PROLOGUE

483 Words
"Unveil the covers. For the eyes behind the mask lies the true colours of the soul."  ~ Mar Mojica ~ PAULIT-ULIT ang panaginip na iyon sa aking alaala. Pilit ko mang iwaglit ay umuukilkil ang mga pangyayari sa aking utak. Tila umabot hanggang sa aking kaluluwa ang bawat segundo ng mga haplos at mga daing mula sa aming mga bibig. Hinding-hindi ko malilimutan ang gabing iyon na puno ng kapusukan at kasalanan. Ang bawat halik na makapanindig balahibo, ang mga ungol ng pagnanasa na nakikiusap na huwag nang tumigil pa, ang pagdirikit ng aming mga katawan na nag-iinit sa dilim, ang bawat paghinga na napakabilis at ang impit na sigaw na lumabas mula aming mga bibig. Lahat ng iyon ay bumabalik. Sabunutan ko man ang aking sarili upang kalimutan ang gabing iyon ay hindi ito mahawi. Kung sana... kung sana sa ibang pagkakataon naganap ang lahat. Kung sana walang poot sa aking dibdib. Kung sana ang mga sandali ay dahil sa pag-ibig. Maaaring hindi ko nais pang makalimutan ang gabing iyon. Ngunit sa aking puso ay naroroon ang pagkamuhi. Ang galit na tumatarak sa aking dibdib. Kakayanin kong itago ang damdaming ito hanggat kaya ko. Kahit pa sa likod ng isang maskara. Hinding-hindi malalaman ng aking kaniig kung sino ako. Kung ano ang nadarama ko ngayon. Tama na! Sana ay hindi na magbalik pa ang mga alaalang iyon. Alaalang naging bahagi ng aking kahapon na pilit iwinawaksi hanggang ngayon. ~*~*~*~*~*~ Bakit nga ba biglang nagsungit ang panahon? Muli akong napatingin sa kanya. Bumubuhos ang malakas na ulan ngunit tila hindi niya iyon alintana. Nakangiti siyang pumitas ng isang kulay rosas na bulaklak. Sinamyo at napapikit na para bang napakabango ng kanyang tangang halaman. Pakiramdam ko ay naengkanto ako sa ganda niya. Hindi ako makakilos. Ang nais ko na lamang ay pagmasdan ang bawat kilos niya. Ang kanyang basang-basang katawan. Nakita kong tumingala siya sa langit habang dinadama ang bawat patak ng ulan. Nakapikit at nakangiti ang mapupulang labi na lalong nagpatingkad ng kanyang kagandahan. Gusto ko na siyang lapitan. Bumibilis ang pintig ng aking puso. Malamig ang ihip ng umaalimpuyong hangin dahil sa pag-ulan. Gusto ko siyang agawin sa pagkakabasa sa masungit na panahon. Tangayin sa aking mga bisig at haplusin ang kanyang makinis mukha. Hanggang sa unti-unting tumigil ang ulan. Pumalit ang malamig na ihip ng hanging makapanindig balahibo. Isa, dalawa, tatlo... Isa-isa niyang tinatanggal ang mga talulot ng bulaklak. Mga hibla na sumasabay sa hangin at dahan-dahang humahalik sa lupa. Ang tangi kong hiling, huwag nang matapos ang tanawing iyon na nagpagising ng aking malamig na damdamin. Mabilis. Pabilis ng pabilis ang t***k ng aking puso. Nais ko siyang habulin nang bigla siyang naglaho sa aking paningin. Minsan pa. Minsan ko pa sanang mabanaag ang mahiwagang paligid na iyon. Mayakap ang tanawing tila nagmagneto ng aking katauhan. Ngunit bumalik na ang aking lumipad na kaluluwa pabalik sa katawang tumigil sa paghinga.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD