CHAPTER TWO- The Couple

1932 Words
“MASDAN mo siya, Gener. Kamukhang-kamukha siya ni Kayla!” Nagulat si Sheena nang pagmulat niya ng kanyang mga mata ay isang may edad na babae at lalaki ang nakita niyang nakatunghay sa kanya at magiliw siyang tinitingnan. Nakahawak pa ang babae sa dibdib nito. Sa pananamit ng dalawa ay nahinuha niyang mayayaman ang mga ito. “Oo nga. Tama ka, Perlas. Kamukha nga niya ang nasira nating si Kayla!” Medyo nangingilid pa ang ang luha ng lalaki. Gener? Perlas? Sino ba ang dalawang ito? Ang huli niyang natatandaan ay hinahabol siya ng isang lalaki dahil nagnakaw siya ng kikiam. Tapos tumawid siya ng kalsada at nabundol siya ng isang puting van. Matapos niyon ay wala na siyang naalala pa. “Nasaan po ako? Sino po kayo?” tanong niya habang iginagala ang mata sa paligid ng silid na kinaroroonan niya. Malaki ang silid o mas tamang sabihin na kwarto kung nasaan siya ngayon. Mas malaki pa sa bahay nila sa probinsiya. Hindi siya marunong tumingin sa presyo ng mga kagamitan pero sigurado siyang lahat ng gamit na naroon ay mahal. Pati ang kama na hiihigaan niya ay malaki rin. Kahit siguro sampung tao ay magkakasya sa paghiga dito. Manghang-mangha si Sheena sa karangyaang minamalas ng kanyang mata. Sa ayos ng kwarto ay parang wala siya sa Pilipinas. Parang nasa bansang Spain siya. Ganoon ang pakiramdam niya. Parang iyong napapanood niya sa telebisyon. “Ako si Mrs. Perlas Clemente.” Pagpapakilala ng babae. “At ito naman ang asawa ko na si Mr. Generoso Clemente. Kami ang nakabangga sa’yo. Pasensiya ka na talaga. Dito ka na lang namin dinala sa bahay namin tutal naman ay kasama namin sa sasakyan kanina ang family doctor ng aming pamilya. Siya ang naglapat ng lunas sa iyo.” Kung ganoon ito ang sakay ng van na bumangga sa kanya na muntik nang pumatay sa kanya. Hanggang sa may naisip si Sheena. Mayaman ang dalawa, sigurado siya doon. Kailangan niya ng pera at may atraso ang dalawa sa kanya. Pwedeng-pwede niyang perahan ang dalawang ito! Hindi niya iyon gawain pero mukhang kailangan na niyang gawin para maka-survive lang. “Bakit dito niyo ako dinala? Bakit hindi sa ospital—aray!” Babangon sana siya ngunit napahiga ulit siya nang may biglang kumirot sa bandang balakang niya nang gumalaw siya. Nag-aalala naman na dinaluhan siya ni Mrs. Clemente. Inayos nito ang unan niya at hinaplos-haplos siya sa braso. “Huwag ka munang gumalaw, iha. Ang sabi ng doktor ay mga isang linggo pa bago mawala ang sakit sa balakang mo. Mabuti na lang talaga at salamat sa Diyos dahil iyan lamang ang tinamo mo. Isang himala talaga dahil ang layo ng pagtilapon mo.” Pinagsalikop pa nito ang dalawang kamay at tumingala sa itaas na akala mo ay nagdadasal. Umupo pa ito sa gilid ng kama sa tabi niya. “Ano nga palang pangalan mo, iha?” tanong sa kanya ni Mr. Clemente. “Sheena Marquez.” “Ilang taon ka na?” “Seventeen.” “Naku, Generoso! Ka-edad niya si Kayla natin kung buhay pa siya…” Si Mrs. Clemente naman ang nangilid ang luha ngayon. Parang naiiyak ito sa tuwa nang sabihin niya ang kanyang edad. Sino kaya ang tinutukoy ng dalawa na Kayla? Kanina pa niya kasi naririnig ang naturang pangalan. Pinilit ni Sheena na maisandal ang likod sa headboard ng kama kahit may kirot sa balakang niya kapag gumagalaw siya. Inalalayan pa siya ni Mrs. Clemente pero sinenyasan niya ito na kaya niya at okay lang siya. “K-kailangan niyo akong bayaran.” Matigas ang mukha na sabi niya. Kinapalan na lang niya ang mukha at nilunok ang hiya nang sabihin niya iyon. “Sa ospital niyo ako dapat dinala, hindi dito. Kapag h-hindi niyo ako binayaran ay… ay…” Hindi pa man tapos magsalita si Sheena ay kinuha na ni Mrs. Clemente ang napakaganda nitong pitaka. Natigilan tuloy siya nang makita niya ang lilibuhing pera nito doon. “Alam kung hindi ito sapat pero kapag kulang pa iyan ay pwede ko namang dagdagan, Sheena.” Inabot nito ang ilang piraso ng tig-iisang libo na papel. Nanginginig ang mga kamay na kinuha niya iyon. Hindi na niya iyon binilang dahil nahiya na siya. Isinilid na lang niya iyon sa bulsa ng kanyang pantalon. “Iiwanan ka muna namin dito, ha. Magpahinga ka. Kailangan mo iyon para makalakad ka na ng maayos.” Medyo nagulat pa siya nang hagkan siya ng ginang sa noo bago ito lumabas kasama ang asawa nito. Pagkasara ng pintuan ng silid na iyon ay naulinigan ni Sheena ang pag-uusap ng dalawa sa labas. “Kamukhang-kamukha siya ni Kayla natin! Magkatulad pa sila ng edad.” “Pero, Perlas, hindi siya si Kayla. Siya ay si Sheena. Baka iniisip mo na siya ang namayapa nating anak…” “Alam ko, alam ko. Hindi siya si Kayla pero parang gusto ko siyang ampunin, Generoso!” “Ampunin? Paano ang pamilya ni Sheena? Mabuti sana kung pumayag sila sa gusto mo.” “Iyon naman ay naisip ko lamang…” Naghintay pa ng ilang segundo si Sheena pero wala na siyang narinig pa. Umalis na siguro ang mag-asawa. Napaisip tuloy siya. Ngayon ay malinaw na sa kanya na ang tinutukoy ng dalawa na Kayla ay ang namatay nitong anak na kamukha at kaedad pa niya. Hindi niya alam pero nakaramdam siya ng saya nang sabihin ni Mrs. Clemente na gusto siya nitong ampunin. Sa edad niyang ito ay may gusto pa talagang umapon sa kanya. Ang alam niya kasing inaampon ay iyong mga bata pa. Tinanggal na ni Sheena sa utak niya ang usapan na iyon ng mag-asawang Clemente. Kinuha niya ang pera na ibinigay ni Mrs. Clemente sa kanya at binilang. “Sampung libo…” Hindi makapaniwalang bulong ni Sheena. Kaylapad ng ngiti niya nang ibalik niya iyon sa kanyang bulsa. Kailangan na niyang magpagaling para makaalis na siya sa bahay na ito at para magamit na niya ang perang iyon. -----***----- BAGO pa man makaramdam ng gutom si Sheena pagsapit ng gabi ay isang kasambahay ang pumasok sa silid upang dalhan siya ng hapunan. Nalaman niya na Felina ang pangalan nito. Nagpakilala kasi ito sa kanya. Medyo masungit ang aura at tipid ang ngiti. Roasted chicken, chopseuy, kanin at may soup na hindi niya alam ang tawag ang pagkain niya. May fresh orange juice pa siya at kasama na rin ang tatlong tabletas ng gamot na alam naman niyang para sa kanya. Para siguro hindi na kumirot ang balakang niya ang mga iyon. Magana niyang inubos ang hapunan niya. Hindi na siya nahiya kahit nakabantay pa si Felina. Sarap na sarap kasi siya sa pagkain. Sa kanila kasi, madalas ang ulam ay tuyo, pritong itlog o hindi naman kaya ay instant noodles. Matapos kumain ay ininom na niya ang gamot. At doon lang lumabas si Felina. Halos hindi makatulog si Sheena nang gabing iyon. Nalalasahan pa rin niya kasi ang roasted chicke na ulam niya kanina. At hindi rin maalis sa isip niya kung paano niya gagastusin ang sampung libo na meron siya. Siguro ay kukuha muna siya ng maliit na bahay na pansamantalang matitirahan niya. Tapos magnenegosyo siya at bibili ng konting damit. Kailangan niyang maging matalino sa paggastos ng pera dahil iyon na lang ang meron siya. Alangan naman na magpabangga ulit siya. Baka sa sunod ay hindi na siya swertihin at matuluyan na siyang mamatay. -----***----- ANG nakakasilaw na sinag ng araw ang gumising kay Sheena kinabukasan. Umaga na pala. Umungot siya dahil antok pa siya. Hindi na kasi niya alam kung anong oras siya nakatulog kagabi. Bukod sa ang dami niyang iniisip at namamahay din siya. Pero naisip ni Sheena na kailangan na niyang umalis sa bahay na ito dahil medyo nakakahiya na rin. Naperahan na nga niya ang mga ito, magtatagal pa ba siya dito? Masyado na yatang abuso iyon para sa parte ng mabait na mag-asawa. Ini-expect niya na pagtayo niya ay masakit pa rin ang katawan niya pero himalang wala. Bumalik na sa normal ang katawan niya. Wala nang masakit o kakaiba. Mukhang magaling ang mga gamot na ininom niya kagabi. Senyales na nga siguro ito para umalis na siya. Naglakad siya papunta sa malaking salamin na nasa dingding. Okay pa naman ang ayos niya. Nagtanggal na lang siya ng muta sa mata. Nagpalinga-linga siya. Isang pintuan ang kanyang binuksan. Banyo pala. Pumasok na rin siya upang maghilamos at makigamit ng mouthwash. May toothbrush naman siyang nakita pero nakakahiya naman kung pati iyon ay gamitin niya. Mamaya pala ay merong may-ari niyon. Lumabas na siya ng kwartong iyon. Mas lalong namangha si Sheena nang malaman niya na nasa ikalawang palapag siya ng bahay. Parang palasyo iyon sa sobrang laki. Nakakalula ang malalaking paintings na nakasabit sa dingding. At bawat muwebles ay may kulay gintong disenyo! “Yayamanin!” Hindi napigilang ni Sheena na maibulalas ang salitang iyon habang paikot-ikot ang mata sa paligid. Hindi ito bahay kundi mansion! “Good morning, iha! Mabuti naman pala at gising ka na!” Nagulat si Sheena nang biglang magsalita si Mrs. Clemente mula sa likuran niya. Nang humarap siya dito ay sinalubong siya ng maaliwalas nitong mukha. Doon niya napagtanto na parang ang sarap nitong maging nanay. Parang ang bait-bait nito at maalaga sa anak. “G-good morning din po, Mrs. Clemente.” Nahihiyang ganting-bati niya. Lumapit ito sa kanya at hinawakan siya sa braso. “Okay na ba ang pakiramdam mo? Wala na bang masakit sa’yo?” “Wala na po. Mahusay ang gamot na ipinainom niyo sa akin kagabi.” “Salamat naman… Ang mabuti pa ay pumunta na tayo sa komedor upang maghapunan. Naroon na si Generoso.” “Naku, hindi na po. Aalis na po kasi ako, e.” Sa sinabi niyang iyon ay biglang nangilid ang luha ng ginang. “H-hindi na ba kita mapipigilan? Inaasahan ko pa naman kagabi pa na makakasama ka namin sa hapag-kainan ngayong umaga. Tapos aalis ka na pala, iha.” Napabuntung-hininga na lang siya. Bigla tuloy siyang nakonsensiya. “Okay po. Sasaluhan ko kayo sa almusal. Pero pagkakain ay aalis na po ako.” Nasisiyahan na pinalis ni Mrs. Clemente ang luha sa gilid ng mga mata nito. “Labis mo akong pinasaya, Sheena! Halika ka na sa komedor. Alam kong gutom ka na.” Magkahawak-kamay silang dalawa na bumaba sa hagdan at pumunta sa kainan. Ganoon na lang ang pagkatakam ni Sheena nang makita niya ang mga pagkaing nakahain sa mahabang lamesa. Parang fiesta at hindi almusal. May priotng hotdog, itlog, bacon. May sinangag na umuusok pa. Meron ding pancit at kung anu-ano pa na ngayon lang niya nakita. Mabuti na lang pala at hindi ako tumanggi. Ang daming pagkain! Natutuwang sabi niya sa kanyang sarili. “O, 'andiyan na pala kayong dalawa. Halina kayo at kumain na tayo ng almusal,” sabi ni Mr. Clemente matapos nitong ibaba ang binabasang dyaryo. Sa kabisera ito nakaupo. Siya naman ay iginiya ni Mrs. Clemente sa kaliwang upuan na pinaka malapit kay Mr. Clemente habang ito naman ay sa kanan na pinaka malapit na upuan dito. Akmang tutusok na siya ng hotdog gamit ang tinidor nang mahinang tinampal ni Mr. Clemente ang kamay niya. Nagtataka tuloy na napatingin siya dito. “Bakit po?” tanong niya. “Magdadasal muna tayo…” Nakangiti nitong sagot sa kanya. “O-okay…” Iyon na lang ang nasabi niya at hindi na niya itinuloy ang pagkuha ng pagkain. “Sa ngalan ng ama, ng anak…” At sumunod na lang si Sheena sa pagdadasal ng dalawa.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD