalanang nagawa mo. Wala kang karapatang bigyan siya ng kahit na anong alalahanin. Tumayo ka at burahin mo ang lahat ng nasa isip mo! Sa ganoong pagmumuni-muni naramdaman ko na may nag-angat sa akin. Narinig ko pa ang boses ng lalaki na para bang nagagalit. "Damn!" Mahigpit na napakapit ako sa bumuhat sa akin. Natatakot ba akong bumagsak? Bakit hindi ko magawang idilat ang aking mga mata gayong alam ko naman na gising na gising ako? O dahil naghahanap lamang ako ng makakapitan? O umiiwas na muling mapatingin sa kanyang labi? May kung anong kuryenteng dumaloy sa aking katawan. Amoy ko ang pabangong panlalaki. Ramdam ko ang init na dumampi sa balat ko. Nakagat ko ang aking labi. Kung ganito kabango ang lalaking bubuhat sa akin ay hindi ko na nanaisin pang bumitiw. May naramdaman akong panghihinayang. Napahiwalay ako sa kanyang mga bisig. Dahan-dahan akong ibinaba ng lalaki sa isang upuan at naramdaman kong itinali niya ako. Seat belt. Isinakay niya ako sa mukhang mamahaling kotse? Saan niya ako dadalhin? Unti-unti kong idinilat ang aking mga mata. Gumalaw ang sasakyan. Mabilis na tila may hinahabol. Nilingon ko ang driver sa aking tabi. Tila pamilyar ang mukha niya ngunit hindi ko matandaan kung saan ko siya nakita. Nagngangalit ang ekspresyon niya na kahit naka-side view ay napansin kong may mahabang pilikmata. Matangos ang ilong at makinis na mukha. Kung iisipin ay para bang may katabi akong artista. Clean cut ang buhok niya. Parang nararamdaman ko pa ang mga bisig niyang nakayakap sa akin kanina. At gusto ko pang langhapin ang kanyang bango. Gusto ko pang magpakulong sa matipunong katawan niya. At ang kanyang labi... Shit! Anong nangyayari sa akin? Kanina lang ay ipinangako ko sa sariling magpapakatino na ako. Bakit ganito na naman ang naiisip ko? Wala na ba talaga akong pag-asang magbago? Muli ko siyang sinulyapan. Mahaba ang manggas ng kanyang pulang polo. Kasing-itim ng gabi ang suot niyang slacks. Sa hhitsura niyang kagalang-galang, marahil ay may mahalaga itong pupuntahan. Noon ko lang din naalala. May trabaho ako nang araw na iyon at kailangan ko pang makabalik sa bahay. Mag-aalala si Mama. Sa lahat ng maaaring masaktan, hindi ang aking ina. "S-Sandali. Ihinto mo," nasambit ko. Ngunit hindi niya yata ako narinig at patuloy pa rin ang kanyang pagmamaneho. Umayos ako ng upo. Tila nakabawi na ang aking katawan sa pagkabigla at ngayon ay mas maayos na ang aking paghinga. "Ihinto mo, please..." pakiusap ko ulit. Wala siyang narinig. Patuloy siyang nagmaneho. Ni hindi niya ako nililingon. Mabilis ang pagpapatakbo niya ng sasakyan. Kinabahan ako. Saan kami pupunta? Saan ako dadalhin ng hindi kilalang lalaking ito? Kidnapper ba siya? Rapist? Mauulit na naman ba ang nangyari sa akin ilang buwan pa lamang ang nakakaraan? "Ano ba? Ihinto mo sabi!" Mataas na ang boses ko. Sa totoo lang, natatakot ako. Pero hindi ako kailangang magpakita ng takot. Kaya gusto kong maramdaman niyang galit ako. Sino siya na muntik na nga akong masagasaan ay may gana pang mangidnap? Ano ba’ng dapat kong gawin? Bakit tila hinahabol ako ng mga pangyayaring katulad nito? "Sisigaw ako 'pag hindi mo inihinto!" pagbabanta ko. Ayaw ko nang maulit ang pagsama sa isang hindi kilalang lalaki. Hindi maaari. Tama na ang minsang nagkamali ako. Hinding-hindi ko na bibigyan ng karapatan ang kahit na sino na manduhin akong muli! "Sorry miss..." Napasinghap ako. Hindi man luminga sa akin ay may bahid na galit at pag-aalala ang mukha niya. "Hindi ko sinasadya," mahinahong sabi. Parang anghel ang boses niya sa aking pandinig. Hindi ako makapagsalita. Hindi ko alam kung ano ang sasabihin. Humihingi siya ng patawad. At tingin ko ay seryoso siya. Sino ba ako para hindi magpatawad samantalang maayos naman talaga ang pakiramdam ko? Alam ko namang hindi sinasadya ng guwapong lalaking ito na maatrasan ako habang tumatakbo ng matulin. Kasalanan ko rin naman dahil hindi ko tinitingnan ang dinaraanan ko. Masyado akong inookupa ng maraming alaala habang tumatakbo kanina. "O-Okay lang naman ako. Puwede mo nang ihinto. Ibalik mo na lang ako, please..." sabi ko na mababa na ang boses at dumiretso ng upo. Tumingin ako sa harap ng kotse. Gusto ko siyang tingnan pero ewan ko, parang nahihiya ako. "Not unless ma-check up ka ng doktor," sabi niyang unti-unti nang nagmenor. Nakita ko na nasa harap na kami ng isang ospital. Napatanga ako. Mylah, ang sama ng utak mo para isiping masamang tao siya. Pupunta lang pala kayo sa ospital para ma-check kung okay ka! Hindi siya kidnapper at lalong hindi siya rapist! Sa guwapo niyang mukha, sa tingin mo pag-iinteresan ka niya? Magising ka nga. Natampal ko ang sariling noo sa pag-iisip ng masama sa kapwa. Inakalang katulad din ng driver na ito ang lalaking nakamaskara na kauna-unahang umangkin sa aking katawan. Napakabobo ko. "Are you alright? Kaya mo bang maglakad?" pag-aalalang tanong niya na akmang tatanggalin ang nakasuot na seat belt sa akin. "Yeah, yeah, I'm fine..." Dali-daling kong tinanggal ang seat belt na suot para maunahan ko siya. Nagmamadali akong binuksan ang pintuan ng kotse. Kung sasabihin ko ba na hindi ako okay ay bubuhatin niya akong muli at ipapasok ng ospital? Bakit ko naman naisip iyon? Gusto ko bang magpabuhat muli sa estrangherong lalaking ito? Naramdaman ko ang mabilis na pag-alalay niya sa akin. Hawak niya ang siko ko at nakapalibot ang braso sa aking baywang. Hayan na naman. Iyong pakiramdam na tumatayo ang balahibo dahil sa simpleng pagdantay niya sa katawan ko. Ano’ng mayroon sa kanya at ganito ang reaksiyon ko? Hinayaan ko na lamang siya kahit parang naaasiwa ako at may kakaibang nararamdaman sa pag-alalay na iyon. *** PAGLABAS ko ng laboratory ay hindi ko na nabanaag ang lalaking kasama ko kanina. Natingnan na ako ng doktor at alam kong wala namang masamang nangyari sa akin na maaaring ikabahala. Naisip kong itanong sa nurse kung nasaan ang estrangherong iyon. "Ah, umalis lang sandali. May aasikasuhin daw muna at babalik na lang mamaya. Ang bait ng boyfriend mo, Ate. At ang guwapo pa!" Nanlalaki ang matang sabi ng isang payat at masayahing nurse. Hindi ko naiwasang mapakunot ng noo sa sinabi ng nurse. Isa lang ang agad na rumehistro sa utak ko. Boyfriend. Inakala ng nurse na boyfriend ko ang lalaking iyon na ni hindi ko alam kung ano ang pangalan. Kailangan kong malaman kung sino siya. Ayaw ko nang maulit muli ang minsan may isang nakaengkuwentrong lalaki na hindi ko man lang nalaman maski ang pangalan. Napabuntonghininga ako at inalala ang mukha ng driver. Hindi naman masamang mapagkamalan na boyfriend ko siya. Parang may kiliti pa nga akong nararamdaman isiping totoo nga. Guwapo, matipuno at makisig ang driver na iyon na umalis na lang at hindi nagpapaalam sa akin. Katulad din ng lalaking iyon sa bar na walang abog na umalis at iniwan akong nakatanga.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD