Chapter 2

1236 Words
Chapter 2 Tinignan ko ang mga katabi ko na mahimbing na natutulog sa kanya-kanya naming pwesto. Alas-tres na ng madaling araw. Hindi ako makatulog nang maayos sa problema na kinakaharap ko. Sa tuwing iniisip ko na sasabihin ko kay Mama ang kundisyon ko ngayon, hindi ko maiwasang ma-disappoint din sa sarili ko. Bumangon ako sa higaan ko at pumunta sa kusina para kumuha ng tubig. Nagugutom na rin ako at may gusto akong kainin na ‘di ko maintindihan. Buntis ako at si Don ay hindi na ulit nagparamdam sa ’kin. Tinatawagan ko siya nang tinatawagan pero hindi n’ya ako sinasagot. Sa tuwing nag-cha-chat naman ako sa kanya ay ‘di man lang niya ma-seen ang mga message ko. “Bakit gising ka pa?” Muntik ko nang mabitawan ang hawak kong baso nang makita ko si Mama na pababa mula sa second floor. “Nauhaw lang ako, Ma,” maiksi kong sabi bago umalis ng kusina. Hindi ko kayang makita si Mama. Sa tuwing nakikita ko siya, pakiramdam ko ay wala akong kwentang anak. Totoo nga siguro ang bansag nila sa ’kin dito sa bahay. Isang black sheep, black sheep ng pamilya na walang ginawa kundi magbigay ng sakit ng ulo. “Aminin mo nga sa ’kin. Buntis ka ba?” Napatingin ako kay Mama. Paano n’ya nalaman? “M-Ma,” tawag ko sa kanya, ramdam ko na ang matinding takot at kaba. Paano n’ya nalaman? Napahawak ako sa tyan ko bago dahan-dahang lumapit kay Mama at agad s’yang niyakap. Nag-umpisa na ring tumulo ang mga luha ko na palagi kong pinipigilan para hindi sila makahalata. “Ma, sorry. Sorry, Mama,” tanging lumabas sa bibig ko habang yakap ko si Mama. Isa akong malaking disappointment sa kanya. Alam ko na isa ako sa inaasahan n’ya katulad ni Ate pero ngayon, wala na. “Buntis ka?”  Tumango ako bago humikbi. Hinihintay ko na itulak n’ya ako at sampalin pero niyakap n’ya lang ako. Naramdaman ko ang unti-unting paglalim ng paghinga n’ya. Umiiyak si Mama. Agad akong bumitaw sa yakap at hinawakan ko ang tyan ko. “Buntis ako, Ma,” tanging nasabi ko at tuluyan nang napaupo si Mama. “Bakit? Ching, anong ginawa mo sa buhay mo?”  Wala akong masabi. Natameme ako sa bawat tanong ni Mama. Bakit ko ba nagawa ‘to? Bakit ako nagpabuntis. “Disi-otso ka pa lang, Ching. Anong ibubuhay mo sa anak mo? Alam mo na walang itutulong ang ama mo kapag nalaman n’ya ‘yan.”  Niyakap ko ulit si Mama. “P-Paano mo nalaman, Ma?" kinakabahan kong tanong. Alam na ba ni Ate? “Anak kita. Galing ka sa ’kin. Simula nang lumabas ka sa ’kin, ako na ang kasama mo. Kilalang-kilala kita, sa kilos, pananalita, at pag-iisip mo. Ina ako, ina mo ‘ko, kaya kahit hindi mo sabihin, alam kong may problema ka,” mahabang sabi ni Mama. “Ma, sorry, Ma. Nasira ko ang mga pangarap mo sa ‘kin, ang pangarap n’yo ni Ate para sa ‘kin,” umiiyak kong sabi bago ako mahigpit na yumakap kay Mama. Akala ko, akala ko hindi n’ya ako napapansin dahil puro si Ate na lang ang pinagtutuunan n’ya ng pansin. At ako? Palagi na lang akong pinapagalitan, sinisigawan at laging pinapangaralan pero mali ako. Lahat kami, ‘di ko lang nakikita, pero tahimik n’yang inoobserbahan. “Masakit sa ’kin ang nangyari sa ‘yo, Ching. Pakiramdam ko wala akong kwentang ina, pakiramdam ko naging kulang pa ako sa pangangaral sa inyo.”  “Ma, natatakot ako. Baka patayin ako ni Papa kapag nalaman n’ya na buntis ako.”  Laging sinasabi sa ’min ni Papa na isang pagkakamali lang, aalis na kami sa bahay at walang makukuhang tulong sa kanya. Nagkamali ako. Hindi ko na alam ang gagawin ko. “Talagang papatayin ka ng ama mo. ‘Yong ate at mga kapatid mo, sobrang maaapektuhan sa ginawa mo. Ching, bakit ‘di ka nag-iisip at nakikinig sa ’kin? Anong ginawa mo sa sarili mo?”  Hindi ko rin alam, Ma. Hindi ko alam na aabot ako sa point na ‘to. Nag-iingat naman kami pero bakit naging ganito? Bakit parang iniwan n’ya ako sa ere. “Umalis ka na rito sa bahay,” sabi ni Mama bago humiwalay sa ‘kin. “M-Ma.” Mas lalong bumigat ang pakiramdam ko sa sinabi ni Mama. Ibig sabihin ay hahayaan n’ya na rin ako?  “Umalis ka na rito bago malaman ng ama mo ang kalagayan mo. Kakausapin ko ang Tita Inday mo. Doon ka muna sa kanya. Kapag nalaman ng papa mo na nandito ka pa, hindi ka makakalabas nang walang latay,” sabi ni Mama bago tumayo.  Sumunod lang ako sa kaniya at patuloy na pinupunasan ang luha ko. “Ma, paano ang pangarap ko?”  ‘Yong mga pangarap ko at pangarap nila sa ’kin. Paano na ako? “Sana naisip mo ‘yan bago mo gawin ang kalokohan mo, Ching. Wala akong pwedeng maitulong sa ’yo kundi ilayo ka lang at itakas ka sa papa mo pero pagdating sa pera, wala.” Napayuko na lang ako. Bakit ako lang ang kumakaharap ng problema ko? Bakit pakiramdam ko, sobra na ako sa pamilya ko. “Ipapalaglag ko na lang ‘to, Ma. Ayaw ko nito,” hindi nag-iisip na sinabi ko. Kung ito lang ang nag-iisang paraan para mawala ang problema na ‘to, kung ang pagkawala lang ng bata sa tyan ko ang lulutas ng lahat ay gagawin ko. “Nasisiraan ka na ba? Ching, ina ka na! Hindi pa man lumalabas ‘yan sa ’yo, may responsibilidad ka na! Kung ‘yan ang solusyon mo sa problema mo ngayon, hindi ako papayag. ‘Yan ang ‘wag na ‘wag mong gagawin. Kasalanan ‘yan, hindi lang sa batas ng tao kundi pati na rin sa mata ng Diyos!” Wala akong magawa kundi ang yumuko. Natatakot ako. Natatakot ako sa pwedeng mangyari. Alam ko na ang susunod nito. Mag-aaway sina Mama't Papa nang dahil sa ’kin, dahil sa kapabayaan ko. Madadamay pati na rin sila Ate. Kung noong wala pang nagkakamali sa ’min ay sobra na kaming ibaba ni Papa, paano pa kaya ngayon? Baka hindi na patuluyin si Ate sa kolehiyo. Kapag nangyari ‘yon, pati si Ate ay magagalit sa ’kin. Ang laki kong disappointment. Sobrang laki. “Anong gagawin ko, Ma?” tanong ko kay Mama na hindi pa rin tumitigil sa pag-iyak. “Mag-impake ka. Pupunta ka sa tita mo. Kakausapin ko siya. Hahanap ako ng pera saka ka pumunta sa Mindanao. Wala akong pangpa-aral sa ’yo kaya kung gusto mo mag-aral, maghanap ka ng paraan para sa sarili at anak mo,” mahabang sabi ni Mama. Naupo ako sa tabi ni Mama, niyakap ko siya at muling umiyak sa kanya. “Ma, sorry.”  Sorry, Mama.  Kung ‘yon ang sa tingin mong ikabubuti, gagawin ko. Umiyak lang ako kay Mama. Sabay kaming umiyak. Umiiyak si Mama nang dahil sa ’kin at ako, umiiyak dahil sa sobrang disappointment ko sa sarili ko, pati na rin sa pag-iyak ni Mama. Sa tingin ko, wala talaga akong kwentang anak.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD