LESSON 02- Handsome Ghost

1728 Words
BELLE’S POV ALAM ko naman na kung paano panandaliang papaalisin o itataboy ang mga kaluluwa at iyon nga ang ginawa ko kagabi bago ako pumasok sa bahay nang magmula ako sa Wellington High. Natutunan ko iyon sa aking Lola Saling na nasa probinsiya sa Quezon. Isa kasi itong kilalang albularya doon at tinuruan niya ako kung paano maitataboy ang mga multo. Ang Lola Saling ko din ang nagpaliwanag sa akin kung bakit nabuksan nang husto ang aking third eye. Ayon kay lola, maaari daw talagang mabuksan ang third eye ng isang tao kapag muntik na itong mamatay. Iyon daw ang maaaring nangyari sa akin. “Tapos mas maganda siguro kung sumali tayo sa mga club. Tutal, last year na natin ito--” Napatigil sa pagsasalita si Monica nang mapansin niyan wala dito ang aking atensiyon. Kasalukuyan kaming nasa cafeteria ng school at kumakain ng lunch. Whole day kasi ang pasok namin. Bigla akong siniko ni Monica. “Hoy! Ano ka ba naman, Belle? Kanina pa ako kwento nang kwento dito pero hindi ka naman pala nakikinig sa akin. Nakakainis ka naman, e!” anito sabay kagat sa sandwhich at inom ng iced tea. Kumurap-kurap ako. “Ha? Ano nga ulit sinasabi mo?” “Wala! Kumain ka na lang at mukhang wala ka namang interes sa mga sinasabi ko.” Mukhang nagtampo na ito ngunit hinayaan ko na lang si Monica. Paano ba naman ay may nakikita na naman akong multo at nasa loob iyon ng cafeteria. Isang payat na babae na panay ang gala doon. Sa tantiya ko ay nasa edad treinta na ito. Okay naman ang hitsura nito, hindi nakakatakot kaya kanina ko pa siya tinitignan. Hindi ko alam ngunit tila may hinahanap ito doon. Ewan ko kung tama ang aking sapantaha. Na-ba-bother lang kasi ako. Tinapos na nila ni Monica ang kanilang lunch. Nang marinig na nila ang tunog ng buzzer ay bumalik na sila sa kanilang classroom para sa huling tatlong subject nila para sa araw na iyon. -----***----- PRINCE’S POV TUMAGOS ako sa pader at pagkatapos niyon ay naglakad ako paakyat sa hagdan. Hindi ko na kailangan pang buksan ang pinto sa aking harapan dahil katulad ng sa pader kanina ay tumagos lang din ako doon. Sumalubong sa akin ang malamig na hanging panggabi sa rooftop ng lumang building sa Wellington High. Dito ako madalas tumambay dahil ito ang aking teritoryo. Sa rooftop na ito kasi ako namatay. Ayaw ko rin kasi makipagsiksikan sa iba pang kaluluwang katulad ko na nakakalat sa iba’t ibang parte ng paaralan. Oo, patay na ako at isa akong kaluluwang hindi malaman kung saan tutungo. Umupo ako sa gilid ng rooftop habang tanaw ko ang kalawakan ng buong paaralan. Nagkalat na naman ang mga multong katulad ko ay tila nakulong na sa loob ng Wellington High. May bata, estudyante, teacher at kung anu-ano pa. Lahat sila ay dito namatay. Lahat ng mga ito ay may unfinished business kaya hindi makatawid sa kabilang buhay. Ako? Wala naman akong unfinished business. Sa ibang paraan kasi ako nagpakamatay. Alam ko naman ang paraan kung paano ako makakaalis sa lugar na ito ngunit sa ngayon ay hindi pa dumarating ang hinihintay ko. Isang tao na bukas at malakas ang third eye na tutulong sa akin. Hanggang ngayon, sa loob ng maraming taon simula nang mamatay ako ay hindi pa rin dumarating ang taong iyon. Nalaman ko ang paraan na iyon dahil sa isang kaluluwa na nakilala ko dito. Si Sarah. Mas naunang namatay si Sarah kesa sa akin. Gusto ko si Sarah at may gusto rin ito sa akin. Aba, multo man ay umiibig din! Isang babaeng may third eye ang tumulong dito para makaalis. Estudyante sa Wellington High. Hinding-hindi ko makakalimutan ang sinabi ni Sarah sa akin bago ito umalis sa lugar na iyon. Anito, kailangan ko din daw makaalis sa Wellington High para magkasama na kami. Nakakainip. Nais ko nang mapunta kung saan ako dapat mapunta. Kung sa langit ba o impyerno. Malamang sa impyerno. Handa na naman ako kung sakali. Dati akong estudyante sa paaralang ito. Taong 2000 nang ako ay mamatay. Tumingala ako sa kalangitan na sinabugan ng napakaraming bituin. “Nasa langit ka kaya, Sarah? Hayaan mo at kapag dumating na ang taong hinihintay ko ay sisiguruhin kong magkakasama na rin tayo gaya ng sinabi mo.” Natigilan ako sabay simangot. “Ang corny! Tss!” Napailing na lang ako sa aking nasabi. Hindi bagay sa akin ang mga ganoong uri ng pagsasalita. Iginala ko na lang ulit ang aking paningin sa buong school at huminto ang aking mata sa may gate. May nakikita kasi ako doong isang babae na nakatayo at tila natatakot. Hindi ko malaman kung papasok ba ito o hindi. Nakatingin ang babae sa loob ng school at kung hindi ako nagkakamali ay natatakot ito dahil puno ng multo ang school ground. Ibig sabihin ay nakikita nito ang mga multo? Bigla akong napatayo. Mukhang dumating na ang aking hinihintay! Akmang aalis na sana ako sa kinauupuan nang may maramdaman akong yumakap sa aking likuran. “Prince! Kanina pa kita hinahanap, 'andito ka lang pala!” Isang maarte at malanding boses ng babae ang narinig ko. “Ano ba, Baby! Bitiwan mo nga ako!” Piksi ko sabay layo dito. Aalis na sana ako sa rooftop pero humarang sa akin si Baby. Si Baby ay isang multo na namatay sa school. Ni-rape ito at hanggang ngayon ay hindi pa rin nito alam kung sino ang may gawa niyon. May gusto ito sa akin at hindi lang basta gusto. Patay na patay siya sa akin. Double dead kumbaga. “Bakit naman aalis ka na agad? Kanina pa kaya kita hinahanap! Namiss ko kaya ang kagwapuhan mo. Your chinito eyes, pointed nose, your lips… everything!” Naka-pout na pagtatampo nito. “Wala ako sa mood para kausapin ka.” “Palagi ka namang wala sa mood when it comes to me. Bakit? Am I not enough? Pangit ba ako? Kapalit-palit ba ako?!” “Yes!” Mabilis kong sagot. “Then why-- Ano?! Bakit yes? Dapat no!” “Wala akong oras para sa kalokohan mo, Baby! Nasa gate na ang taong makkatulong sa akin para makaalis sa lugar na ito!” “What?! Anong aalis? Bakit hindi mo nasabi sa akin--” Nilagpasan ko na lang si Baby at dire-diretsong bumaba mula sa rooftop. Nagmamadali na tinungo ko ang gate ngunit wala na ito doon. Nanghihinayang at bagsak ang balikat na napahawak na lang ako sa bakal na gate at nanlulumong bumalik kung saan ako nanggaling. -----***----- NGUNIT tila nakatakda nga yatang magtagpong muli ang landas namin ng babaeng nakita ko sa gate dahil kinabukasan sa paggagala ko sa school ay nakita ko ito na naglalakad sa hallway. May nabangga pa nga itong isang babaeng estudyante na mukhang mayaman. Hindi ako pwedeng magkamali. Ang babaeng iyon ang nakita ko kagabi. Hindi ko makakalimutan ang medyo chubby nitong pisngi ngunit mamula-mula. Ang inosente nitong mata na para bang palaging nagpapaawa kahit hindi nito sinasadya. Ang kailangan na lang mangyari ay ito ang unang pumansin sa akin upang magkaroon na kami ng connection. Ngunit paano ko kaya iyon gagawin gayong obvious naman na ilag sa mga nakikitang multo ang babae. Sabagay, naiintindihan ko ito kung bakit ito ganoon. Oras kasi na malaman ng mga multo dito sa school na nakakakita ito ay gagambalain na ito ng mga iyon. Kailangan kong mag-isip ng plano… -----***----- BELLE’S POV “HAAAY!!! Finally! Uwian na. First day of school-- done!” At talagang uminat pa si Monica sa harapan ko. Medyo napangiwi ako nang pagtaas niya ng dalawang kamay ay tumaas din ang blouse niya. Na-expose tuloy ang malaki niyang tiyan. Tumingin sa akin si Monica sabay ngiti. “Kung ire-rate mo ako as your first day of school friend, anong rating mo sa akin? One to ten!” aniya. “Hmm… Seven.” Hindi nag-iisip na sagot ko. Parang wala naman kasing kwenta mga sinasabi niya. Sinasakyan ko na lang bilang ito lang ang naglakas ng loob na makipagkaibigan sa akin. Siguro naman pag nagtagal ay masasanay na rin ako sa ugali niya. “Ay, pwede na. Pasado na rin naman. Uwi na tayo? Teka, saan ka ba nakatira?” “Sa Sunville.” “Ay, sa kabilang subdivision ako, e…” “'Buti naman…” bulong ko. “What?” “Ah, ang sabi ko… bote. Tama, bote! Maraming bote sa bahay. Ibebenta ko sa junk shop.” Pagsisinungaling ko. Para kasi sa akin ay mas mabuti na malayo ang bahay nito sa bahay namin dahil feeling ko ay sabik sa kaibigan si Monica. Baka halos araw-araw ay nasa amin ito kapag nagkataon. Tumawa si Monica. “Ang weird mo! Tara na nga!” At ito pa talaga ang may ganang sabihin na ako ang weird, ha. -----***----- HINALUGHOG ko na ang buong bag ko ngunit hindi ko pa rin makita ang aking notebook sa English. “Nasaan na ba 'yon?” turan ko. Nasa silid ko na ako at katatapos lang ng aming dinner. Oras na para gawin ang aking assignments. Hindi kasi pwedeng mawala iyon dahil may assignment kami sa naturang subject. Nakakainis nga dahil unang araw ng pasukan ay binigyan agad kami ng assignment. First subject namin ang English kaya hindi pwedeng hindi ko agad iyon gawin ngayon. Napabuga na lang ako ng hangin nang hindi ko talaga makita ang hinahanap. Nag-isip ako… “Hindi kaya…” Mabilis akong tumayo at kinuha ang flashlight at crucifix sa ilalim ng aking unan. Bumaba ako ng hagdan nang nagmamadali. “Belle, saan na naman ang punta mo? Gabi na, a.” puna ni Mama na nakatabi ang Papa ko sa sofa habang nanonood ng TV. “Sa classmate ko lang po. Manghihiram ng notes.” tumigil ako saglit sa tabi ng mga ito. “Okay. Gusto mo bang samahan kita?” ani Papa. “'W-wag na po. Kaya ko na po ito. Sige po. Mag-iingat po ako!” Kumaway pa ako sa kanila bago tuluyang lumabas ng bahay. Kinuha ko ang aking bisikleta sa may garahe at iyon ang ginamit ko para mas mabilis na makapunta sa pupuntahan ko. Hindi naman talaga ako pupunta sa bahay ng classmate ko. Malakas kasi ang kutob ko na naiwanan ko sa classroom ang aking English notebook!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD