CHAPTER 1

1548 Words
Mylah Tibok DITO sa kahabaan ng De Capital Avenue ako tumatakbo tuwing umaga. Suot ang jogging pants na kulay itim at t-shirt na kulay puti. Alas-diyes pa ang pasok ko sa opisina bilang Senior Administrator sa isang kumpanyang kahit hindi gaanong kilala ay maayos naman sa mga manggagawa kung magpasuweldo. Paggising ko ng alas-singko ng umaga ay ihahanda ko na ang aking sarili upang tumakbo sa daang ito na 'di kalayuan sa aming tinitirahang bahay. Sumasabay sa hangin ang aking mahaba at maitim na buhok na itinali ko lamang ng puting panyo habang tumatakbo. Hingal at pawisan na pumapatak na sa aking earphone na suot. Masaya ako sa tuwing pinapawisan at nakadadama ng pagbilis ng t***k ng puso habang tumatakbo. Mas nakalilimutan ko ang mga karanasan sa aking buhay na ayaw ko nang balikan. Pagdilat kasi ng aking mga mata sa umaga, mukha ni Papa ang nakikita ko, habang kahalikan niya ang ibang babae at hindi si Mama. Bigla ay sasagi sa aking gunita ang mukha ng lalaking nakamaskara. Ang mga naganap noong gabing iyon na tila multong sumusunod sa akin. Isang gabi ng kamalian ko na kahit ilang buwan na ang nakararaan ay hindi ko pa rin mabura sa isipan. "Miles, what happened? I haven't heard from you for a very long time." Boses ni Eliese sa kabilang linya na hindi lang sampung beses na tumawag sa akin noong araw na iyon. "I'm sorry, Eliese. Medyo busy lang talaga," sabi ko na itinatago ang totoong dahilan ng hindi na pagsama sa kanya. "Maraming mga friends natin ang naghahanap sa 'yo. Tinatanong pa nga kung saan ka nakatira. Saan ka nag-wo-work? Kung napa’no ka na..." "Please don't tell anyone, Eliese. Hayaan mo, pupuntahan din kita one of these days," sambit ko na nalulungkot din ang boses. Hindi kumibo ang nasa kabilang linya. Hindi ko alam kung ano ang iniisip niya. "Eliese, promise me you're not going to tell anyone where I am or who I am? I'll make it up to you when I see you, okay?" Nagi-guilty din naman ako sa bigla na lang hindi pagpapakita kay Eliese. Pero gusto ko na talagang talikuran ang mga nangyari. "Bakit mo ginagawa ito, Miles? Gusto mo na ba kaming kalimutan?" May halong pagtatampo ang tinig ni Eliese. Sa ilang panahon na nagkasama kami, alam kong naging malapit ako sa kanya. At mahirap makalimutan iyon. Mahirap ding itapon ng ganoon na lamang. "Hindi sa ganoon, Eliese." Huminga ako ng malalim. "Gusto ko lang hanapin muna ang sarili ko. Hindi ko alam kung paano ipaliliwanag sa 'yo pero alam kong maiintindihan mo ako..." Natigilan ako nang magpakawala siya ng malalim na buntonghininga. "Magkaibigan pa rin tayo, 'di ba?" "Hmmm... okay. Sige na nga." Biglang naging masigla ang kanyang tinig. "Siyempre naman, naiintindihan kita. Saka nakaka-miss ka lang kasi talaga.” Parang nabunutan ako ng tinik. Ibang-iba si Eliese sa akin noong nakilala ko siya. Masayahin at mahilig siya sa night life. Dahil na rin sa kinalakihan niya na business ng mga magulang. Kaiba sa akin na noon lamang nakaranas magsasayaw sa dis-oras ng gabi. Umuwi ng bahay ng mag-uumaga na. Tumikhim ng alak, manigarilyo. At ang nakakatawa, nagawang ibigay ang sarili sa kung kanino sa isang lugar na pampubliko. Sino na nga ba ako ngayon? Hindi ko na halos makilala ang aking sarili. Ako, si Mylah Cortez ay iginagalang ng marami dahil mahirap akong abutin. Noong college ako, lahat ng awards ay hinahakot ko. Walang makalapit ni kaibigan, lalo na manliligaw. Lahat naiilang o kaya nahihiya o kaya ay nai-intimidate. Lahat ng gawa ko ay matino. Walang makikitang bahid sa pagkatao ko. Iniisip nilang hindi ako makabasag pinggan. Na malinis ako. Pero s**t, noon iyon. Dahil marumi na ako ngayon. Mabilis ang mga hakbang at pagtalon ng aking mga paa. Mahigit isang kilometro na siguro ang aking natatakbo. Pagkatapos ng gabing hindi ko malilimutan kailanman ay nakapagdesisyon akong itigil na ang pagsama kay Eliese. Kailangan kong muling hanapin ang aking nawalang sarili, buuin ito at kalimutan ang lahat. Tanggapin na nagkakasala si Papa na hindi ko kayang sawatain at mayroon pa akong ina na umaasa at nagmamahal sa akin. Noon, ang gusto ko lamang ay makapag-ipon para sa mga magulang ko na sobrang sipag na nagpaaral sa akin. Kaya nga nakapagtapos ako ng Business Management sa kolehiyo. At ngayon nga, masasabing kulang pa ang mga naitulong ko para masuklian ang mga hirap nila dahil sa akin. Sa sipag ng mga magulang ko at sa kaunting perang naipon, sa tahimik na subdivision na ito kami napadpad. Maraming puno at tahimik. Mapalad kami at natagpuan namin ang lugar na ito. Naaalala ko pa ang tuwa ni Papa noon. "Approved na po ang loan ni Mang Greg!" Narinig ko mula sa telepono nang sagutin ni Mama ang tawag. Nag-loan si Papa sa pinagtatrabahuhang opisina para mabuo ang kakulangang halaga at makapag-down payment lamang para sa bahay namin. Si Mama naman ay nagsa-sideline sa pagtitinda ng beauty products. Busy rin siya sa mga foundations at charity araw-araw na kung saan ay miyembro siya. Masaya, simple at maayos ang aming pamilya. Ang buhay ko noon ay bahay at eskuwela. Nang makatapos ng pag-aaral, naging bahay at opisina naman ang naging araw-araw ko sa buhay. Dahil mataas ang paggalang ko sa aking mga magulang, takot akong masira ang tingin nila sa akin. Pati na ang tingin ng iba. Si Mylah ay masipag, si Mylah ay mahinhin, si Mylah ay matalino... Maganda, kaakit-akit... birhen. Hindi ko pa iniisip ang magkaroon ng karelasyon. May mga nanligaw at nanliligaw pa rin sa akin hanggang ngayon. Pero wala naman akong matipuhan ng lubos. Katuwiran ko, kung titibok ang aking puso, bigla na lamang iyon. Hindi pinipilit, hindi minamadali. Ganito kasimple ang kinalakihan kong buhay. Na nagbagong bigla. Naging magulo. Naging marumi. Naging mapagbalatkayo. Nagtatago sa iba't-ibang lihim na ako lang sa sarili ko ang nakaaalam. Itinatago ang mga saloobin, ang galit at maging pagsisisi. Naalala ko ang maamong mukha ni Jake. Ang kanyang masayahing mga mata. Kung paano kami nagkakilala. Kung paano ko siya pinaglaruan. Kumusta na nga kaya siya? Ni hindi ko alam kung nagpupunta pa siya sa bar nina Eliese. Hindi ko alam kung magkikita pa kami. Kung magkukrus pang muli ang aming mga landasin. Napabuntonghininga ako. Muntik ko na siyang minahal. Kung hindi lang sa isang insidenteng hinding-hindi ko malilimutan. Nang makatapos ako ng college, palaging sinasabi ni Mama na sagutin ko na ang kahit na sino sa mga umaakyat ng ligaw sa akin. Lahat naman ay matitino, may pinag-aralan at may mga maayos na trabaho. Sagot ko palagi, "Malapit na po..." Ngunit hanggang ganoon na lang para lamang tumahimik siya. Kung si Jake ang inibig ko, ano kaya ang nararamdaman ko ngayon? Masaya ba ako? O may galit pa rin kaya ang aking puso? May lakas na kaya akong kumprontahin ang aking ama sa mga kasalanang ginagawa niya? O mas lalo lamang nadagdagan ang pasakit sa dibdib ko? Napabuntonghininga akong muli. Ang pinangarap ko noon ay katulad ni Papa. Mapagmahal sa pamilya, masipag, maalaga at masayahin. Ngunit gumuho lahat ng iyon nang makita ko siyang kasama ng ibang babae. Madaling araw pa rin ang uwi niya tuwing Sabado. Ibig sabihin, patuloy pa rin siya sa pambababae ng Biyernes ng gabi. At walang kaalam-alam si Mama. Mabilis pa rin ang aking mga paa. Mabilis din ang t***k ng aking puso. Sa bawat pagtalon, nararamdaman ko ang hanging dumadampi sa aking mukha. Tila hinahampas ako at pinaparusahan dahil sa mga kasalanan ko. Kung maaari ko lamang ibalik ang lahat. Gusto ko nang magbalik sa dating ako. Iyong Mylah na walang alam sa mundo. Iyong simpleng babae lang. Simpleng mangarap. Mapagpatawad. Hindi marunong magalit. Pero sino ang niloloko ko? Kundi sarili ko. Dahil namamayani ang poot sa dibdib ko. Sinipa ko ang isang ligaw na bato na aking natapakan habang tumatakbo. Gusto kong ibuhos ang galit sa walang buhay na batong iyon. Hindi lamang sa sarili kong ama. Namumuhi rin ako sa aking sarili. Sa tuwing maaalala ko ang mga kalokohang nagawa ko noong sumasama pa kay Eliese ay napopoot ako sa aking sarili. Alam kong walang kasalanan si Eliese. Lahat ay kagagawan ko. Sarili kong desisyon. Walang pumilit sa akin. Totoo, nagkakasala si Papa. Pero katuwiran ba iyon para magrebelde rin ako? Hindi ko na naisip si Mama. Ni hindi ko naisip ang pamilya ko noong gabing ibinigay ko ang sarili sa hindi nakikilalang lalaki. Daig ko pa ang mga babaeng bayaran. Pagkatapos ng nangyari ay iniwan na lamang ako ng lalaking iyon. Nahihiya ako at nagagalit sa sarili dahil nagpaubaya ako. Hindi ko na rin nakausap pa si Jake. Hindi ako karapat-dapat sa kanya. Anong mukha ang ihaharap ko? Nakakahiya ako. Mas naging matulin ang aking pagtakbo. Pakiramdam ko ay hinahabol ako ng aking mga naging kasalanan. Na kahit saan ako pumunta, para silang mga aninong ayaw humiwalay. Binilisan ko pa ang paggalaw ng aking mga paa. Na tila mahuhugasan ng aking pagod ang mga pagkakamaling nagawa ko. Na tila matatakasan ko ang kahapong nagdaan sa buhay ko. Kung puwede ko lang iwan ang lahat ng kahapon, sana ginawa ko na. Takbo pa Mylah. Kalimutan mo ang lahat. Ngunit kahit singbilis ng kidlat pa ang gawin kong pagtakas, hindi ako kailanman makalalabas sa kadiliman. At isang pangyayari pa pala ang muling bubulabog sa buhay ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD