CHAPTER ONE- The Accident

1452 Words
SIX MONTHS EARLIER… HALOS kalkalin na ni Sheena ang pati ang kailaliman ng basurahang nakita niya sa gilid ng kalsada sa pag-asang may makikita siya doon kahit tira-tirang pagkain. Limang araw na siyang gumagala sa kalakhan ng Maynila at limang araw na rin siyang walang matinong kain. Mga tirang pagkain sa basurahan o kaya ay pagkain na hinihingi niya sa mga taong makikita niya ang inilalaman niya sa kanyang tiyan sa loob ng mga araw na iyon hanggang ngayon. Maswerte na siya kung may magbibigay pero madalas ay wala. Titingnan pa siya ng iba na para bang isa siyang nakakdiring langaw na dapat bugawin palayo. Hindi naman sana ito mangyayari sa kanya kung hindi dahil sa amain niyang si Lando. Matanda na ito pero ubod pa rin ng libog. Habang wala ang kanyang nanay at naliligo siya sa banyo ay pwersahan siya nitong pinasok doon. Pinaghalik-halikan siya at ang gusto nito ay magtalik sila. Siyempre, ayaw niya. Lumaban siya. Pinukpok niya ng panghilod na bato si Lando sa likod ng ulo nito. Walang malay at duguan ang ulo na bumagsak ito sa basang sahig ng banyo. Nataranta siya kaya naman nagmamadali siyang nagbihis at umalis sa bahay nila na ang tanging dala ay ang alkansiya niyang kawayan na may laman na ilang barya. Ang nasa isip lang niya ay ang makalayo agad bago pa dumating ang nanay niya. Inakala niya kasi na napatay niya si Lando. Mahal na mahal ng nanay niya ang pangalawa nitong asawa at sigurado siyang ito ang kakampihan nito sa nangyari. Walang duda iyon. Ang masaklap pa nito, baka ipakulong pa siya ng sarili niyang ina kung napatay niya ang manyakis na si Lando. Mula sa bahay nila ay dinala siya ng mga paa niya sa bus station. Sumakay siya sa isang bus na papuntang Maynila. Malayo ang lugar na iyon sa kanila kaya iyon ang napili niyang puntahan. Sa mismong bus ay binuksan niya ang alkansiya at sumabog pa nga ang mga barya sa sahig. Mag-isa siyang namulot habang tumutulo ang luha at uhog niya. Wala man lang nangahas na tulungan siya. One hundred ninety seven pesos. Iyon lahat ang baryang meron siya. Ayon sa kundoktor ay hindi sapat iyon para madala siya sa huling bus stop pero pumayag ito na kung saan lang aabot ang pera niya ay doon siya ibababa. Masakit man sa damdamin ni Sheena ay ibinayad niya sa kundoktor ang lahat ng pera na meron siya. Habang inaabot niya iyon sa kamay ng kundoktor ay bumalik pa nga sa kanyang alaala kung ilang timba ang binuhat niya para lang mabigyan ng barya ng kanyang mga kapitbahay. Madami nga ang nagsasabi sa kanya na sayang daw ang ganda niya kung magiging agwadora lang siya. Nginingitian na lamang niya ang mga ito. Sa kanya naman ay walang kaso kung mabigat ang trabaho niya basta ba kumikita siya sa marangal na paraan at sa sarili niyang pawis at pagod. Pero ngayon, sa isang pitik lang ay nawala lahat ng ipon niya. Pambili pa naman sana niya iyon ng cellphone na android. Iyong may f******k, Skype at pang-chat gaya ng nakikita niya sa mga kapitbahay niya na meron niyon. Gusto niyang gayahin si Madel. Iyong pangit na babae na nakatira sa lugar nila. Halos isang linggo ring laman ng umpukan at tsismisan si Madel dahil sa swerteng bumagsak dito. Nakapangasawa lang naman ito ng ubod na yamang Canadian nang dahil sa pakikipag-chat nito at gusto niya na ganoon din ang mangyari sa kanya. Pero malabo nang mangyari iyon. Nagsisimula pa nga lang siyang mag-ipon pambili ng cellphone ay naubos na agad iyon. Iyak siya nang iyak sa biyahe habang nakatingin siya sa labas ng bintana. Alam niyang gusto na siyang kausapin ng katabi niyang lalaki kung bakit siya umiiyak pero hindi nito iyon ginawa. Bagkus ay natulog na lang ito. Ngayong wala na siya kahit piso ay hindi niya alam kung paano siya mabubuhay sa Maynila. Hindi naman siya tapos ng high school. Sa edad niyang disi-siyete ay Grade Six lang ang natapos niya. Pero marunong naman siyang magbasa at magbilang. Namatay na kasi ang tatay niya ng panahong iyon at nahinto na rin siya sa pag-aaral. Ang dalawang nakakatanda niyang kapatid na mga babae rin ay hindi na nila kasama. Ibinahay na ang mga ito ng mga asawa nito. Ang isa ay sa Davao at ang isa naman ay sa Antique. Matapos ang halos anim na oras na biyahe ay ibinaba siya ng kundoktor ng bus sa tapat ng isang mall. Star Mall Alabang ang nakalagay. At ngayon, heto siya. Nasa lansangan ng kalawakan ng Maynila at wala siyang ideya sa kung saang parte na siya ng Maynila naroon. Basta maraming sasakyan, matataas na gusali at mga taong tila lahat ay nagmamadali. Naglakad nang naglakad na lang kasi siya simula nang makababa na siya ng bus na iyon. Walang direksiyon. Halos magalugad na niya ang kailaliman ng basurahan pero kahit isang piraso ng buto ng manok ay wala siyang makita. Kahit sana isang piraso ng butil ng kanin ay umaasa siyang makakakuha siya pero wala. Talagang pinagdadamutan na siya ng tadhana. Pinanghihinaan ng loob ng napaupo na lang si Sheena sa gilid ng kalsada habang nakatingin sa kawalan. Gusto niyang maiyak sa sobrang awa sa kanyang sarili pero naubos na yata pati ang luha niya sa kakaiyak ng mga nakaraang araw. Huminga siya ng malalim at naglakad-lakad ulit. Hindi siya pwedeng panghinaan ng loob dahil kapag nangyari iyon ay baka mamatay na siya. Kailangan niyang lumaban. Pero mukhang hindi na niya talaga kayang labanan pa ang pagkalam ng kanyang tiyan. Kinakain na yata ng malaki niyang bituka ang maliliit niyang bituka. Parang may nag-aaway na mga sawa sa loob ng sikmura niyang walang laman. Hanggang sa mapadaan siya sa tapat ng food cart na may tindang mga fishballs at kikiam. Napalunok si Sheena habang nakatingin sa mga fishballs at kikiam na nakatusok na sa sticks. Umuusok-usok pa ang mga iyon. Masarap kainin ang kikiam kapag mainit-init pa ito. Iyong mapapaso nang konti ang dila mo habang nginunguya mo iyon. Kinuha ng isang matabang ale ang isang stick na puno ng kikiam. Isinawsaw nito iyon sa matamis na sauce at hinipan para lumamig. Muli siyang napalunok. Gutom na siya. Kailangan na niyang kumain. Hindi na nagdalawang-isip pa si Sheena. Mabilis niyang hinablot sa matabang ale ang stick ng kikiam at itinakbo iyon. “Magnanakaw!!! Kikiam ko!!!” Malakas na sigaw ng ale. Tumakbo nang tumakbo si Sheena habang isa-isa niyang ipinapasok sa bibig ang piraso ng kikiam. Nang maubos niya ang sampung piraso dinilaan pa niya ang stick dahil may sauce na kumapit doon. “Aray!” Daing niya nang masalubsob ang dila siya sa stick. Nalasahan niya agad ang dugo mula sa sugat na nilikha ng stick na dinilaan niya. Akmang itatapon na niya ang stick nang may biglang humawak sa balikat niya. Napigilan siya nito sa pagtakbo ng isang lalaki. “Huli ka! Pati ba naman kikiam ay ninanakaw—“ Hindi na naituloy pa ng lalaki ang sasabihin nito dahil sa pagkabigla niya ay naisaksak niya sa braso nito ang stick. Nabitawan siya nito at malakas na sumigaw. Nanlaki ang mga mata ni Sheena nang makita niya ang stick na nakatusok sa braso ng lalaki. Kahit siya ay nagulat sa nagawa. Hindi niya iyon sinasadya. Nabigla at nagulat lang siya! “S-sorry po, kuya! Sorry!” aniya at muling tumakbo palayo. Narinig niya na nagsisigaw ang lalaki. Pinapahabol siya nito sa mga tao. Mas binilisan na lang niya ang pagtakbo. Sinuong niya ang pagtawid sa kalsada kahit na nag-uunahan ang mga sasakyan doon. Isang kulay puting van ang nakita niyang tinutumbok ang kanyang kinaroroonan. Gusto sana niyang ihakbang ang kanyang mga paa ngunit hindi na niya maigalaw ang kahit na anong parte ng kanyang katawan. Katapusan ko na? Mamamatay na ba ako? tanong niya sa kanyang sarili habang hinihintay ang pagbangga ng sasakyan sa kanyang katawan. At naramdaman niya ang pagtama ng unahan ng van sa kanyang katawan. Tumalsik siya sa kung saan at nagpagulong-gulong. “Nabangga iyong babae!” Ang matinis na sigaw na iyon ng isang babae ang narinig ni Sheena bago siya tuluyang bawian ng malay-tao. -----***----- ISANG lalaki na nakasuot ng maduming maong na pantalon at rubber shoes ang naglalakad sa kagubatan. Wala siyang pang-itaas na damit. Brusko ang ayos at mukha niya. May mga natuyong putik sa kanyang katawan. Medyo makapal ang kanyang balbas at bigote at ang kanyang buhok ay magulo. Hindi siya tumigil sa paglalakad hanggang sa marating niya ang isang abandonadong bahay sa gitna ng kagubatan. “Alam kong babalik kayo sa bahay na iyan at kapag nangyari iyon, isa-isa ko kayong papatayin!” Matalim ang mga mata na sabi niya habang nakatingin sa naturang bahay.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD